kabanata 39

2196 Words
Wala si Kaleb kinabukasan dahil si Blake ang nasa earth kaya hindi masabi ni Dorothea ang nalaman niya tungkol sa hostage taking na nangyari kahapon. Nalaman niya rin na kapag si Blake ang nasa earth ay nagpapanggap lang si Halsey na hindi niya alam na hindi si Kaleb ang kasama niya. Dahil hindi alam ni Blake na alam na nito ang totoo. At sinabi rin ni Kaleb na ang alam ni Blake at ng mga kaklase nilang lahat sa htrae ay nag-ibang bansa na si Theodora matapos ipakulong si Mr. John. “Hinahanap kita kahapon,” sabi niya kay Elnora. Umiwas ito ng tingin. “Lumayo talaga ako kasi kasama mo si Halsey.” “Nor,” aniya at nagbuntong-hininga. “Hindi ko itinuturing na kaibigan si Halsey, pero dahil malaki ang utang na loob ko kay Kaleb ay gusto kong gawin ito para sa kanya.” Magkasalubong ang kilay na tiningnan siya nito. “E, paano ako? Nakikita ko ‘yung bestfriend ko na kasama ‘yung taong ayaw ko, hindi mo ba iniisip ‘yung nararamdaman ko?” “Sabihin mo sa’kin, Nor. Bakit ayaw mo kay Halsey?” tanong niya, naguguluhan. “Kasi sa nakikita ko, mabait naman siya e. Bigyan mo naman siya ng chance!” “Edi parang sinabi mo na nga rin na sumasama ka sa kanya dahil gusto mo siyang maging kaibigan, hindi dahil sa utang na loob mo kay Kaleb!” Nagbuntong-hininga siya. “Hindi sa gano’n, Nor. Nilalayuan ko siya, maniwala ka sa’kin! Dahil lang talaga ito kay Kaleb, nanghingi siya ng pabor sa’kin na kapag may nangyari ay samahan ko si Halsey.” “Pwes, ako naman ang manghihingi sayo ng pabor.” Matiim siya nitong tinitigan. “‘Wag mo nang lalapitan si Halsey kahit kailan, kapag hindi mo ‘yan ginawa, ibig sabihin ay pinipili si Kaleb.” Nanlaki ang mata niya, napanganga siya dahil hindi siya makapaniwala. “B-bakit mo ako pinapapili?” “Dahil ayaw mong layuan si Halsey,” saad nito sa mariin na tono. “Sinabi ko na sayo, hindi maganda ang pakiramdam ko sa kanya. May kakaiba sa kanya na hindi ko gusto. Sige nga, sabihin mo sa’kin, kailan pa ako nagkamali sa mga ganyan?” Hindi siya nakakibo. Sa totoo lang, dati pa lang ay magaling na si Elnora na kumilatis ng mga tao. Ito ang napansin niya noon pa, pero hindi niya maintindihan ang kay Halsey dahil mabait ito. Magaling lang ba talaga na magpanggap si Halsey? “Mamili ka na ngayon, Dorothea.” “N-nor. .” “Hindi ka makapili?” Inis na tanong nito kaya ibubuka niya na sana ang bibig niya para magsalita pero pumasok na ang ilan sa mga kaklase nila. Tinalikuran siya ni Elnora at lumabas kaya napapikit siya ng mariin. Matagal niya nang bestfriend ito, mahal niya si Elnora bilang kapatid. Ngunit si Kaleb ang tumulong sa kanya sa htrae noong mag-isa lang siya ro’n at sinasarili ang lahat, at ang pabor na hinihingi nito ay hindi basta-basta lang— kaligtasan ni Halsey iyon. Kakayanin ba ng konsensya niya na hayaan ang buhay ng isang tao dahil lang sa ayaw ng bestfriend niya na lapitan niya ito? Napapikit siya ng mariin at napasabunot sa sarili dahil sa inis. Hindi niya alam ang gagawin! “Hala!” Napadilat siya ng mata nang marinig ang boses na iyon. Si Nadia ay nakatayo sa tapat niya ngayon at nakatakip sa bibig habang tinitingnan siya. “Nakalimutan kong i-chat si Amsel, sorry!” Kumuyom ang kamao niya at pinilit ngumiti. “Kaya pala hindi nag-reply, pero ayos lang.” Napuyat siya kagabi dahil sa kaiisip kung bakit hindi nag-reply sa kanya si Amsel kahit chinat na ito ni Nadia, iyon pala ay nakalimutan! Umupo ang kaklase sa tabi niya habang hawak ang phone. “Icha-chat ko na siya ngayon.” Dinungaw niya ang phone nito habang nagtitipa ng chat kay Amsel, hindi iyon online. Maaga pa kaya siguradong tulog pa. Nadia; Amsel, kasama ko ngayon si Dorothea. Nagchachat daw siya sayo pero hindi mo binabasa, nasa message request. Miss ka na raw niya, tsaka I love you raw. Nanlaki ang mata niya nang i-send agad ni Nadia iyon, hinampas niya agad ito sa braso kaya napapitlag ito. “Bakit nilagyan mo ng gano’n sa dulo?!” “Ha? Hindi pa ba kayo nagsasabihan ng gano’n?” “H-hindi pa!” Napangiwi ito. “Bakit hindi pa?” Nag-iwas siya ng tingin. “W-wala lang. .” “Ang hina naman ng pambato namin,” anito at umiling-iling habang nagtitipa sa phone. Nadia; Amsel, joke lang ‘yung nasa dulo. Ako lang naglagay niyan. Hehe. “O, ayan na!” ani Nadia at ngumiti ng kakaiba. Umikot ang mata niya. “Salamat.” “Hindi ka pa ba nabibilhan ng phone?” tanong nito. “Hindi mo na nakita ‘yung nawala e.” Umiling siya. “Sa birthday ko pa siguro, tsaka hindi ko sinasabi kina mama na nawala dahil patay na naman ako.” “Malapit na ba birthday mo?” “Oo, ilang araw na lang.” “E, kailan daw uuwi si Amsel?” Huminga siya ng malalim. “Pagkatapos daw ng birthday ng lolo niya.” Dahil kay Nadia ay nakalimutan niya saglit ang naging pagtatalo nila ni Elnora. Mabait naman ang kaklase ngunit alam niyang tsismosa ito kaya iniingatan niya pa rin ang mga sinasabi niya, ayaw niya na maging masyadong komportable. Break time at hinanap niya si Elnora sa ibang room para makasabay na kumain, gusto niyang mag-sorry sa kaibigan. “Elnora,” sambit niya nang makita itong mag-isa na naglalakad palabas ng room. Lumingon ito at agad na sumimangot. “Bakit?” “Sabay na tayo kumain,” sabi niya kaya lalo itong sumimangot. Hinawakan niya ito sa braso. “Ikaw ang pinipili ko, Nor, syempre. At payag ako na hindi ko papansinin si Halsey, pero pwede ba na kung sakaling may mangyaring masama ay isama natin si Halsey sa’tin? Please, para lang talaga sa utang na loob ko kay Kaleb!” Hindi ito sumagot, halatang nag-iisip kaya inalog-alog niya ang braso nito. Inis na tumango ito. “Oo na! Doon mo lang siya papansinin a!” “Oo, promise.” Mabuti ay naging maayos sila ni Elnora. Masaya siya na hinahayaan na rin siya nito sa gusto niyang kainin, sinabayan pa nga siya nito at prutas lang din ang kinain. “Sigurado ka na iyan lang ang kakainin mo? Baka magutom ka sa klase,” sabi niya rito. “Bakit? Nagugutom ka ba sa klase?” Umiling siya. “Hindi, sanay na kasi ‘yung katawan ko sa ganitong pagkain.” “Okay lang ‘yan!” Napangiti na lang siya ng malawak. Siguro nga tama talaga siya, walang makakatalo sa pagkakaibigan nila ni Elnora. Sobrang bait nito sa kanya. Pinaubaya na nga nito sa kanya si Amsel kahit na gusto rin nito ang binata. “Nor, thank you sa lahat,” seryosong sabi niya kaya napanganga ito, natawa siya. “Wala lang, gusto ko lang sabihin kasi baka mag-end of the world bigla.” Ngumiwi ito. “Well, thank you rin sa lahat.” Nagtawanan silang dalawa habang nakaupo sila sa waiting shed, parehong umiinom ng banana milk. Ngunit napatigil sila bigla nang mapansin na parang pinagtitinginan sila. May ilang estudyante na natatawa habang nakatingin sa phone, nanlaki pa ang mata ni Dorothea nang makita niya na parang kinuhanan sila ng litrato tapos ay tumawa ito habang nagtitipa sa phone. Tumaas ang kilay niya. “Ano ‘yan? Bakit mo ako kinuhanan ng litrato?!” “Ha?” tanong no’ng estudyante at agad na tumalikod, nag-iwas din ng tingin ang iba. Agad na tumayo sa pagkakaupo si Elnora at mabilis na lumapit doon sa estudyante, inagaw ang phone nito. “Ano ‘yan! Akin na nga ‘yan!” sigaw no’ng estudyante pero nilalayo ni Elnora habang binabasa ‘yung nasa phone. Lumapit si Dorothea. “Anong meron?” Kunot ang noo na nag-angat ng tingin si Elnora. “May group chat silang lahat at mukhang tayo lang dalawa ang hindi kasali.” “Ha? Anong group chat? Anong pinag-uusapan nila?” Pinakita ni Elnora ang phone kay Dorothea. Agad na nagsalubong ang kilay niya nang makita ang pangalan ng group chat. KABALIWAN NI DOROTHEA Ang daming nagchachat doon, ang lahat ay nagtatawanan. Student 1; Napapunta raw siya sa ibang mundo? Ano ‘yon mundo ng mga baboy? Student 2; Hahahahahaha! ‘Wag kayong ganyan, pumapayat na nga e. Student 3; Baliw talaga, magkakagulo nga raw kasi maghahalo ang dalawang mundo. Student 4; May sayad talaga. Hahahaha! Buti hindi nahahawa si Elnora? Student 5; Nandito ba si Elnora? Student 1; Wala, magsusumbong iyon kay baliw e. Student 4; Hindi ko alam kung bakit kinakaibigan ‘yon, ginayuma niya yata si Elnora. Student 9; Ang lakas din ng loob niya na ipagkalat na girlfriend siya ni Amsel, sino siya sa tingin niya? Roldan; Totoo ‘yon, bakit hindi kayo naniniwala? Student 9; Lol, kalokohan. Paano magugustuhan ni Amsel ‘yung baliw na ‘yon? Roldan; Bakit hindi niyo mismo itanong kay Amsel? Student 1; Gago, sinong nag-add diyan kay Roldan? Roldan Tolentino added Amsel Esguerra to the group chat. Student 1 left the group chat. Student 16 left the group chat. Student 8 left the group chat. Student 20 left the group chat. Student 3 left the group chat. Sunod-sunod ang nag-leave nang biglang i-add ni Roldan si Amsel. Napakagat si Dorothea sa kanyang labi, kumuyom ang kanyang kamao dahil sa nararamdaman na galit. Paano kumalat ang tungkol sa Htrae? Bakit gano’n? Parang imposibleng kumalat iyon nang ganon-ganon lang! Ang phone na hawak niya ay nag-violet ang screen dahil sa higpit ng pagkakahawak niya kaya inagaw ito ng may-ari, galit na nilingon niya ito. “Sinong gumawa ng group chat na ‘yan?” Mahina ngunit galit ang boses niya kaya napangiwi ito. Nakikita niya sa gilid ng mga mata niya na kinukuhanan siya ng litrato at video ng iba, hinila siya ni Elnora kaya nagpupuyos sa galit na nagpadala siya. Nang mag-isa na sila sa room ay hinarap siya nito. “Marami ka bang pinagsabihan tungkol doon, Dorea?” “H-hindi!” agap niya, nakahawak siya sa kanyang noo. Sobra siyang naiinis. “Ikaw lang ang pinagsabihan ko, at si Amsel.” “E, bakit ganito? Pinagtatawanan ka ng lahat!” Nagbuntong-hininga ito. “At ano ‘yung sinasabi nila na maghahalo ang mundo? Ano iyon? Hindi ko alam ‘yung parte na ‘yon!” “Nor. .” Nag-angat siya ng tingin, maluha-luha. “Nitong mga nakaraang araw, nakakakita kami ng mga tao na doble-doble kaya may hinala kami ni Kaleb na baka unti-unti nang naghahalo ang htrae at earth.” Nanlaki ang mata nito. “Si Kaleb! Tama! Sinong pinagsabihan niya?” “Si Kaleb?” Natigilan siya. “S-si Halsey lang ang alam ko na pinagsabihan niya.” Napanganga si Elnora at inis na napatayo, nakapamewang na pinagmasdan siya nito. “Iyan na, Dorothea! ‘Yung sinasabi ko sa iyo kanina pa lang! Hindi talaga maganda ang kutob ko sa babae na ‘yan!” “Paano ka naman nakakasiguro na si Halsey—” “Hindi pa ba halata?” Umupo ulit ito sa harap niya. “Pansin mo ba na hindi binabanggit ng iba si Kaleb? Puro ikaw lang ang inaasar nila! Akala ng lahat ay baliw ka, Dorea. Kung hindi ko lang alam ang totoo ay siguradong hindi rin ako maniniwala.” Pumikit siya ng mariin. Hindi niya maipaliwanag kung gaano siya kagalit ngayon. Kung tama nga ang sinasabi ni Elnora na si Halsey ang may gawa nito, hindi niya alam kung gagawin niya ang pabor ni Kaleb. Dahil bukod sa hindi kapani-paniwalang impormasyon na iyon tungkol sa ibang mundo ay dinamay din ang relasyon nila ni Amsel. Gusto niyang magmura at manakit. “Anong gagawin natin?” tanong ni Elnora. Huminga siya ng malalim. “Wala, normal lang.” “Anong normal lang? Pambubully ‘tong ginagawa nila sayo!” “Wala akong pakialam, sanay na ako,” aniya at mapait na ngumiti. “Wala naman tayong magagawa, Nor. Mahirap paniwalaan ang tungkol sa Htrae, walang maniniwala ro’n hangga’t hindi nila nararanasan.” “E, ‘yung tungkol kay Amsel?” Kinagat niya ang kanyang labi at napaiwas ng tingin. “M-magso-sorry ako kay Amsel, hindi pa naman kami pero gano’n. .” “Bwisit kasi,” sambit ni Elnora at inis na suminghap. “Sa babaeng iyon, anong gagawin mo?” “Hindi ko alam,” aniya. “Si Kaleb ang iniisip ko, wala siya ngayon dito sa earth. Ayokong basta awayin si Halsey nang walang sapat na basehan.” Hindi niya alam ang gagawin niya. Gusto niyang respetuhin ang relasyon ng dalawa. Totoo rin na si Halsey ang maaaring nagkalat nito, dahil kumpara kina Elnora, Amsel at Kaleb ay ito ang hindi niya kilala masyado. Tsaka may mga pagkakataon din talaga na nagtataka siya sa sobrang pagiging mabait ni Halsey sa kanya kahit na inaaway niya ito dati. Lahat ba ng iyon ay arte lang? May tinatagong galit ba talaga ito sa kanya dati pa?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD