Kalagitnaan pa lang ng movie pero kanina pa hindi nagsasalita si Amsel. Nang lingunin ni Dorothea ang binatana ay nakatuon lang ang tingin nito sa screen.
Nagulat siya nang bigla itong lumingon sa kanya, wala itong naging reaksyon kaya ibinalik niya agad ang tingin sa malaking screen ng sinehan.
Natigilan bigla siya nang gumalaw ito, nakita niya sa gilid ng mata niya na tinitigan pa siya nito ng ilang segundo bago inilagay ang ulo sa balikat niya.
Napatigil siya bigla sa paghinga at hindi niya magawang silipin ang mukha nito dahil sobrang magkalapit sila.
“I-inaantok ka?” tanong niya.
Umiling ito pero hindi nagsalita. Naramdaman niya ang pagtama ng buhok nito sa leeg niya dahil sa ginawang paggalaw. Nagtaasan ang mga balahibo sa katawan niya, sana lang ay hindi nito naririnig ang malakas na kabog ng dibdib niya.
Halos hindi siya makapag-focus sa pinapanood niya dahil doon, naaamoy niya ang sarili niyang pabango kay Amsel pero ang buhok nito ay amoy mint na shampoo.
Matatapos na ang movie ay tumulo ang luha niya dahil sobrang nakakaiyak. Tinakpan niya ang bibig niya para pigilan ang mapahikbi, naririnig niya rin na sumisinghot ang ilan sa mga nanonood.
Pasimple niyang sinilip si Amsel na nakahiga pa rin sa balikat niya at napanganga siya nang makitang nakapikit ito. Hindi siya makapaniwala na nakatulog ito sa nakakaiyak na movie!
Hindi niya na iyon pinansin at binaling ang tingin sa screen, lalong tumulo ang luha niya nang umiyak din ang artista.
“Sh¡t,” sambit niya habang nanonood, tumutulo pa rin ang luha.
Napakurap na lang siya bigla nang maramdaman niya ang likod ng isang daliri ni Amsel na maingat na pumunas sa ilalim ng mata niya, gulat na nilingon niya ito at nanlaki ang mata niya dahil nakatingin pala sa kanya ito.
Nakaangat ang tingin nito sa kanya, nasa balikat pa rin niya ang ulo. “Iyaking bata,” sambit nito.
“N-nakakaiyak kaya!” agap niya habang sumisinghot, mabuti na lang ay madilim dahil siguradong pulang-pula ang pisngi niya ngayon dahil sa hiya.
Hindi nawala ang kamay ni Amsel sa pisngi niya, naramdaman niya ang mainit na kaliwang palad nito sa kaliwang pisngi niya at lalo lang siyang napaiyak.
Hindi niya alam kung bakit, tapos na ‘yung iyakan sa movie at hindi niya mapigilan ang sarili niya.
Ngayon niya lang nararanasan ‘yung mga simpleng bagay na ginagawa sa kanya ni Amsel ngayon. Akala niya buong buhay niya ay walang magkakagusto sa kanya na gusto niya rin.
Si Amsel, hindi ito mahilig sa mga matatamis na salita. Lagi nga siyang inaasar nito e. Ngunit kapansin-pansin ang mga galaw nito, wala itong sinasabi ngunit nararamdaman niya. Walang siyang kasiguraduhan sa nararamdaman nito dahil hindi nito sinasabi, nang tanungin niya ito ay hinalikan lamang siya nito. At natatakot siya na bigla na lang siyang maiwan sa ere.
At kung mangyayari man ‘yon, sigurado siyang masasaktan siya ng sobra. Dahil alam na niya sa sarili niya na hindi lang simpleng crush ang nararamdaman niya para kay Amsel.
Hindi niya namalayan na gumalaw ang kamay niya at hinawakan ang kamay nito na nakahawak sa pisngi niya, nanginginig na pinisil niya iyon. Nasa screen ang tingin niya pero alam niyang napatingin ulit ito sa kanya, pinilit niyang ituon ang paningin niya sa screen hanggang sa matapos ang movie.
Binitawan niya ang kamay nito nang matapos ang pinapanood, bumukas ang ilang ilaw at nagtayuan ang mga tao. Nang halos wala nang tao ay saka tumayo si Amsel, nakatingin ito sa kanya at inilahad ang kamay para alalayan siyang bumaba ng hagdan.
Tinanggap niya iyon, mahigpit niyang hinawakan. Pagkalabas nila ay napangiti si Amsel habang pinagmamasdan siya.
Pinandilatan niya ito. “O, bakit?”
“Halatang umiyak ka,” sabi lang nito at naningkit ang mata.“Hindi naman nakakaiyak e.”
“Paano ka maiiyak, e natulog ka lang!”
Bumungisngis ito. “Hindi a, pumikit lang ako.”
“Mukha mo.” Umirap siya at binaba ang tingin sa kamay nilang magkahawak, kinagat niya ang kanyang labi. “Sa susunod, ‘yung gusto mo naman na genre ang panoorin natin.”
Napatitig ito saglit sa kanya, hindi agad sumagot. Tapos maya-maya ay mabagal itong tumango. “Sige, sa susunod. .”
Halos madilim na nang ihatid siya nito mismo sa labas ng gate nila, hindi na nito pumasok sa bahay nila dahil baka hinahanap na raw ito ng ate nito.
“Kamusta ang date?” tanong ng mama niya pagkapasok niya pa lang sa bahay nila.
Nag-init ang mukha niya. “Wala. . ayos lang.”
“Ay sus! Dalaga na ang anak ko,” kantyaw ng mama niya. “Dorothea, boto ako kay Amsel, nakikita ko na mabait ang bata na iyon. At sinabi ni Gray na binigay daw sa kanya ni Amsel ang mga dating notebook nito para mapag-aralan niya.”
Nanlaki ang mata niya. “Talaga?”
Hindi sinabi sa kanya ni Amsel ‘yon. Akala niya ay puro paglalaro lang ‘yung dalawa kapag naglalaro, atleast napag-uusapan ang school kahit papaano.
Umupo siya sa sofa. “Alam mo ba, ma, ang galing niya sa math.”
“Oo nga, math nga raw ang pinahiram kay Gray.”
Ngumiti siya. “Kahapon nga, tinawag ako ng teacher namin para magsagot. Buti na lang siya ‘yung sumagot, nakaligtas ako.”
“Ano ‘yon? Sinagot niya para sayo?”
“Hindi a,” aniya. “Nagkataon lang siguro.”
Tumawa ang mama niya, nasa kusina ito at inaayos ang mga grocery na pinamili nito. Wala pa ang papa niya, at si Gray ay baka nasa kwarto kaya silang dalawa lang.
“Mukhang gusto mo rin siya a,” sabi ng mama niya. “Bagay kayo.”
Napanguso siya. “Bagay ba kami? Gwapo siya tapos ako ay hindi maganda.”
“Anong hindi maganda?” Kumunot ang noo nito. “Wala akong pangit na anak, tandaan mo ‘yan.”
“Lagi mo naman ‘yan sinasabi,” aniya at sumimangot. “Sobrang gaganda at sexy kaya ng mga ex ni Amsel, tapos ako ganito. . mataba na pangit pa.”
Tiningnan siya nito ng masama habang napapailing. “Ibig sabihin ay pangit din ako? Magkamukha tayo e.”
Maganda ang mama niya, hanggang ngayon ay ang bata pa rin ng itsura nito pati ang papa niya. Naalala niya nga noong elementary siya ay akala niya ng mga teacher niya na kapatid niya lang ang mga ito.
“Ma, sa tingin mo, kapag nagpapayat kaya ako ay magiging magkamukha na talaga tayo?” seryosong tanong niya.
Ngumiti ito. “Bakit hindi mo subukan? Kasi ngayon pa lang ay nakikita ko nang magkamukha tayo, siguro sa unang tingin ay hindi, ngunit kapag tinitigan. . iisa talaga ang mukha natin.”
“Talaga?”
“Oo, pero gusto ko na magpapapayat ka dahil sa sarili mo. Hindi para kay Amsel o para sa ibang tao, gusto kong gagawin mo iyon dahil gusto mo.”
Hindi siya sumagot. Hindi niya naman naiisip na gawin iyon para sa iba, sa totoo lang ay ngayon niya nga lang iyon naisip. Pero dalaga na siya, dapat ay inaayos na niya ang sarili niya. Tsaka gusto niyang tumaas ang self confidence niya dahil aware naman siya na sobrang mababa iyon.
“Kaya ko ba ‘yon, ma? Ang mag-diet?” tanong niya.
“Gusto mo ba talaga?”
Tumango siya. Gusto niyang kapag tumitingin siya sa salamin ay napapangiti siya dahil gusto niya ang nakikita niya.
Nagpangalumbaba siya. “Pero, ma, alam mo ba? Kapag si Amsel ang kasama ko, hindi ko masyadong naiisip na pangit ako. Hindi siya nahihiya na kasama ako at hindi niya ako kinukumpara sa iba, tsaka feeling ko ay walang mang-aano sa’kin ‘pag nandyan siya.”
Napatitig ang mama niya sa kanya at madramang ngumiti, na akala mo’y nakatanggap ng napakagandang regalo.
“Anak,” sambit nito. “Kung hindi si Amsel ang makakatuluyan mo, magagalit ako.”
Hindi na siya nakasagot pagkatapos no’n. Kasi kahit siya ay magagalit siya, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin diretsong sinasabi sa kanya ni Amsel ang nararamdaman nito.
Pero kung totoo ngang gusto siya nito, sobra siyang magiging masaya. Kung gusto siya nito sa mga panahon na hindi siya maganda, paano pa kaya kung pumayat na siya at naging maganda? Baka mabaliw na sa kanya ito.
Natawa siya sa iniisip niya. Pagkatapos nilang mag-usap ng mama niya ay umakyat na siya sa kwarto niya para magbihis, naka-uniporme pa rin kasi siya.
Hindi mawala-wala ang ngiti niya. Dinampot niya ang phone niya at humiga, gusto niyang i-chat ito para itanong kung nakaalis na ba ito.
Nalulungkot lang siya na ilang araw itong mawawala ngunit wala naman siyang magagawa, tsaka hindi naman sila nagchachat. Kaya hindi niya alam kung paano sila mag-uusap sa mga susunod na araw.
Buti na lang ay holiday bukas, walang pasok. Pero kinabukasan ay umalis si Gray at ang mama niya dahil may bibilhin ang mga ito para sa project ng kapatid, ang papa niya naman ay nasa trabaho.
“Labhan mo ang mga damit mo,” sabi ng mama niya bago ito umalis. Ayaw niyang magreklamo dahil wala rin naman siyang gagawin, ayaw niyang humiga lang dahil maiisip niya si Amsel.
Sigurado ay nandoon na iyon sa pupuntahan nito. Napabuntong-hininga siya, mawawala ito ng ilang araw.
Ang tahimik sa bahay nila, pasalamat siya na simula nang bumalik siya sa earth ay wala na siyang nararamdaman na kahit ano sa bahay nila. Mukhang hindi na ulit siya magkakaroon ng koneksyon sa mga tao sa thrae.
Kumakanta pa siya habang bitbit pababa ang labahin niya. Kinuha niya ang batya at nilagay doon ang hose, tapos ay binanlawan ang mga damit bago niya ilagay sa may sabon.
Napatigil siya sa ginagawa nang may nag-doorbell, tumayo siya mula sa maliit na upuan at sinilip ang nasa labas ng gate. At halos lumuwa ang mata niya nang makita niya na nakatayo si Amsel sa labas, nagmamadali siyang lumapit para buksan ang gate.
“Akala ko umalis kayo?” Gulat na tanong niya.
“Hindi natuloy kagabi, pero mamaya kami aalis,” sabi nito at hindi niya maiwasan na makaramdam ng saya.
Siguro ay napansin nito iyon dahil napangisi ito habang pinagmamasdan siya. “Anong ginagawa mo?” tanong nito.
“Naglalaba ako,” aniya, masigla ang boses.
Bumagsak ang tingin nito sa mga palanggana. “Tulungan na kita?”
“Wag na,” aniya. “Konti lang naman ‘yan e.”
“Para mabilis ka matapos.”
Hindi na siya nagsalita nang umupo na ito sa mababang upuan. Pasimple niyang inamoy ang sarili niya dahil hindi pa siya naliligo, mabuti na lang ay hindi pa siya mabaho.
“Mababasa ka lang,” sabi niya.
“Maghuhubad na lang ako,” sabi nito at tumayo saka hinubad ang suot na tshirt kaya nanlaki ang mata niya. Sinabit nito iyon sa sampayan saka umupo ulit tapos ay tumingin sa kanya.
“S-sigurado ka ba?” Natatarantang tanong niya. “Marunong ka ba maglaba?”
“Hindi,” sagot nito. “Ako na lang ‘yung banlaw-banlaw.”
Natawa siya at tinuro ang batya na may mga nasabunan na niya. “Banlawan mo na ‘yan.”
Dumiretso ang mga mahahabang biyas nito sa gilid ng batya at kumuha ng isang damit doon. Napakagat siya sa kanyang labi habang pinapanood ito, binabanlawan nito ang damit tapos ay nilalagay sa isa pang batya.
Pagkatapos niya magkusot ay lumipat siya sa kabilang batya para banlawan pa ulit ang mga nabanlawan na nito.
Hindi sila nag-uusap pero paminsan-minsan ay sumusulyap sa kanya ito. Ngunit maya-maya ay bigla itong nagsalita.
“Dorothea,” sambit nito.
“Bakit?” tanong niya.
Hindi ito nagsalita, nasa ilalim ng tubig ang dalawang kamay. Tinitigan siya nito tapos ay umiling, naku-curious siya sa sasabihin nito ngunit ayaw niyang makulitan ito kaya hindi na siya nagtanong.
Tapos maya-maya ay naramdaman niya na naman na napatingin ito sa kanya bago nito inilagay sa batya ang nabanlawan. Sinundan niya ng tingin iyon.
Naramdaman niya ang unti-unting pag-akyat ng lahat ng init sa mukha niya nang makita niya ang nilagay nito. Bra niya iyon.
“A-amsel. .” sambit niya.
“Bakit?” tanong nito at sinundan niya na naman ng tingin ang nilagay nito sa batya, ang bulaklakin na panty niya naman iyon.
Napatayo siya kaya napaangat ito ng tingin sa kanya.
“A-ako na riyan,” sabi niya kaya mabagal na tumango ito bago pa ilagay sa batya ang nasa kamay nito, napasinghap niya nang makitang panty na naman ito.
“Doon ka na muna sa loob, hintayin mo ako,” sabi niya kaya tumayo ito.
Kinagat nito ang ibabang labi. “May gusto ka bang kainin? Bibili ako.”
“K-kahit ano,” sagot niya at nag-iwas ng tingin.
Tumango ito at walang sinabi, bago lumabas ng gate. Pagkapa niya sa palanggana ay nakita niyang puro mga bra at panty niya na lang ang nandoon.
Mukhang iniwasan naman nito na banlawan ang mga ito, pero wala na lang nagawa.
Napamura siya sa hangin habang hindi pa rin nawawala ang pag-iinit ng mukha niya. Nakakahiya!