kabanata 43

2541 Words
Hindi alam ni Dorothea kung saan sila pupunta, wala si Elnora sa van kung saan siya nakasakay. Tinalian ang magkabila niyang kamay, tapos ang bibig niya ay pinasakan ng tela para hindi siya makapag-ingay. Hindi siya makapaniwala. Hindi niya akalain na magagawa ni Elnora ang lahat ng ito. Sobrang laki ng tiwala niya sa dalaga. Noong nakita niya ang phone niya sa bag nito, pinilit niya ang sarili niya na ‘wag itong paghinalaan dahil nakatatak sa isip niya na kahit kailan ay hindi siya tatraydurin nito. Sobrang bait nito sa kanya, ilang taon din silang naging magkaibigan. “Nakatakas daw ‘yung isa.” Narinig niyang sabi ng isa sa mga nandoon. “‘Yung nasa taas na babae?” “Oo.” Napaangat siya ng tingin. Nakatakas si Halsey? Masaya siya na kahit papaano ay may natira sa kanila sa lahat ng nandoon. Dahil sina Nadia, binaril ng mga kalaban na ito ang mga iyon. Dahil inutos iyon ni Elnora. Wala na. Wala nang pag-asa. Sigurado ay ‘pag nakuha na ng mga ito ang pakay sa kanya ay papatayin na siya ng mga ito, alam na niya na katapusan na niya. Tumulo ang luha niya. Ang pamilya niya, hahanapin siya ng mga ito. Siguradong malulungkot ang mga iyon, lalo na ang mama niya. “Malamang ay nagalit na naman si Elnora,” saad pa ng isa. Tumawa ang iba. “Doon pa naman siya pinakagalit.” “Bakit daw ba? Ang ganda pa naman ng isang iyon.” “Iyon nga ang dahilan, dahil mas maganda sa kanya.” Gusto niyang masuka. Galit si Elnora kay Halsey dahil mas maganda ito sa kanya? Dahil lang doon? Nasasaktan si Dorothea sa pagtatraydor sa kanila ng bestfriend niya ngunit nararamdaman niya rin ang galit. Kung ganito ito aasta, wala na siyang magiging pakialam sa mga pinagsamahan nila ng ilang taon, kalilimutan niya ang lahat ng masasayang nangyari sa kanila. Ayaw niya ng kaibigan na papatay lang dahil sa naiinggit ito. Kaya pala pinipilit siyang lumayo nito kay Halsey dahil iyon pala ang dahilan. Napapikit si Dorothea nang mapadaan sila sa humps. Ang bilis kasi ng andar nila, halatang nagmamadali. Excited na ba ang mga ito na patayin siya? Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung ano ang pakay ng mga ito sa kanya, basta ang alam niya lang ay hindi na siya aabot ng gabi ngayon. “Dahan-dahan!” ani katabi niya dahil halos tumatalbog sila sa bilis. “Kailangan nating maibigay ‘yan bago mag alas-nuebe.” Tumawa ulit ang katabi niya. “Baka naman kasi sa bilis ay hindi na tayo umabot doon at mabangga—” Napakapit si Dorothea sa upuan sa sandalan sa likod niya nang makita niya ang biglang lumitaw na malaking truck sa unahan nila, nanggaling iyon sa kanang daan. Napapikit agad siya dahil alam niyang babangga sila, narinig niya ang pagmumura ng driver bago niya naramdaman ang impact na tumama sa kanya. Narinig niya ang mga yupi ng parang yero at ang malakas na pagsalpukan ng van at truck. Mga impit na daing na lang ang narinig niya pagkatapos. Nagdilat siya ng mata at mabilis na nilibot ang tingin sa paligid. Halos mapatili siya dahil sa pandidiri nang makita ang isang katabi niya sa kaliwa na duguan, sa kanan naman ay nagmumura habang hinihila ang naipit na paa. Sa unahan ay kitang-kita kung gaano nayupi ang unahan ng van, ang driver at ang katabi nito ay pareho rin na duguan. Siya lang ang walang galos dahil nasa gitna siya. “Putang ina!” sigaw ng katabi niya kaya napaigtad siya. Hinahampas ang upuan sa harap, pinipilit hilahin ang naipit na paa. Kailangan niyang umalis, ngunit hindi niya alam kung papaano. Paano siya makakatakas? At nasaan na ‘yung driver ng truck? Humarap sa kanya ‘yung kalaban at tinapatan siya ng baril. “I-Ikaw! Tulungan mo akong tanggalin ang paa ko! Bilisan mo, kundi babarilin kita!” Nanginginig na sumunod siya, sinipa-sipa niya ‘yung upuan kaya umaalog ‘yung patay na nakaupo ro’n na nasa unahan. Pumikit siya at sinipa-sipa pa rin ang upuan, napadilat siya nang umusog iyon. Tiningnan niya ‘yung paa no’ng lalaki, konti na lang ay matatanggal na iyon. “Konti pa! Bilis!” Kung wala lang itong hawak na baril, siguradong ‘yung mukha nito ang sinipa niya. Buong lakas niyang sinipa ang upuan kaya’t umusog ulit iyon, natanggal no’ng lalaki ‘yung upuan at sakto naman na may pumalo sa bintana sa kanan nila. Napapikit siya at napatakip sa mukha niya dahil sa bubog na tumalsik. “Sino ‘yan?!” Galit na sigaw no’ng lalaki at binuksan ‘yung pinto, bababa na sana iyon ngunit nanlaki ang mata niya nang may pumalo sa ulo nito gamit ang makapal na kahoy. Nawalan agad ng malay ‘yung lalaki. At halos lumuwa ang mata ni Dorothea nang sumilip mula sa labas si Amsel. Nanigas siya sa kinauupuan niya dahil sa sobrang gulat. Nakasuot ito ng kulay itim na jacket at kulay itim na baseball cap, binitawan nito ang hawak na makapal na kahoy. Nagkatinginan sila at lumakas ng husto ang kabog ng kanyang dibdib nang hilahin palabas ni Amsel ‘yung lalaki bago siya hinawakan sa braso at hinila malapit sa pintuan. Tinanggal nito ang nakapasak na tela sa bibig niya at doon na siya napahikbi ng husto. Nag-unahan tumulo ang luha niya. “A-amsel!” Paghagulgol niya habang tinatanggal nito ang tali sa kamay niya. “H-hinihintay kita!” Wala itong sinasabi at tinatanggal lang ang tali sa kamay niya na mahigpit na nakatali. “B-bilisan mo!” Naiinip na sabi niya habang tulo nang tulo ang luha. Natawa ito saka hinila ang tali. At nang matanggal ay agad niyang pinulupot ang braso niya sa leeg nito, niyakap siya nito pabalik. Ang isang kamay ay hinahaplos ang kanyang likod at ang isa ay nasa buhok niya. “Ayos ka lang?” Masuyong tanong nito. Lalo siyang napahikbi habang umiiling. “H-hindi, hindi ako ayos. B-bakit ngayon ka lang?” “Sorry. .” sambit nito at kakalas sana sa pagkakayakap ngunit mas hinigpitan niya ang yakap niya. Ang magkabilang binti niya ay pinulupot niya sa bewang nito para hindi makatakas. “Dorothea. .” malumanay na sabi nito. “Patingin ako ng mukha mo.” Pinakawalan niya ito, nakaupo pa rin siya sa loob at si Amsel ay nakatayo sa labas. Nakatayo ito sa pagitan ng mga hita niya. Humihikbi na sinalubong niya ang tingin nito. Gwapo pa rin, parang mas gwapo pa nga ngayon kesa sa huli niya itong nakita. Nakatago ang buhok nito dahil sa suot nitong cap, nakapantalon ito at nakasapatos. “B-bakit ngayon ka lang?” tanong niya. Hindi siya makapagsalita ng ayos dahil sa paghikbi niya. Hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya, pinupunasan ang luha niya gamit ang thumb nito. “Kanina pa ako nandito, at kanina pa kita hinahanap.” “T-talaga?” tanong niya at tumulo na naman ang luha niya, nanghaba ang labi niya. “S-si Elnora. . kalaban siya. Tinraydor niya ako, Amsel. A-ang sakit. .” Nagbunt0ng-hininga si Amsel at niyakap ulit siya. Napahagulgol siya sa dibdib nito habang mahigpit na niyayakap ang binata. Ngayon ay may kakampi na siya, at para siyang bata na nagsusumbong ngayon. Hinaplos nito ang buhok niya. “Kailangan muna natin umalis dito. May masakit ba sayo? Makakalakad ka ba?” Umiling siya at tumigil sa pag-iyak. “K-kaya kong maglakad. .” Inalalayan siya nitong bumaba ng van, napaangat siya ng tingin. Nakalimutan niya kung gaano kalaki ang tangkad nito sa kanya. Hinaplos nito ang kaliwang pisngi niya bago siya hinawakan sa kamay at hinila. “Saan tayo pupunta?” tanong niya habang naglalakad sila. “Hindi ko pa alam,” saad nito at inalalayan ulit siya dahil dadaan sila sa isang kahoy. “Basta ay malayo sa lugar na iyon.” Suminghot siya. “Sila mama, hanapin natin sila.” Lumingon si Amsel sa kanya. “‘Wag kang mag-alala, maayos ang lagay nila.” “Talaga?!” Nanlaki ang mata niya. “Nakita mo ba sila? Sure ka?” Tumango ito at kumunot saglit ang noo. “Alam ko na kung saan tayo pupunta.” Nagulat siya nang dalhin siya nito sa bahay nito, malapit lang ang bahay nito sa kanila. Naka-locked pa ang gate nang dumating sila, mukhang hindi pa ito napupuntahan. Hinawakan siya ni Amsel sa kamay nang mauna siyang pumasok. Siguro ay iniisip nito na baka may tao sa loob, dahan-dahan nitong binuksan ang pintuan ngunit mukhang wala naman tao sa loob. Maayos pa rin ang mga gamit. “Bakit nandito tayo?” tanong niya. Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. “Maligo ka muna, ang dungis mo.” Pinagmasdan niya ang sarili niya. Hindi siya makapaniwala na naka-uniporme pa rin siya at may mga dugo pa. “Dorothea,” tinawag siya ni Amsel kaya napaangat siya ng tingin. Tinanggal nito ang suot nito na cap kaya kumalat ang humahaba na ulit nitong buhok. Hindi pa rin siya makapaniwala kung gaano kasarap tingnan ang mukha nito. “B-bakit?” tanong niya. Inangat nito ang mukha niya saka siya nito hinalikan sa labi, nagulat siya sa kung gaano kainit ang bibig nito. Napansin niya na lasang yosi iyon. Napapikit agad si Dorothea at napakapit sa jacket nito, naramdaman niya ang kamay nito sa likod niya para alalayan siyang tumayo dahil parang napansin nito na nanlalambot siya. Hindi niya alam kung gaano katagal iyon basta ang alam niya lang ay para siyang lumulutang sa hangin at nang matapos ay pareho silang hinihingal, napakagat sa labi si Dorothea. Nag-iwas siya ng tingin. “Bakit lasang yosi?” “Sorry,” sambit nito at napanganga siya nang makitang pinadaan nito ang dila sa sariling labi. “Gumamit ako ng isa kanina para mawala ang kaba ko.” “Kinakabahan ka? Bakit?” “Kaninang madaling araw pa ako nakarating dito, simula no’n ay hinahanap na kita pero hindi kita makita,” sambit nito nagtiim-bagang. “Akala ko ay kung ano na ang nangyari sayo.” Kinagat niya ang kanyang labi. “Paano mo nalaman kung nasaan ako?” “Nakita ko si Halsey.” Nanlaki ang mata niya. “Ayos lang ba siya? Hinahabol siya kanina! Nasaan siya?” “Hindi ko alam, sinabi niya ay kikitain niya si Kaleb kaya hinayaan ko lang siya,” saad nito. “Sinabi niya sa’kin na isinakay ka sa isang van kaya nalaman ko na nandoon ka sa loob.” “Saan naman nanggaling ‘yung truck na ‘yon? Ikaw ba nagmaneho no’n” Tumango ito at natawa. “Nakita ko lang sa isang tabi.” “E, paano ‘yung susi?” “Walang susi.” Naningkit ang mata nito. “Ginamitan ko lang ng ipinagbabawal na teknik kaya ko naimaneho.” Natawa siya at huminga ng malalim. “Pero sina mama, nakita mo talaga sila?” “Oo,” anito at tumaas ang gilid ng labi. “Nang makarating ako rito ay alam ko na agad na may mali dahil nagkakagulo, nagpunta ako sa bahay niyo at saktong nakita ko ang kapatid mo ro’n.” “Si Gray? Anong ginagawa niya ro’n? Sinabi ko sa kanya ay umalis sila ro’n!” “Hinahanap ka niya, sinabi niya na nakatago sila papa niya at siya lang ang nagpunta mag-isa,” pagkukwento nito. “Sinabi ko na ako na ang maghahanap sayo, tapos ay dinala ko sila sa bahay nina Kaleb.” Nanlaki ang mata niya. “Paano mo nalaman ang tungkol doon?” “No’ng hindi tayo nakakapag-usap. . biglang tumawag sa’kin si Kaleb, akala ko nga ay ikaw ang magsasalita kaya sinagot ko agad.” Sumimangot ito. “Pero sinabi niya sa’kin ang mga plano niya, pati ang tungkol sa bahay nila.” Napanganga siya. “Kailan siya tumawag sayo?” “Ilang araw na rin ang nakararaan.” Nagbuntong-hininga ito. “Ang tagal mo akong hindi kinausap kaya hindi ko maitanong kung ano nang nangyayari.” Sumimangot siya. “Nawala ang phone ko, diba? Kinuha pala ni Elnora. Gumawa ako ng account at chinachat kita pero hindi ka naman nag-reply. .” “Hindi kasi ako tumitingin sa message request,” wika nito. “At hinihintay kong i-unblock mo ako.” Nanlaki ang mata niya. “Hindi kita binlock! Baka si Elnora ‘yon. Nakakabwisit talaga!” Hindi ito sumagot, pinagmamasdan lang siya na bwisit na bwisit. Tapos maya-maya ay natawa na lang siya at pinagmasdan din ito tapos ay niyakap ulit ito sa dibdib. Simula nang magsimula ang lahat ay ngayon lang ulit siya ngumiti, ngayon niya lang naranasan na safe siya. Na may kasama siya, na hindi niya kailangan matakot. Pinigilan niya ang maiyak. “M-mabuti na lang ay nandito ka na, Amsel. .” “Natakot ka ba?” Masuyo ang boses nito, malambing at mahinahon. Dahil doon ay hindi na niya nga talaga napigilan. Sobrang na-miss niya ang boses nito. “S-sobra akong natakot. .” Tumango-tango siya. “‘Yung mga kaklase natin, pinagkaka-isahan nila ako. Nakita mo ba ‘yung group chat na ginawa nila para i-bully ako?” Tumango ito. “Nakita ko.” “Binasa mo ba? Nakita mo ang mga pinagsasabi nila?” Inis na tanong niya. “Sobrang nakakabwisit! Gusto ko ngang manuntok no’n e, pero naisip ko na patay silang lahat kapag dumating ka.” Nararamdaman niya ang hininga nito sa tuktok ng ulo niya, at alam niya agad na napangiti ito. “Hindi na nila magagawa ‘yan sayo,” anito at hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. Pumikit siya at mas hinigpitan din ang yakap. Hindi niya alam kung gaano katagal silang nakaganon, basta ay sinabihan na siya nitong maligo na dahil madumi ang mga dugo na nasa uniporme niya. Pagkatapos niya maligo ay naaamoy niya ang niluluto nito, sinuot niya muna ang damit na hinanda nito para sa kanya bago siya bumaba. Itim na damit at shorts na mas maikli kesa dati. Nagsusuklay siya ng buhok habang pababa siya, nasa kusina si Amsel. Lumingon agad ito sa kanya at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. “Sakto lang pala sayo,” sabi nito nang makalapit siya. “‘Yung matagal ko nang damit ang binigay ko sayo dahil ang laki ng pinayat mo.” Nag-init ang mukha niya. “Akala ko ay hindi mo mapapansin, bagay ba sa’kin?” Marahan itong tumawa at tumango. “Bagay sayo.” “Talaga?” aniya. “Sino na ang mas maganda sa’min ni Gwen?” Kumunot ang noo nito. “Ikaw, kahit dati pa.” “Sinungaling,” saad niya. “Kunwari pa.” Sumimangot ito. “Hindi ko alam kung gusto mo lang ba talaga akong awayin o ano. .” Natawa siya bigla dahil iyon naman talaga ang dahilan. Wala, trip niya lang. Umismid siya at umupo sa upuan habang hinihintay itong matapos na magluto. Nandito na si Amsel sa kanya, ang pamilya niya ay nasa maayos na lugar na rin. Si Halsey at Kaleb ay baka nakapagkita na rin ngayon. Si Elnora. . hindi na niya alam. Ayaw niyang isipin iyon, ang kailangan niyang isipin ay kung paano siya lalaban. Hindi na siya natatakot dahil kasama na niya si Amsel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD