“Nadia, friend mo ba si Amsel sa fesbook?” tanong ni Dorothea sa kaklase nang makatabi niya ito.
Hindi niya kaklase si Elnora sa unang subject ngayong araw kaya’t ito ang katabi niya.
Tumango ito. “Oo, in-accept niya ako no’ng naging magkaka-grupo tayo.”
Nanlaki ang mata niya, nabuhayan ng loob. “I-chat mo nga siya! Sabihin mo na tingnan niya ‘yung message request niya!”
“Bakit?” tanong nito habang kinakapa ang phone nito sa loob ng bag. “Iba na ba ang account mo?”
“Oo,” aniya at sumimangot. “Diba nga, nawala ‘yung phone ko? Tapos ay pinalitan pa ‘yung password ng account ko!”
“Ay, talaga?” anito habang hinahanap pa rin ang phone sa bag, tapos ay bigla itong napamura at tumayo. “Na kay Melanie pala ‘yung phone ko! Teka, kukunin ko—”
“Take your seats, everyone!”
Napaupo si Nadia nang dumating ang professor nila. Tumawa siya. “Mamaya na lang, basta i-chat mo ha. Para malaman niya.”
“Sige, ‘wag kang mag-alala.”
“Salamat.”
Nagsimula ang klase na gano’n. Dinadaldal siya ni Nadia kaya nalilibang siya dahil tungkol kay Amsel ang kinukwento nito, hindi siya makapaniwala na alam talaga nito na may gusto si Amsel sa kanya.
“Ay, may naalala pa ako!” saad pa nito matapos ng maraming kwento. “Kilala mo si Paulo, diba?”
Tumango siya. “‘Yung kaklase natin na nag-transfer na sa ibang school? ‘Yung tahimik?”
“Oo, ayon nga.” Tumango ito ng maraming beses. “Valentine’s day no’n e, tapos itong si Amsel ay nakitang may dala si Paulo na chocolates— papunta sayo.”
“Bibigyan niya ako?”
Tumango ito. “Oo, pero tinawag ni Amsel tapos hiningi ‘yung mga chocolates kasi paborito niya raw ‘yung brand na ‘yon. Hindi nakatanggi si Paulo dahil natakot, binigay niya lahat kaya hindi natuloy ang pagbigay sayo.”
Napangiti siya. “Kinain naman ba ni Amsel?”
“Hindi,” anito. “Kina Ronald niya nga lang pinakain e.”
Kinagat niya ang kanyang labi. “Hindi kasi iyon mahilig sa matatamis e.”
“Pansin ko nga, pero may nakita ako na kinakain niya e,” sambit nito. “‘Yung barquillos, tapos humihingi sa kanya sina Ronald pero ayaw niya bigyan.”
“Ako ang nagbigay no’n sa kanya. .”
Ngumisi ito ng kakaiba. “Kaya naman pala, tsaka no’ng ano pa—”
“Two girls on the back, aren’t you done talking? Kanina pa kayo riyan!” sigaw ng professor.
Napaayos agad sila sa pagkakaupo dahil sa gulat, napalingon ang lahat ng kaklase nila kaya napayuko si Dorothea at tinikom ang bibig niya.
Si Nadia naman ay natawa lang nang tumalikod ang prof. Sanay na sanay itong napapagalitan dahil madaldal talaga at tsismosa, pero dahil dito ay ang dami niyang nalalaman.
“Basta, i-chat mo ha,” paalala niya nang matapos ang klase nila.
“Oo, akong bahala.”
Ngumiti siya. “Salamat, Nadia.”
Breaktime pero hindi niya makita si Elnora, hinahanap niya ito pero hindi niya makita kaya kumain siyang mag-isa.
Kumain siya ng prutas at uminom ng fresh milk. Bihira na siyang magutom ngayon dahil siguro ay sanay na ang katawan niya na hindi siya nagkakanin, mas nagugutom pa siya noong unang mga araw na nagda-diet siya.
“Dorothea.” Napaangat siya ng tingin nang may lalaking estudyante na tumigil sa harapan niya.
Kumunot ang noo niya. “Sino ka?”
“Shawn nga pala,” pakilala nito. “Nakikita na kita dati pa e.”
“Uh, hindi kita kilala,” aniya. “Bakit mo ako kinakausap?”
“Mas matanda kasi ako sayo ng isang taon kaya hindi ako masyado napapadpad sa building niyo.” Ngumiti ito at umupo sa tabi niya kaya sinundan niya ito ng tingin. “Dati pa kita napapansin, nacu-cute-an na ako sayo noon pa. Pero gumaganda ka talaga ngayon, halatang pumapayat ka.”
“Uh. .”
“Gusto ko lang tanungin kung may boyfriend ka?”
Hindi siya nakakibo. Hindi niya boyfriend si Amsel pero gusto nila ang isa’t-isa. At itong lalaki ba na ito ay may gusto sa kanya?!
Teka, hindi siya handa sa ganito. Walang umaamin sa kanya dati!
“W-wala,” sagot niya. “Pero meron na akong nagugustuhan.”
“Gano’n ba?” tanong nito. “Hindi pa naman kayo, kaya pwede pa siguro ako.”
Tumawa siya. “Hindi e, ‘yung relasyon kasi namin ay parang kami na rin kaya hindi pwede.”
“Dito rin ba nag-aaral? Baka kakilala ko ‘yon.”
“Hindi ako sigurado kung kilala mo dahil mas matanda ka sa’min, pero ang pangalan niya ay Amsel,” saad niya at agad na nag-init ang mukha niya. “Amsel Esguerra. .”
Natigilan ito. “Si Amsel?”
“Kilala mo siya?”
Tumango ito at huminga ng malalim. “Kung gano’n, wala na akong magagawa.”
“Uh. .” Hindi niya alam kung anong sasabihin niya. Biglang sumuko nang malaman na si Amsel?! Akala niya pa naman ay mararanasan niya na magkaroon ng love triangle!
May itsura pa naman at mukhang mabait.
Tumayo ito at inilahad ang kamay. “Nice to meet you, Dorothea.”
“N-nice to meet you, rin.” Tinanggap niya ang kamay nito, tapos ay ngumiti lang ito at tumalikod saka siya iniwan doon.
Hindi niya alam kung bakit nag-iinit ang mukha niya. Ganito ba ang pakiramdam ng may umaamin?! Mabuti na lang ay mas naunang umamin si Amsel dahil baka patulan niya ang lahat ng lalapit sa kanya ngayon dahil sa pagiging sabik niya sa atensyon!
Ngunit ngayon, hindi na pwede iyon. Dahil kahit sino pa ‘yan, hindi nila mapapantayan si Amsel.
Ngingiti-ngiti na kumakanta pa siya sa isip niya habang inuubos ang pagkain niya, kumukuyakoy pa ang mga paa habang nakaupo.
Pagkatapos ng breaktime ay balik na naman sa klase, pero nabalitaan niya na nagkakagulo raw sa labas ng school nila dahil may nag-aaway.
“Ano kaya ‘yon?” kinakabahan na tanong niya kay Elnora na ngayon niya lang nakita simula kanina.
Nagkibit-balikat ito, kabado rin. “Hindi ko nga alam e, pero kanina ay lumapit kami sa may gate. . naririnig namin na magulo talaga.”
Kinagat-kagat niya ang kanyang kuko habang nag-iisip. Paano kung nagsisimula na? Paano kung may nangyayari na talagang masama?
Umiling-iling siya. Hindi, baka coincidence lang.
“Bakit, Dorea?” tanong ni Elnora nang mapansin na parang kinakabahan siya.
“W-wala,” sagot niya. “Curious lang.”
Ayaw niyang sabihin ang kinababahala niya kahit na alam na nito ang tungkol sa Htrae, ayaw niyang pati ito ay kabahan at ma-paranoid din.
Dumating ang uwian na may gulo pa rin daw na nangyayari sa tapat ng school nila. Kaya kahit uwian na ay hindi pa rin binubuksan ang gate, ang dami na nilang nandoon at siksikan na.
“Hindi naman siguro kami madadamay!” sigaw ng isang estudyante.
“Oo nga! Pauwiin niyo na kami!”
“Kaya nga, may pupuntahan pa kami e.”
Napapitlag silang lahat nang may malakas na kalabog na parang tumama sa malaking gate ng school nila. Natahimik ang lahat dahil doon.
Napakapit sa braso niya si Elnora, siya naman ay napahawak sa dibdib niya. Sobra siyang kinakabahan, hindi na niya alam ang gagawin niya.
“Dorothea!” Napalingon-lingon siya sa paligid nang marinig niya ang boses ni Kaleb. Nakita niya itong palapit sa kanya, hila-hila si Halsey sa kamay.
“B-bakit?” Kinakabahan siya ng sobra.
“Mukhang ito—” Pinigilan niya sa pagsasalita si Kaleb dahil katabi niya si Elnora. Hinarap niya ang kaibigan na halatang nagtataka, nakakapit ng mahigpit sa braso niya.
“Wait lang, Nor,” aniya. “Mag-uusap lang kami ni Kaleb saglit.”
Kahit naguguluhan ay tumango ito kaya’t iniwan nila ito. Nang malayo na sila sa mga estudyante ay saka nagsalita si Kaleb.
“Sumilip ako kanina sa taas dingding,” panimula nito. “At nakita kong sobrang magulo sa labas.”
“D-dahil ba ito roon sa hinala natin?”
“Sa tingin ko. .”
Napasabunot siya sa buhok niya, naiiyak na agad siya dahil sa takot. “A-anong gagawin natin? Nagkakagulo na agad! ‘Yung mga pamilya natin ay hindi natin kasama! Hindi tayo pinapalabas!”
Si Halsey ay tahimik na nakatayo sa tabi ni Kaleb, nakatakip ang dalawang palad sa bibig. Halatang natatakot kaya’t hinaplos ni Kaleb ang braso nito.
“Lalabas ako,” sabi ni Kaleb maya-maya.
“Paano?”
“Aakyat ako ro’n sa dingding sa likod ng mga banyo, palabas iyon sa likod ng school. Makakaikot ako pagkababa ko ro’n.”
Nag-angat ng tingin si Halsey. “Anong gagawin mo kapag nakalabas ka na?”
“Puntahan mo sila mama!” agap niya. “Please, Kaleb. Dalhin mo sila sa inyo, diba, may underground kayo?”
Tumango si Kaleb. “Iyan ang gagawin ko, pati ang pamilya ni Halsey.”
Nanginginig na nagpunas ng mata si Halsey. “M-mag-ingat ka, Kaleb.”
Tumango ito at niyakap saglit ang nobya, tapos ay humarap kay Dorothea.
“Ikaw na muna ang bahala kay Halsey,” saad nito kaya determinado siyang tumango.
“Salamat, Kaleb.”
Sinundan nila ni Halsey ng tingin si Kaleb na tumakbo papunta sa gawi ng banyo. Ilang segundo silang nakatayo lang doon, tapos ay pumikit si Dorothea at huminga ng malalim para pakalmahin ang sarili.
“Magiging maayos din ang lahat,” bulong niya sa sarili niya.
Nilingon niya si Halsey na nanginginig, halatang nine-nerbyos ito. Hinawakan niya ito sa pulso at nginitian kaya napakagat ito sa labi saka tumango na parang pinapakalma rin ang sarili.
Nasa school din na ito ang kapatid niya ngayon, hahanapin niya pa ito sa dami ng estudyante.
Hinila niya ito papunta sa kung saan iniwan niya si Elnora pero wala na ro’n ang kaibigan.
“Nor?” sigaw niya.
“Elnora!”
Nilingon niya ang ibang estudyante na napatingin sa kanya dahil sa pagsigaw niya. “Saan nagpunta si Elnora?”
“Hindi ko alam.”
“Elnora!” sigaw niya habang hinihila pa rin si Halsey dahil baka ito naman ang mawala sa paningin niya.
Napatigil siya sa paglalakad nang makita ang mga pamilyar na mukha, mga kaklase ng kapatid niya!
Nilapitan niya ang mga ito. “Nasaan si Gray?”
“Uh, nasaan si Gray?” tanong ng isa sa mga kaklase nito.
“Si Gray? Umuwi kanina pa a, masama raw ang pakiramdam niya e.”
Tumango siya. Kung gano’n, nasa bahay lang nila ito at makikita ito ni Kaleb kapag nagpunta ito ro’n.
Pero nasa trabaho ang papa niya ng ganitong oras.
Napatigil siya sa paglalakad dahil doon. Hindi maaabutan ni Kaleb ang papa niya! Mamaya pa iyon uuwi, kailangan niya na talagang makalabas sa school na ito.
Napatili ang ilang estudyante nang magsimulang alugin ng ibang estudyante ang malaking gate, sumigaw ng guard para pigilan ang mga iyon ngunit hindi natitinag.
Sobrang ingay. May mga nagsisigawan, nagmumura, tumitili, nagrereklamo. Sabayan pa ng mga ingay ng mga sasakyan sa labas, tapos ang kalabog ng gate.
Gustong isipin na panaginip lamang ang lahat. Dahil ngayon pa lang ay hindi na niya alam ang gagawin.
“Everyone! Calm down!”
Napatigil ang mga estudyante sa pag-iingay nang lumitaw ang principal ng school nila sa unahan.
“It is dangerous to go out right now!” sigaw nito. “There is someone that’s being held hostage right now, right in front of our school. If you continue this attitude, you will put everyone in danger! Baka pati kayo ay madamay!”
Sari-saring reklamo ang narinig ngunit wala nang sumigaw, wala na rin na nagtangka pa na lumabas. Pero hindi pa rin nawawala ang kaba sa dibdib ni Dorothea.
May hino-hostage? Bakit?
Hindi nila alam kung gaano katagal silang nakatungangang lahat sa gate ng school. Ang iba nga ay kumain na lang sa canteen, ang iba ay nag-gala na lang din sa school para malibang.
“Anong sabi ni Kaleb?” tanong niya kay Halsey na nakatingin sa phone nito kanina pa.
“Sabi niya ay normal naman daw ang lahat kaya hindi niya pinuntahan ang pamilya natin.”
Hindi siya kumibo. Hindi kaya ay normal na pangho-hostage lang talaga ang nangyari ngayon at walang kinalaman sa Htrae? Masyado lang ba silang naging paranoid?
Ngumiti si Halsey, nakahinga na ng maluwang. “Mabuti na lang.”
“Mabuti na lang,” sambit niya rin at nanghihinang sumnandal sa dingding.
Maya-maya ay binuksan ang gate, nag-ingay ang mga estudyante dahil sa tuwa at nag-uunahan na lumabas.
Nasa labas ng gate si Kaleb nang makalabas sila, agad itong niyakap ni Halsey. Nagtanguan naman silang dalawa.
Hinatid ulit siya ng dalawa pauwi. Tapos ay kinuwento niya kila mama niya ang nangyari, sinabi ng mga ito ay nabalita raw ang nangyari kaya nag-aalala ang mga ito sa kanya kanina.
“Ano raw ang dahilan, pa?” tanong niya. “Sinabi ba sa balita?”
“Itong hinostage, pangalan ay James daw— ay may kasalanan daw doon sa hostage taker na pangalan ay Christian,” pagkukwento nito. “Dati pa raw iyon. Nakulong si James pero nagulat si Christian nang makita niya sa labas si James na pagala-gala kaya nag-init daw agad ang ulo niya at nagawa niya iyon.”
Kumunot ang noo niya. “Baka naman nakalaya na?”
“Hindi.” Umiling ang papa niya. “Ang nakakapagtaka nga ay tinanong ko sa kumpare ko na pulis kung nakalaya na ba si James, ang sinabi niya ay nasa kulungan pa rin ngayon.”
Napanganga siya.
“At itong hinostage ni Christian ngayon ay naglaho ng parang bula.”
Tama sila ni Kaleb. May kinalaman sa htrae ang nangyari! Nakakulong talaga si James at ‘yung hinostage ay taga-htrae kaya naglaho bigla ito dahil nakabalik na ito roon!
Tiningnan niya agad ang tablet niya pag-akyat niya, akala niya ay nag-reply na sa kanya si Amsel ngunit wala pa rin.
Pero pina-chat niya na ito kay Nadia. Galit ba si Amsel sa kanya kaya hindi ito nagre-reply? Nagalit ba ito dahil ang tagal niya ito na hindi pinansin?
Inis na napasabunot sa buhok niya. Hindi na niya talaga alam ang gagawin!