Pumasok si Elnora kinabukasan kaya tuwang-tuwa si Dorothea, tinabihan niya ito kaya napalingon ito sa kanya.
“Good morning,” bati niya.
Ngumiti ito, ngunit hindi katulad ng dati. “Good morning din.”
Nagbuntong-hininga siya, hindi niya alam kung paano siya magsisimula. Dahil sa totoo lang ay hindi niya alam kung bakit masama ang loob nito sa kanya.
“Galit ka ba sa’kin, Nor?” tanong niya.
Suminghap ito at nag-iwas ng tingin. “Medyo.”
“Bakit?”
“Alam kong nagja-jogging ka kasama si Halsey, araw-araw,” sambit nito kaya natigilan siya. “Noong una pa lang ay alam ko na dahil may nakakita sa inyo at sinabi sa’kin, tinanong kita pero sinabi mo ay hindi.”
Napakagat siya sa labi. “Sorry, hindi ko lang naman sinabi sayo dahil parang ayaw mo kay Halsey. Wala lang kasi akong kasama kaya hinayaan ko na, tsaka mabait naman siya. .”
“Mabait? Edi close na nga kayo?”
“M-medyo.”
“Wow,” sambit nito at sumimangot. “Alam mo, Dorea, ang dami ko nang hindi alam sayo. Nawala ka ng dalawang linggo at hindi ko alam kung ano ang dahilan, biglang nawala ang pagkagusto mo kay Kaleb at may nagsabi rin sa’kin na nakasabay mo si Amsel kumain no’ng wala ako.”
“Nor—”
“Hindi na ba tayo mag-bestfriend?” tanong nito. “Bakit naglilihim ka na sa’kin?”
Nagbuntong-hininga siya. Tama nga naman, walang kaalam-alam si Elnora sa mga nangyayari sa kanya ngayon.
Nilibot niya ang tingin sa buong room, silang dalawa lamang ang tao.
“Sige, sasabihin ko sayo lahat.” Huminga siya ng malalim. “Kung bakit ako nawala ng dalawang linggo. .”
Kinuwento niya ang lahat mula sa umpisa. No’ng akala niya ay multo ang nakikita niya sa bahay nila hanggang mapapunta siya sa Htrae, no’ng na-stuck siya ro’n ng matagal at ang tungkol kay Theodora. Pati no’ng nalaman niyang nandoon din pala si Kaleb. Pati na rin no’ng niligtas siya ni Amsel.
Nakanganga lamang si Elnora habang nagkukwento siya. Hindi ito nagsalita buong pagkukwento niya at nakikinig lang.
“Ibig sabihin ay nasa ibang mundo ka no’ng wala ka rito?” tanong nito kaya tumango siya. “Sa katauhan no’ng Theodora?”
Tumango ulit siya.
“At gano’n din si Kaleb?”
Tango ulit.
Hindi makapaniwalang napatakip ito sa bibig tapos ay nakapahawak sa magkabilang sentido, pilit pinapasok sa utak ang mga kinuwento niya.
“Nandoon din ang kamukha ko?” tanong nito.
Natawa siya at tumango. “Nandoon din, ang pangalan niya ay Lorena. Kasing bait mo siya.”
“Talaga?” anito at naniningkit ang mata habang nag-iisip. “Imposible, I mean, parang imposible lahat ‘yon. Pero naniniwala ako sayo, Dorea. Hindi ka naman sinungaling e.”
“Thank you,” aniya habang nakanguso. “Hindi ka na ba galit sa’kin?”
“Oo na,” sambit nito. “Pero sino lang ang mga nakakaalam nito?”
“Ako, ikaw, si Kaleb at si Amsel.”
“Amsel. .” saad nito at lalong pinasingkit ang mata sa kanya. “‘Yung tungkol kay Amsel ang nakalimutan mong ikwento.”
Nag-init ang pisngi niya. “Ito naman, nahihiya lang ako na ikwento sayo dahil crush mo si Amsel, diba?”
“Oo,” pag-amin nito. “Pero wala naman akong magagawa kung ikaw ang gusto niya, tsaka magiging masaya ako sayo dahil hindi ka na nagpapakagaga kay Kaleb.”
Nanlaki ang mata niya. “Talaga? Hindi ka magagalit?”
“Oo!” Umirap ito. “Sige na, ikwento mo na.”
Kinuwento niya ang lahat. Sinabi niya na nagkagusto na rin talaga siya kay Amsel at umamin ito sa kanya. Lahat-lahat, pwera lang mga kiss nila.
“Ibig sabihin, hindi pa kayo pero parang?”
“Oo,” aniya at sumimangot. “Hindi ko nga siya pinansin kagabi kasi nalaman ko ‘yung tungkol kay Gwen na hindi pala talaga naging sila. Parang fling lang, tapos naisip ko na baka gano’n lang din kami. Syempre parang nasasaktan ako na gano’n. .”
Tumango-tango ito. “Tama, ‘wag mo siyang pansinin! Diyan mo malalaman kung seryoso talaga siya sayo, Dorea. Kapag hindi na siya nangulit sayo ay ibig sabihin na hindi ka talaga niya gano’n kagusto.”
Sumimangot siya. Kanina pagkagising niya ay nakita niya na tumawag pa ng ilang ulit si Amsel habang tulog siya. Gano’n kaya talaga ang gawin niya? ‘Wag niya muna itong pansinin kahit namimiss niya na agad na kausapin ito.
Tumango siya. “Sige, hindi ko muna ‘yon papansinin.”
“Baka naman maging marupok ka a! Tiisin mo!”
Hindi na siya nagsalita pa. Natatakot kasi siya na baka tuluyan na ngang hindi magparamdam sa kanya si Amsel kapag ginawa niya iyon.
Pero para sa kanya naman iyon kaya gagawin niya.
“Nga pala,” saad niya at matamis na ngumiti. “Sasamahan mo na ba ako mag-jogging?”
Nag-isip ito saglit bago umiling. “May lakad kami ni mommy mamaya e.”
“Gano’n? Edi, ayos lang sayo na kausapin ko si Halsey?”
Sumimangot ito. “Ayoko talaga sa kanya, Dorea. Parang may something sa kanya pero hindi ko matukoy, magandang lumayo ka na lang sa kanya. Kapag kinausap mo pa siya ay magagalit na talaga ako.”
Nagbuntong-hininga siya. Mas pipiliin pa rin naman kasi niya si Elnora dahil bestfriend niya ito, totoo rin naman na hindi niya pa talaga kilala si Halsey.
Uwian nang mapansin ni Dorothea na nawawala ang phone niya. Hanap siya nang hanap sa room pero wala, nakaalis na rin ang mga kaklase nila.
“Baka naman nahulog no’ng nagbanyo tayo?” ani Elnora na kanina pa siya tinutulungan na maghanap.
Nangingilid ang luha niya dahil sa inis. “Sh¡t! Nakakayamot! Sayang ‘yon!”
Naaawang pinagmasdan siya ni Elnora at hinawakan sa braso. “Tara, itanong natin sa lost and found. Baka may nagdala ro’n.”
Maluha-luha siya habang papunta sila ro’n, nang magpunta sila ay wala raw kaya lalo siyang nanlumo. Iniwan ni Elnora ang number niya para kung sakali na may magbigay ay tatawagan siya.
“Mahahanap din ‘yon,” pag-alo sa kanya ng kaibigan habang naglalakad sila palabas ng school.
Pinunasan niya ang mata niya. “Patay ako kina mama nito! Tsaka ang daming laman no’n e.”
“Hintayin lang natin dahil baka may makakita, ‘wag kang mawalan ng pag-asa.”
“E, paano kung ‘yung nakakita ay hindi binigay sa lost and found at inuwi na?”
Huminga ito ng malalim. “Wala na tayong magagawa no’n.”
Lalo siyang nanlumo dahil doon, hanggang sa makauwi siya ay masama ang loob niya. Sayang kasi talaga iyon dahil wala pang sira, at saka hindi niya makikita ang mga messages ni Amsel.
Wala siyang magawa nang makauwi siya kaya nag-jogging siya kahit wala siyang makakasama. Nang makita niya si Halsey na nakangiti sa kanya ay agad siyang nag-iba ng direksyon.
“Dorothea!” sigaw nito pero hindi siya lumingon.
Tuloy-tuloy lang siya sa pagtakbo at nang malayo na siya ay lumingon siya at nakitang malungkot ang itsura nito.
Ayaw niyang magalit sa kanya si Elnora kaya lalayuan niya na talaga ito.
Hindi niya namalayan ang oras at nagulat siya na gabi na pala, nae-excite lang naman siya na umuwi dahil gusto niya nang makausap si Amsel e. Pero ngayon ay wala na ang phone niya.
“Bakit ginabi ka na?” tanong ng mama niya.
“Hindi ko po napansin ang oras,” sagot niya. Hindi niya naman talaga napansin dahil wala siyang relo o phone para makita iyon.
Naligo agad siya at umakyat. Hindi siya kumakain sa gabi, umiinom lang siya ng tsaa.
Ang lungkot niya ngayon. Paano kung tumatawag pala si Amsel? Maki-online kaya siya kay Gray?
Umiling agad siya. Hindi, hindi niya nga pala papansinin si Amsel para malaman kung seryoso ito sa kanya. Mabuti na rin ito dahil baka hindi niya mapigilan ang sarili niya na mag-reply.
Nakatulog siya nang masama ang loob, kinabukasan ay nagising siya na nakahanda na ang oatmeal niya at apple para sa almusal.
Pinagmasdan sya ng mama niya. “Pumayat ka na.”
Nanlaki ang mata niya. “Talaga, ma?”
“Oo, lumiit ang mukha mo at tiyan mo. Pati ang braso,” sabi nito at ngumiti. “Ang galing naman, hindi ko akalain na makakatagal ka.”
Napangiti siya. Kahapon pa hindi maganda ang mood niya dahil sa nawalang phone niya pero nabuhayan siya ngayon, may epekto ang paghihirap niya.
Tsaka may deal naman sila ng papa niya na bibilhan siya nito ng phone ‘pag malaki ang binawas niya hanggang sa birthday niya.
Malapit na nga pala ang birthday niya.
Pagkarating niya sa school ay sinalubong siya ni Elnora.
“Ano, tumawag ba sayo?” tanong niya agad.
“Hindi e.”
Napapikit siya ng mariin. “Hindi na ako aasa.”
Hindi sila magkaklase ni Elnora ngayon sa unang klase kaya mag-isa lang siya, sina Melanie ang kasama niya. Napansin niya na ngayon niya lang ulit nakita ito.
“Parang pumayat ka a?” sambit nito sa kanya kaya nagulat siya.
Pati ibang tao ay napansin na rin! Pinigil niya ang mapangiti.
“Ha? Hindi nga e.”
Pinagmasdan muli siya nito. “Ang tagal ko lang um-absent, pumayat ka na! Nagda-diet ka ba?”
“Hindi a,” pagsisinungaling niya.
“Weh? Pero bagay sayo ang ganyan.”
Kinagat niya ang labi niya para mapigilan ang mapangiti. Himala, pinupuri na siya ng mga kaklase niya ngayon. Hindi tulad ng dati na puro pang-aasar.
Kung dati ay hindi siya maniniwala, ngayon ay naniniwala na siya dahil tumaas ang confidence niya kay Amsel. Ngayon ay alam na niya sa sarili niya na hindi siya pangit.
Mataba pa rin naman siya, pero nakita niya nga kanina sa salamin na nabawasan siya. Lumuwang nga ng konti ang uniform niya sa kanya, gumamit lang siya ng pardible.
Hindi sila sabay na umuwi ni Elnora ngayon dahil may klase pa ito. Maaga rin siyang nakapag-simula na mag-jogging.
Sinundan niya ng tingin ang isang babaeng pamilyar sa kanya habang tumatakbo siya. Kung hindi siya nagkakamali ay kaklase niya iyon no’ng elementary.
Mukhang katatapos lang no’n mag-jogging at sumakay sa isang kotse, sinundan niya iyon ng tingin palayo.
Nagkibit-balikat na lang siya at nagpatuloy sa pagja-jogging, ang bimpo ay nakasabit sa balikat niya.
“Dorothea.”
Gulat na napalingon siya nang marinig niya ang boses ni Halsey, napatigil siya at nagbuntong-hininga.
“Halsey—”
“Alam ko,” pagputol nito sa kanya. “Ayaw ni Elnora na magkasama tayo, diba?”
Nag-iwas siya ng tingin at nakita niya sa gilid ng mata niya na ngumiti ito.
“Ayos lang naman,” aniya. “Pero, hindi ko lang makuha kung bakit binlocked mo ulit ako sa fesbook. Ayaw mo na naman ba ulit makita ang mukha ko?”
Nanlaki ang mata niya. “H-hindi kita binlocked ulit.”
“Ime-message sana kita pero nakita kong naka-blocked na ako.”
Umiling siya. “Nawawala ang phone ko kahapon pa, kaya hindi ako nakakapag-online. Hindi ko talaga ginawa ‘yon.”
“E, sino ang gumawa no’n?”
Hindi na siya nakasagot dahil kumunot bigla ang noo niya nang may makita siya sa malayo. ‘Yung kaklase niya noong elementarya na nakita niya kanina na sumakay sa kotse, bakit nandito ulit ito?
Iba ang suot nito, at mas maikli ang buhok kesa kanina. Agad siyang napatakip sa bibig, hindi kaya. .
“Dorothea?” ani Halsey.
Napalingon siya rito, gulat na gulat ang itsura. “Pwede ko bang kausapin si Kaleb ngayon?”
“Oo,” nagtatakang sagot nito pero agad din na inilabas ang phone. “Tatawagan ko siya, susunduin niya rin naman ako ngayon e.”
Umupo lang siya sa gilid habang tinatawagan ni Halsey si Kaleb. Matapos ng sampung minuto ay dumating ito.
Hinawakan nito sa likod si Halsey tapos ay nagbaba ng tingin sa kanya.
“K-kaleb, may nakita na naman ako. .”
Agad na kumunot ang noo nito. “Saan?”
Hindi siya sumagot at nilingon si Halsey na nakikinig, ngumiti ito. “‘Wag kang mag-alala, alam ko na.”
“Hindi ko na kinaya na itago,” sabi ni Kaleb kaya tumango siya.
“Kaleb, nakita ko kanina ‘yung kaklase ko no’ng elementary na sumakay ng kotse kanina at umalis.” Tinuro niya ‘yung babae sa hindi kalayuan. “Pero ayan ulit siya, sigurado ako na magkaibang tao sila. Magkaiba ang suot nilang damit at mas maikli ang buhok niyan.”
Hindi kumibo si Kaleb at nanatiling nakatingin doon sa babae. Hindi siya mapakali, kinakabahan siya. Para kasing unti-unti nang dumadami, natatakot siya na baka maghalo na talaga ang dalawang mundo.
“Hindi ko alam ang gagawin.” Napahawak sa noo si Kaleb at bumuntong-hininga. “Paano ba natin mapipigilan ‘to?”
Napapikit si Dorothea. Kung si Kaleb na matalino ay walang magawa, paano pa kaya siya?
Tama nga ang tanong nito. Paano nila mapipigilan ang nangyayari?