Pagkatapos ng pag-uusap nila ni Amsel ay naligo si Dorothea, hinihintay siya nitong matapos kaya binilisan niya.
Naisip niya lang na naging honest sa kanya si Amsel kaya gusto niyang sabihin ang totoong nangyari nang mawala siya ng dalawang linggo. Sasabihin niya ang lahat. Ang Htrae, ang mga taong kamukha nila, ang tungkol kay Theodora.
Wala na siyang pakialam kung maniwala ito o hindi, basta ay gusto niya lang sabihin iyon.
Pagkatapos niya ayusin ang sarili niya ay bumaba siya. Nakaupo lang si Amsel sa sofa, nakasandal at nakapikit habang nakatingala. Ang dalawang kamay ay nasa tiyan.
Nang maramdaman nito ang presensya niya ay mabagal itong nagdilat. Nahihiya siyang napangiti, hindi pa rin siya makapaniwala sa naging pag-uusap nila.
Matagal na siyang gusto nito. Hanggang ngayon ay hindi niya iyon mapaniwalaan, parang panaginip lang ang lahat. Parang mas hindi pa iyon kapani-paniwala kaysa sa Htrae.
Tumayo lang siya sa gilid nito habang nakatingala pa rin ito sa kanya at nakasandal, hinawakan siya nito sa bewang sa likod niya kaya’t naramdaman niya ang pagtaas ng mga balahibo niya.
Kinakabahan siya dahil baka makapa nito ang bilbil niya.
“Muntik na akong makatulog,” sabi nito sa inaantok na boses.
“Ang tagal ko ba?” tanong niya kaya kumunot ang noo nito at tumango, tapos ay hinila siya nito palapit.
Umupo siya sa tabi nito, kinakabahan siya. Nagdadalawang isip siyang sabihin ang lahat, maniniwala kaya sa kanya ito? Paano kung isipin na baliw siya?
“Amsel, dahil naging honest ka sa’kin,” panimula niya at huminga ng malalim. “Gusto kong maging gano’n din sayo.”
Nahihiya siyang tumawa kaya tumaas ang gilid ng labi nito habang pinagmamasdan siya, hinihintay ang susunod niyang sasabihin.
“Hindi ko alam kung maniniwala ka sa’kin o hindi, pero gusto ko lang sabihin talaga na lahat ng ito ay totoong nangyari sa’kin,” paninigurado niya. “Sasabihin ko sayo kung bakit ako nawala ng dalawang linggo.”
Naningkit ang mata nito at tumagilid sa pagkakaupo para humarap sa kanya, ang braso ay nasa sandalan ng sofa.
“Hinihintay lang kitang magkwento,” sabi nito.
Tumango siya at huminga ulit ng malalim. “Naalala mo no’ng birthday ng kapatid ko? Noong nando’n tayo sa taas sa kwarto ni Gray? Diba, may nakita tayong parang multo na kamukha niya?”
Tumango ito.
“Tapos ‘yung natulog ka rito, ‘yung nakita mo kong umiiyak diyan sa kusina, ‘yung sinabi ko na may nakita akong multo,” wika niya at tumango na naman ito. “Lahat ng iyon ay may kinalaman sa pagkawala ko.”
Tumagilid ang ulo nito, parang nag-iisip kaya nagpatuloy siya. “Basta ay nagising na lang ako isang araw na wala na ako sa earth, ganito ang itsura ng bahay pero lahat ng gamit ay iiba. Tapos meron doon na kamukha nina Gray at tinatawag nila akong Theodora.”
“Theodora?” tanong nito kaya tumango siya.
“Oo, ‘yung multo pala na nakita natin sa kwarto ni Gray na kamukha niya ay hindi pala multo kundi totoong tao pala,” paliwanag niya. “Noong una talaga akala ko ay nananaginip lang ako, tapos ang ganda ng tingin nilang lahat sa’kin doon. Para bang ako ang pinakamaganda ro’n, walang nang-aasar sa’kin, lahat ay mabait.”
Sumandal siya sa sofa habang iniisip ang mga nangyayari. “Basta sinasabi ko sayo, akala ko talaga ay panaginip ang lahat kaya ginawa ko ang lahat ng gusto ko. Nakita ko rin doon si Kaleb, pero ang pangalan niya roon ay Blake.”
“Nasaan ako?” tanong nito.
Natawa siya. “Nandoon ka rin, ang tawag nila sayo ay Salem.”
Natigilan ito at ilang sandali na napatitig sa kanya. “Salem? ‘Wag mong sabihin na—”
“Oo, hindi lang panaginip ‘yung kinuwento mo sa’kin,” aniya kaya napanganga ito. “‘Yung gabi na iyon na niligtas mo ko, ako talaga iyon at hindi iyon panaginip mo lang.”
“Teka, naguguluhan ako,” saad nito.
“Magulo talaga,” sambit niya at ngumuso. “‘Yung nangyari na iyon ay planado para hulihin si Mr. John— sa kanya mo ako iniligtas. Pero hindi dumating si Kaleb.”
“Si Kaleb? Nandoon din si Kaleb?” Napaayos ito sa pagkakaupo. “Magkasama kayo noong mga panahon na ‘yon?”
“Okay, wait,” aniya at natawa. “Ikukwento ko sayo nang sunod-sunod.”
Suminghap ito at sumandal ulit kaya inisip niya ang lahat para ikwento.
“Ganito ‘yon, lahat tayo ay may kamukha sa mundong iyon na tinatawag nila na Htrae,” pagkukwento niya. “Kung nandoon si Kaleb sa mundong iyon ay nandito naman ‘yung kamukha ni Blake sa mundo natin. Gets mo?”
Nalilitong tumango ito kaya nagpatuloy siya. “Noong una, hindi ko alam na nakakasama ko pala si Kaleb doon. Akala ko ay ‘yung kamukha niya lang na si Blake iyon. Pero isang araw ay bigla akong tinawag ni Kaleb na Dorothea kahit na Theodora ang tawag sa’kin ng mga tao ro’n, doon ko nalaman na pareho pala kami ng sitwasyon. Siya ay nakakabalik dito, pero ako ay na-stucked doon ng dalawang linggo.”
“Edi magkasama nga kayo,” saad nito. Hindi niya malaman ang nasa isip nito dahil walang itong reaksyon sa mukha.
Tumango siya. “Sabi niya ay tutulungan niya ako na makabalik dito kasi gusto ko na nga talaga na makabalik. Si Theodora, ‘yung kamukha ko ay nalaman kong patay na pala matagal na. Nagpakamatay siya dati dahil sa ginawa sa kanya ni Mr. John.”
Napanganga si Amsel kaya malungkot siyang natawa. “Sinabi ko kay Kaleb na bago man lang ako makabalik dito ay gusto kong bigyan ng hustisya ‘yung pagkamatay niya, kaya nagplano kami para mapakulong si Mr. John.”
“At ginawa mong pain ang sarili mo?” Tumango siya kaya nagtiim-bagang ito. “Bakit pinayagan ng Kaleb na ‘yon ang gano’ng plano?”
“Ako kasi ang nagplano no’n!” agap niya. “Tsaka ang dapat kasing mangyayari no’n ay ililigtas niya ako kapag sumigaw ako, pero hindi siya dumating dahil nandito pala siya no’n sa earth at hindi sila nagpalit ni Blake.”
Inis na umikot ang mata ni Amsel at iiling-iling na napahawak sa bridge ng kanyang ilong. Bakit ang manly ng galaw na iyin sa paningin niya?! Lalaking-lalaki naman talaga si Amsel dati pa, pero. .
Hindi niya alam kung bakit kumabog ang dibdib niya sa gano’ng reaksyon nito, halata kasing nagagalit ito dahil dinala niya ang sarili niya sa gano’ng sitwasyon.
Ngumiti siya. “Hindi dumating si Kaleb, pero ikaw ang dumating.”
Bahagya itong ngumuso ngunit hindi pa rin ngumingiti. Kinagat niya ang kanyang labi para pigilan ang matawa. “Alam mo bang nakilala kita agad?”
“Paano?” tanong nito.
“Hindi ko alam,” sambit niya. “Basta noong nakita kita, alam ko na agad na ikaw iyon. Pati ‘yung boses mo, ‘yung amoy mo, ‘yung mukha mo. Alam ko na agad na ikaw iyon.”
Tumagilid ang ulo nito. “Baka naman matagal ka na rin may gusto sa’kin?”
“H-hindi a!” depensa niya. “Pero sa tingin ko ay sa mundong iyon ko napatunayan na gusto na nga kita, kasi ikaw lagi ang naiisip ko, imbis na si Kaleb.”
Napangisi ito habang nakatingin sa kanya kaya nag-init ang mukha niya.
“Ang yabang mo,” sabi niya at pabirong umirap.
Nagulat siya nang humalakhak ito, mahina lang iyon at mababa ngunit ang sarap no’n pakinggan. Lalo niyang naramdaman ang pag-iinit ng mukha niya habang pinapanood ito.
Nag-iwas siya ng tingin. “Hindi ko alam kung paano ka napapunta ro’n ng araw na iyon, pero nagpapasalamat ako na nailigtas mo ako. Kaya salamat, Amsel.”
Nawala ang ngiti nito. “‘Wag mo nang uulitin ‘yon.”
“Ang alin?”
“Ang dalhin ang sarili mo sa delikadong sitwasyon,” sabi nito at masuyong hinawi ang mga basang buhok sa mukha niya gamit ang daliri. “Paano kung hindi ako dumating no’n? Ano na lang ang nangyari sayo?”
Humaba ang nguso niya. “Ililigtas mo naman ako lagi e, diba?”
“Dorothea. .” sambi nito at sinandal ang gilid ng ulo sa sofa habang pinagmamasdan pa rin siya. Hindi niya maipaliwanag kung gaano niya kagusto ang mata ni Amsel kapag nakatingin ang mga iyon sa kanya. Para bang napakaganda niya. Hindi ito nalilito na para bang siguradong-sigurado ito sa kanya, at hindi niya kailanman nakita na tumingin sa gano’n sa iba si Amsel.
Mukhang tama nga sila, hindi nagsisinungaling ang mga mata ng tao.
“Siguro ay corny ‘tong pakinggan.” Natawa ito ngunit hindi iyon nagtagal. “Kilala ko ang sarili ko. . hindi ako magiging ganito lagi, minsan ay maiinis ka rin dahil sa pang-aasar ko, siguro ay may mga araw na hindi tayo magkakasundo. Pero gagawin ko ang lahat para hindi ka masaktan, Dorothea. Hindi ko kinimkim ang lahat ng selos na naramdaman ko ng matagal para lang hayaan kang masaktan habang ako ang gusto mo.”
Bumagsak ang mata nito sa kamay niya at maingat na pinaglaruan ang mga daliri niya. “Naniniwala ako sa lahat ng kinuwento mo. Nakakasama lang ng loob na ang tagal bago mo sinabi sa’kin ang lahat, dahil lagi kong iniisip kung bakit ka nawala. Totoo rin ang sinabi ni Gray na halos mapraning ako no’ng nawala ka, muntik na kong mawala sa sarili.”
Nangilid ang luha niya nang maramdaman niya ang panginginig ng kamay nito na nakahawak sa kamay niya.
“Sorry,” sambit niya sa garalgal na boses. “Sorry dahil nawala ako ng matagal.”
Nag-angat ito ng tingin. “Pero may gusto pa akong malaman.”
“Ano iyon?”
Mataman siya nitong tinitigan. “Totoo bang si Kaleb ang first kiss mo?”
Mabilis na namilog ang mata niya, halos bumalik ang lahat ng luha niya dahil sa sobrang gulat. Napaiwas siya ng tingin at hindi niya alam kung saan siya titingin dahil nakatingin si Amsel sa kanya ng seryoso.
“A-ano, uh—” Napakamot siya sa ulo tapos ay pilit na tumawa, nakita niya ang inis na dumaan sa mukha ni Amsel nang hindi siya makasagot.
Tumango ito at nag-iwas ng tingin kaya lalo siyang nataranta. “G-ganito kasi ‘yon! Magpapaliwanag ako!”
“Sige,” saad nito at hinintay siya magsalita.
Nakakainis! Ang ingay kasi ng Kaleb na iyon! Iniwasan niya na ngang isama iyon sa kwento niya pero narinig pala ni Amsel!
“K-kasi, diba, ano. . noong una ay akala ko panaginip lang?” aniya kaya tumaas ang kilay nito. “Tapos, kasi crush ko pa si Kaleb noong mga panahon na iyon. T-tapos nalaman ko na nanliligaw ‘yung kamukha niya sa’kin sa mundong iyon.”
“At sinagot mo?” Mahinahon ang tono nito.
Pumikit siya ng mariin at tumango. “S-sinagot ko siya tapos ay hinalikan ko siya. .”
Wala siyang narinig na sagot kaya nagdilat siya ng mata. Napatikom siya ng bibig nang makitang pinagmamasdan lang siya nito at walang reaksyon ang mukha.
“‘Yung kiss na ‘yon ay smack lang talaga, as in, k-konting dikit lang. .”
“Paano?” tanong nito.
Huminga siya ng malalim at lumapit kay Amsel saka ito hinalikan ng mabilis sa labi, sobrang bilis lang no’n pero nag-init ng husto ang mukha niya.
Hindi gumalaw si Amsel. “Namula ka rin ba ng ganyan no’ng ginawa mo ‘yan sa kanya?”
“Hindi!” Pinandilatan niya ito ng mata. “T-tsaka ano, ikaw nga e. Ang dami mo nang nahalikan!”
Kumunot ang noo nito. “Ayos mangbaliktad a.”
“E, kasi naman nagagalit ka. Ikaw nga riyan ‘yung—”
“Hindi ako nagagalit,” saad nito at huminga ng malalim. “Nakakainis pero wala naman akong magagawa.”
Napakagat siya sa kanyang labi. “T-tsaka ikaw. . magagawa mo naman iyon sa’kin kahit kailan mo gusto. K-kasi papayagan naman kita.”
“Huh,” anito at mabagal na tumaas ang gilid ng mga labi. “Ang swerte ko naman.”
Nag-init ang buong mukha niya. “Talaga, swerte ka talaga.”
Tumawa ito at ibinuka ang dalawang braso, kaya ngumiti siya at niyakap ito sa bewang habang nasa leeg nito ang mukha niya. Nararamdaman niya ang hininga nito sa tuktok ng kanyang ulo.
Hindi niya na kailangan ipaliwanag pa, basta ang alam niya ay para siyang lumulutang sa sobrang saya. Sana ay hindi na ito matapos.