Isang mahabang katahimikan ang bumalot sa buong library. Hindi agad magawang sagutin ni Niccolo ang tanong ni Abbey. Isang bagay na mas nagpapalala pa sa nararamdamang inis ng babae. Nag-iisip pa ba ito ng sagot? Ng palusot? Ano kaya ang tumatakbo sa isip nito ngayon? “Wala ka na bang ibang sasabihin? Hindi mo man lang ba ipagtatanggol ang sarili mo?” tanong niya rito. Kanina pa siya kating-kating malaman ang katotohanan. “Bakit ba ayaw mong magsalita?” Tumawa si Niccolo. “Iba ka na nga, Abbey. You’ve grown so much. I shouldn’t have taken you here in Italy.” Muling kinurot ang kanyang puso. Pinagsisisihan ba nito lahat ng nangyari sa kanilang dalawa? Nagsisisi ba itong naging mag-asawa sila? “I guess you’re right. Sana hindi mo nalang ako dinala dito. Naging tahimik sana ang buhay ko.”

