KINABUKASAN maagang nagising si Ivy dahil ngayon ang alis nila patungo sa isang historical na lugar kung saan matatagpuan ang Fuerza De San Andres. Kahit kailan hindi pa siya nakakarating roon kaya naman excited siya. Ang sabi sa kuwento ng mga kaklase niya na nakarating na roon ay napaganda raw at tanaw ang malawak na kulay asul na dagat. Nilingon niya si Matthew sa kaniyang tabi. Humarap siya rito at pinagmasdan niya ito nang mabuti.
“Ang guwapo mo talaga, alam mo bang crush na kita noon pa man. Kaso may asawa ka na kaya pinigilan ko ang sarili ko. Hindi ko akalain na narito ako ngayon sa piling mo, hindi ko rin alam kung bakit pumayag ako sa kagustohan mo. Hindi ko kayang pigilan ang sarili kong tumugon sa mga halik mo. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko, kung bakit sa tuwing inaangkin mo ako. Hindi ko kayang pigilan ka bagkus nagpapaubaya pa ako.” may ngiti sa labi niyang wika sa natutulog na si Matthew.
Mula nang dumating siya dito, hindi na siya tinigilan ni Matthew. Kaya naman hindi rin niya kinakalimutan na uminom ng pills. Hindi puwedeng magbunga ang kanilang ginagawa kasi alam niyang walang patutunguhan ang lahat. Alam niyang dahil lang sa kontrata kaya siya inaangkin ni Matthew. Hindi niya kayang ibigay kay Amarah ang hinihingi nitong kapatid.
Bumangon na siya at nagtungo sa banyo para maligo. Matapos maligo ay nagbihis na siya para si Amarah na lang ang aasikasuhin niya mamaya. Kagabi pa niya inihanda ang mga kailangan nilang dalhin. Sabi kasi ni Matthew dalawang araw sila roon.
Lumabas na siya ng kuwarto at tumuloy sa kuwarto ni Amarah. Natutulog pa ito kaya dahan-dahan siyang pumasok sa loob. Gising na rin si Nanay Caring dahil wala na ito sa tabi ni Amarah. Lumapit siya sa kama at umupo, pinagmasdan ang natutulog na si Amarah. Inayos niya ang kumot nito.
Matapos ayusin ang kumot ni Amarah ay tumayo na siya para ihanda ang isusuot nito. Daig pa niya ang tunay na mommy nito dahil sa ginagawa niya. Naaawa rin kasi siya rito dahil alam niyang namimiss na nito ang kaniyang ina. Naiintindihan niya kung bakit mommy ang tawag nito sa kaniya. Napakabata pa nito para mawalan ng ina. Kaya gagawin niya ang lahat para maramdaman nito ang pagmamahal at pag-aalaga ng isang ina. Kahit hindi siya ang tunay nitong ina.
“Mommy Ivy,”
Napalingon siya sa tawag na iyon ni Amarah. Lumapit siya rito at umupo. “Hi, bakit gising ka na?” nakangiti niyang tanong rito.
“Nagising po kasi ako dahil nanaginip po ako.” tila inaantok pa nitong wika.
“Ano'ng napanaginipan mo, baby?”
“Naglalaro daw kami ng baby brother ko. Tapos nadapa siya dahil hinahabol ko. At saka pinalo mo raw ako kasi nasaktan si baby brother.” may luha sa mata na wika nito.
Pinunasan niya ang luha nito at saka niyakap. “Panaginip lang 'yon baby, hinding-hindi kita papaluin dahil love kita.” pag-alo niyang wika kay Amarah.
“Matulog ka ulit dahil maaga pa. Gigisingin kita mamaya kapag aalis na tayo.” wika niya. Kaya humiga ulit ito.
“Mommy, tabihan mo ako, Please.”
Tumango siya kay Amarah at tumabi. Niyakap niya ito para makatulog muli at maya-maya nga ay nakita na niyang mahimbing na muli itong natutulog. Kaya naman nang masiguro siyang tulog na ito ay bumangon na siya at tumayo.
Dahan-dahan siyang lumabas ng kuwarto at naglakad patungo sa kusina. Naabotan niya si Nanay Caring na nagluluto ng almusal.
“Good morning po Nanay Caring.” nakangiti niyang bati rito.
Tumingin muna ito sa kanya bago sumagot. “Good morning, din sa 'yo Ivy.”
“Bakit gising ka na?” tanong nito sa kaniya.
“Ganito po talaga ako Nanay kapag alam kong may pupuntahan. Maaga po akong gumigising. Inihanda ko na rin po ang damit ni Amarah.” wika niya habang abala sa pagtitimpla ng kape. Umupo sa upuan na nandoon.
“Si Matty, tulog pa ba?”
Nahihiyang tumango siya rito, kahit alam nito na sa kuwarto ni Matthew siya natutulog ay hindi niya maiwasan na mahiya rito. Lalo't isang buwan pa lang siya rito sa bahay.
“Nanay Caring, kamukha ko ba si Ma'am Arrah?” nagtataka niyang tanong rito. Ngayon lang niya naaalala na itanong ang bagay na iyon. Kasi nahihiya siya, wala rin siyang nakikitang picture nito.
Humarap ito sa kaniya saka ngumiti. “ Pagkakita ko sa 'yo, akala ko muling nabuhay si Arrah kaya laking gulat ko nang makita kita sa sala. Kung hindi ka pa pinakilala ni Matty baka isipin ko na bumalik si Arrah. Kaya hindi ako nagtaka nang tawagin ka ni Amarah ng mommy dahil magkamukhang talaga kayo ni Arrah.” saad nito sa kaniya.
“Bakit po wala akong nakikita na larawan ni Ma'am Arrah?”
“Pinaalis 'yon lahat ni Matthew, dahil sa tuwing nakikita niya ang mga larawan ni Arrah nasasaktan siya. Lagi ko siyang nakikitang umiiyak habang hawak ang larawan nila ni Arrah. Nasasaktan ako kapag nakikita ko siyang umiiyak at nasasaktan pero wala akong magawa dahil hindi ko hawak ang puso't isipan niya.” malungkot na wika ni Nanay Caring sa kaniya.
“Mula sanggol ako na ang nag-alaga kay Matty. Hindi na ako nakapag-asawa dahil sa batang iyan. Dahil sa tuwing aalis ako umiiyak siya at humahabol sa akin. Kaya hindi ko magawang iwanan lalo na at ang kaniyang mga magulang ay busy sa trabaho. Kaya sa akin siya lumaki. Lumaki siyang malayo ang loob sa kaniyang mommy dahil nagawang saktan at iwan sila ng kaniyang daddy para lang sumama sa ibang lalaki. Nang mamatay ang ama ni Matthew bumalik sa buhay niya ang mommy niya. Pero hindi sila magkasundo, lagi silang nag-aaway. Pero kahit ganoon sila, sinuportahan ni Elvie si Matty sa pagkagovernador nito. Pero hindi tanggap ni Elvie si Arrah para kay Matty dahil may ibang gusto ito para kay Matty. Pero ayaw ni Matty kaya hindi sila magkasundong mag-ina.” mahabang paliwanag nito sa kanya.
“Kaya po pala hindi ko nakikita ang mommy ni Sir Matthew.”
“Mula noong mamatay si Arrah hindi na muling bumalik dito si Elvie. Ang balita namin nasa Italy kasama ng bagong lalaki nito.”
“Ay, si Ma'am Arrah po Nanay Caring, kumusta naman po sila ni Sir Matthew noon?”
Ngumiti muna ito sa kanya bago sumagot. “Mabait si Arrah, magkasundo sila ni Matthew sa lahat ng bagay. Kahit minsan hindi ko sila nakitang nag-away dahil mahal na mahal nila ang isa't isa. May isang bagay lang ang pinagtalunan nila at iyon ay ang minsang nagsuot ng maikling short si Arrah. At dahil mahal ni Arrah si Matthew sinunod niya ito para wala nang away.”
“Kaya pala nagalit siya nang magsuot ako ng maikling short.” wika niya kay Nanay Caring.
Tumango ito sa kanya. “Kaya habang tulog pa si Matthew palitan mo na iyang suot mo at kapag nakita ka niyang ganyan ang suot mong short, magagalit na naman yon sa 'yo.” wika nito sa kanya. Kaya naman tumango siya.
Nagulat pa siya ng biglang magsalita si Matthew sa likod nila ni Nanay Caring at mukhang galit.
“Ivy!”sigaw na tawag sa kaniya niya Matthew. “I told you, this is my house, ang my rules is my rules. Mahirap bang intindihin ang sinabi ko. Kailangan pa bang tagalugin ko para maintindihan mo.” seryoso at galit na wika nito sa kanya.
Tumayo siya at nakataas ang isang kilay na humarap kay Matthew. “Sir, hindi naman ako bingi para sigawan ninyo. At mas lalong hindi ako bobo para hindi ko maintindihan ang sinabi mo.” may hinanakit sa boses niya na wika kay Matthew. “Sorry po, kamahalan kasi ganito na po ako magsuot ng short at damit. Hindi ko naman kasi alam na ang governador ng buong Romblon ay super manang ang gusto.” pagpatuloy niyang wika. Kita niyang masama ang tingin nito sa kaniya pero hindi niya ito pinansin. Umalis siya sa harapan ni Matthew at naglakad paakyat sa kuwarto nila para magpalit ng damit.
Ang sama talaga ng ugali ng hinayupak na 'yon. Makakaganti rin siya. Nagmamaktol na kumuha siya ng pantalon sa loob ng kabinet. Pati ba naman sa susuotin niya ay kailangan siya ang masusunod. Eh, wala naman' yon sa kontrata nila.
“Nakakainis ka talaga, Matthew.” inis na wika niya habang nagbibihis.
Muntikan pa siyang mapatalon dahil may nagsalita sa may pintuan ng kuwarto.
“Baka nakakalimutan mo ang nakalagay sa kasunduan natin. Lahat ng gusto ko ay susundin mo, oh, baka gusto mo pang isa-isahin ko ang nakalagay roon.
Nakasimangot na humarap siya rito. “ Kamahalan, hindi ko po nakakalimutan lahat ng nakasaad sa kontrata natin. Ang ayaw ko lang ay 'yong pinapakialaman ako sa gusto ko.” wika niya sabay talikod para ipagpatuloy ang pagbibihis.
“Kung ayaw mong pakialamanan kita, umayos ka. Sundin mo lahat ng gusto ko.” galit na wika nito sa kanya.
“At dahil ako ang masusunod puwede kitang angkinin ngayon bago tayo umalis.”
Humarap siyang nakataas ang isang kilay. “Mr. Matthew Allarcon, huwag kang manyak dahil hindi bagay sa iyo.” irap na wika niya sabay alis sa harapan nito at lumabas ng kuwarto.