kabanata 27

1785 Words
Isa lang ang napatunayan ni Dorothea matapos niyang makasabay na kumain sina Kaleb, mabait pala talaga si Halsey at mahiyain. Tsaka ngayon niya lang itong nakita ng malapitan, kutis porselana talaga at mukhang manika! Magkaiba ang ganda nila ni Elnora pero hindi rin nagpapatalo ang kaibigan niya, maamo ang mukha nito at maliit ang matangos na ilong. “Okay naman pala si Halsey, no?” sabi niya kay Elnora habang naglalakad sila papunta sa room. Nagkibit balikat ito. “Ewan ko, hindi pa ako sigurado.” Napatitig siya sa kaibigan, napansin niya rin na kanina pa ito tahimik. “Nor, ayaw mo ba kay Halsey?” tanong niya at hinarang ito dahil papasok na ito sa room nito, hindi sila magkaklase sa susunod na subject. “Paano kung sabihin ko na ayoko nga sa kanya?” sambit nito kaya natigilan siya. “Ewan ko talaga, may hindi ako nagugustuhan sa kanya e.” Hindi siya nakasagot agad. Dati, noong galit siya kay Halsey, ito ang nagsasabi na ‘wag siyang gano’n masyado. Pero ngayon ay parang nagbago na ang isip nito. Tumango siya. “Sige, hindi ko siya masyadong lalapitan.” “Tsaka ayoko na siyang makasabay kumain,” sabi pa nito kaya nakanganga na tumango siya. Nilagpasan siya nito at pumasok sa room kaya’t sinundan niya lang ito ng tingin. Laging mabait si Elnora sa lahat ng tao, ngayon niya lang iyon nakita na gano’n. Nakanguso na pumasok siya sa kabilang room, umupo siya sa upuan kung saan lagi siyang nakaupo. Sa tabi ni Kaleb, pero wala pa iyon doon. Siguro ay hinatid pa si Halsey sa room nito. “Nakakapanibago, hindi ka nga nagpapabango dati e.” Napalingon siya sa bandang gilid niya nang marinig niya ang boses ni Roldan, nandoon sila ni Amsel at ilan pa nilang kaklase. Nakalimutan niyang dito pala nakaupo sila Amsel. Nakaubob si Amsel sa lamesa, nakahiga ang kanang pisngi sa braso nito— nakaharap sa kanya at nakapikit. Napaiwas agad siya ng tingin nang bigla itong nagdilat at nagkatinginan sila. “Oo nga,” sabi no’ng isa. “Tapos amoy cotton candy pa.” Tumawa si Roldan. “Ang tamis mo po, boss Amsel!” Nagtawanan ang mga ito, sumulyap siya saglit at nakitang nakatingin pa rin sa kanya si Amsel. Hindi ito gumagalaw sa pwesto. Hindi ito nakikita nina Roldan kasi nakatalikod ito sa mga iyon, akala yata ng mga ito ay natutulog kaya’t pilit nilang ginugulo. Pero nakadilat ito at pinagmamasdan siya, “Pamilyar nga e, parang naamoy ko na,” sabi no’ng isa kaya nanlaki ang mata niya. Pasimple niyang inamoy ang sarili niya, at talaga namang amoy na amoy ang pabango niya sa uniform niya. Napamura siya sa isip niya. Bakit ba siya naligo ng pabango kanina? Napaangat siya ng tingin nang dumating si Kaleb, pinadaan niya ito para umupo sa gilid niya. Nagulat siya nang lumapit ito sa kanya na para bang inaamoy siya. “Sabi na, ikaw ‘yung amoy cotton candy.” Namilog ang mata niya at sinenyasan ito na huwag maingay ngunit naramdaman na niya ang tingin nina Roldan sa likod niya, napangiwi siya at hindi lumingon. “Dorothea,” pagtawag ni Roldan sa kanya. Lumingon siya at tinaasan ito ng kilay. “O, ano?” Umayos sa pagkakaupo si Amsel kaya’t naharangan nito si Roldan, lumingon ito sa mga kaibigan. “Ang ingay niyo, natutulog ako e,” sambit nito at may sinabi pa ngunit hindi niya naintindihan. Biglang nawala ang atensyon sa kanya ng mga kumag, narinig niyang tumawa si Kaleb sa tabi niya kaya tiningnan niya ito ng masama. “Sinadya mo ‘yon!” bulong niya. Nagkibit-balikat ito. “Hindi, akala ko ay nagkataon lang. Naamoy ko sa kanya ‘yan kanina, pamilyar sa’kin, iyon pala ay sa iyo.” Nag-init ang mukha niya. “B-binigyan ko lang siya kasi wala siyang pabango.” “Ang tagal mo akong nagustuhan, pero hindi mo ako binigyan.” “Bakit? May pabango ka naman a?” “Kahit na,” sabi nito at naningkit ang mata. “Hindi ko akalain na madidismaya ako kapag dumating ‘yung oras na hindi mo na ako crush.” Binelatan niya ito. “Sorry ka, hindi mo ako pinapansin dati e.” Tumawa ito. “Ayos lang, ako naman ang first kiss mo e.” Mabilis na nanlaki ang mata niya at nilibot ang tingin sa paligid, nilingon niya rin sina Amsel pero nakatalikod sa kanya ang mga ito. Hindi naman siguro narinig, diba? Inis na hinampas niya sa balikat si Kaleb. Paano na lang kung may nakarinig? Hindi rin naman sadya ang halik na iyon dahil akala niya ay panaginip lang iyon! Nagsimula ang klase na sobrang conscious siya sa sa sarili niya dahil ang lapit sa kanya ni Amsel, magkatapat lang kasi sila at kapag inusog niya ang upuan niya ay magiging magkatabi na talaga sila. Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ito, ang hilig nitong paikutin ang ballpen sa mga daliri na para bang batton. Relax na nakasandal lang ito habang nakadiretso ang mahabang biyas sa ilalim ng upuan ng kaharap. Hindi rin ito tumitingin sa kanya, nakatingin lamang sa board. Napaiwas ng tingin sa teacher nila si Dorothea nang magtanong ito kung sino ang pwedeng mag-solve ng equation na nandoon. “Costanza,” ani teacher nila. “Can you, please, stand up and solve this equation? Napapikit siya ng mariin at napangiwi, sa dinami-dami nila na nandoon— bakit siya ang napili?! Pinanlakihan niya ng mata si Kaleb na katabi niya, nanghihingi siya ng tulong. Tumawa ito at nagtaas ng kamay para ito na ang magsagot. “No, ikaw na lang lagi. Iba naman,” sambit ng teacher nila kaya binaba ni Kaleb ang kamay niya. “Costanza? Ano na? Please, stand up.” “Uh. .” Napakamot siya sa ulo. “Ma’am, kakapasok ko lang po ulit e, hindi ko po alam ‘yan.” Ngumiti ito. “Naituro ko na sa inyo ito bago ka pa mawala ng dalawang linggo, Costanza. Now, stand up.” Naituro na pero wala siyang kaalam-alam! Kahinaan niya talaga ang math. Napakagat siya sa kanyang labi at tumayo. Bahala na! Kung ano-ano na lang ang ilalagay niya. “Ako na lang, ma’am.” Gulat na napatingin siya kay Amsel nang magsalita ito. Nakasandal lang ito sa upuan, at katulad kanina ay pinapaikot nito ang ballpen sa mga daliri. Lahat ay napatingin. “Wow, Esguerra!” usad ng teacher nila kaya nagtawanan ang mga kaklase nila. “Alright, ikaw ang magsagot nito. Minsan lang ito, pagbibigyan kita.” Tumayo si Amsel at nakita niyang pabirong napatakip sa bibig si Roldan, hinawakan siya ni Kaleb sa braso kaya umupo siya habang sinusundan ng tingin si Amsel na magpunta sa board. “Kaya niya ba ‘yon?” tanong niya na gulat na gulat pa rin. “Hindi mo alam?” ani Kaleb. “Mas magaling pa ‘yan sa’kin sa math.” Napanganga siya at binalingan ito ng tingin. “Weh? Hindi nga? Bakit hindi ko alam?” “Dahil hindi naman siya nagre-recite, pero sa mga exams, siya lagi ang pinakamataas sa math.” Hindi makapaniwalang pinagmasdan niya si Amsel na walang kahirap-hirap na sinasagutan ang mahabang equation sa board. Bakit? Bakit hindi niya ito napansin dati? Dahil ba puro Kaleb lang ang nasa isip niya dati? Tsaka wala naman siyang interes dati sa kung sino ang pinakamataas ang scores sa exams dahil siguradong isa siya sa pinakamababa. Hindi siya makapaniwala na si Amsel ang pinakamagaling! “Ngayon alam ko nang nagustuhan mo lang siya dahil sa itsura niya,” sambit ni Kaleb habang tumatango-tango. Agad niyang tinakpan ang bibig nito nang humarap na si Amsel dahil tapos na ito sa pag-solve. Bumagsak ang tingin nito sa kanya habang pabalik ito sa upuan, tapos ay sinundan ng mata nito ang kamay niya na nakahawak sa bibig ni Kaleb. Agad niyang tinanggal ang kamay niya at umayos sa pagkakaupo. Walang naging reaksyon si Amsel hanggang sa makabalik sa upuan. Tama ang ginawang pag-solve ni Amsel, hindi pa rin siya makapaniwala. Mabuti ay hindi na siya pinagdiskitahan ng teacher nila, pero nagkaroon ng long quiz. “Pakopya ako a,” bulong niya kay Kaleb. “Bahala ka,” sabi nito kaya nakangiting sinulat niya ang pangalan niya sa papel. “Hello, ma’am.” Sabay-sabay silang napaangat ng tingin nang may boses na nanggaling sa may pintuan. Doon ay nakatayo ang isang babaeng matangkad na may maikling buhok, hindi maiwasang purihin ni Dorothea ang kagandahan nito. Pero kumunot ang noo niya nang magkantyawan ang mga kaklase nila, tinulak ni Roldan si Amsel na tahimik na nakapangalumbaba habang nakatingin doon sa babae. “Si Gwen,” bulong ni Kaleb. “Siya yata ang pinakabagong ex ni Amsel.” Halos mabulunan siya dahil sa sobrang gulat. Gaano ba karami ang ex ng damuhong ito at lahat ay magaganda pa?! “Pinakabago?” tanong niya. “Oo, itong taon lang ay nakikita ko pa silang magkasama.” Hindi niya naitago ang simangot niya nang nahihiyang kumaway ‘yung babae at ngumiti naman si Amsel habang nakapangalumbaba pa rin, nag-ingay ang mga kaklase nila. Nagtiim-bagang siya at yumuko, itinuon ang atensyon sa papel niya kahit naririndi siya sa bunganga ng mga bwisit nilang mga kaklase. “Kumopya ka na hangga’t abala sila,” ani Kaleb at nilapit ang papel nito sa kanya. Nag-iinit ang mata na bumaling siya ng tingin doon sa papel, tahimik niyang kinopya ang mga iyon. Hindi naman masama ang loob niya dahil sa nagseselos siya, kundi dahil pakiramdam niya’y hindi totoo ang pinapakita sa kanya ni Amsel. Kung ganito lang din kaganda ang mga naging girlfriends nito, bakit ito magkakaroon ng interes sa katulad niya? Mukhang tama siya na pinagtitripan lang siya nito. Humigpit ang hawak niya sa kanyang ballpen, nagsisikip ang dibdib niya. “Ayos ka lang?” tanong ni Kaleb kaya nakausli ang labi na tumango siya, hindi niya inaalis ang tingin niya sa papel nito. Hindi niya napansin na tumigil na ang ingay ng lahat, nagulat na lang siya nang biglang ilayo ni Kaleb ang papel kaya napaangat siya ng tingin. Sh¡t, nahuli sila. “Costanza, tapos ka na bang mangopya?” tanong ng teacher nila. “Sorry, ma’am,” sabi niya habang nakayuko at nilukot ang papel niya. “Ulitin ko na lang.” Hindi nagsalita ang teacher nila kaya napaangat siya ng tingin, nagulat siya nang makitang nakatingin sa kanya ang lahat. Napayuko agad siya. “Hala, ma’am, pinaiyak mo si Dorothea!” biro ng isa nilang kaklase. Inismiran niya ‘yung nagsalita habang sinusulat muli ang pangalan sa bago niyang papel. Hindi siya lumilingon kay Amsel ngunit nakita niya sa gilid ng mata niya na nakatingin ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD