Nakailang buntong-hininga na si Dorothea ngayong araw. Kanina pa siya nakauwi galing school at kanina pa rin siya nakahiga sa higaan niya, ni hindi pa nga siya nagpapalit ng uniporme. Ang sapatos niya lang ang hinubad niya.
“Dorothea!” sigaw ng mama niya mula sa baba. Hindi siya sumagot pero pinakinggan niya ang sunod nitong sinabi. “Kumain ka rito ng merienda!”
Tinatamad na bumangon siya, nilagay ang phone niya sa bulsa ng palda ng uniporme niya.
“Bakit hindi ka pa nagpapalit?” tanong ng mama niya habang inaabutan siya ng isang plato ng pancit bihon.
Ngumuso lang siya at kinuha ang plato, tapos ay umupo siya sa sofa habang sumusubo ng pancit. Pinatong niya ang kinakain sa lamesa at kinapa ang phone sa bulsa niya.
Si Kaleb ang tumatawag. Nagtataka niya iyong sinagot.
“O, bakit?” tanong niya.
“Dorothea,”saad nito.“Bukas ko pa sana sasabihin ito pero hindi ako mapakali.”
Kumunot ang noo niya at napatigil sa pagnguya. “Ano iyon?”
“Kanina no’ng pauwi ako, habang nakasakay ako sa jeep ay nakasabay ko ‘yung kapitbahay namin. Bumaba siya sa malayo, pero pagkababa ko sa’min ay nakasalubong ko ulit siya.”
“Anong ibig nitong sabihin?”
“Hindi mo ba naiintindihan?”saad nito.“Dalawang magkaibang tao ang nakita ko, pero magkamukha sila.”
“Teka, hindi ko maintindihan,” sambit niya. “Linawin mo sa’kin, bobo ako e.”
“Dorothea. .”Nagbuntong-hininga ito.“Hindi ako sigurado, pero paano kung magsama ang htrae at earth?”
Mabagal na nanlaki ang mata niya at napaubo siya na parang nabulunan kahit wala na siyang nginunguya. Parang ngayon niya lang naintindihan ang gusto nitong sabihin.
“Ibig mong sabihin. . ang isa sa nakita mo kanina na kapitbahay mo ay sa htrae nanggaling?”
“Oo,”saad nito at natahimik saglit.“Pero hindi pa ako sigurado, baka kasi ay nagkamali lang ako.”
Hindi siya kumibo. Nag-iisip. Kung sakali man na mangyari iyon, magkakagulo talaga ng sobra.
“Sinabi ko lang sayo ‘to, baka kasi ay may mapansin ka rin sa paligid,” sabi pa nito.
Napalingon siya sa may pintuan nang marinig niya ang boses ng kapatid na si Gray. Sa likuran nito ay si Amsel, napaiwas agad siya ng tingin at umayos ng upo.
“Kaleb, mamaya na ulit tayo mag-usap. Tawag ako sayo mamaya. Bye,” sabi niya sa kausap at pinatay agad ang tawag.
Sumulyap siya sa likuran niya at nagkatinginan sila ni Amsel. Binagsak niya agad ang tingin niya sa kinakain na pancit at sumubo habang nakatuon ang mata sa TV.
“Amsel, kumain ka,” ani mama niya habang paakyat ng hagdan. “Dorothea, ipagsandok mo si Amsel ng pancit.”
Tumayo agad siya at nagtungo sa kusina, kumuha siya ng plato at naglagay ng pancit doon. Tapos ay tumingin siya kay Amsel na nakatayo pa rin sa may pinto.
Sumimangot siya. “Umupo ka kaya rito sa loob?”
Hindi ito nagsalita, pero pumasok ito at umupo sa may sofa. Sa tabi ng inuupuan niya kanina, binigay niya ang pancit na tinanggap naman nito.
“Salamat,” saad nito habang sinusundan siya ng tingin.
Hindi siya sumagot at kinuha ang plato niya na nakapatong sa lamesa, pero hinawakan siya nito sa pulso kaya nanlaki ang mata niya.
Tiningnan niya agad kung may iba silang kasama rito sa baba, mabuti ay wala. Nahihiyang nilingon niya si Amsel na hindi pa rin siya binibitawan.
“B-bakit ba?” Pinilit niyang patarayin ang boses niya.
Pinagmasdan siya nito. “Gusto mong gumala bukas pagkatapos ng klase?”
Namilog agad ang mata niya. Hindi siya nakakibo, niyayaya ba siya nitong mag-date?! Naramdaman niya ang pag-akyat ng init sa kanyang mukha.
“S-saan naman tayo pupunta, ha?”
“Kahit saan.”
Nag-iwas siya ng tingin. “E, bakit hindi ‘yung Gwen ang yayain mo?”
Kumunot ang noo nito, nagtataka ang itsura. Halos manlambot siya nang kagatin nito ang pang-ibabang labi para itago ang pag-ngisi.
Lalong nag-init ang buong mukha niya, hinila niya ang kamay niya pero lalo lang nitong hinigpitan.
“Aalis kami ni ate bukas ng gabi,” sabi nito. “Ilang araw akong mawawala.”
Napasimangot siya. “Saan kayo pupunta?”
“Sa probinsya nila mama.” Pinagmasdan siya nito at binitawan siya kaya napa-diretso siya sa pagkakatayo.
Umismid siya. “Bakit kailangan pa natin maggala?”
Sumandal ito sa sandalan habang nakaangat ang tingin sa kanya. “Para hindi mo ako makalimutan habang wala ako.”
Nanlaki ang mata niya. “Sa tingin mo ay makakalimutan kita?”
“Bakit hindi?” tanong nito at nakita niya ang iritasyon na dumaan sa mata nito. “Baka habang wala ako ay lalo ka lang mapalapit kay Kaleb.”
“M-magkaibigan lang kami no’n!” agap niya. Hindi niya alam kung bakit siya nagpapaliwanag.
Naningkit ang mata nito. “Kaya pala. .”
“Anong kaya pala?” aniya at nagpamewang. “Magkaibigan lang talaga kami ni Kaleb, tsaka alam mong jowa no’n si Halsey e.”
“Tayo? Magkaibigan din?” tanong nito.
Nag-iwas siya ng tingin, hindi niya alam kung bakit sumikip ang dibdib niya. “Oo, ano pa nga ba?”
“Bakit hindi mo ako niyayakap habang nakangiti ng katulad ng kanya?” tanong nito at tumagilid ang ulo habang hindi inaalis ang tingin sa kanya. “Bakit hindi mo rin ako tinatawagan o kaya ay sinasabayan kumain tuwing break time?”
Napakagat siya sa kanyang labi. “B-bakit ko naman gagawin ‘yon? Tsaka mamaya ay hindi mo naman pala gusto ‘yung gano’n.”
“Gusto ko,” sambit nito kaya’t halos mabitawan niya ang pancit bihon na hawak niya.
“P-paano kung mapahiya ka dahil lang sa kasama mo ako? Hindi mo ba alam kung ano ang mga naririnig ko tuwing kasama ko si Kaleb? Kung ano-ano ang sinasabi nila. .”
“Hindi nila gagawin ‘yon kung ako ang kasama mo.”
Bahagya siyang ngumuso. “Talaga?”
Ngumisi ito. “Bakit hindi natin subukan?”
Kinabukasan sa school ay kinakabahan si Dorothea habang papunta sa canteen. Natatakot siya na makasalubong niya si Amsel, hindi niya kasabay si Elnora dahil hindi magkaklase ngayong araw.
Nakayuko siya habang naglalakad. Ayaw niya lang naman na makita siya ni Amsel dahil umoo siya na magsasabay sila ngayon kumain, gusto niya naman talaga pero ayaw niyang mapahiya ito.
Napaigtad siya nang bigla na lang may umakbay sa kanya, gulat na napaangat siya ng tingin at nakita ang mukha ni Amsel.
“Kanina pa kita hinahanap,” sambit nito.
Napalayo siya kaya natigilan ito at tumigil lang ang kamay sa ere. “Uh, ano, sa susunod na lang tayo magsabay.”
Kumunot ang noo nito. “Bakit?”
“Uh. .” Nilibot niya ang tingin sa paligid, may ilan na nakatingin sa kanila. “Wala ka bang kasabay? Nasaan sina Roldan?”
“Sinabi ko na sa kanila na magkasama tayong kakain,” sabi nito at may tinuro sa hindi kalayuan kaya napalingon siya ro’n. “Ayon sila.”
Gulat na napalingon siya. “Sinabi mo sa kanila? Bakit? Hindi ka nila tinawanan?”
Nagsalubong ang kilay nito. “Bakit naman nila ako tatawanan?”
“Kasi ako ang kasabay mo,” sabi niya at nagbuntong-hininga. “Amsel, sa labas na lang tayo ng school magkita—”
“Amsel!”
Napalingon siya sa likuran ni Amsel nang may tumawag dito. Napasimangot siya nang makita si Gwen na palapit, binaling niya muli ang tingin kay Amsel na hindi man lang nag-abala na lingunin ang tumawag.
“Wala kang kasama?” tanong nito habang malapad ang ngiti at hinawakan sa braso si Amsel. “Sabay na tayo, wala akong kasama ngayon e.”
“Kasabay ko si Dorothea,” sabi agad ni Amsel kaya lumingon sa kanya si Gwen at nawala ang ngiti.
“Bakit? Edi tayong tatlo!” ani Gwen at maarteng ngumiti ulit habang niyayakap ang braso ni Amsel. “Come on, gutom na ako. .”
Inangat ni Amsel ang braso na hinahawakan ni Gwen kaya nabitawan nito. “Hindi magiging komportable si Dorothea kung kasama ka, Gwen.”
Nagsalubong ang kilay ng babae. “E, paano ako?”
“Ewan ko,” ani Amsel at nilahad ang kamay sa kanya. “Tara na, baka wala na tayong maupuan.”
Nanigas si Dorothea sa kinatatayuan niya. Pinapakiramdaman niya ang paligid habang nakatingin sa nakalahad na kamay ni Amsel, pero himalang wala siyang naririnig na bulong-bulungan.
Tama nga si Amsel, walang gagawa no’n kapag ito ang kasama niya.
Kinagat niya ang kanyang labi at tinanggap ang kamay nito, nag-init agad ang mukha niya dahil doon. Hinila siya nito papasok sa loob ng canteen at kitang-kita niya ang tinginan ng mga kaklase nila.
Pero tulad ng pinangako sa kanya nito, wala pa rin siyang naririnig.
Saka lang siya nag-angat ng tingin nang tanungin siya ni Amsel kung ano ang gusto niya kainin. Hindi siya agad nakasagot kaya nagsalita ulit ito.
“‘Yung lagi mo bang ino-order?”
Napanganga siya. Alam nito kung ano ang lagi niyang ino-order?
Tumango na lang siya.
“Pumunta ka na sa bakanteng upuan,” sabi nito. “Ako na magdadala ng pagkain.”
Tumango ulit siya at agad na tinalikuran ito. Umupo agad siya sa bakanteng upuan dahil baka maunahan pa siya.
Nagbuntong-hininga siya at pinanood si Amsel na nakapila, sunod na itong bibili. May kumausap dito na isang estudyanteng lalaki, may sinabi iyon tapos ay kumunot ang noo ni Amsel saka natawa ng konti.
“Sh¡t,” bulong niya sa sarili niya. Hindi niya alam kung bakit para siyang lumulutang habang pinapanood si Amsel na tumatawa.
Parang hindi ito totoo. Napahawak siya sa pisngi niya, baka panaginip lang ba ‘to?
“Dorothea.”
Napaangat siya ng tingin nang marinig niya ang pangalan niya. Sina Jonas iyon at ilan na kaibigan nito, may dalang mga pagkain.
“Bakit?” tanong niya.
“Wala ka naman yata kasama e,” sabi nito. “Dito na kami, maki-upo ka na lang sa iba.”
Sumimangot siya. “Ano ka sinuswerte? Nauna ako rito e.”
“Dali na, ‘wag kang madamot,” sambit pa nito at tumawa. “Malas mo, hindi mo kasama si Elnora. Kasi kung oo, hindi sana kita paaalisin dito.”
“Tigilan mo ako,” sabi niya. “Tsaka may kasama ako, kayo ang maghanap ng lamesa ninyo.”
Kumunot ang noo nito at hinila ang upuan na nireserba niya para kay Amsel pero hinila niya rin ito pabalik. “‘Wag ka ngang makulit!”
“Tumayo ka na kasi! Ayaw pa—”
Sabay-sabay silang napalingon lahat kay Amsel nang dumating ito, dala ang tray ng pagkain nila. Pinatong nito ang tray ng pagkain sa lamesa at hinawakan ang upuan na pinag-aagawan nila. Napabitaw si Jonas doon nang umupo roon si Amsel.
Lumingon kay Dorothea si Amsel at tinuro ang pagkain na binili nito. “Ito ‘yung lagi mong kinakain, diba?”
Bumaling ang tingin niya sa mga pagkain, tama nga ito ng nabili. Pero hindi nakakibo si Dorothea dahil nakatayo pa rin kasi si Jonas sa likod nila. Nagtataka ang itsura nito.
Nag-angat ng tingin si Amsel kay Jonas. “Bakit nandito pa rin kayo?” tanong nito sa kalmadong boses.
Bumuka ang bibig ni Jonas para magsalita, pero sumara ulit. Tapos ay napatingin ito sa mga kasama nito saka umalis.
Napanganga si Dorothea habang pinagmamasdan si Amsel na tinatanggal sa tray isa-isa ang mga pagkain nila.
“Takot si Jonas sayo?” Hindi na niya napigilan na itanong.
Tumaas ang kilay nito. “Sinong Jonas?”
“‘Yung kanina!”
“Ah, Jonas ba pangalan no’n?” tanong nito at tinuro ang pagkain niya gamit ang nguso. “Kumain ka na, may klase pa tayo.”
Hindi makapaniwala na pinagmasdan niya si Amsel habang naniningkit ang mata. Takot nga sa rito si Jonas at wala itong pakialam!