Kanina pa tahimik si Dorothea habang nakikinig kay Kaleb, gabi na ngunit nasa sports complex pa rin sila kasama si Halsey.
“Hindi tayo sigurado sa kung ano ang mangyayari kung sakali na tuluyan nang maghalo ang earth at thrae,” ani Kaleb. “Pero mas maganda na handa tayo.”
Kinagat niya ang kanyang labi habang yakap ang binti niya. “Anong gagawin natin?”
“May underground ‘yung bahay namin, pero sobrang madumi iyon ngayon at magulo dahil hindi nagagamit. Simula bukas ay aayusin ko ‘yon at ihahanda. Kapag nagkagulo na ang lahat, dalhin mo ang pamilya mo sa bahay namin. Doon tayo magtatago lahat,” anito at lumingon sa kasintahan. “Pati ang sayo, Halsey.”
Seryosong tumango si Halsey, siya naman ay hindi nagsasalita. Kinakabahan siya. Pakiramdam niya ay kasalanan niya, at mukhang napansin ni Kaleb iyon.
“Hindi mo kasalanan ‘yon, Dorothea,” paalala nito. “Mukhang nangyayari lang ito dahil unti-unti nang dumadami ang nagkakapalit, walang may gusto na mangyari ito.”
“Salamat,” mangiyak-ngiyak na sabi niya.
Hinatid siya nina Kaleb pauwi dahil gabi na talaga nang makauwi sila. Halos nanghihina siya nang umakyat siya ng kwarto.
Ang daming nasa isip niya pero hindi niya iyon masabi kina Kaleb. Isa lang ang tao na napagsasabihan niya ng lahat, si Amsel.
Umupo siya mula sa pagkakahiga, makiki-online siya sa kapatid niya para tawagan ito saglit. Gusto niya lang itong kausapin man lang para gumaan ang loob niya, gusto niyang sabihin na natatakot siya.
Tumayo siya at nagtungo sa kwarto ng kapatid niya, kumatok siya ng tatlong beses at naghintay saglit ngunit walang sumagot.
Kumatok ulit siya pero wala pa rin. Pinihit niya ang doorknob at sinilip ang loob, natutulog na ito. Nakapatay na ang lahat ng ilaw.
Nagbuntong-hininga siya maingat na sinara muli ang pintuan. Ayaw niya naman na mang-istorbo ng tulog, at kung kunin niya naman ang phone nito habang tulog ito ay hindi niya alam ang password.
Humiga ulit siya at tumitig sa kisame. Bigla na lang siyang binalot ng galit. Bakit kasi nawala ang lintik na phone niya?!
Napaupo ulit siya nang maalala ang tablet niya. Oo nga! ‘Yung tablet niya! Bakit hindi niya iyon naisip agad?!
Kinuha niya agad ang tablet niya sa drawer at binuksan iyon. In-online niya ro’n ang account niya pero kumunot ng husto ang noo niya dahil hindi niya mabuksan ang account niya.
Ayaw mag-log in!
The password has been changed.
The password has been changed.
Napanganga siya at hindi makapaniwala na napatitig sa screen. Sinong hunghang ang nakikialam ng account niya?! Paano niya mako-contact si Amsel?!
Hindi, kailangan niyang makausap ito.
Gumawa siya ng bagong account kahit ang daming kailangan na verification. Pagkatapos ay agad niyang in-add si Amsel at nag-chat sa binata.
Dorothea; Amsel, ako ‘to, si Dorothea.
Dorothea; Sorry na ngayon lang ulit ako nag-chat, nawala kasi ‘yung phone ko. At may bwisit na nakialam ng account ko at pinalitan ng password.
Dorothea; Sorry, kung galit ka sa’kin. Pero kailangan kitang makausap, kailangan ko ng kausap.
Ang bigat ng dibdib niya habang tinitipa ang lahat ng iyon. Naghintay siya ng reply ngunit wala, halos abutin na siya ng umaga pero walang dumating.
Hindi niya namalayan na nakatulog na siya. Hindi siya nakapasok sa school dahil sobra siyang napuyat, sinabi niya na lang sa mama niya na masama ang pakiramdam niya.
Tanghali na nang dinalhan siya nito sa kwarto niya ng egg soup at toasted bread.
“Thank you, ma,” sambit niya habang walang gana na dinadampot ang kutsara.
Kinapa nito ang kanyang noo at leeg. “Hindi ka naman mainit, ano ang nararamdaman mo?”
“Nanghihina lang, ma.” Hindi naman iyon pagsisinungaling, naghihina talaga siya.
“Baka dahil ‘yan sa pagda-diet mo, dapat nagpapahinga ka rin sa pagja-jogging. Ang laki ng pinayat mo sa konting panahon, hindi na kinaya ng katawan mo.”
Tumango lang siya habang nakanguso. Nagpaalam ito sa kanya kinain na niya ang dinala nito, napangiti siya dahil masarap iyon.
Aminado siya na noon pa lang ay lagi na siyang napapagalitan ng mama niya, pero kapag may sakit ang isa sa kanilang magkapatid ay todo ang pag-aalaga nito sa kanila.
Dinampot niya ang tablet niya at tiningnan kung may reply si Amsel ngunit wala, ni hindi nito in-accept ang friend request niya. Sinubukan niyang tawagan ito kahit na alam niyang hindi iyon lalabas sa screen nito dahil hindi naman sila friends.
Maghapon siyang humiga lang, hanggang sa mag-gabi, pero hindi siya natulog dahil nagbabakasakali siya na mag-reply si Amsel. Hanggang sa nakatulog na lamang siya kinagabihan.
Isang araw na naman ang lumipas nang hindi sila nag-uusap.
Pumasok siya sa school kinabukasan, nag-aalala siyang nilapitan ni Elnora. “May sakit ka raw kahapon?”
“Sinong nagsabi sayo?” tanong niya.
“Si Gray, nag-chat ako sa kanya kasi hindi ka pumasok.”
“Medyo sumama lang ang pakiramdam ko, pero nakapagpahinga na rin naman ako.”
Ngumiti ito. “Mabuti naman.”
Nagbuntong-hininga siya ng malalim at pinagmasdan lang siya ng kaibigan. Iiling-iling ito habang binubuklat ang notebook nito.
“Mag-review ka, may long quiz daw tayo.”
“Sh¡t,” usal niya at napapikit ng mariin.
Tumawa si Elnora at sinabing pakokopyahin siya nito ng konti pero hindi naman iyon nakagaan sa loob niya.
“Wow, Dorothea!”
Napadilat siya ng mata nang marinig ang boses ng tsismosa ng room nila, ang dakilang si Nadia.
“Oo nga, pumayat ka nga talaga.”
Noong una ay natutuwa siya kapag may nagsasabi no’n sa kanya. Pero ngayon ay wala siyang gana para ngitian ang mga ito, sobrang dami niyang iniisip para kiligin sa mga ganitong bagay.
“Sabi sayo e,” saad ni Melanie.
“Kaya nga, gumaganda ka rin.” Hinaplos ni Nadia ang buhok niya. “Sa susunod niyan, baka mas maganda ka na kay Elnora.”
Napangiwi siya at pinagmasdan ang kaibigan niyang tumatawa, ang ganda-ganda nito. Malabong maging mas maganda siya rito.
“Imposible ‘yan,” sabi niya. “Pero alam kong maganda ako, at dati pa.”
“Wow, sino nagsabi sayo niyan?”
“Si Amsel,” pag-amin niya nang walang pagdadalawang-isip.
Nanlaki ang mata no’ng tatlo kaya nag-init bigla ang mukha niya.
Kahapon habang nakahiga siya ng buong maghapon sa kama niya ay isa lang ang na-realized niya, mali ang ginawa niya kay Amsel. Pinaghinalaan niya ang nararamdaman nito sa kanya, nag-assume agad siya dahil sa nakaraan nito.
Wala rin itong ginawa para paghinalaan niya ito ng gano’n. Dahil wala naman ibinigay sa kanya si Amsel kundi pag-aalaga at pagpaparamdam sa kanya na gusto talaga siya nito.
Hindi dapat siya naging gano’n. Dahil hindi nito ginawa iyon sa kanya kahit na sobrang laki ng pagkaka-crush niya kay Kaleb dati, pero masyado siyang naging insensitive.
At naisip niya, kung totoo nga na mangyayari ang naiisip nila ni Kaleb. Magpapakatotoo na siya. Hindi niya na itatago ang relasyon niya kay Amsel kahit na hindi pa naman niya alam kung ano talaga ang mayroon sa kanilang dalawa.
Bakit pa siya mahihiya kung end of the world na?
Basta ang alam niya ay sobrang masaya, kahit kailan ay hindi niya pa naramdaman ang mga bagay na ipinaramdam sa kanya ni Amsel. Kaya’t ipagyayabang niya iyon lahat, wala na siyang pakialam kung pagtawanan siya o mapahiya siya sa huli.
“Sinabi iyon ni Amsel? Na maganda ka?” tanong ni Melanie sa gulat na tono.
Humalukipkip siya habang nakasandal. “Oo, bakit?”
“Umamin na ba siya?”
Nanlaki ang mata niya. “A-anong ibig mong sabihin?”
Nagkatinginan ‘yung dalawa tapos ay sabay na napatakip sa bibig, mahinang tumili.
“Umamin na nga?” pangungulit ni Nadia pero hindi siya nakasagot.
Napapikit siya ng mariin nang magtalunan ‘yung dalawa na parang kinikilig.
“Ano ba ‘yan?” aniya.
“Wala,” ani Nadia na ngingisi-ngisi. “Alam kasi namin na matagal nang may gusto sayo ‘yon.”
“P-paano ninyo nalaman?”
“Halata e,” ani Melanie.
Kinuwento ng dalawa na lagi nilang nakikita na pinapanood siya lagi ni Amsel, at minsan ay pinagsasabihan nito ang mga kaklase nila na tigilan ang pang-aasar sa kanya, at ‘yung pambubugbog ni Amsel kay Darien ay alam daw nila na dahil sa kanya iyon.
Kaya’t noong nagpunta si Amsel sa birthday ng kapatid niya ay hindi na raw nagulat ang mga ito kahit na hindi ito pumapayag sa imbitasyon ng iba.
May mga pagkakataon din daw na nakikita nilang pinag-uusog siya ni Amsel ng upuan ngunit hindi niya napapansin. At may ilang beses din daw na kapag nakaupo siya ng parang tambay sa kanto ay sinasabihan ni Amsel ang mga ito na paayusin siya sa pagkakaupo dahil nakikita ang shorts niya sa loob.
At noong galing daw silang dalawa ni Amsel sa dean’s office matapos nilang bugbugin si Darien— noong naghahabulan sila ay nakita raw nila iyon at talaga namang proud na proud daw sila kay Amsel.
Alam niyang namumula siya ngayon dahil sa pag-iinit ng mukha niya. Paanong nahalata ng mga ito ngunit siya ay hindi?! Halata lang ba iyon sa mga tsismosa na katulad nina Nadia?
“Hoy, tigilan niyo nga! Pulang-pula na si Dorea!” saad ni Elnora kaya agad niyang tinakpan ang mukha niya.
Nagtawanan ‘yung tatlo kaya yumuko siya sa lamesa. Alam niyang sinabi na niya na ipagyayabang na niya ang tungkol kay Amsel ngunit nakakahiya pa rin talaga! Lalo na kung inaasar siya ng ganito.
Habang tumatagal ay nalalaman na niya kung ano ang mga ginagawa ni Amsel para sa kanya dati noong hindi pa man sila nagiging close, pero masyado siyang naka-focus kay Kaleb kaya’t hindi niya napapansin.
Gusto niyang tuktukan ang ulo niya dahil sa inis!
At dahil sa mga impormasyon na iyon ay lalo niya lang namimiss si Amsel. Kaya’t pagkauwi niya sa bahay ay dinampot niya agad ang tablet niya para i-chat ito.
Dorothea; Amsel, sana mapansin mo na ito.
Dorothea; Nahihiya ako kanina, alam mo ba na alam nina Nadine na may gusto ka sa’kin dati pa?! Kinuwento nila sa’kin ‘yung mga napapansin nila sayo dati!
Dorothea; Crush na crush mo talaga ako a, hehe
Kinagat niya ang labi niya dahil pakiramdam niya ay maiiyak siya. Bakit gano’n? Ilang araw pa lang naman niya itong hindi nakakausap ngunit ganoon na ang epekto sa kanya, dumagdag pa kasi ‘yung nangyayari ngayon.
Dorothea; Miss na kita, sobra. Sana umuwi ka na.
Pumikit siya at huminga ng malalim, pabagsak na humiga sa higaan niya. Magja-jogging siya ngayon, kahit papaano ay nababawasan ang naiisip niya kapag nasa labas siya.
Wala si Halsey ngayong araw, hindi niya rin alam kung bakit. Siguro ay nagpahinga ito. Maganda na rin iyon dahil gusto rin naman ni Elnora na iwasan niya si Halsey.
Hindi siya nagpaabot ng gabi. Pag-uwi niya ay tiningnan niya ulit ang tablet niya, wala pa rin reply galing kay Amsel.
Napasinghap siya. Bakit ba kasi hindi namamansin ng friend request iyon? Isang beses nang mapasilip siya sa phone nito ay nakita niyang napakadaming message request nito ngunit hindi man lang nag-aabala na tingnan ang mga iyon. Ngayon ay isa na siya sa mga nandoon!
Ngayong gabi ay natulog na lang ulit siya. Habang kumakain siya ng almusal niya ay nagluluto naman ang mama niya para sa sinangag ni Gray.
“Ang weird ng panaginip ko kagabi,” sambit ng mama niya kaya napalingon siya rito habang ngumunguya.
“Bakit, ma? Ano nangyari?”
“Ewan ko.” Lumingon ito sa kanya, nag-iisip. “Nandito ako sa bahay, pero kakaiba ang mga gamit.”
Halos lumuwa ang mata niya dahil sa sobrang gulat. “A-anong nangyari, ma?”
“May nakita akong kamukhang-kamukha ko, nandoon si Gray at ang papa mo. Pero ikaw ay wala,” pagkukwento nito. “At gusto mong malaman kung anong tinanong nila sa’kin? ‘Ikaw ba ang mama ni Dorothea?’ tapos ay tumango lang ako. Parang totoo nga, kinikilabutan ako hanggang ngayon.”
Napatakip siya sa kanyang bibig, nanginginig ang mga kamay. Kumunot ang noo ng mama niya dahil sa reaksyon niya saka natawa.
“Ang O.A mag-react, panaginip lang naman iyon.”
Hindi siya kumibo. Hindi iyon panaginip lamang! Nakapunta na rin ang mama niya sa htrae ngunit sandali lang, katulad ng nangyayari sa kanya noong una!
Kailangan na talagang matigil ito. Pati ang mama niya ay naranasan na rin ang nangyari sa kanya.
Habang papunta siya ng school ay napapasabunot siya sa sarili niya. Wala siyang magawa para matigil ang lahat, kahit si Kaleb ay walang magawa!
Talaga bang maghihintay na lang sila hanggang sa maghalo ng tuluyan ang earth at thrae?
Pero hindi iyon pwedeng mangyari, siguradong hindi magkakasundo ang lahat.