kabanata 41

2240 Words
Kanina pa takbo nang takbo si Dorothea dahil hindi siya tinitigilan ng mga humahabol sa kanya. Mabuti na lang ay medyo kabisado niya ang lugar malapit sa school nila kaya alam niya ang pasikot-sikot. Ngunit isa lang ang napansin niya, kahit saan siya magpunta ay nagkakagulo ang lahat. Talaga bang katapusan na ng mundo? Nagkahalo-halo na ba talaga ang lahat? Hindi niya napapansin kung may nakikita siyang mga doble dahil hindi na niya tinitingnan ang mga tao kanina pa, basta ay tumatakbo na lang siya. Kailangan niya rin pala munang hanapin si Elnora at Halsey, ngunit paano niya magagawa iyon ngayon? Para ngang mas magiging ligtas pa ang mga ito kung hindi siya kasama. Hinihingal na sumandal siya sa isang dingding, umapak siya sa isang bato. Putik ang paligid na aabot hanggang kalahati ng binti kapag nahulog siya. “Hanapin niyo! Kailangan natin makuha ang babaeng ‘yon!” Bakit gusto siyang kunin ng mga iyon? Pinigil niya kanyang paghinga, parang naririnig niya na rin sa tenga niya ang sariling t***k ng puso niya dahil sa lakas at bilis no’n. Nanginginig ang kanyang buong katawan. Muntik na siyang mapatili nang muntik na siyang matumba dahil sa bato kung saan siya nakaapak. Napapikit siya ng mariin at kumapit sa nakausling bato sa dingding, tapos ang isang kamay ay pinantakip niya sa bibig niya. “Hanapin niyo agad! Baka makalayo pa!” Narinig niya na nagtakbuhan ito palayo sa kanya ngunit hindi agad siya lumabas. Natatakot siya na baka may naghihintay lang na lumabas siya sa pinagtataguan niya. Napadilat siya bigla nang makarinig siya ng sirena ng kotse ng pulis. Nabuhayan siya ng loob, mapoprotektahan siya ng mga ito! Lumabas agad siya sa pinagtataguan niya at saktong nalagpasan siya ng mga pulis kaya hinabol niya ito, mabuti na lang ay hindi mabilis ang takbo ng sasakyan dahil maraming tao sa paligid. “Tulong!” sigaw niya at nang maabutan niya ay kinatok-katok niya ang bintana habang tumatakbo. Tumigil ang sasakyan, tapos ay binaba ng isang pulis ang bintana. “T-tulong po, may humahabol sa’kin. .” “Anong pangalan mo?” tanong nito. “Dorothea Costanza po.” “Ikaw ‘yon? ‘Yung mga pakay ng mga nanggugulo?” tanong pa nito kaya tumango siya nang sunod-sunod. Agad nitong binuksan ang pintuan. “Sumama ka na sa’min.” Sumakay agad siya nang walang pag-iisip. Nanginginig siya habang tinatanggap ang isang bote ng tubig na binibigay nito sa kanya, naiiyak na uminom siya ro’n. Napansin niya rin na tinigilan ng mga ito ang sirena. “Sa presinto ka namin dadalhin muna, Dorothea,” sabi ng pulis na nasa tabi ng driver at nilingon siya. “Tatanungin ka namin ng mga bagay-bagay, pero sisiguraduhin namin na magiging ligtas ka.” Tumango siya. “T-thank you po. .” Nadaanan nila ‘yung school, nagkakagulo pa rin ang lahat. Marami rin mga pulis doon, sigurado ay nasa loob lahat ng school. Napapapitlag siya tuwing nakakarinig siya ng mga tunog ng baril. May ilang pa siyang nakikita na estudyante ro’n, pero karamihan ay mga naka-sibilyan na. Lumingon ang pulis na katabi niya. “Kumalma ka lan—” Napatili si Dorothea nang bigla na lang may pumalo ng bintana kung saan nandoon siya, napayuko siya at napatakip sa ulo niya dahil doon. “Nandito! Nandito si Dorothea!” sigaw no’ng lalaki kaya hinila agad siya no’ng pulis na katabi niya palayo ro’n. Naririnig niyang may kinakausap ‘yung pulis sa unahan sa radyo— ‘yung parang walkie-talkie, na para bang sinasabing nandito ang mga hinahanap nila. Naglabas ng baril ‘yung pulis na katabi niya kaya napapikit siya dahil sa takot habang yakap ang bag niya. Napasigaw na naman siya nang marinig niya na nabasag ang bintana sa likod ng sinasakyan nila. “We need backup! We need backup!” ani isang pulis sa radyo nito. “Kailangan natin umalis muna rito, masyado silang marami!” sigaw ng pulis na katabi niya. Nagdilat siya ng mata, may mga nakaharang sa kanila at ang iba ay may mga dala na mga bakal at kung ano-ano pa. Pinaharurot ng driver ang sasakyan. Nakita niya kung paano mahawi ang lahat ng nandoon, ang iba na ayaw gumilid ay nabangga. Dahil sa kanya. . dahil lang sa kanya at nagkakagulo ang lahat. Hindi niya maintindihan. Bakit siya ang hinahanap ng mga ito? Wala naman siyang ginagawang masama! “Dorothea Costanza, kailangan namin malaman ang number at pangalan ng mga magulang mo. Para mapapunta rin namin sila sa presinto.” Agad na nanlaki ang mata niya. “‘W-wag! Please, ‘wag niyo silang papuntahin!” “Ngunit kailangan nilang malaman ang nangyayari sa iyo ngayon, hindi basta-basta ang mga tao na ito. Pinasok nila ang isang school para lang makuha ka at ngayon ay kinakalaban nila pati ang mga kapulisan.” Umiling siya ng maraming beses. “Madadamay lang sila sa’kin, tsaka pinauwi ko ang kapatid ko at sinabi ko na umalis na sila agad ngayon doon!” “Gano’n ba?” tanong ng pulis at dinampot ang sariling radyo habang nakatingin sa kanya. “Puntahan niyo agad sa bahay, baka makaalis agad. At kapag wala ay hanapin niyo agad sa paligid.” Mabilis na namilog ang mata niya, hindi makapaniwalang napalayo siya. “P-pulis ba talaga kayo? Bakit kukunin niyo rin ang pamilya ko?!” “Pulis talaga kami,” sabi nito at ngumiti. “Ngunit kasama nila kami.” Napatakip siya sa bibig niya dahil sa sobrang gulat. Pati ang mga pulis ay kasabwat ng mga iyon at kalaban din ang mga kasama niya ngayon?! Pumalag-palag siya nang hinawakan siya sa kamay no’ng pulis pero sinipa niya ito sa mukha kaya nabitawan siya. Niyakap niya ng mahigpit ang bag niya saka binuksan ang pinto, tapos ay tumalon siya palabas. Dahil mabilis ang andar ay gumulong-gulong siya sa batong daan, tumama ang siko niya at ang balat niya ay gumasgas. Tumigil ang sasakyan sa hindi kalayuan at nagbabaan ang mga pulis para kunin siya pero tumayo agad siya at tumakbo palayo kahit na ang sakit ng katawan niya dahil sa paggulong-gulong niya. Akala niya ay babarilin siya ng mga ito ngunit hindi iyon nangyari. Hinabol lang siya ng mga ito. Siguro ay dahil may pailan-ilan na mga tao sa paligid. “T-tulong!” aniya habang kumakapit doon sa grupo ng mga tao pero natatakot na nilayuan siya ng mga ito, at nang makita ang mga pulis ay nagtakbuhan lahat. Tumutulo ang luha na tumakbo siya, bawat hakbang niya ay hindi niya mapigilan ang mapahikbi. Hindi niya alam kung anong pakay sa kanya ng mga iyon, pero hindi siya papayag na makuha siya ng mga ito. Inasahan na niya na magkakagulo ang lahat, ngunit hindi niya inasahan na dahil sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan! Hindi naman siya importanteng tao! Paanong naging ganito agad ang lahat? Bakit ang daming tao agad ang involved? Matagal na bang plano ito? Pero bakit siya? Anong nagawa niya? Hindi niya naman ginusto na mapunta sa Htrae! Sigurado na siya na dahil ito sa mundong iyon, wala naman siyang nagawang kasalanan e. Htrae lang ang naiisiip niyang dahilan para sa kaguluhan na ‘to. Ang pinakamalala ro’n, pati ang pamilya niya ay gustong idamay ng mga ito. Humihikbing yumuko siya habang yakap ang kanyang tuhod, nakatago siya sa gilid ng isang maliit na bahay. Ito lang ang nakita niyang pwedeng pagtaguan saglit. Sana ay ligtas ang pamilya niya. Si Elnora, si Halsey na pinaubaya sa kanya ni Kaleb. Naalala niya si Amsel, nangako ito sa kanya na poprotektahan siya nito ngunit wala ito ngayon sa lugar nila. Lalong lumakas ang pag-iyak niya at binuro ang mukha niya sa kanyang tuhod. “A-amsel. .” paghikbi niya. Natatakot siya. Wala siyang kasama. Wala siyang makausap, ang lahat ay gusto siyang saktan at kunin. Wala siyang kakampi. Dalawang oras pa lang ang nakararaan bago ang nangyari ngunit sumasakit na ang buong katawan niya, ang balat niya ay humahapdi kapag nadadapuan ng hangin. “Tang ina,” sambit niya at tahimik na humagulgol ng iyak, takot na may makarinig sa kanya. Wala siyang mapagkatiwalaan kahit na pulis pa. Awang-awa siya sa sarili niya. Hindi namalayan ni Dorothea na nakaidlip siya habang umiiyak, nakatulog siyang habang nakaupo. Hapon na. Ito ‘yung mga oras na magpupunta na siya sa sports complex para mag-jogging, pero ngayon ay ito siya. Naka-uniporme pa rin, maruming-marumi. Magulo ang buhok, madungis ang mukha. Masakit ang katawan at may mga sugat na kumikirot, ang siko niya rin ay masakit dahil sa pagbagsak niya kanina no’ng tumakas siya sa mga pulis. Dinampot niya ang bag niya sa tabi niya. Kinuha niya ang wet wipes sa loob at pinunasan ang sarili, may isang pirasong saging pa sa loob kaya kinain niya iyon dahil nagugutom siya pero wala siyang tubig. Pagkatapos no’n ay kinuha niya ang salamin niya at naglagay ng liptint sa labi. Gusto niya lang na kung mamatay man siya ngayon ay hindi siya haggard. Maingat siyang tumayo at nilibot ang tingin sa paligid. Hindi siya pamilyar sa lugar kung nasaan siya pero tahimik ang paligid, umalis siya sa tinataguan niya tapos ay lumabas siya sa isang eskinita. Naalala niya na doon siya tumakbo kanina. Kahit na delikado, kailangan niyang bumalik sa lugar nila. Nang nasa kalsada na siya ay nakilala niya ang daan, alam niya ang daan pauwi ngunit malayo. Uuwi siya. Ilang oras na ang nakararaan mula nang pauwiin niya si Gray, siguradong wala na ang mga iyon sa bahay. Pero paano kung nakuha ang pamilya niya? Kinagat niya ang kanyang labi, ayaw niyang isipin ‘yon. Binilisan niya ang paglalakad habang patingin-tingin sa paligid, hanggang sa hindi niya namamalayan na tumatakbo na siya. Halos trenta-minuto siyang tumakbo ngunit malayo pa rin siya, pero natatanaw niya sa hindi kalayuan ang school nila. Madilim na rin sa paligid, gabi na. Tumigil siya saglit, mapapadaan siya ro’n para makapunta sa bahay nila ngunit natatakot siya na may mga kalaban. Unti-unti siyang lumapit, tapos ay nagtago siya sa isang bato at sinilip ang school. Walang mga ilaw, wala rin siyang nakikitang mga tao. Safe! Huminga siya ng malalim bago siya tumakbo para lagpasan ang school, ngunit iniwasan niya na makagawa ng ingay. Nang makadaan siya ay naglakad na lang ulit siya habang nagtatago-tago sa gilid. Tapos ay napaigtad siya nang may narinig siyang tumawag ng pangalan niya. “Dorea!” sigaw ngunit pabulong ang pagkakatawag sa kanya. Nanlalaki ang mata na nilibot niya ang tingin sa paligid. Si Elnora lang ang tumatawag sa kanya no’n! “Dito! Kaliwa sa taas!” Tumingin siya sa kaliwa sa taas at nakita ang isang babaeng kumakaway sa may bintana ro’n. Si Elnora! Sinenyasan siya nito kaya nagmamadali siyang pumasok doon sa bahay, nakasara ang pintuan. Sinalubong siya ni Elnora sa may hagdan at agad siya nitong niyakap. “Dorea! Kanina pa kita hinahanap!” anito na nanginginig ang boses. “Nor. .” Hinila siya nito sa taas. Sobrang saya niya! Ngayon ay may kasama na siya, at hinahanap niya rin naman ito kanina pa. Nilibot niya ang tingin sa paligid, maaayos ang mga gamit pero hindi binuksan ni Elnora ang ilaw. Naaaninag niya lang ang paligid. “Kaninong bahay ‘to?” tanong niya. “Hindi ko alam,” saad nito. “Pumasok lang ako rito para magtago.” Pinagmasdan niya ang kaibigan. Naka-uniporme pa rin ito, magulo ang suot ngunit hindi ito gano’n karumi. Ang buhok ay makalat pero hindi madungis. Nakahinga siya ng maluwang dahil halatang maayos naman ang kaibigan. Ang kailangan niya na lang hanapin ngayon ay ang pamilya niya at si Halsey. “Kanina ka pa ba rito?” tanong niya. Umiling ito. “Nagpunta ako sa bahay namin pero wala na sila ro’n, magulo ang loob kaya umalis ako. Tapos nagpunta ako sa bahay ninyo pero ang daming nagbabantay ro’n, hindi ko alam kung bakit.” “Maraming nagbabantay?” Gulat na tanong niya. “Doon ako papunta kaya nandito ako!” “‘Wag!” agap nito. “Ang dami nila ro’n, Dorea. Binabantayan nila ‘yung bahay niyo, akala ko nga ay nandoon ka sa loob kaya—” “Nakatakas ako, nakatakbo ako kanina.” Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Magsumbong tayo sa mga pulis.” “H-hindi! Kasabwat din sila rito, Nor. Kanina ay kasama ko na ang mga pulis ngunit nalaman ko na kasama sila ng mga humahabol sa’kin.” Natahimik si Elnora at hindi nakapagsalita. Naging galit ang itsura nito at humigpit ang pagkakahawak sa kanya. “Mga bwisit sila!” inis na sabi nito kaya sinenyasan niya ito na huwag maingay. Padabog na umupo ito sa sofa at humawak sa noo. “Ano nang gagawin natin?” “H-hindi ko rin alam,” sabi niya at nagbuntong-hininga. “Nor, magtago ka sa malayo. Maghiwalay tayo. Ako naman ang pakay nila e, kaya ako lang ang hahabulin nila.” Nanlalaki ang mata na umiling ito. “Ikaw ang pakay nila, pero nakita ko kanina—nananakit at pumapatay sila ng ibang tao, walang ligtas dito. Kaya kahit lumayo man ako sayo, hindi rin ako magiging ligtas.” Kumuyom ang kamao ni Dorothea. Parang gusto niya na lang talagang isakripisyo ang sarili niya para sa kaligtasan ng lahat. Pero magiging sapat ba iyon? Kapag ba nagpahuli siya ay ayos na ulit? Dahil hindi gano’n ang nakikita niya. Sa tingin niya’y mas malalim pa na dahilan ang mga ito kaya nila nagawa ang ganito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD