“Ang aga mo a,” puna ng mama ni Dorothea nang alas sais pa lang ng umaga ay bumaba na siya.
Nauna pa nga siyang nagising kay Gray na kadalasan ay maagang pumapasok sa school. Hindi niya pinansin ang sinabi ng mama niya, ngayon kasi ang araw na magsasabay sila ni Amsel na pumasok sa school.
“Anong almusal, ma?” tanong niya.
“Ito nagluluto ako ng tortang talong at sinangag.”
Hindi siya mapakali habang naghihintay. Pagkatapos kumain ay naligo agad siya at nagbihis, tapos ay naglagay ng liptint para hindi siya maputla.
Habang nagsusuklay ay nag-vibrate ang phone niya na nakapatong sa higaan niya. Nanlaki ang mata niya nang makitang nag-chat si Amsel, agad niyang binuksan iyon.
Nakabihis ka na? Iyon ang chat ni Amsel.
Oo, ikaw ba? reply niya.
Papunta na ako,reply ni Amsel.
Nagmamadali siyang tumayo at binilisan ang magsuklay, pinagmasdan niya muna ang sarili niya sa salamin bago lumabas ng kwarto. At habang bumababa ng hagdan ay nagi-spray siya ng maraming pabango sa uniform niya.
“Ma, alis na ako!” sigaw niya sa mama niya na pumasok ng banyo, mabuti na lang ay nabigyan na siya nito ng baon kanina.
Narinig niya pa na sinabihan siya nito ngingat bago siya makalabas. Pagkalabas niya ng gate nila ay saktong nakita niya si Amsel na naglalakad papunta sa kanya, halos mapatigil sa paghinga habang pinagmamasdan ito.
Para sa kanya ay puti talaga ang pinakabagay na kulay kay Amsel dahil hindi ito masyadong maputi, mabuti na lang ay kulay puti ang uniform nila. Kitang-kita rin ang haba ng mga biyas nito dahil sa kulay itim na slacks na hindi masyadong maluwang.
Muntik na rin siyang mapanganga dahil nagpagupit ito, ang haba ng buhok nito noong una siyang bumalik. Lalo tuloy nakita ang mukha nito, at lalong malinis tingnan.
“Ang gwapo,” mahinang usal niya habang napapalunok. Naglakad din siya palapit para salubungin ito at nang magkaharap sila ay nahihiya siyang ngumiti.
“Nagpagupit ka,” sabi niya.
Nagulat siya nang hinawakan siya nito sa balikat, pinapwesto siya sa gilid habang ito ang nasa tabi ng kalsada tapos saka siya binitawan.
“Sabi mo kasi ay mahaba na,” sabi nito kaya’t nag-angat siya ng tingin habang naglalakad sila.
Hindi niya maiwasan na pamulahan ng pisngi, kahit ano naman ay bagay dito. Kahit ‘yung buhok na mahaba ay bagay din, pero baka pagalitan lang din ito sa school kung hindi ito magpapagupit.
Kinakabahan siya habang naglalakad sila. Kapag may madadaanan silang hindi pantay na daan ay hinahawakan siya ni Amsel sa braso, napabungisngis ito nang tumalon siya dahil sa butas na daan.
“Tinatawa mo riyan?” pagtataray niya kahit nahihiya siya.
“Wala, ang cute ng talon e.”
Napaiwas agad siya ng tingin at napakagat sa labi. Hindi niya tuloy maiwasan na isipin kung normal lang ba kay Amsel na ganito ito? Para kasing tuloy-tuloy lang na lumalabas sa bibig nito ang pangbobola.
Paano kung pinagtitripan lang din pala siya nito?
Pagkarating nila ng school ay hindi niya maiwasan na lumayo kay Amsel pero lumalapit pa rin ito sa kanya, nahihiya siya para rito. Kasi dati pa naman ay marami na siyang naririnig na nagkakagusto rito pero hindi niya iyon pinapansin dati.
Ngayon kasi ay baka magtaka ang mga kaklase nila kung bakit magkasama silang pumasok.
Sa hindi kalayuan ay nakita niya si Elnora, naglalakad palapit sa kanila. May pagtataka sa itsura nito, salitan ang tingin sa kanila ni Amsel.
Tuluyan siyang lumayo kay Amsel nang hindi ito nililingon, tapos ay lumapit siya kay Elnora.
“Dorea!” bati nito sa kanya tapos ay nilingon si Amsel na iniwan niya. “Magkasama kayong pumasok?”
“Ha? Hindi a,” pagtanggi niya at hinila na ito palayo. “Nagkasabay lang kami sa may gate.”
Nang malayo na sila ay nilingon niya si Amsel na nakatingin sa kanya habang naglalakad, tapos ay inakbayan ito ni Roldan.
Pagkarating nila sa room ay dismayado siya dahil hindi siya nakapagpaalam kay Amsel, pero ayos lang naman dahil magkikita rin sila mamaya dahil may subject na magkaklase sila.
“Closed na kayo ni Amsel?” tanong ni Elnora bigla sa kanya habang nagmamasid siya sa labas ng room, baka kasi mapadaan si Amsel.
Umiling siya. “Bakit? Paano mo nasabi?”
“Wala naman,” sagot nito at bahagyang ngumuso.
Napalingon siya sa kaibigan. Nakokonsensya siya na magsinungaling, pero paano niya ba sasabihin na closed na sila ni Amsel at hinalikan din siya nito?
Malaki pa naman ang pagkakagusto ni Elnora kay Amsel. Hindi niya tuloy maiwasan na isipin ang mararamdaman ng kaibigan, pakiramdam niya tuloy ay mali na mapalapit siya kay Amsel.
“Hanggang ngayon ay hindi ako masyadong pinapansin ng Amsel na iyan,” paghihimutok ng kaibigan. “Mabuti ka pa nga ay inaasar niya, ako ay wala talaga. Hindi niya nga ako nginingitian e.”
Hindi siya nakasagot. Sobrang ganda ng kaibigan niya at si Amsel lang ang sinabi nitong gusto nito. Bakit kaya hindi ito pinapansin ni Amsel?
Hindi tuloy maiwasan na pumasok sa isip niya kung mahilig lang ba si Amsel sa pangit o kaya sa mataba? Napatakip siya sa bibig niya, paano kaya kung gano’n?
Dahil maraming may gusto rito na higit na mas may itsura sa kanya, pero bakit siya ang nilalapitan nito?
Pero paano kaya kung pinagtitripan nga lang talaga siya nito? Paano kung katulad pala ito no’ng sa mga movies at mga libro na inutusan lang pala ito na lokohin siya? ‘Yung mga dare o kung ano pa.
“Nor, may kilala ka ba na ex-girlfriend niyang si Amsel?” tanong niya.
Kumunot ang noo nito at tumango. “Kilala mo si Patricia? ‘Yung babae na nag-transfer na sa ibang school? Sobrang ganda no’n, diba?”
“Ex niya ‘yon?” gulat na tanong niya. Sobrang ganda nga kasi no’n.
“Oo,” sagot ng kaibigan. “Tsaka si Helen, ‘yung dati rin na nag-aaral dito, ‘yung grumaduate na?”
“‘Yung sobrang sexy?” tanong niya. “Ex niya rin ‘yon? Tsaka mas matanda sa’tin iyon ng tatlong taon a?”
“Oo, girl, ex niya ‘yon,” sambit nito. “Pati ‘yung mga iba niyang ex, nakita ko na ang gaganda talaga. Kaya nga siguro wala talaga akong pag-asa.”
Natawa na lang siya. Kung walang pag-asa ang kasing ganda ni Elnora, paano na lang siya?
Mas lalo tuloy tumindi ang paghihinala niya, kung gano’n kaganda ang mga ex-girlfriends ni Amsel, bakit siya nito nilalapitan?
Sumikip ang dibdib niya dahil sa naisip. Kanina ay ang ganda-ganda ng umaga niya pero dahil sa mga naisip niya ay nawalan siya ng gana.
Hanggang sa mag-break time ay hindi na siya masyadong nagsalita, hinila siya ni Elnora sa canteen para kumain. Hindi siya nakapagdala ng lunchbox dahil nagmamadali siya kanina.
Saka lang nagliwanag ang mukha niya nang makita niya si Kaleb sa loob ng canteen. Alam niyang ito ang totoong Kaleb dahil alam na niya ang pagkakaiba nito at ni Blake.
“Kaleb!” sigaw niya kaya agad itong napalingon.
Napangiti ito at excited na niyakap niya ito. Ang huli nilang pagkikita ay nasa htrae pa sila, ang laki ng naitulong sa kanya nito.
Nakita niya ang gulat na itsura ng iba nilang kaklase na nakakita ngunit hindi niya iyon pinansin. Gano’n yata siguro kapag wala ka nang gusto sa isang tao, parang wala nang malisya sayo ang mga gano’n.
“Dorothea, nandito ka na talaga,” mahinang sabi nito kaya’t mas lalong lumawak ang ngiti niya.
“Kakain ka? Saan? Tabi tayo, kasama ko si Elnora,” excited pa rin ang boses niya bago nilingon si Elnora na nakanganga habang pinapanood ang pag-uusap nila ni Kaleb.
Dati kasi ay halos maging dahon ng makahiya siya sa harap ni Kaleb, hindi na gano’n ngayon.
“Uh,” ani Kaleb. “Bakit hindi ka na lang dito sa lamesa na ‘to?”
Napaturo siya sa tinuturo nitong lamesa sa harap nila. Mabilis na nanlaki ang mata niya nang makita ro’n si Amsel, Roldan at iba pa nilang kaklase na lalaki. Hindi niya napansin ang mga ito kanina dahil masyado siyang na-excite kay Kaleb!
Nakasandal sa upuan si Amsel, umiinom sa baso habang nakatingin sa kanya. Hindi niya mabasa ang emosyon nito pero sigurado siyang hindi ito nakangiti.
Nag-iwas agad siya ng tingin at natatarantang humawak sa braso ni Kaleb. “H-hindi, ayoko rito. Tara, tabi tayo. Diba, ipapakilala mo sa’kin ng ayos si Halsey?”
“Oo nga, sige,” ani Kaleb at naglakad na palayo kaya napasama siya.
Nilingon niya si Elnora na sumusunod sa kanila tapos ay dinapuan niya ng tingin si Amsel, nakita niyang nakapangalumbaba ito habang sinusundan siya ng tingin.
Nang makaupo sila ay umalis saglit si Kaleb dahil sinabi nito na susunduin lang nito si Halsey. Agad na bumulong sa kanya si Elnora na kanina pa tahimik.
“Hoy! Gaga ka, anong nangyari sa inyo ni Kaleb?” Hindi makapaniwala ang boses nito. “Ba’t bigla kayong naging closed at may pagyakap ka pa?”
Natawa siya dahil hindi niya alam ang isasagot. Hindi niya naisip kanina na maraming makakapansin pero wala na siyang magagawa.
Ngumiti lang siya. “Ewan ko, basta naging closed na lang kami bigla.”
“Kalokohan! Dati ay halos himatayin ka nga sa harap no’n, tapos ay galit na galit ka pa lagi kay Halsey pero ngayon ay gusto mong makilala ng ayos?”
“Elnora,” aniya sa kaibigan. “Nagbago na ako, I’m a matured woman now.”
Pabirong sinabunutan siya nito pero natigil din dahil dumating na sina Kaleb at Halsey.
“Hello,” awkward na bati niya kay Halsey.
Ngumiti ito at kumaway. “Hi!”
Umupo sa harapan nila ni Elnora ‘yung dalawa, tapos ay nagkwentuhan habang kumakain. Pero habang tumatagal ay nakakarinig siya ng bulungan.
“Grabe, paano niya nagawa ‘yon? Ang gaganda at gwapo ng mga kasama niya.”
“Ang lakas ng loob, lalo tuloy gumanda sa paningin ko sina Elnora at Halsey.”
Nawala ang ngiti niya at yumuko habang kumakain. Wala na talaga siyang takas sa mga bulungan.