kabanata 33

2241 Words
Natuloy ang pag-alis ni Amsel at ng ate nito kinagabihan. Nagpaalam ito kay Dorothea bago ito umalis kaya hindi siya masyadong nalungkot. Ilang araw lang naman itong mawawala. “Gray, naaalala mo ba ‘yung kalaro natin dati na si Noel?” tanong niya bigla sa kapatid niya habang kumakain sila ng hapunan. Kumunot ang noo nito at nag-isip saglit bago tumango. “Oo, bakit?” “Wala lang,” aniya at inalala ‘yung lalaki na nakita niya sa mall nang kasama niya si Amsel. “Nakita ko siya sa mall, pero hindi niya ako nakilala.” “Talaga? Nakauwi na pala ‘yon?” “Anong nakauwi na?” “Nasa ibang bansa kasi ‘yon,” sabi nito. “Nakikita ko sa fesbook, ang yaman na nga nila e.” Hindi siya nakasagot. Nasa ibang bansa iyon? Pero sigurado siya na iyon ang nakita niya sa mall, nagkamali lang ba siya? Pagkatapos nilang kumain ay umakyat agad siya para i-search si Noel sa fesbook. Bigla niya kasing naisip ang sinabi ni Kaleb sa kanya noong nakaraan na baka raw maghalo ang htrae at earth. Kunot ang noo niya habang tinitingnan ang profile ni Noel. Halatang nasa ibang bansa nga ito, gusto niyang isipin na baka umuwi ito pero may post ito na picture ilang oras lang ang nakararaan na nasa ibang bansa pa rin ito. Kung gano’n, sino ang nakita niya? Tinitigan niya ang larawan nito. Sigurado talaga siya na itong mukha na ito ang nakita niya sa mall, nagkatinginan pa nga sila kaya siguradong tama siya ng nakita. Napakagat siya sa labi habang nag-iisip. Posible kaya talaga ang sinabi ni Kaleb? Kakausapin niya ito bukas, kinakabahan kasi siya sa pwedeng mangyari kung sakali na magkatotoo ito. Siguradong magkakagulo ang lahat. Papatayin na niya sana ang phone niya nang bigla lumabas ang pangalan ni Amsel sa taas, agad na kumabog ang kanyang dibdib at excited na pinindot ang message na ito. Amsel; Nasa byahe pa rin kami. Dorothea; Gaano katagal ang byahe ninyo? Nakatitig lang siya habang pinagmamasdan ang mga tuldok na nandoon, hudyat na nagtitipa ito ng reply. Amsel; Siguro ay mga anim na oras. Naningkit ang mata niya. Ang tagal nga no’n, siguradong nakakapagod ang biyahe. Bago pa siya magreply ay nagchat na naman ito. Amsel; Magpahinga ka na, may pasok ka pa bukas. Nakangiting nagreply siya. Dorothea; Maya-maya na. Hehe. Amsel; Hehe ka riyan Dorothea; Hindi pa ko inaantok e. Hindi ka ba naboboring diyan? Amsel; Boring nga. Dorothea; Edi chat muna tayo hehe Napakagat siya sa kanyang labi habang hinihintay ang reply nito, yakap niya ang kanyang unan habang nakahiga ng patagilid. Hindi niya akalain na makakapagchat sila ni Amsel habang wala ito, kung gano’n ay hindi niya ito masyadong mamimiss. Nagulat siya nang biglang lumabas ang pangalan ni Elnora sa taas kaya pinindot niya. Elnora; Hoy babae! Gising ka pa? Dorothea; Oo, bakit? Elnora; Wala lang, miss na kita. Walang pasok kanina e. Lumabas ‘yung pangalan ni Amsel kaya automatic na pinindot niya iyon, ngunit ang reply na nasa isip niya ay para kay Elnora. Dorothea; Miss na rin kita. Magkita tayo bukas sa school. Nanlaki ang mata niya nang makita niya na na-wrong send siya. Ni-remove niya agad iyon pero nabasa na agad ni Amsel, napamura siya sa isip niya nang mabilis ang naging reply nito. Amsel; Sinong ka-chat mo bukod sa’kin? Dorothea; Si Elnora! Dorothea; Wrong sent lang hehe Hindi agad nagreply si Amsel, nauna pa nga si Elnora pero hindi niya muna iyon pinansin at hinintay ang reply ni Amsel pero ang tagal. Dorothea; Promise, si Elnora ‘yon. Amsel; Wala naman akong sinabi Dorothea; Baka kasi kung ano ang isipin mo! Amsel; Alam ko naman na ako lang ang gusto mo Napatakip siya sa bibig niya at impit na tumili. Hindi namalayan ni Dorothea ang oras, inabot siya ng halos madaling araw na kausap sa chat si Amsel. Hindi na nga niya na-replyan si Elnora. Kaya kinabukasan pagkagising niya ay antok na antok siya. “Kumain ka na rito,” sabi ng mama niya nang makita siyang pababa ng hagdan. “At bilisan mong kumilos dahil baka ma-late ka na naman.” Pinagmasdan niya ang sinangag sa lamesa, humikab siya at pabagsak na umupo. “Ma, oatmeal lang ako,” sabi niya. Napalingon ito. “Bakit? Ayaw mo ng kanin?” “Diet ako,” aniya at nahihiyang tumawa. Ngumiti ang mama niya. “Sige, magpapakulo ako ng tubig.” Nakapagdesisyon na si Dorothea na mag-diet. Kagabi niya pa ito iniisip, gusto niyang pumayat para sa sarili niya. Kahit na malaki ang nadagdag na confidence niya dahil kay Amsel ay gusto niya pa rin na pumayat. Gusto niyang makita sa salamin ang gusto niyang katawan, magpapapayat siya para sa sarili niya. “Kapag kakain kayo, ma, ‘wag niyo akong yayayain,” sambit niya kaya natawa ito. “Tsaka huwag ka magluluto ng masarap na ulam a?” “Hayaan mo, ibibili kita ng mga pang-diet mo.” Maaga siyang nakarating sa school nila. Hindi niya alam ngunit ang gaan ng pakiramdam niya, hindi niya maiwasan na ngumiti ng walang dahilan. Parang may nagawa si Amsel sa pagkatao niya ngunit hindi niya alam kung ano iyon, para bang bigla niya na lang minahal ang sarili niya. “Bakit ang saya mo?” tanong ni Elnora na bigla na lang sumulpot sa likuran niya, kadarating lang nito. “Masama ba?” Umupo ito sa tabi niya. “Lagi ka kasing nakasimangot tuwing umaga e, mukhang maganda tulog mo a.” “Elnora,” saad niya. “Nakapagdesisyon na ako, magsisimula na akong magdiet.” Natigilan ito, tapos ay naningkit ang mata sa kanya. “Weh?” “Oo nga, promise,” sabi niya. “Samahan mo ko mag-jogging a.” “Seryoso nga?” saad nito at natawa. “Feeling ko ay hindi mo kakayanin.” “Bakit naman? Desidido na ako!” seryosong sabi niya. “Ano, sasamahan mo ba ako?” “Hindi ko alam, may lakad yata kami mamayang hapon,” sagot nito kaya sumimangot siya. “Baka tamarin kasi ako kung wala akong kasama.” Ngumiti ito. “Susubukan ko pa rin naman, icha-chat kita.” Nagsimula ang klase na iyon ang pinag-uusapan nila ni Elnora. Break time ay pinipilit siyang hilahin nito sa canteen kahit ayaw niyang sumama, kasi kapag nakakita siya ng mga kumakain doon ay mapapakain siya. Sumimangot si Elnora. “Wala akong kasabay kumain!” Napabuntong-hininga na lang siya at sumama kaya napangiti ito ng malawak. Um-order ito ng garlic chicken na paborito niya kaya lalo siyang natakam, pero tiniis niya iyon at bumili lang siya ng tinapay. “Ayaw mo nito? Chicken garlic,” pang-iinggit nito. “Ayoko nga,” aniya at pinandilatan niya ito ng mata. Nilapit nito ang manok sa bibig niya. “Isang kagat lang, promise.” Pumikit siya ng mariin at umiling ng maraming beses. Hindi niya alam kung bakit pinipilit siya nito kahit na sinasabi niyang gusto niyang mag-diet. Pagdilat niya ng mata ay nagulat siya nang makitang galit ang itsura ni Elnora pero mabilis nitong pinalitan ng pagngiti. Napatitig siya sa kaibigan niya. Ayaw ba nito na mag-diet siya dahil wala itong kasabay kumain? Dahil dati pa naman ay ito na talaga ang laging nagyayaya sa kanya na kumain sa kung saan-saan, lalo nga siyang tumaba nang maging magkaibigan sila. Pagkauwi niya galing sa school ay kumain siya ng oatmeal at prutas na binili para sa kanya ng mama niya. Iiwasan niya muna ang kumain ng kanin. Tsaka gusto niyang malaman kung may magbabago ba sa katawan niya habang wala si Amsel. “Wala kang kasama?” tanong ng mama niya nang paalis na siya, nakasuot siya ng pang-jogging niya. Itim na tshirt lang naman, jogging pants at rubber shoes. Tapos ay may dala siyang tubig. “May lakad daw si Elnora,” aniya at sinabit sa balikat niya ang bimpo. “Alis na ako, ma.” “Ingat ha, ‘wag kang magpapagabi ro’n.” Tumango lang siya at lumabas na. Sa sports complex siya pupunta, dati ay nakapunta na siya roon at marami talagang nagja-jogging. Tapos ay mabango pa ang simoy ng hangin dahil maraming puno. Mabuti na lang ay malapit lang kaya nakarating siya agad. Nang nandoon na siya ay nakaramdam siya ng hiya kaya umupo muna siya sa gilid habang nakayuko. Kachat niya si Amsel. Dorothea; Magja-jogging ako ngayon, nandito na ako sa sports complex. Amsel; Sinong kasama mo? Dorothea; Ako nga lang e, bawal daw si Elnora ngayon. Tumingin muna siya sa paligid bago nilagay sa camera ang phone niya at saka nag-selfie. Tapos ay sinend niya iyon kay Amsel, medyo nagsisi siya nang isend niya iyon dahil nahihiya siya pero nag-init ang mukha niya sa reply nito. Amsel; Ang ganda naman. Dorothea; Hehehehehehe. Kinagat niya ang labi niya para pigilan ang ngumiti dahil baka may makakita sa kanya. “Dorothea?” Gulat na napaangat siya ng tingin nang may tumawag sa kanya, nanlaki ang mata niya nang makitang si Halsey iyon. Pinasadan niya ito ng tingin, nakasuot din ito ng pang-jogging at nakaipit ang mahabang buhok. Hindi niya talaga maiwasan na mainggit sa ganda nito. “Uy, nandito ka pala.” Ngumiti siya. “Magja-jogging ka rin?” Tumango ito, halatang natutuwa na makita siya. “Wala ka rin kasama? Tara, sabay na tayo!” Tumayo agad siya kaya’t lalong lumapad ang ngiti nito, noong una ay naglalakad lang sila pero maya-maya ay tumatakbo na sila ng mabagal habang iniikot ang buong sports complex. “Bakit nagja-jogging ka pa?” tanong niya dahil payat na ito. Lumingon ito sa kanya. “Mabilis kasi akong tumaba, tsaka ang hilig akong pakainin ni Kaleb.” “Ganyan din sa’kin si Elnora!” Natawa ito, mahinhin. “Sila ang nagpapataba sa’tin, no?” Naisip niya tuloy bigla ang bestfriend niya. Parang nagtatampo sa kanya ito. Pero desidido na kasi siya sa gusto niya. Wala pa yatang halos sampung minuto nang hinihingal siyang tumigil. Napahawak siya sa tuhod niya at uminom ng tubig, napatigil sa pagtakbo si Halsey at sinilip siya. “Gusto mo pahinga muna tayo?” tanong nito. Napangiwi siya nang makita ito, halos walang pawis. “Bakit parang hindi ka napapagod?” “Sanay na kasi ako.” Ngumiti ito at tinapik siya sa likod. “Kapag tumagal ay masasanay ka rin, kaya ‘wag kang sumuko.” Tumango siya. “Desidido talaga ako rito, Halsey.” “Kung gano’n, pwede bang sabay na tayo lagi?” tanong nito. “Kung ayos lang sayo. Hindi rin kasi ako nasasamahan ni Kaleb minsan, tulad ngayon.” Napatitig siya kay Halsey. Hindi siya makapaniwala na kinaiinisan niya ang babaeng ito dati, ang hinhin nitong magsalita at lagi itong nakangiti sa kanya. Hindi na siya nagtataka kung bakit ito nagustuhan ni Kaleb. Ngumiti siya at tumango. “Icha-chat kita sa fesbook.” “Uh. .” Napakamot ito sa ulo. “Binlock mo ko ro’n e.” Nanlaki ang mata niya at natawa. Nakalimutan niya iyon, kapag nakikita niya kasi dati ang mukha nito ay naiinis siya kaya ginawa niya iyon. Nilabas niya ang phone niya. “Ia-unblock na kita ngayon.” In-unblocked niya ito at in-add pa, at nang nag-angat siya ng tingin ay napangiti ulit ito. Hindi niya maiwasan na magtaka kung bakit hindi man lang ito nagalit sa kanya kahit inaaway niya ito dati. Sinabi rin ni Kaleb na natutuwa lang daw ito sa kanya imbis na mainis. Naiinggit siya kay Halsey, parang ang buti ng kalooban nito. Kaya niya kaya iyon? ‘Yung walang galit na nararamdaman? Pero lagi kasi siyang sinusubok ng mga demonyo niyang mga kaklase. “Thank you,” sambit nito. “Thank you rin,” aniya at bago pa ito makasagot ay nagsimula na ulit siyang tumakbo. “Tara na, sayang ang oras natin.” Pawis na pawis siya nang makauwi siya, nababahuan din siya sa sarili niya dahil nabasa ang damit niya. “Wow naman,” puna ng kapatid niya habang pinagmamasdan siya. “O, bakit?” pagtataray niya. “Totoo na ba ‘yan?” Umirap siya. “Tingnan mo lang, magsisisi ka sa mga sinasabi mo sa’kin.” “Talaga, ate? Nagda-diet ka na?” sabat ng papa niya na kagagaling lang sa banyo. Tumango siya. “Sure na ako, pa. Kaya kailangan ko ng motivation niyo, okay?” “Sige nga. .” Tumango-tango ito. “Kapag malaki ang pinayat mo bago ka mag-birthday, ibibili kita ng bagong phone.” Nanlaki ang mata niya dahil sa sobrang gulat, napatalon siya at desididong tumayo. Iyan ang gusto niyang motivation! Si Gray naman ay nagkibit-balikat na parang sinasabing hindi niya kakayanin iyon. “Ihanda mo na ang pambili mo, pa,” sabi niya sa mayabang na tono tapos ay inambahan si Gray. “Kapag nagawa ko, aalilain kita sa loob ng isang araw. Ano, deal?” Tumaas ang kilay nito. “Paano kung hindi mo nagawa?” “Gagawin ko rin kung anong gusto mo.” “Okay, deal.” Iiling-iling ang mama nila habang pinapanood sila nito. Nakangiting umakyat si Dorothea ng hagdan, lalo siyang ginanahan dahil sa hamon ng kapatid at papa niya. Kahit malapit na ang birthday niya ay alam niyang magagawa niya iyon kung magsisikap siya. Naligo muna siya bago humiga. Akala niya ay may reply na si Amsel pero wala, sigurado ay busy iyon doon. Habang naghinintay ay hindi niya namalayan na nakatulog siya dahil sa pagod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD