Hindi mapakali si Dorothea habang naghihintay siya sa labas ng gate ng school, sinabi ni Amsel sa kanya na hintayin niya ito saglit dahil may ipapasa lang ito sa faculty.
Ayaw niya naman na samahan ito, dahil tulad kanina ay naiilang pa rin siya na maglakad kasama ito sa school.
Napatalikod siya bigla nang makatinginan niya ang isa sa mga kaklase nila ni Amsel, si Nadia na kasama sina Melanie.
“Uy, Dorothea,” bati nito kaya napangiwi siya. “Sinong hinihintay mo?”
“Ha?” Nagtataka siyang lumingon. “Wala akong hinihintay, tinatamad pa lang talaga akong umuwi.”
Naningkit ang mata nito. “Talaga ba?”
“Balita ko magkasama raw kayo ni Amsel kumain kanina a,” sabi naman ni Melanie.
“Uh, oo,” aniya at lalong napangiwi. “Nakiupo lang siya kasi wala na siyang upuan e.”
Dati ay proud na proud siyang ipangalandakan na crush niya si Kaleb. Pero ngayon, bakit nahihiya siyang malaman ng iba na malapit na sila ni Amsel sa isa’t isa?
Dahil ba ayaw niya itong mapahiya o dahil hindi siya sigurado sa nararamdaman nito sa kanya? Paano naman kasi kung bigla siyang iwan nito sa ere at magmukha siyang kawawa sa huli?
Hindi siya maganda para mag-assume na may gusto sa kanya si Amsel, hindi rin naman kasi nito iyon sinabi sa kanya iyon.
Hinalikan siya nito, pero paano kung gano’n naman pala ito sa lahat? Lalo na’t marami itong karanasan sa mga babae.
“Kanina ka pa nandito?” Nanlaki ang mata niya nang biglang lumitaw sa likuran niya si Amsel at tanungin siya.
Napaangat ng tingin sina Melanie at salitan ang ginawang pagtingin sa kanila.
“Akala ko ba ay wala kang hinihintay?” tanong ng mga ito.
Napapikit siya ng mariin at iniwan ang mga ito, sumunod agad si Amsel sa kanya at alam niya iyon. Hinawakan siya nito sa bag kaya’t napatigil siya sa paglalakad.
“Hindi tayo rito dadaan,” sabi nito.
“Bakit? Dito ang daan pauwi.”
Bahagya itong ngumuso. “Akala ko ba payag kang gumala ngayon?”
Nanlaki ang mata niya. “Hindi tayo uuwi para magpalit?!”
Naka-uniporme pa kasi sila.
“Oo,” saad nito at kumunot ang noo. “Sayang ang oras kung uuwi pa tayo, paano natin masusulit?”
“A-anong oras ba tayo uuwi?”
“Bago mag dilim,” sabi pa nito at ngumisi. “Hayaan mo, alam nila tita na aalis tayo.”
Napanganga siya. “Sinabi mo kina mama?! Aasarin ako no’n! Baka sabihin ay nag-date tayo!”
“Date naman talaga ‘to, Dorothea.”
Hindi siya nakasagot, nag-init ang buong mukha niya. Pansin niya na tuwing kasama niya si Amsel ay napapadalas ang pamumula niya, hindi niya alam kung bakit siya hiyang-hiya.
At ngayon ang unang beses na mararanasan niyang makipag-date!
Nag-iwas siya ng tingin. “Saan ba tayo pupunta?”
“Sa totoo lang, wala akong ideya,” saad nito at napakamot sa kilay na parang nag-iisip. “Naisip ko lang bigla na yayain ka kahapon dahil nagselos ako kay Kaleb.”
“N-nagselos ka?!” sigaw niya kaya’t napahawak siya sa bibig niya dahil sa gulat. Lumingon-lingon siya sa paligid at nakitang napatingin sa kanila ang ibang nandoon, napayuko siya at naglakad palayo.
Binilisan niya ang lakad niya at naramdaman niya ang kamay ni Amsel sa palapulsuhan niya, napaigtad siya dahil sa gulat.
Sinilip nito ang mukha niya dahil nakayuko siya, iritado ang mukha. “Bakit hiyang-hiya ka na makitang kasama ako?”
“Hindi sa gano’n!” agap niya agad at napakagat sa labi. “Ikaw, hindi ka ba nahihiya na kasama ako?”
“Yayayain ba kita kung nahihiya ako?” tanong nito. Nakasimangot ito, na para bang kalokohan ‘yung tanong niya.
Hindi sumagot si Dorothea. Naiinis siya sa sarili niya dahil gustong-gusto niya rin naman na kasama si Amsel, gusto niyang ipagmalaki na nagseselos ito kay Kaleb. Na niyaya siya nitong makipag-date, na hinalikan siya nito at halos mapraning ito noong nawala siya.
Pero sigurado siya na kapag sinabi niya iyon sa iba ay pagtatawanan lang siya at sasabihin na gumagawa lamang siya ng kwento.
Sino ba naman kasi siya, diba? Sa dinami-dami ng magagandang babae sa school nila, sino siya para magustuhan ng katulad ni Amsel?
At sa mga taong nakakakita sa kanila ngayon, alam niya kung ano ang tumatakbo sa mga isip ng mga ito.
“Anong gusto mong gawin ko para hindi ka mahiya?” tanong pa ni Amsel. “Sabihin mo sa’kin, gagawin ko.”
Napaangat siya ng tingin kay Amsel. Nasa gilid sila ng kalsada at ang daming dumadaan na sasakyan, ngunit malinaw sa pandinig niya ang sinabi na iyon ni Amsel.
Gagawin nito ang gusto niya para lang sa hindi siya mahiya? Bakit? Totoo bang gusto siya nito? Hindi niya alam, hindi siya sigurado.
Pero ayaw niyang isipin ‘yon ngayon.
Nangingilid ang luha na umiling siya, tapos ay ngumiti siya ng malapad. Wala itong pakialam sa sasabihin ng ibang tao, kaya bakit niya iisipin ang mga iyon?
Nakita niyang natigilan si Amsel, napatitig ito sa kanya at nagulat siya nang makita niyang unti-unting namula ang magkabilang tenga nito. Tapos ay bigla itong nag-iwas ng tingin.
Bigla siyang nahiya. “B-basta ipagtanggol mo ako kapag may nang-ano sa’kin a!”
Pagkatapos no’n ay tinalikuran niya muli ito at naglakad palayo, narinig niya pa ang marahan na pagtawa nito habang sumusunod ito sa kanya.
Huminga ng malalim si Dorothea bago sila pumasok ng mall. Tinanong siya ni Amsel kung saan niya gustong magpunta at kung anong gusto niyang gawin.
Dahil wala pa siyang karanasan sa mga normal na date lang ay ang gumala sa mall at manood ng sine ang naisip niya, alam niyang boring iyon para sa iba, pero para sa kanya ay maganda iyon.
“Ayos lang ba talaga na naka-uniporme tayo?” tanong niya kay Amsel. “Paano kung may makakita sa’kin na taga-school natin?”
Nagsalubong ang kilay nito. “Doroth—”
“Oo na, biro lang. Hindi na nga mahihiya,” sabi niya at ngumuso. Hindi naman kasi niya mapigilan na isipin iyon, lalo na ngayon at napapasulyap kay Amsel ang mga babaeng nakakasalubong nila.
Kinakabahan siya, pero hindi niya rin maiwasan na ma-excite. Hindi niya maiwasan mag-imagine ng mga mangyayari ngayong araw.
“Gusto mo ba munang kumain?” tanong nito kaya tumango siya. “Saan mo gusto?”
“Uh, sa McDonalds?” aniya. “Pero ayos lang kung ayaw mo—”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin niya nang hilahin na siya nito papasok sa McDonalds, habang nasa pila sila ay lumilingon-lingon ito sa paligid na parang naghahanap ng bakanteng upuan. Marami kasing tao.
“Gusto mo maghanap na ako ng bakante?” tanong niya.
Bumaling ito ng tingin sa kanya at natigilan siya nang hawiin nito ang buhok na nakakalat sa mukha niya. Mukhang hindi nito napansin ang ginawa dahil nagsalita ito nang parang wala lang.
“Ano munang gusto mong kainin?” tanong nito sa malumanay na boses. “Order din ba tayo ng kakainin natin sa sinehan?”
Napatango na lang siya dahil kumakabog ng malakas ang dibdib niya. “K-kahit ano, masarap naman lahat ‘yan e.”
“Sigurado kang kahit ano a,” paninigurado nito kaya tumango siya. Tapos ay hinayaan na siya nitong maghanap ng bakanteng upuan, maswerte siya na may nahanap siya sa may dulo.
Umupo siya at pinatong ang bag sa isang upuan para kay Amsel. Agad niyang nilabas ang salamin niya para tingnan ang sarili, naglagay siya ng manipis na liptint para hindi siya haggard.
Nililibot niya lang ang tingin sa paligid habang naghihintay, bigla siyang napayuko nang makita ang pamilyar na mukha sa labas ng McDonalds.
Kaklase niya iyon no’ng elementary siya, nagkatinginan sila pero parang hindi siya nito nakilala kaya nagkibit-balikat lamang siya.
Naalala niya dati na nakakalaro niya lagi iyon, nakilala na nga iyon ni Gray at nakalaro rin nito. Tapos ngayon ay hindi na siya maalala? Parang nakakasama ng loob a.
Napabaling siya agad ng tingin nang dumating si Amsel, dala ang mga inorder nito. Naramdaman niya agad ang gutom nang makita ‘yung fried chicken, tapos ay may french fries pa at burger.
“Ang dami naman,” pakipot niya kahit na walang hirap niyang mauubos ang lahat ng iyon. “‘Yung matitira ba ay dadalhin natin sa sinehan?”
Kumunot ang noo nito at umiling. “Um-order pa ako ng take-out, kaya mo ba ‘yan ubusin?”
“Syempre!” agap niya.
Ngumisi ito at nagsimulang kumain, pagkatapos nilang kumain ay nagpahinga muna sila. Nagpaalam siyang magbanyo muna siya dahil gusto niya ulit ayusin ang sarili niya, nahihiya siyang mag-ayos sa harap ni Amsel.
Pagbalik niya ay napatigil siya sa paglapit nang makita na may lalaking nakatayo sa gilid ni Amsel, nakatalikod ang dalawa sa kanya pero naririnig niya ang pag-uusap ng dalawa.
“Kanina pa kita nakita e, hindi lang ako sigurado kung ikaw ‘yon,” sabi no’ng lalaki.
“O? Hindi kita napansin,” ani Amsel.
Tumango ‘yung lalaki. “May kasama ka, diba? Girlfriend mo ‘yon? Ang cute a.”
Nanlaki ang mata niya. Gano’n ba ang tingin ng iba kapag magkasama sila ni Amsel? Na girlfriend siya nito?
Pero, teka. Wow, cute daw siya?!
“Syempre,” sambit ni Amsel kaya nanlaki ang mata niya at napatakip sa bibig para pigilan na mapasigaw.
Syempre raw?! Hindi nito tinanggi na girlfriend siya nito at cute pa raw siya?
Pinakalma niya ang sarili niya no’ng umalis ‘yung kausap ni Amsel, tapos saka siya lumapit. Namumula ang mukha niya at sigurado siyang napansin nito iyon dahil napatitig ito sa kanya.
“Sino ‘yung lalaki na kumausap sayo?” tanong niya.
Napatigil ito sa pag-inom ng softdrinks. “Kanina ka pa ba nandito?”
“H-hindi!” agap niya. “Ano, uh, nakita ko lang siya na paalis na.”
Ayaw niyang aminin na narinig niya ang pag-uusap ng dalawa dahil hindi niya alam kung paano siya magre-react.
Nagpunta sila sa sinehan pagkatapos nilang kunin ang take-out na in-order ni Amsel. Naiinis siya dahil ang daming tao sa mall kahit na weekdays naman, ang crowded tuloy.
Nang paakyat na sila ng escalator ay lumingon sa kanya si Amsel, ito kasi ang may bitbit no’ng mga pagkain kaya puno ang kamay nito.
Nilapit nito ang kanang braso sa kanya. “Kumapit ka sa’kin, baka maiwan kita.”
Bago pa siya makakapit sa braso nito ay halos sumubsob siya dahil may nakabangga sa kanya na nagmamadali sumakay ng escalator, mabuti na lang ay naka-balanse siya.
Narinig niya ang inis na pagpalatak ni Amsel kaya napaangat siya ng tingin, nagulat siya nang makitang masama ang tingin nito sa lalaking nakabangga sa kanya. At nang lingunin niya ‘yung lalaki ay halatang natakot ito kaya pinauna silang sumakay sa escalator.
Kumapit siya sa braso ni Amsel kaya’t napabaling ito sa kanya. “Hayaan mo na,” aniya.
“‘Wag kang bibitaw sa’kin, ang liit-liit mo e,” sabi nito kaya tiningnan niya ito ng masama bago sila humakbang pasakay ng escalator.
Ayaw niya naman talagang bumitaw, pero pagkaakyat nila sa floor ng sinehan ay maraming tao. Ayaw niyang makabangga siya kaya bumitaw siya kay Amsel kaya naiwan siya dahil may mga nauna sa kanyang maglakad.
Nakita niyang tumigil si Amsel at hinahanap siya ng tingin, ang baba ng tingin nito kaya hindi niya maiwasan maisip na gano’n ba talaga siya kaliit?
Nakakunot ang noo nito, at nang makita siya ay hindi niya alam kung bakit ito biglang bumungisngis habang hinihintay siyang makalapit.
“Mukha kang nawawalang bata,” sabi nito nang makalapit siya.
“Gago ka a,” sambit niya.
Pinanood niya ito na inipit sa kaliwang kili-kili ang isang supot ng pagkain, tapos nasa kaliwang kamay naman ang softdrinks kaya wala na itong hawak sa kanan.
Nagulat siya nang hinawakan siya nito sa kamay at hinila. “Bilisan natin, baka maubusan tayo ng ticket.”
Napakagat siya sa kanyang labi habang pinagmamasdan ang kamay nilang magkahawak. Kumakabog ng malakas ang dibdib niya, pakiramdam niya’y para siyang kinikiliti.
Uhh, gusto niyang tumili.
Nagbaba ng tingin sa kanya si Amsel. “Ano nga ulit ‘yung gusto mong panoorin?”
“Ha?” aniya at wala sa sarili na napatingin sa mga posters. “Ano, uh, ‘yung romance. N-nanonood ka ba no’n?”
“Ayos lang,” sagot nito at hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya at hinila ulit siya, napatitig na naman siya ro’n at lalong nag-init ang mukha niya.
Narinig niyang kinakausap ni Amsel ‘yung cashier pero hindi niya iyon naiintindihan dahil okupado ang isip niya sa kamay nilang magkahawak, nakalusot ang mga mahahaba nitong daliri sa pagitan ng mga daliri niya.
Ito ba ‘yung tinatawag nilang holding hands while walking?!
Tapos ay hinila ulit siya nito papasok sa loob ng cinema, madilim sa loob kaya lumingon sa kanya si Amsel habang paakyat sila ng hagdan. Sa taas kasi ang pwesto nila.
“Ingat,” malumanay ang boses nito.
Tumango siya habang kinakagat ang labi. Nang makaupo sila ay hindi pa nagsisimula ‘yung movie, binitawan ni Amsel ang kamay niya at inayos ang mga pagkain. ‘Yung softdrink niya ay nilagay nito sa lagayan ng inumin sa may armrest.
Nilingon niya ‘yung lalaking umupo sa tabi niya, napalingon din doon si Amsel at pinagmasdan ito saglit bago lumingon sa kanya.
“Palit tayo upuan,” sabi nito.
Kumunot ang noo niya. “Bakit?”
“Wala kang katabi rito.” Nasa dulo na kasi ang upuan nito, tutal ay ayaw niya rin naman na katabi ‘yung lalaki kaya pumayag na siya.
Pagkatapos nilang magpalit ay saktong nagsimula ang movie. Bigla siyang napatakip sa bibig nang bigla siyang maalala.
“Hala!” usad niya.
“Bakit?”
“Balak pala namin panoorin ni Elnora ang movie na ‘to na magkasama. .”
“Huh,” ani Amsel at sumandal habang nasa screen ang mga mata. “Pasensya siya, nauna ako e.”
Napatitig siya rito, kahit na madilim ay nakikita niya ang gwapong mukha nito. Nakikipag kompetensya ba ito kay Elnora?!
“Nanonood ka naman ba ng mga ganitong klaseng movies?” tanong niya.
Sinubuan siya nito ng french fries kaya napanguya siya bigla. “‘Wag kang maingay, nagsisimula na e.”
Halata namang hindi ganito ang hilig nito panoorin! Hindi na niya maiwasan ang mapangiti kaya binaling na lang niya ang tingin sa screen. Ganito pala iyon, ang pakiramdam ng taong nakikipag-date! Bakit ngayon niya lang ito naranasan?!
Pero kahit gano’n, masaya siya na ngayon lang ito nangyari at si Amsel ang kasama niya.