Binilisan ni Dorothea ang ginagawa habang wala si Amsel, pero naabutan din siya nito. May mga dala nga itong pagkain pero hindi na nagprisinta na tumulong sa pagbabanlaw.
Nakaupo lang ito sa tabi niya, nasa tuhod ang siko at nakapangalumbaba habang pinapanood siyang hina-hanger ang mga damit na nilabhan.
“Hindi ka ba naboboring?” tanong niya.
“Nagugutom lang,” sagot nito.
“Edi kumain ka na, ‘wag mo na ako hintayin.”
Hindi ito sumagot at tumayo nang hindi niya maabot ang sampayan, kinuha nito iyon sa kamay niya at ito na ang nagsabit.
“Ang liit talaga,” bulong nito pero narinig niya kaya masama ang tingin na tiningala niya ito, nagbaba ito ng tingin sa kanya at tinaasan siya ng isang kilay.
“‘Wag mo akong tulungan kung mang-aasar ka lang.”
Bumungisngis ito pero tinulungan pa rin naman siyang magsampay, siya ang naghahanger at ito ang nagsasabit. Pagkatapos nila ro’n ay pumasok sila sa loob para kumain.
“Saan mo binili ‘to?” tanong niya habang ngumunguya ng burger.
“Diyan lang sa malapit.”
“Masarap,” saad niya at kumagat ulit.
Tinitigan siya nito habang umiinom, akala niya ay kung ano ang gagawin nito pero pinunasan lang nito ang gilid ng bibig niya kaya sinundan niya ng tingin ang daliri nito. Nanlaki ang mata niya nang dalhin nito iyon sa bibig para tikman.
“Masarap nga,” sabi nito at parang wala lang na dinampot ang maliit na lang na piraso ng burger nito at kinain ng buo.
Napalunok siya. “M-magkaiba ba ‘yung sa’tin?”
“Gusto mong tikman?” tanong nito at nilunok din ang kinakain.
Umikot ang mata niya. “Gusto sana, kaso inubos mo na e.”
Nagulat siya nang hinawakan siya nito sa pisngi at hinarap ang mukha niya sa mukha nito. Dumalas ang kamay nito sa likod ng kanyang ulo. Tapos ay hinalikan siya nito sa labi, agad siyang napapikit at pinakiramdaman ang paggalaw ng labi nito.
Hindi niya namalayan na napatigil pala siya sa paghinga. Napasinghap siya nang malasahan niya ang loob ng mainit na bibig nito, napakuyom ang kanyang kamay. Hindi siya marunong humalik ngunit kusang gumalaw ang kanyang labi para tumugon.
Nag-init ang pisngi niya nang maramdaman niyang napangiti ito ng kaunti.
At nang lumayo ito ay mabagal siyang napadilat ng mata, nanginginig ang kamay niya at hindi niya alam kung bakit. Naghabol siya ng hininga na para bang tumakbo siya ng malayo!
Napaiwas siya ng tingin at agad na dinampot ang throw pillow sa may sofa, tapos ay itinakip sa mukha niya habang nakasilip kay Amsel.
Gumuhit ang maliit na ngisi sa labi nito bago nagsalita. “Anong lasa?”
“P-pareho lang e,” sabi niya at tumingin sa gilid. “Pareho lang naman ‘yung lasa. .”
“Wala naman akong sinabi na magkaiba ‘yon.”
Napalingon ulit siya. “E, ba’t mo pa pinatikim sa’kin?!”
Napanganga siya nang humalakhak ito. Napakagat siya sa kanyang labi at tumayo kaya sinundan siya nito ng tingin.
Naiinis siya dahil tumawa ito. Bakit ito tumatawa? Trip-trip lang ba ‘yung paghalik-halik nito sa kanya? Nakakainis! Bakit parang wala lang kay Amsel iyon?
“Aakyat lang ako saglit,” sabi niya nang hindi ito nililingon.
“Dorothea,” sambit nito at hinawakan siya sa kamay, nakaangat ang tingin sa kanya.
Nangingilid ang labi na nilingon niya ito. “G-gusto mo ba talaga ako? O baka naman pinagtitripan mo lang ako?”
Hindi makapaniwalang nanlaki ang mata nito, naguguluhan ang mata. “Hindi kita pinagtitripan lang, Dorothea. Saan naman nanggaling ‘yan?”
“K-kung gano’n, gusto mo ba ako? Sabihin mo sa’kin. .” Napasinghap siya nang tumulo ang luha niya. “Kasi ayokong manghula, Amsel. At feeling ko ay nagiging sensitive ako kapag tinatawanan mo ako. D-dahil sino ba naman ako para mag-assume na gusto ako ng kagaya mo?”
Nakita niya ang unti-unting paglambot ng ekspresyon ng mukha nito. “Hindi mo pa ba nararamdaman?”
“S-salita ang kailangan ko,” mariin na sabi niya at tinabig ang kamay nito. “Sabihin mo sa’kin ang totoo, Amsel. H-hindi naman ako magagalit kung hindi. .”
Nagtiim bagang ito at hinila siya sa bewang, napaupo siya sa kandungan nito. Nakatigilid siya rito at ang noo nito ay nakapatong sa balikat niya. Ang mga kamay nito ay nakayakap sa bewang niya.
“A-amsel. .”
“Makinig kang mabuti dahil hindi ako magaling sa ganito,” malumanay ang boses na sabi nito. “Hindi ko alam kung maniniwala ka sa’kin, pero matagal na kitang gusto.”
Namilog ang mata niya at napatakip sa bibig. “S-sinungaling. .”
Hindi nito pinansin ang sinabi niya. “Naalala mo noong naging magkasama tayo sa isang grupo? Sa tingin ko ay doon iyon nagsimula.”
“H-ha?”
Marahan itong natawa. “Magkatabi tayo no’n habang kasama natin ang iba nating mga kagrupo, sina Melanie. Nagkadikit lang ‘yung siko natin pero sumimangot ka agad at inirapan mo ako.”
Napayuko siya at pinaglaruan ang mga daliri niya habang nakikinig.
Naramdaman niya ang mainit na hininga nito sa braso niya nang magbuntong-hininga ito. “Akala ko ay nandiri ka lang talaga sa’kin pero gano’n ka pala talaga sa lahat. Simula no’n, lagi na kitang sinusundan ng tingin para makita ang ekpresyon mong gano’n. Kulang yata ang araw ko kapag hindi ko nakikita na nanghahaba ang nguso mo.”
Sabay silang natawa, tapos ay tumulo ang luha niya pero hindi siya nagsalita. Natatakot siya na baka kapag may sinabi siya ay maputol ang pagkukwento nito.
“Nalaman ko na magkaibigan pala kayo ng crush ni Roldan na si Elnora.”
“May crush ‘yung gunggong na ‘yon kay Elnora?!” Hindi niya tuloy napigilan na magsalita.
Tumango si Amsel at naramdaman niyang humigpit ang yakap nito sa kanya. “Nalaman ko rin na may gusto ka kay Kaleb. Nandidiri ka sa lahat pero sa kanya ay halos manlambot ka.”
“D-dati lang naman ‘yon!” depensa niya.
“Nalaman ko rin na ang paborito mong pagkain sa canteen ay ‘yung garlic chicken,” pagtutuloy nito. “Ang paborito mong kulay ay pastel blue, at mahilig kang manood ng anime.”
Napanganga siya. “P-paano mo nalaman ‘yan?”
“Lagi nga kitang pinapanood sa malayo,” saad nito at nag-angat ng tingin kaya nagkatinginan sila. “Pero hindi ako stalker, kapag nagkakataon lang na nasa iisang lugar tayo—”
Nag-iwas siya ng tingin. “Nagpapaliwanag pa.”
Nagulat siya nang mas lalo siyang hilahin nito palapit kaya’t nararamdaman na niya ang dibdib nito sa kanyang braso.
“Napansin ko rin na tuwing naglalakad ka ay nakayuko ka.” Naramdaman niya ang mga daliri nito na maingat na hinawi ang buhok sa mukha niya, pinagmasdan siya nito habang nakayuko siya. “Matagal ko na ‘tong gustong tanungin, Dorothea. Hindi mo ba talaga alam na maganda ka?”
Gulat na napaangat siya ng tingin, tapos ay nanghaba ang kanyang labi saka napahikbi. Walang babala iyon, basta ay bigla na lang siyang napaiyak. Umiling siya ng maraming beses.
Ngayon niya lang narinig ito sa buong buhay niya. Ngayon lang may nagsabi sa kanya na maganda siya bukod sa magulang niya, na hindi siya pangit ngunit hindi niya lang iyon nakikita sa sarili niya.
“H-hindi, hindi ko alam,” paghikbi niya. “Simula no’ng bata ako ay hilig na nila akong asarin, kaya tumatak na sa isip ko na pangit talaga ako, na baboy ako, na walang magkakagusto sa’kin. K-kahit ikaw ay inaasar mo rin ako noon!”
Gumuhit ang maliit na ngiti sa labi nito. “Inaasar lang naman kita dahil ang bilis mong maasar. Nakikita mo ba ang itsura mo ‘pag napipikon ka? Galit na galit ‘yung mata mo pero nanghahaba ang nguso mo.”
Natawa siya habang pinupunasan ang kanyang luha. “E, sila bakit nila ako inaaway? Kapag kasama ko sina Elnora, sina Kaleb.”
“Siguro ay dahil hindi ka nagpapatalo, pakiramdam nila ay dapat ka rin awayin,” mahinahon ang boses nito. “Hindi ko alam kung napapansin mo pero hindi ka inaasar nina Roldan.”
Natigilan siya saglit at nag-isip, wala nga siyang natatandaan na inaasar siya ni Roldan. Lagi lang itong nakikitawa.
“Bakit hindi niya ako inaasar?”
“Sinabihan ko siya.”
Napayuko siya. “G-gusto kong malaman kung bakit ginawa ni Darien iyon, kung bakit sinesend niya sayo ang mga larawan ko na nagbibihis.”
“Dahil galit siya sa’kin,” sambit nito at nakita niya ang iritasyon sa mata nito. “Nalaman niyang may gusto ako sayo dahil nakikita niyang lagi kitang sinusundan ng tingin, at gusto ka niyang gamitin para galitin ako.”
“Bakit naman siya galit sayo?”
“Hindi ko alam.”
Tumango siya. Nararamdaman niya pa rin ang basang pisngi niya, lalo na nang may dumaan na hangin dahil naramdaman niyang malamig iyon. Yumuko siya dahil nahihiya siya.
Sinilip ni Amsel ang kanyang mukha, malambot ang mga mata nito. “Naniniwala ka ba sa’kin?”
“H-hindi ko alam. .” aniya at tiningnan ito sa gilid ng kanyang mata. “Totoo ba na gusto mo ako?”
Tumango ito. “Bago mo pa ako yayain noon para sa birthday ng kapatid mo, nagkasabay tayong pumasok noon pero hindi mo ako nakita. Kaya nalaman kong lumipat kayo rito.”
“Lagi mo akong nakikita noon dito?”
Tumawa ito. “Sa totoo lang, may mga mas malalapit na tindahan sa amin. Pero dito sa tindahan malapit sa inyo ako bumibili dahil nagbabakasakali ako na makita kita. Nagkataon na nakasabay ko kayo ni Elnora noong araw na iyon.”
Napatakip siya sa bibig niya. “P-patay na patay ka sa’kin, Amsel.”
Bahagya itong ngumuso. “Siguro nga.”
Napakagat siya sa kanyang labi. “Pakiramdam ko tuloy ay maganda talaga ako. .”
“Hindi ko maintindihan kung bakit inaakala mo na hindi ka maganda,” nalilito ang boses nito. Tapos ay pinagmasdan nito ang buong mukha niya na para bang kinakabisado ang bawat parte niyon.
Malambot ang mga mata nito, maingat at masuri.
Hindi niya alam kung bakit nawala ang hiya niya kahit pa ang lapit ng pagtitig nito. Pakiramdam niya ay maganda talaga siya, na mali lang pala siya ng inaakala buong buhay niya.
“S-sino ang mas maganda sa amin ni Gwen?”
Natigilan ito tapos ay natawa saglit. “Ikaw, syempre.”
“Weh? Sinungaling,” agap niya. “Ang ganda-ganda no’n e, tsaka ‘yung iba mong ex ay magaganda rin. Ilan ba ang naging ex mo?”
“Tatlo?” Hindi siguradong sagot nito.
“Hindi pa sigurado a.”
“‘Yung iba kasi sa kanila ay—”
“Fling, gano’n?” pagputol niya sa sasabihin nito. “Friends with benefits kung tawagin?”
Naningkit ang mata nito at tinikom ang bibig. “Hindi ako sasagot dahil baka may masabi pa akong mali.”
Umikot ang kanyang mata. “Pakiramdam ko tuloy ay pinapatulan mo ang lahat ng magagandang babae na nagkakagusto sayo.”
“Hindi ulit ako sasagot.”
Nanlaki ang mata niya. “Para ka na rin umamin!”
“Gano’n ba ‘yon?” Naningkit ang mata nito sa kanya tapos ay mabagal na napangiti. “Pero, Dorothea, gusto ko rin malaman kung anong nararamdaman mo sa’kin.”
Binaling niya ang tingin sa lamesa. “G-gusto rin kita. .”
“Kailan pa?”
“Hindi ko alam,” sagot niya at matapang na sinalubong ang mata nito. “B-basta ay napansin ko na lang ang sarili ko na naiinis dahil may gusto sayo si Elnora, na ayokong dumadapo ang mata mo sa kanya. M-minsan. . hindi ko rin namamalayan na hinahanap kita ng tingin sa school, imbis na si Kaleb. T-tapos ‘yung barquillos na iyon. . binigay ko sayo iyon kasi nalaman ko kay Gray na kinakain mo ‘yon.”
“Kinakain ko lang iyon tuwing gusto kong magyosi.”
Kumunot ang noo niya. “Bakit? Ayaw mo na ba magyosi?”
“Matagal ko nang iniwasan,” sambit nito. “Sabi mo kasi ay kadiri ang amoy.”
Napatakip siya sa bibig. “Dahil sa’kin kaya ka tumigil?”
Tumango ito. “Naghahanda lang ako. .”
“Para saan?”
“Para gawin ito lagi,” sambit nito at tinagilid ang ulo saka siya hinalikan sa labi.
Napapikit agad siya at binuka ang kanyang bibig. Nilagay niya ang kanyang magkabilang kamay sa leeg ni Amsel, nakaupo pa rin siya sa kandungan nito. Ang kaliwang kamay nito ay naramdaman niyang umakyat papunta sa likod ng kanyang ulo at tinulak para mas laliman ang halik.
Mabagal ang paggalaw ng labi nito sa kanyang bibig, na para bang kapag hindi ito iningatan ay mababasag. Bawat pagdaan ng dila nito sa ibabang labi niya ay ramdam niya ang kiliti.
Pakiramdam niya’y maiiyak siya. Hindi niya alam ang gagawin, nanlalambot siya at nanghihina. Para siyang nalalasing.
Halos mapasinghap siya nang kagatin nito ang kanyang pang-ibabang labi bago ito lumayo.
Nagkatitigan sila, namumula ang labi ni Amsel dahil sa halik. Namumungay ang mga mata. Nanginginig ang mga kamay niya at ang lakas ng kabog ng dibdib niya, naririnig niya iyon sa sarili niya.
Naramdaman niyang maiiyak na naman siya kaya niyakap niya ito sa leeg. Natigilan ito saglit ngunit gumanti rin ng yakap, narinig niya pa ang malalim na paghinga nito bago nito mas pinulupot ang braso sa kanyang bewang.
“T-thank you, Amsel,” bulong niya, namumula ang pisngi. “Dahil nagustuhan mo ako kahit ayaw ko sa sarili ko. D-dahil sinabi mong maganda ako kahit na pangit ang nakikita ko, d-dahil din pinaparamdam mo sa’kin na hindi ako nakakahiyang kasama. Ngayon ko lang napatunayan na simpleng paghanga lang ‘yung nararamdaman ko kay Kaleb dati, kasi itong ngayon. . ibang-iba. G-gustong gusto kita, Amsel. Promise ‘yan. Kaya sana gano’n ka rin.”
Pakiramdam niya tuloy ay para siyang bata na umaamin sa kalaro niya, napanguso siya habang tumutulo ang luha niya.
Marahan na natawa ito at naramdaman niya ang maingat na paghalik nito sa balikat niya bago ito sumagot.
“Gustong-gusto rin kita, Dorothea.”