Kinabukasan ay napansin niya agad na hindi si Kaleb ang nandito ngayon sa earth, kundi si Blake. Halatang hindi rin ito madikit kay Halsey tulad ng sinabi ni Kaleb.
Hindi siya makapaniwala na hanggang ngayon ay gano’n pa rin ang sitwasyon ng dalawa, kaya kinakabahan pa rin siya na baka pagkagising niya ay nandoon ulit siya.
Ayaw na niyang bumalik doon. Masayang-masaya na siya rito.
“Nag-jogging ka kahapon?” tanong ni Elnora sa kanya na katabi niya ngayon.
Hindi agad siya nakasagot. Naalala niya na sinabi nito na ayaw nito kay Halsey at nangako siya na hindi niya na ito lalapitan, parang ayaw niya tuloy sabihin na nakasama niya si Halsey kahapon at makakasama niya pa ito lagi dahil nangako siya rito.
“Hindi nga e,” pagsisinungaling niya. “Wala kasi akong kasama.”
Tumango ito. “Sabi sayo ‘wag ka nang magpapayat e, mas gusto ko ‘yang ganyang itsura mo.”
Hindi niya alam kung bakit nadidismaya siya kay Elnora. Si Amsel at ang pamilya niya, pati na rin si Halsey ay mino-motivate siya pero si Elnora ay hindi.
“Ita-try ko pa rin mag-diet,” sabi niya kaya ngumuso ito at hindi na sumagot.
Hindi na nga siya kinausap nito hanggang sa matapos ang klase, siguro nga ay nainis ito sa kanya. Pero hindi niya alam kung bakit.
Kakauwi niya lang galing sa pagja-jogging kasama si Halsey nang ka-chat niya na naman si Amsel, pangalawang araw na itong wala.
Dorothea; Parang galit sa’kin si Elnora.
Amsel; Bakit?
Dorothea; Ayaw niya kasi na mag-diet ako kasi wala na siyang nakakasamang kumain.
Hindi agad ito naka-reply pero nagtitipa ito, halatang nag-iisip ito ng sasabihin.
Amsel; Kilalang-kilala mo na ba si Elnora?
Kumunot ang noo niya sa tanong nito. Matagal na niyang kaibigan si Elnora, pero ngayon lang ito naging ganito sa kanya.
Dorothea; Siguro, lagi kaming magkasama e. Bakit mo naitanong?
Amsel; Wala lang.
Amsel; Kamusta naman sa school?
Parang may gusto pa sabihin si Amsel ngunit iniba na nito ang usapan. Hindi niya tuloy maiwasan na mag-isip ng kung ano-ano, kailangan niya bang kausapin si Elnora bukas?
Dorothea; Gano’n pa rin, puro mga kampon pa rin ng demonyo.
Amsel; Hahahahahaha
Dorothea; Dapat impyerno ang tawag do’n, hindi school e.
Amsel; Wala kasi ako kaya walang anghel.
Dorothea; Weh? Feeling ko nga ikaw si satanas e.
Tawa siya nang tawa habang magkachat sila. Naiimagine niya rin ang itsura ngayon ni Amsel, sigurado ay tumatawa ito.
Napanguso siya dahil doon.
Dorothea; Medyo miss ko na ang pagmumukha mo.
Nabasa agad ni Amsel ang chat niya, hindi ito nagreply at nanlaki ang mata niya nang tumawag ito para sa video call. Hindi niya agad iyon sinagot at inayos ang sarili sa salamin saka ‘yon sinagot.
Napakagat siya sa labi niya nang makita ang gwapong mukha nito, maliwanag doon. Ang phone ay siguradong nasa hita nito dahil na rin sa anggulo nito.
“Hello,”bati nito at halos manlambot siya nang mabagal itong napangiti habang pinagmamasdan siya sa screen.
Nakatakip ang kalahati ng mukha niya ng unan at mata lang ang nakikita.
“Hello,” pagtawa niya.
“Maingay ba?”tanong nito sa kanya bago ito tumingin sa kung saan, tapos ay may sinenyas.“Psst, bata, paabot nga ako no’ng earphone na ‘yon.”
Natawa siya. “Sinong bata iyon?”
“Pinsan kong makulit,”sagot nito at itinapat ang camera sa batang lalaki na nagbigay ng earphone. Tapos ay kung sino-sino na ang sumilip sa may phone kaya itinago niya ang mukha niya.
“Sino ‘yan?”tanong no’ng isa.
“Chicks mo ‘yan?”
“Babae ba? Patingin ako.”
“Anong itsura?”
“‘W-wag mo akong pakita!” sabi niya agad kaya inilayo nito ang phone sa mga pinsan nito kaya mukha na nito ang nakikita niya ulit.
“Nahihiya e,”sabi ni Amsel sa mga iyon.
“Patingin lang e!”
“Oo nga, kuya, patingin.”
“‘Wag kayong makulit,”ani Amsel kaya napabungisngis siya.
“Maganda ba ‘yan?”
“Oo, maganda ‘yan si Dorothea!”Narinig niyang sabi ni Kirsten sa background, ang ate ni Amsel.
Nakita niya ang pagngiti ni Amsel kaya napakagat siya sa kanyang labi.
“Girlfriend niya ba ’yon, ate Kirsten?”
“Oo, bakit?”Mabilis ang pagsagot ni Amsel kaya nanlaki ang mata niya.
Binitawan niya ang phone niya at napatakip sa bibig. Nararamdaman niya ang pag-iinit ng buong mukha niya, gusto niyang tumili at magmura kaso pagagalitan siya.
Huminga siya ng malalim bago niya muli dinampot ang phone niya, nagulat siya nang makita na medyo dumilim sa lugar ni Amsel.
Magkasalubong ang kilay nito kanina pero nang makita siya ay bahagyang ngumiti.“Bakit nawala ka?”
“W-wala,” sagot niya. “Nasaan ka?”
“Nasa labas na ako, sa veranda. Ang iingay kasi nila ro’n.”
Nag-iinit pa rin ang mukha niya. Hindi pa rin nakakalimutan ang sinabi nitong girlfriend siya nito.
“K-kamusta naman diyan?” tanong niya.
Umupo muna ito sa kahoy na upuan at sumandal.“Walang magawa lagi, kadalasan ay puro pa bata ang kasama ko.”
“Bakit? Wala bang mga kaedad mo riyan?”
“Meron,”sambit nito.“Pero may mga kasama kasi sila lagi kaya hindi ako masyadong sumasama.”
“Ah, naa-out of place ka gano’n?”
“Hindi naman,”saad nito.“Nakilala ko na sila dati pa nang magpunta kami rito, kaso hindi ko na gusto ang mga trip nila.”
“Bakit naman? Wala ka tuloy magawa kasi naiiwan ka,” aniya. “Ano bang mga trip nila riyan?”
Bahagya itong ngumuso.“Naghahanap ng babae.”
Napasimangot siya agad dahil doon kaya gumuhit ang maliit na ngiti sa labi nito.
“Mabuti na lang ay hindi ka sumasama,” mahina niyang sabi habang naniningkit ang mata. “Good boy, good boy.”
Marahan itong natawa.“Parang aso lang a.”
Napahalakhak din siya at hindi na naman nila namalayan ang oras. Hindi alam ni Dorothea kung anong oras siya nakatulog, basta ay nakatulugan niya na si Amsel habang nagkukwento ito ng mga nangyayari ro’n.
Kaya nang magising siya kinabukasan ay bangag na naman siya. Uminom siya ng black coffee dahil balita niya ay nakakatulong daw iyon na makabawas ng bilbil, at ang kinain niya ay oatmeal ulit.
Balak niyang kausapin ngayon si Elnora para suyuin ito pero hindi ito pumasok. Kaya mag-isa siya buong araw, pero maganda dahil walang pumilit sa kanya ngayon.
“Parang ang blooming mo a.”
Napabaling siya ng tingin kay Nadia nang umupo ito sa tabi niya, ang dakilang tsismosa ng school nila.
Pinagmamasdan siya nito tapos ay lumapit ng konti kaya lumayo siya. “Parang may nagbago sayo!”
“Ano naman?”
“Ewan ko, basta parang may nagbago e.”
Hindi siya sumagot. Hindi kaya’y pumapayat na siya? Napapansin niya lang naman na parang lumiit ang tiyan niya pero feeling niya ay dahil iyon sa hindi na siya kumakain ng kanin.
Dahil sa pagpansin ni Nadia sa kanya ay lalo siyang ginanahan. Sa tingin niya kasi ay may epekto ang ginagawa niyang paghihirap.
Paghihirap iyon dahil talaga namang natatakam siya sa mga masasarap na pagkain, tsaka minsan ay nagugutom siya at gusto niyang kumain ng kanin pero pinipigilan niya ang sarili niya.
“Kaleb!”
Tuwang-tuwa siyang kumaway kay Kaleb nang makita niya ito sa hindi kalayuan. Agad na lumingon ito at sigurado siya na ito ang totoong Kaleb na kilala niya.
Hinintay niya itong makalapit sa kanya bago siya ngumiti. “Kamusta?”
Naningkit ang mata nito. “Parang ang saya mo.”
“Syempre,” aniya at makahulugan na ngumiti.
“Alagang Amsel a,” sabi nito at tumango-tango.
Nanlaki ang mata niya at hinampas ito dahil baka may makarinig na naman. Noong crush niya ito dati ay hindi niya akalain na madaldal pala ito.
“Pero, Dorothea, kailangan pala talaga natin mag-usap,” sabi nito sa seryosong tono kaya tumango rin siya.
“Ako rin ay may sasabihin.”
Kinuwento niya ang tungkol sa kababata niya na si Noel. Tapos ay may kinuwento rin ito na halos kapareho ng kanya.
Kinakabahan na kinagat niya ang kanyang kuko. “Nakakapagtaka, kasi kayo ni Blake ay nagpapalit lang pero hindi kayo nagkakasama ng sabay dito sa earth. Pero sila, bakit sila dalawa?”
“Hindi ko alam,” sambit nito at nagbuntong-hininga. “Basta ay maghanda tayo kung sakali na bigla na lang silang dumami.”
Tumango siya, kabado pa rin. “Nakakatakot, Kaleb. Paano kung biglang magkagulo? Kung kailan naman natutuwa na ako sa mundong ‘to.”
“Kahit ako ay hindi mapakali,” sabi nito. “Sinusubukan kong magpunta sa malalayo para magmasid pero wala naman kakaiba.”
“Sa tingin mo ba ay dito lang sa lugar lang natin gano’n?” tanong niya.
Nagkibit-balikat ito. “Wala akong ideya. Nag-aalala ako para kay Halsey dahil wala naman ang pamilya ko rito, nasa probinsya.”
“Medyo nagiging close na kami,” sambit niya. “Kasama ko siya laging mag-jogging.”
“Sinabi niya nga,” matipid na ngumiti ito at mataman siyang tinitigan. “Dorothea, kung sakali na may mangyari rito sa earth habang wala ako. Pwede ko bang ipagkatiwala sayo si Halsey?”
Hindi agad siya nakasagot. Kinakabahan siya. Kahit ang sarili niya ay hindi niya kayang protektahan, paano pa kaya kung pati si Halsey? Pero gagawin niya iyon dahil malaki ang utang na loob niya kay Kaleb.
Tumango siya. “‘Wag kang mag-alala.”
Habang pauwi siya ay kinakabahan pa rin siya. Patingin-tingin siya sa paligid, tinititigan ang bawat mukha ng mga taong nakikita niya.
“Kalma, Dorothea,” sambit niya sa sarili niya habang nakaupo sa higaan niya.
Binaling niya ang tingin niya sa phone niya na tumunog, nag-chat na sa kanya si Halsey kaya nagbihis na siya ng pang-jogging niya tapos ay chinat niya si Amsel na aalis na ulit siya pero hindi ito nag-reply.
“Ayos ka lang, Dorothea?” tanong sa kanya ni Halsey nang mapansin nitong patingin-tingin siya sa paligid habang tumatakbo sila.
Tumango siya. “Gusto ko lang makita ang mga mukha ng mga tao rito.”
Dahil sa malalim na iniisip ay hindi niya namalayan ang oras habang nagja-jogging sila ni Halsey, nagulat siya nang sabihin nito na kailangan na nilang umuwi dahil maggagabi na.
Pag-uwi niya sa bahay nila ay tinawagan niya si Amsel, napansin din nito na parang may iniisip siya kaya tinanong siya nito.
“Amsel,” aniya. “Nakapag-usap kami ni Kaleb kanina.”
“Anong napag-usapan ninyo?”
Kinuwento niya ang naging pag-uusap nila ni Kaleb, nasabi niya na rin naman dito ang tungkol sa Htrae. Sinabi niya rin ang nangyayari sa kanya, na hindi siya mapakali at napa-paranoid.
“Anong sa tingin mo?” tanong niya.
Saglit itong nag-isip.“Gusto mo na ba akong umuwi riyan?”
Nagulat siya. “Bakit?”
“Para hindi ka natatakot.”
Napakagat siya sa kanyang labi at mabagal na tumango. Nahihiya siya na aminin iyon, pero sa tingin niya ay mababawasan ang takot niya kung nandito si Amsel.
Kasi bukod sa sarili niya, gusto niya rin protektahan ang pamilya niya, pati na rin si Elnora at Halsey.
Sigurado kasi siya na magkakagulo ang lahat kung tama ang iniisip nila ni Kaleb, at iyon ang kinakatakutan niya.
“Itatanong ko kay ate Kirsten kung pwede akong maunang umuwi riyan.”
Ngumiti siya. “Sana ay payagan ka.”