Hanggang sa klase ay naririnig ni Dorothea na pinagtatawanan siya ng ibang estudyante. Bwisit na bwisit siya, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya.
Totoo ang kumalat. Napapunta naman talaga siya sa ibang mundo, sa Htrae. Pero sinong maniniwala no’n?
Kaya nga nang tanungin siya ng isa niyang kaklase ang tungkol doon ay itinanggi niya na lang, sinabi niya na wala siyang alam sa kumakalat. Dahil wala naman talagang maniniwala kahit ipilit niya.
Ang gusto niya lang malaman ngayon ay kung sino ang nagpakalat.
Kalalabas niya lang ng room nang makita niya si Roldan na naglalakad sa hallway, wala itong kasama. Laging ito ang kasama ni Amsel ngunit wala ito ngayon.
“Roldan!” pagtawag niya.
Napatigil agad ito at lumingon sa kanya kaya nilapitan niya.
Ngumiti siya ng tipid. “Nabasa ko ‘yung sa group chat, salamat doon a.”
Ito lang kasi ang tanging nagtanggol sa kanya sa group chat ng tungkol kay Amsel, kahit papaano ay nabawasan ang pagmumukhang baliw niya sa lahat dahil sa ginawa nito.
“Wala ‘yon,” sabi nito. “Sinabi rin naman ni Amsel na bantayan kita.”
Nagulat siya. “Sinabi niya iyon? Kailan pa?”
“Bago pa siya umalis.”
Tumango siya. Hindi niya napapansin na binabantayan siya ni Roldan, at hindi rin kasi iyon sinabi ni Amsel.
“Nagbago ka,” anito habang pinagmamasdan siya. “Parang hindi ka na masyado nakaangil e.”
Bigla tuloy siyang napairap. “Mabait lang ako ngayon dahil pinagtanggol mo ko, nagsinungaling ka pa sa group chat na ‘yon para hindi ako mapahiya.”
“Ha?” Kumunot ang noo nito. “Kayo naman na talaga ni Amsel, diba?”
Nag-init ang mukha niya. Hindi pa sila ni Amsel! Ayaw niyang i-consider na gano’n agad iyon. Gusto niyang tanungin siya nito, gusto niyang maranasan iyon dahil hindi niya pa ‘yon nararanasan.
“A-ano bang sinabi sayo ni Amsel?”
“Wala.” Tumawa ito. “Sige na, mauuna na ako. May klase pa ako e, basta ‘wag mo na lang pansinin ‘yung iba. Si Amsel na bahala ro’n pagbalik niya.”
Tumango siya at ngumiti. “Salamat ulit.”
Ngumiti rin ito at inangat ang isang kamay na parang nakikipag-apir kaya in-apir-an niya rin ito, natawa pa ito tapos ay tinalikuran na siya kaya sinundan niya ito ng tingin palayo.
Napanganga siya. Bakit ang bait ni Roldan?!
Hindi tulad ng dati, hindi nakayuko si Dorothea habang naglalakad siya sa loob ng school ngayon kahit pa ang dami niyang naririnig na bulungan.
Lagot kayong lahat kay Amsel pagkauwi niya.
Iyon ang pinauulit-ulit niya sa isip niya. Gusto niya na tuloy umuwi para makausap ito, hindi naman kasi niya madala ang tablet niya dahil napakalaki no’n. Gising na kaya ito? May reply na kaya ito sa kanya? Chinat na ito ni Nadia e.
“Dorea!” Dinambahan siya ni Elnora sa likuran kaya muntik na siyang matumba kung hindi lang siya napaabante.
Nilingon niya ito. “Tapos na ang klase mo?”
“Meron pang isa.”
“Sabay na tayo umuwi mamaya.”
Tumango ito. Pinandilatan agad ni Dorothea ang isang estudyante na lumingon sa kanilang dalawa.
Isang oras na lang. Isang oras na lang ay uwian na at makakaalis na muli siya sa impyernong iyon, tapos ay makakausap na niya si Amsel.
Nilingon niya agad si Elnora. “Nor, pwede bang i-check mo kung online na si Amsel?”
“Lowbat ako,” saad nito at ipinakita sa kanya ang phone nito. Nakapatay na nga at walang charge, bakit ba ang malas niya? Kay Nadia na lang siya magtatanong mamaya, kaklase niya ito sa susunod na klase.
“Dorothea. .”
Sabay silang napatigil sa paglalakad nang harangin sila ni Halsey, nag-aalala ang itsura nito. Hinihingal na para bang kanina pa siya nito hinahanap, bubuka na sana ang bibig niya para magsalita pero hinila siya ni Elnora palayo.
“T-teka, Dorothea!” sigaw ni Halsey at hinawakan siya sa braso. “May sasabihin ako sayo!”
“Ano pa bang gusto mo, Halsey?” Galit na tanong ni Elnora. “Pagkatapos ng ginawa mo, ngayon ay lalapit ka sa kanya? Tingnan mo ang nangyayari sa kanya ngayon!”
Nagulat siya nang tiningnan nito ng masama si Elnora, ngayon lang nakita ni Dorothea na gumanon si Halsey dahil laging mabait ang mata nito.
“Hindi kita kinakausap, Elnora,” saad ni Halsey at hinila si Dorothea sa kamay. “May sasabihin ako sayo, please. Sayo lang, hindi kasali ang iba.”
Hindi siya nakasagot. Hindi siya handa rito.
“B¡tch,” untad ni Elnora at tinulak palayo si Halsey kaya napabitaw ito sa kanya.
Nanlaki ang mata ni Dorothea ro’n dahil muntik nang matumba si Halsey. Hinawakan niya si Elnora sa braso para pigilan, ayaw niya naman na mag-away ‘yung dalawa dahil sa kanya.
Pinagmasdan niya si Halsey. “Sa susunod na lang tayo mag-usap.”
“Hindi, kailangan ngayon na!” agap ni Halsey.
“M-mamaya na lang,” mahinang sabi niya kaya nagbuntong-hininga ito.
Kakausapin niya ito kapag hindi niya kasama ang kaibigan para walang away. Gusto niya rin marinig kung ano ang sasabihin ni Halsey.
“Kakausapin mo talaga ang babaeng iyon mamaya?” tanong ni Elnora habang papunta sila sa mga room nila.
Tumango siya. “Oo, bahala na.”
“‘Wag kang magpapauto sa babaeng iyon!”
“Syempre.” Tumaas ang kilay niya. “Kailan ba ako naging uto-uto?”
“Maraming beses na.”
Inirapan niya ito at tinulak papunta sa pinto ng room nito. “Sabay tayo mamaya a.”
Tumango ito at kumaway bago pumasok, siya ay naglakad pa ng konti papunta sa room niya. Hinanap niya agad ng tingin si Nadia ngunit wala ito.
Maaga pa naman kasi kaya baka nag-gagala pa ito. Umupo muna siya sa upuan niya at umub-ob doon habang nakapikit, gusto niyang ipahinga ang utak niya ngunit may mga punyeta talaga na ayaw siyang patahimikin.
“Oo nga e, hindi na nahiya sa pagkakaroon niya ng crush kay Kaleb dati. Ngayon si Amsel naman.”
“Pero, diba, in-add ni Roldan si Amsel doon sa group chat?”
“Oo, pero malay mo kung nanti-trip lang si Roldan? Hindi naman nagchat si Amsel e, hindi rin nag-seen kaya hindi pa rin tayo sigurado.
“Halatang walang pakialam.”
“Grabe, ang assuming. Nakakabwisit.”
“At kung totoo man ‘yon. Isa lang ang ibig sabihin no’n, pumangit ang taste ni Amsel sa babae.”
“Pero tingnan mo, ang laki na ng pinayat niya, sabi nga nina Jonas ay gumaganda raw.”
“Sus! Naninibago lang sila dahil—”
Nag-angat siya ng ulo bigla kaya napatigil bigla sa pagsasalita ang mga ito, nag-inat siya at nilingon ang mga ito. Nagkatamaan sila ng tingin tatlo kaya itinaas niya ang kilay niya, tapos ay nag-iwas ng tingin ang dalawa.
“Dorothea!”
Mabilis niyang inilipat ang tingin niya kay Nadia na dumating, kanina niya pa ito hinihintay. Umupo ito sa tabi niya.
“Nag-reply na ba siya?” tanong niya agad.
Nanlaki ang mata nito. “Oo nga pala! Teka.”
Umayos siya sa pagkakaupo at pinanood niya ito habang hinahanap ang phone sa loob ng bag nito.
“Ino-off ko kasi ‘yung data ko dahil sayang sa—” Automatic na napayuko silang lahat bigla nang makarinig sila ng isang napakalakas na pagsabog.
Ilang sandaling napatahimik ang lahat—nakikiramdam sa paligid, bago nila narinig ang sigawan ng ibang estudyante sa labas.
Napatayo si Dorothea. Tumakbo agad siya palabas ng room at para siyang nag-yelo sa kinatatayuan niya nang makita niya ang malaking gate ng school nila na nakatumba, tapos ang mga estudyante ay nagtatakbuhan dahil sa takot.
Nakikita niya ang halos lahat dahil nasa second floor siya, may mga naka-civilian na tao at maraming usok sa paligid. Ang karamihan sa kanila ay may hawak na mga baril.
Sobrang ingay at napakagulo.
“A-anong nangyayari?!” tanong ni Nadia pero hindi siya nakasagot.
“Umalis na tayo rito!” sigaw ng isa bago naglabasan ang lahat ng nasa room, nabangga pa siya ng mga ito pero hindi siya natinag.
Napahawak siya sa ulo niya, pinapakalma ang sarili. Bakit may umatake sa school nila? May kinalaman ba ito sa Htrae?
“Kapag naituro ninyo sa’min ang kinaroroonan ng babaeng nagngangalan na Dorothea Costanza ay hahayaan namin kayo na mabuhay lahat!”sabi ng isa gamit ang isang megaphone.
Napatakip siya sa bibig dahil doon. Siya ang hinahanap ng mga ito? Bakit? Bakit siya? Anong nangyayari? Bakit naging ganito?
Natataranta at nanginginig na tumakbo siya pababa ng hagdan, yakap niya ang bag niya. Nagpapawis ang mga palad niya at malakas ang pagkabog ng kanyang dibdib dahil sa takot.
“Ayon! Si Dorothea iyon!” sigaw ng isang estudyante kaya nanlaki ang mata niya at mabilis na tumakbo palayo. “Habulin natin!”
“Sigurado ka? Ibibigay talaga natin siya?” tanong ng isa.
“Anong gusto mo?! Mamatay tayong lahat?”
Naiiyak na tumakbo siya, maraming estudyante sa paligid ngunit ang iba ay hindi naman siya hinahabol at tumatakbo lang din lahat para tumakas. Siguro ay hindi napansin ng mga ito ang sinabi no’ng mga sibilyan kanina.
Pumalag-palag agad siya nang mahawakan siya ng isa sa likod ng uniporme niya, tapos ay sa braso siya hinawakan.
“Huli ka!” sigaw ng isa.
“Gago ka! Bitiwan mo ako!” Galit na sigaw niya at hinampas ito ng bag niya sa mukha kaya nabitawan siya nito.
Tumakbo agad siya palayo para makalabas ng school ngunit nahawakan siya ulit no’ng isa sa uniporme, napasalampak ang pwet niya sa sahig dahil sa pagkakahila nito.
Hindi siya agad nakagalaw dahil sa sakit no’n, hinila siya patayo no’ng lalaki pero nanlaki ang mata niya nang makita niya si Gray na tumatakbo palapit sa kanya.
“Ate!” sigaw nito at hinila siya paangat.
Naiiyak na yumakap siya sa tagiliran ng kapatid. Tinanggal nito ang bag at pinalo ro’n sa lalaki na humahabol sa kanya bago siya nito hinila palabas ng school.
Natatakbuhan pa ng lahat ang nakatumbang gate kaya lalong maingay iyon.
“Anong nangyayari, ate? Bakit hinahanap ka ng mga ‘yon?” tanong nito habang nakikisali sila sa mga nagtatakbuhan na estudyante.
Pati ang mga sasakyan ay nagkakagulo, at lalong umingay dahil sa busina ng mga ito.
“H-hindi ko alam,” nanginginig na sabi niya.
Humigpit ang hawak nito sa kanya. “Umuwi muna tayo.”
Bigla siyang napatigil sa paglalakad dahil doon. Siya ang hinahanap ng mga kalaban na iyon, paano kung may makakita sa kanila at madamay pa pati ang mga magulang nila?
“G-gray, umuwi ka muna mag-isa,” sambit niya kaya nagsalubong ang kilay nito.
“Anong sinasabi mo? Tara na! Baka makita pa tayo rito!”
“Hindi,” aniya at tinulak ito. “Promise ko sayo, uuwi agad ako! Basta ngayon ay umuwi ka muna, puntahan mo si mama! Mag-isa lang siya ro’n, at si Papa ay tawagan mo. Sabihin mo ay umuwi muna siya tapos ay umalis kayo sa bahay agad!”
“E, paano ka?”
Nag-iwas siya ng tingin. “Ako nang bahala! Sige na, bilisan mo na! Mag-isa lang si Mama sa bahay!”
Umiling ito at hinila siya sa kamay. “Hindi, sumama ka na sa’kin—”
Tinulak niya ito, nagtiim bagang. “Ang kulit mo! Gusto mo bang pati sina Mama ay madamay pa?! Pinapauna kita ro’n para mapaalis mo sila sa bahay! Kapag sumama ako sayo ay parang dinala na rin natin kay mama ang panganib! Makinig ka sa’kin, Gray, kahit ngayon lang! Para sa kaligtasan nila mama ‘to!”
Napapikit ng mariin si Gray at napasabunot sa buhok dahil sa sobrang inis, halatang hindi nito alam ang gagawin. Tapos ay huminga ito ng malalim habang nililibot ang tingin sa nagkakagulong paligid, saka ito tumango.
“Tatawagan kita pagkauwi ko,” sabi nito.
“S-sige,” aniya at mabilis na tumango. Niyakap siya nito saglit bago ito tumakbo palayo.
Naiiyak na napatakip siya sa mukha niya. Hindi alam ng kapatid niya na nawala ang phone niya, tatawag ito sa wala mamaya. Pero ang mahalaga ay makaalis ang mga ito sa bahay nila.
Dahil kung ang mga humahabol sa kanya ay may kinalaman sa Htrae, maaaring alam ng mga ito ang bahay nila. Kaya niya pinauwi agad si Gray para umalis agad ito kasama ang magulang nila.
May mga nakakabangga sa kanya kaya matumba-tumba siya, at habang tumatagal ay lalong nagiging maingay.
“‘Yung kaibigan ko ay nasa loob pa!” sigaw ng isang estudyante.
“Delikado nga sa loob! Nakita mo ba na may binaril sila?”
Nanlaki ang mata niya. May binaril ‘yung mga hinahanap sa kanya? Ibig sabihin ay pumapatay talaga ang mga ito? Anong gusto sa kanya ng mga iyon? Papatayin din siya?
Si Elnora. Sh¡t! Si Elnora! Si Halsey rin! Nangako siya kay Kaleb!
Kinagat niya ang kanyang labi at kinuyom ang kamao niya, nagtungo muli siya sa entrance ng school ngunit napatigil agad siya nang makitang may mga kalaban doon sa mismong tabi ng tumumbang gate.
At nang lumingon ito sa kanya ay nagmamadali siyang tumakbo kaya naramdaman niyang hinabol nito, humalo agad siya sa mga estudyante at binuhos ang buong lakas para tumakbo ng mabilis.