Nung una ay tumutulong lamang ako sa bakery sa tuwing walang online class subalit ng hindi kalaunan ay pinagtrabaho na din ako dahil sa pandemya. Nahirapan silang kumuha ng tao na magtatrabaho sa bakery kaya napilitan na din akong magtrabaho doon.
Second semester ng first year college nung magka pandemic kaya online class lang ang pasok namin. Trabaho sa bakery pag gabi at school naman sa umaga. Doon umaandar ang buhay ko ng mga panahong iyon.
At dahil sa nagtatrabaho na nga ako sa gabi ay kung minsan ay hindi na kami nakakapag usap ni Lyeera. Ayun ang naging dahilan ng hindi namin pagkakaintindihan at nauwi na nga sa hiwalayan.
Nakipaghiwalay sya sa akin ng tuluyan dahil wala na daw akong oras sa kanya. Hindi ko naman na iyon itatanggi dahil totoo iyon. Sa sobrang daming ginagawa sa gabi sa bakery ay nakakaligtaan ko na syang ichat at tawagan. Sa umaga naman ay nakakatulugan ko yung klase kung minsan kaya hindi nako umaasa ng mataas na grado. Ang nasa isip ko na lang nun ay ang makapasa at magawa ang mga activities na pinapagawa ng aming guro.
Dahil sa halo halong emosyon ay napagdesisyunan na nga naming tapusin ang namamagitan sa aming dalawa ni Lyeera. Sa chat lang namin tinapos ito kaya hindi malinaw at hindi namin naipahayag ng maayos ang mga nararamdaman namin.
Pagkatapos nga naming maghiwalay ni Lyeera ay naputol na ang aming komunikasyon sa isa’t isa. Hindi naging madali nung una dahil nasanay akong may nagchachat sakin kahit hindi ako nakakapagreply agad. Ngunit patuloy pa din ako sa aking buhay, papasok ng online class sa umaga at magtatrabaho naman sa bakery pagdating ng hating gabi.
Hindi naging madali na pagsabayin ang pag aaral at pagtatrabaho. Minsan ngay naiisipan ko na lamang na tumigil at magpokus sa trabaho subalit sa tuwing naiisip ko iyon ay nangingibabaw pa din sa akin ang mga pangarap ko. Pangarap ko talagang makapagtapos at maiahon sa hirap sila mama. Dahil nga dito ay sinisikap ko na lamang na ipagpatuloy ang aking nasimulan.
Ang naging sandalan ko at nakakausap ko na lang ng mga oras na iyon ay si ate Shai at si Jelay. Tuloy tuloy pa din ang aming komunikasyon at update sa buhay ng isa’t isa. Si ate shai ay nakatira ngayon sa kanyang tiyahin habang nagsisilbi sa kanila bilang kabayaran ng pagkupkop at pagpapaaral nila dito. Habang si Jelay naman ay nasa puder ng kanyang mga magulang sa Pangasinan.
Magkaklase pa din kaming tatlo at laging nagtutulungan sa mga assignment kahit na online. Sila ang naging katuwang ko sa pag aaral ko at naging sumbungan ko tuwing mayron akong problema sa bakery.
Kung minsan kase ay sumusobra na ng pagtrato si ante Candie sa amin, ang dami nya ng napapansin at paratang na wala namang sapat na katibayan.
Isang gabi ng pagbintangan nya akong kumukupit sa lagayan ng pera na pinaglalagyan namin tuwing mayron bumibili. Ngunit mariin ko itong itinanggi dahil hindi naman talaga totoo. Naniniwala naman sakin sila kuya ko at ang iba pa naming kasamahan sa bakery na hindi ko magagawa iyon. Huwag ko na lamang daw pansinin dahil ganun daw talaga si ante pag walang pera, kung ano anong naiisip at binibintang.
Sa sobrang stress ko nun ay nagdesisyon akong umalis na lamang ngunit pinigilan ako nila kuya ko dahil wala daw masasakyan dahil naka lockdown nga nuon. Wala akong nagawa kundi ang magpatuloy na lamang at mag stay pa haggang sa magkaroon ng mga byahe pauwe ng manila.
Matapos nga ng pangyayaring iyon ay kanila ate Shai at Jelay ako laging nagsusumbong. At dahil nga sa lagi ko silang nakakausap ay may nirekomenda sila na panoorin ko daw upang makabaling ng atensyon ko.
Sa kanila ko na nga nalaman ang tungkol sa BL short for Boys Love. May ipinanood silang isang series sa akin, dahil bored at nais ko ng may paglalaanan ng atensyon ay pinanood ko nga sinasabi nilang series. At doon nagsimula ang kamalayan ko tungkol sa pag iibigan ng dalawang lalaki.
Napadalas na nga ang pagnood ko ng BL tuwing break time at kapag may sapat na oras. At nasundan pa nga ng iba’t ibang series ang aking napapanood. Thai BL, korean BL, at pumatok na din ang Pinoy BL ng pandemyang na iyon. Doon ko nalaman ang iba’t ibang uri ng pag ibig sa magkaparehong kasarian.
Pwede naman pala ang ganoong klaseng relasyon bakit hindi natanggap sa panahon nuon, bakit kung kaylan pa nagkapademya ay saka pa naging bukas sa kamalayan ng iba ang ganung uri ng relasyon.
Lumipas pa ang mga araw at dahil nga pandemya pa nun kaya may limitasyon lang ang paglabas at pakikipagsalamuha sa iba.
Isang gabi habang nagsusupot ako ng tinapay sa bakery ay dumating ang mga bata at may kasama silang isang babae.
“Ate! Ate!, ayun ohh. Diba ang pogi ni kuya enyong noh”, rinig kong sabi ng isang bata
“Oo nga ate oh”, sabi pa ng isa pang bata.
“Ang gwapo ng tito ko noh ate”, sabat pa ng pamangkin ko na kasama din pala nila.
At sabay sabay nilang tinukso ang kasama nilang dalaga sa akin. Medyo mahaba ang kanyang buhok, sakto lang ang tangkad at maganda ito lalo na kapag ito’y ngumiti dahil lumalabas ang dimple nito sa magkabila nyang pisngi.
“Kuya pabili nga po ng tinapay”, nahihiya nyang sabi.
“Sige pili lang kayo dyan, kayong mga bata kayo ang babata nyo pa pero panay tukso na agad sa ate nyo ang ginagawa nyo”, suway ko sa mga batang makukulit.
“Hehe, kaya nga po kuya eh, magkano po ba lahat ng nakuha namin kuya?”
“45 pesos lang lahat ading”
“Asige po, eto po yung bayad”, sabay abot sakin ng bayad nya sa tinapay.
“Bakit pala kasama mo yung mga bata na yan?”, tanong ko rito.
“Eh kasi kuya matutulog daw sila dun kanila apong, manunuod kasi kami ng Bubble Gang eh”, sagot nito.
“Kanila apong?!”, pagtataka kong nasambit.
At bigla na nga silang umalis habang tinutukso pa din nila ang kasama nilang babae at ako naman ay naiwan sa bakery ng may halong tanong sa isipan ko.
“Sino kaya ang magandang dalagang iyon, ngayon ko lang sya nakita dito ah” sambit ko na lamang sa aking isipan.