kabanata 42

2830 Words
Tahimik na nakaupo si Dorothea sa sahig habang si Elnora ay natutulog sa tabi niya. Katutulog lang nito, gusto niya rin matulog para may pahinga siya mamaya pero hindi niya magawa. Hindi siya mapakali, natatakot siya na baka makita sila ng mga kalaban habang natutulog sila. Hindi nila alam kung nasaan ang mga may-ari ng bahay na ito ngayon pero pasalamat sila na may nasisilungan sila ngayong gabi. Dahil mamayang umaga, balak nilang hanapin ang mga pamilya niya. Gusto niya rin hanapin si Halsey, gusto niyang tuparin ang pangako niya kay Kaleb. Halos maliwanag na nang magising si Elnora. Naki-hilamos sila sa banyo ngunit hindi sila nagpalit ng damit dahil ayaw nilang makialam sa mga gamit. “Diba, hahanapin mo rin si Halsey?” tanong ni Elnora habang naghahanda silang umalis. Napatitig siya sa kaibigan. “Oo, dahil nangako ako kay Kaleb.” “Kung gano’n, hanapin na natin siya.” Nanlaki ang mata niya. “Ayos lang sayo?” Nagbuntong-hininga ito. “Naiinis ako sa kanya, pero paiiralin ko pa ba ‘yon sa ganitong sitwasyon? Nagpapatayan na ang mga tao. .” Walang sinabi si Dorothea. Pero ngumiti siya at niyakap ang kaibigan, kahit gano’n ay naaawa pa rin ito kay Halsey. Hindi siya nagkamali ng bestfriend. Hindi pa lubos na maliwanag nang lumabas sila. Tahimik pa sa lugar nila ngunit may naririnig na silang ingay sa malayo, si Elnora ay nakakapit sa braso ni Dorothea habang naglalakad sila. Nagtatago-tago sila sa mga gilid-gilid dahil baka may makasalubong sila. Pumikit siya ng mariin nang makarinig sila ng mga boses mula sa loob ng bahay sa tapat nila, mahihina ang boses ng mga ito ngunit alam nilang marami ang nasa loob. “Sh¡t!” bulalas ni Elnora nang matapilok ito dahil sa dumulas na kahoy na tinapakan nila, muntik na itong tumumba kung hindi lang ito nakakapit sa kanya. “Ayos ka lang?” tanong niya at lumuhod para hawakan ang paa nito ngunit agad itong napadaing. “Ang sakit!” Sinenyasan niya ito na huwag maingay kaya tinakpan nito ang bibig. Naghanap si Dorothea sa bag niya ng kung ano na pwedeng ipangtali sa paa nito pero wala siyang makita. Puro notebook lang ang laman! “May panyo ka ba o bimpo?” tanong niya. Tumango ito. “M-meron yata sa bag ko.” Kinuha niya agad ang bag nito, hinalungkat niya ang loob. May pabango, may pulbo, may mga ballpen at notebook din. Ngunit napatigil siya nang makita na nandoon ang nawawala niyang phone. Alam niyang kanya iyon dahil sa sa kulay dilaw na phone case, bakit nasa bag ito ni Elnora? Nagtatakang kinuha niya iyon at iniangat para makita ng kaibigan. “Bakit nasa iyo ito, Nor?” Nanlaki ang mata nito tapos ay hinablot ang bag sa kanya. “T-tumawag sa’kin ‘yung sa lost and found no’ng naghiwalay tayo kahapon. Ibibigay ko sana sayo ‘yan sa uwian kasi, diba, magkasabay sana tayo uuwi?” Hindi siya nakakibo. Pinagmasdan niya ang phone niya at ang una niyang ginawa ay in-on ito ngunit sobrang lowbat. Hindi naman ito lowbat bago mawala. Tumango siya at ngumiti. “Buti na lang ay nakita pa rin. .” Hindi sumagot si Elnora ngunit pinagmasdan lang siya nito. May tiwala siya sa kaibigan niya, siguro ay nakalimutan lang nitong sabihin sa kanya iyon dahil sa nangyayari. Ang mahalaga ay nakita pa rin. “Ano, may panyo ba?” tanong niya habang pinagmamasdan ang paa nito, ngunit alam niyang pinapanood pa rin siya nito. Ayaw niyang mag-isip ng kung ano-ano. Bestfriend niya si Elnora. Inabot nito sa kanya ang panyo at kinuha niya iyon, tinali niya ang paa nito gamit iyon. Siguradong hindi agad makakalakad ng ayos ito dahil namamaga. “Elnora? Dorothea?” Mabilis silang napaangat ng tingin nang marinig nila ang boses na iyon. Nanlaki ang mata ni Dorothea nang makita na ang mga kaklase nila iyon. Sina Nadia, Melanie, Jonas, Axel at Dion. Agad na lumapit ang dalawang babae. “Anong nangyari? Saan kayo nanggaling?” “Nagtago kami buong gabi, pupunta sana kami sa bahay pero natapilok si Elnora.” Bumaba ang tingin ng mga ito kay Elnora na nakaupo sa sahig, lumapit si Axel para alalayan itong tumayo. Samantalang si Jonas ay nakasimangot. Hinawakan ni Nadia si Dorothea sa braso. “Tara, sumama na lang kayo sa’min para marami tayo.” Suminghap si Jonas. “Bakit isasama natin ‘yan? Diba’t siya ang hinahanap nila? Baka madamay pa tayo.” “Kaya hahayaan na lang natin sila rito?” Kumunot ang noo ni Melanie. “Iniisip ko lang ‘yung pwedeng mangyari,” ani Jonas at nagtiim-bagang. “Siya ang dahilan kung bakit nangyayari ito, kaya bakit natin ‘yan tutulungan?” “Jonas!” inis na sabi ni Elnora. “Alam kong galit ka kay Dorea, pero hindi ko akalain na ganyan kalala.” “Totoo naman e!” bulalas nito at tinuro si Dorothea na kanina pa tahimik. “Ano ba kasi ang ginawa mo, ha? Bakit hinahabol ka ng mga ‘yon?” Umismid si Dorothea. “Hindi naman kayo naniniwala.” Tumawa si Jonas ng pang-asar. “‘Wag mong sabihin na dahil ito sa ibang mundo na sinasabi mo? Ganyan ka na ba kabaliw?” “Totoo ‘yon,” ani Elnora kaya sabay-sabay na kumunot ang noo ng mga ito. “Nangyayari ang lahat ng ito dahil doon, ang humahabol kay Dorothea ay pwedeng nanggaling sa ibang mundo na ‘yon.” Si Dion naman ang natawa. “Baliw ka na rin, Elnora. Nahawa ka na sa baliw na ‘yan!” “Walang kasalanan si Dorothea kaya ‘wag niyo siyang sisisihin. Dahil kung siya lang ang pakay nila rito, bakit pati tayo ay nagtatago? Dahil gusto nila tayong ubusin! Kung hindi kayo maniniwala, wala kaming magagawa.” “Tama nga, baliw ka na rin. Na-brainwash ng babae na—” “Edi ‘wag kayong maniwala!” bulyaw ni Dorothea at tinalikuran ang mga ito ngunit napatigil siya nang paglingon niya ay dumating naman si Halsey. Nanlaki ang mata nito, nagulat din nang makita siya. “Dorothea!” “Halsey. .” Lahat sila na nandito ay puros naka-uniporme pa rin. Si Halsey ay madumi ang suot katulad niya, naka-ipit ng mataas ang mahaba nitong buhok. Pawisan at medyo madungis. “Kasama ka rin nila simula kahapon?” tanong niya. “Hinahanap kita. .” “Nakita namin siya kaninang madaling araw.” Si Nadia ang sumagot. Pinagmasdan niya si Halsey. Ang mahinhin at parang babasaging bote na nakikita niya noon dito ay nawala. Hindi niya maipaliwanag ngunit may nag-iba sa dalaga, ngunit alam niyang si Halsey talaga ito. Hindi siya makapaniwala na ito ang babaeng inihabilin sa kanya ni Kaleb. “Gusto kitang makausap, Dorothea,” saad nito. Lumingon muna siya kay Elnora, wala itong sinabi kaya tumango siya. Pumasok si Halsey sa loob ng bahay kaya sinundan niya, ito inirapan niya pa si Jonas na masama ang tingin sa kanya. “Saan ka nagtago?” tanong ni Halsey sa kanya. “Hindi ko alam, malayo rito dahil ang daming humahabol sa’kin.” Tumango ito. “Hindi mo kasama si Elnora simula kahapon?” “Hindi, nagkita kami noong gabi na. At nagpalipas kami ng gabi sa ibang bahay.” Pinagmasdan niya muli ang magandang dalaga. “Ikaw, sinong kasama mo? Paano ka nakaligtas?” “Hindi ko alam, basta ay nakaligtas na lang ako,” sabi nito. “Kahapon pa kita gustong kausapin ngunit hinaharangan ka ni Elnora. .” “Tungkol ba rito ang sasabihin mo?” Tumango ito. “Kahapon, may napapansin akong kakaiba kay Blake. Tapos ay narinig ko siyang may kausap sa phone tungkol sa mga plano na kailangan ay magkagulo ang lahat ng tao.” Nanlaki ang mata niya. “Si Blake ang may gawa ng lahat ng ito?” “Hindi ako sigurado,” saad nito. “Kaya gusto kitang kausapin dahil wala si Kaleb, pero ayaw mong makipag-usap.” “Sorry,” aniya at napahawak sa noo. “Naiinis lang ako kahapon dahil sa kumalat na tsismis at naisip ko na ikaw ang may gawa no’n.” Nagbuntong-hininga ito. “Sa tingin ko ay si Blake ang may gawa no’n, pero hindi ako masyadong sigurado.” “Bakit? Anong dahilan niya?” “Siguro ay gusto niya na isipin ng lahat na ikaw ang may kasalanan ng mangyayari, kaya inilabas niya muna iyon bago sila sumugod kahapon.” Sumandal ito sa lamesa habang nakatingin sa kanya. “At sinabi pa nila sa lahat na ikaw ang pakay nila para ikaw ang sisihin, tulad na lang nila Jonas ngayon.” Hindi siya nakakibo. Mukhang tama nga ito. Nagtataka rin siya kahapon kung bakit sinabi ng mga ito sa lahat ng estudyante ang pangalan niya. “Pero, bakit ako?” Nagkibit-balikat ito. “Iyan ang hindi ko alam. Basta ay hinihintay ko lang si Kaleb, may usapan kami na magkikita kami sa bahay nila kapag nagkataon na wala siya ‘pag nangyari ito.” Nanlaki ang mata niya. “Tama! Sina mama nga pala ay hinahanap ko! Dadalhin ko sila sa bahay nina Kaleb!” “Tutulungan kita.” Ngumiti siya. “Salamat, Halsey. Sorry dahil pinaghinalaan kita.” “Ayos lang iyon,” anito at ngumiti. “Kumain na ba kayo ni Elnora?” Sumimangot siya. “Hindi pa.” Nanlaki ang mata niya nang maglabas ito ng mga pagkain sa bag na dala nito. Maya-maya ay pumasok sina Nadia, si Elnora ay inaalalayan ng mga ito. “Gusto niyo?” alok ni Halsey sa mga ito. Tahimik lamang sila habang kumakain. Ngunit napapapitlag sila tuwing may naririnig silang putukan o pagsabog sa hindi kalayuan sa kanila. “Kailangan na natin umalis dito, ang lapit na ng kaguluhan,” sambit ni Melanie. Walang sumagot pero lahat ay halatang nag-iisip. Si Jonas at Dion ay iba pa rin ang tingin kay Dorothea, halatang ayaw ng mga ito na kasama siya. Wala na siyang pakialam. Sanay na sanay na siya, basta ang alam niya ay wala siyang kasalanan. Napaangat siya ng tingin nang tumayo si Elnora. “Saan ka pupunta?” “Magbabanyo,” sagot nito at iika-ika na nagtungo ro’n sa banyo, sinundan niya ito ng tingin hanggang sa maisara ang pinto. Bumaling siya ng tingin kay Nadia. “Kaninong bahay ‘to?” “Hindi ko rin alam.” Mukhang ganito na nga lang talaga ang magiging buhay nila, matutulog at kakain sa bahay ng ibang tao na hindi nila kilala. Iniisip niya kung nasaan ang mga may-ari ng mga ito. Nagtatago rin ba ang mga ito? Umalis? Ang tagal na ni Elnora sa loob ng banyo ngunit hindi pa rin ito umaalis, naiihi rin si Dorothea kaya tumayo siya para katukin ito. Ngunit hindi natuloy ang pagkatok niya nang marinig niya na parang nagsasalita ito sa loob, kumunot ang noo niya at dinikit ang tenga nito sa pintuan. Nagsasalita nga iyon na parang may kausap, pero hindi niya naiintindihan ang sinasabi. May kausap ito sa phone? Pero sinabi nito sa kanya kanina na lowbat ang phone nito. Agad siyang napalayo nang bumukas ang pintuan, nagulat si Elnora at parang nanigas habang nakatayo lang doon. Kumunot ang noo niya. “Sinong kausap m—” Agad na nilukob ng takot ang dibdib ni Dorothea nang bigla na lang pabalang na bumukas ang pintuan ng bahay kung nasaan sila, tapos ay sunod-sunod na nagpasukan ang mga lalaking naka-sibilyan. Dinampot ni Dion ang mga babasaging plato sa lamesa at binato sa mga iyon, natamaan ang iba. Napatili sina Nadia nang itinapat ng isa sa mga ito ang baril kay Dion saka ito binaril sa tiyan, pinanood nilang tumumba sa sahig ang kaklase nila. Lahat sila ay hindi nakagalaw. Nanginginig na tinulak ni Dorothea si Elnora papasok ulit sa banyo at sinara ang pinto, tapos ay lumayo siya ro’n para hindi makita. Lumipat ang tingin sa kanya ng lahat. “Nandito nga si Dorothea Costanza.” “Kunin niyo.” Kumuyom ang kamao niya at umatras nang umatras papunta sa hagdan. Sa taas ay nakita niya si Halsey at sinenyasan niya ito na ‘wag itong bababa kaya napatigil ito. “A-anong kailangan niyo sa’kin?” tanong niya sa mga palapit sa kanya. “Hindi ko alam, napag-utusan lang kami,” sagot ng isa. Ang isa naman ay ngumiti. “Cute pala itong si Dorothea. .” Binalot ng pandidiri ang buong katawan ni Dorothea. Sina Nadia ay walang magawa, nakatayo lang at nakatakip ang kamay sa bibig. May mga baril ang mga kalaban at marami rin ang mga ito, samantalang sila ay wala kahit ano. Agad siyang nagpumiglas nang hinawakan siya ng mga ito sa magkabilang braso, ang isa ay tinakpan ang bibig niya. Nanlaki ang mata niya nang magtungo ang isa sa may banyo. Lalo siyang nagpumiglas ngunit mas hinigpitan lang ang pagkakahawak sa kanya kaya hindi siya makawala. “‘Wag!” sigaw niya. Nandoon si Elnora sa loob, baka kung ano ang gawin ng mga ito sa kaibigan. Mabuti na lang ay nasa taas si Halsey. Binuksan no’ng lalaki ang banyo at kusang lumabas si Elnora, akala niya ay hahawakan ng mga ito ang dalaga ngunit hindi. Ngumiti ang lalaki. “Ano nang gagawin natin, Elnora?” Kumunot ang noo ni Dorothea. Nagkatinginan sila ni Elnora, nakatayo lang ito sa tabi ng kalaban na bumaril kay Dion na akala mo ay magkakilala ang mga ito. “Bahala na kayo,” sabi nito. “E-elnora. .” Hindi makapaniwalang sambit niya, nanginginig ang mga mata na pinagmasdan niya ito. Pinagmamasdan siya na para bang wala itong pakialam sa kanya, na para bang iba itong tao. Sina Melanie ay hindi makapaniwala, nanlalaki ang mata ng mga ito. Hindi, baka hindi si Elnora ito! Hindi gagawin sa kanya ng bestfriend niya ito! Tama, baka si Lorena ito! Pero. . alam na alam niya ang kaibahan ng dalawa. At ang babae sa harapan niya, alam niyang ito ang bestfriend niya. Kinagat niya ang kanyang labi. “N-nor, bakit? Anong ibig sabihin nito? Bakit mo ginawa ‘to?” “Naiinis ako sayo e,” sambit nito at huminga ng malalim. “Ikaw ang nagustuhan ni Amsel, pumapayat ka na rin at ang sabi ng iba ay mas gaganda ka na raw sa’kin.” “S-sinungaling!” sigaw niya, galit na galit. “Sinungaling ka! Hindi ‘yan ang dahilan mo, Elnora! Sabihin mo sa’kin, tinatakot ka ba ng mga gagong ‘to?!” Napanganga si Elnora. “Mukha bang tinatakot nila ako? Ginawa ko ‘to dahil gusto ko, sa katunayan, isa ako sa nagplano nito.” Pumikit siya ng mariin at umiling ng maraming beses. “At tama ka ng hinala, kinuha ko ang phone mo. Ninakaw ko sayo para hindi ka na magkaroon ng komunikasyon kay Amsel,” pagkukwento nito kaya kumuyom ang kamao niya. “‘Yung tsismis tungkol sayo? Ako rin ang nagkalat, gusto kong maisip nila na nababaliw ka na. At gusto kong isisi iyon lahat kay Halsey, wala rin akong dahilan, naiinis lang din ako sa kanya.” “H-hindi ako naniniwala!” sigaw niya habang tumutulo ang luha niya. “Kagabi lang ay galit na galit ka sa kanila, Elnora! N-ngagalit ka rin doon sa mga pulis na kasabwat nila!” “Nagalit lang naman ako dahil hawak ka na pala nila pero pinakawalan ka pa,” saad pa nito at ngumiti. “Hanggang ngayon ba naman, Dorothea? Buhay mo na ang nakasasalay dito pero ganyan ka pa rin ka-tanga?” Galit siyang nag-angat ng tingin, tumutulo ang luha. “P-paano ‘yung ilang taon nating pinagsamahan? Lahat ng iyon ay peke lang, gano’n ba?” Hindi ito sumagot. Nagtiim-bagang tapos ay nag-iwas ng tingin. Pakiramdam ni Dorothea ay pinilas ang puso niya, tinraydor siya ng taong isa sa pinaka-pinagkakatiwalaan niya. “Tapos na ko makipag-usap,” ani Elnora doon sa lalaki na katabi nito. “Dalhin si Dorothea tapos ang lahat ay barilin.” Agad na nag-iyakan si Nadia at Melanie dahil doon, sina Jonas at Axel ay nanlaki ang mata habang umaatras. Tumalikod na si Elnora ngunumit humarap ulit. “Oo nga pala, meron pang isa sa taas. Barilin niyo na rin, siguraduhin niyong patay na ang isang ‘yon bago niyo iwan.” “Halsey!” sigaw ni Dorothea habang tumutulo pa rin ang luha, alam niyang narinig siya nito. “Takbo! ‘Wag kang magpapahuli!” Nanlaki ang mata ni Elnora. “Akyatin niyo agad!” Narinig nilang lahat ang pagtakbo ni Halsey sa taas. Tapos ang pagsara ng pinto, nagtakbuhan ang iba paakyat kaya’t galit na galit na tumingin si Dorothea kay Elnora. Umismid lang ito sa kanya bago siya hinila palabas ng dalawang lalaki na nakahawak sa kanya. Bago pa man sila makasakay sa isang van ay nakarinig pa siya ng apat ng putok ng baril mula sa loob. Humihikbi na yumuko si Dorothea habang nakaupo sa loob ng van. Katapusan na nilang lahat. Hindi siya makapaniwala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD