kabanata 25

1918 Words
Halos hindi maalala ni Dorothea kung paano siya nakatakas kina Kirsten at Melissa. Hindi siya inaasar ng mga ito pero hiyang-hiya siya, nawala yata ang lahat ng kakapalan niya sa mukha. Wala sa sarili na hinawakan niya ang labi niya. Tahimik siyang napatili habang mahigpit na niyayakap ang kanyang unan. Kanina ay hinatid siya pauwi ni Amsel kahit malapit lang ang bahay nila, nang makita sila ng mga magulang niya at ni Gray ay parang hindi na nagulat ang mga ito. Nakangiti siyang huminga ng malalim. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito, unang beses simula nang mabuhay siya, naramdaman niya na hindi naman pala siya gano’n kapangit. Ang isa lang na kinababahala niya ngayon, natatakot siyang baka pagkagising niya ay nasa htrae niya na ulit siya. Bukod kay Amsel ay isa ‘yon sa dahilan kung bakit hindi siya makatulog. Kinabukasan ay maganda ang gising niya, nasa earth pa rin siya. Tanghali na siyang nagising, basta ay naamoy niya na lang ang kare-kare na niluluto ng mama niya. “Good morning,” bati niya sa mama at papa niya, nagtatakang tiningnan siya ng mga ito. Dati kasi ay kapag bagong gising siya ay nakabusangot ang mukha niya. Ngayon kasi ay thankful siya na buo pa rin ang pamilya niya, iyon ang isa sa mga na-realized niya nang mapunta siya sa htrae. Dahil mas higit na malungkot ang naging buhay ni Theodora kesa sa kanya. “Good morning ka riyan, tanghali na,” sermon ng mama niya kaya lalo lang siyang napangiti. Hay, nasa earth na nga talaga siya. Ang laking pasasalamat niya rin na pagkatapos ng iyakan kahapon ay hindi na muli siya tinanong ng mga ito kung anong dahilan kung bakit siya nawala ng dalawang linggo, basta ay nangako na lang siya na hindi na iyon mauulit. Umupo siya sa sofa at nakinood sa horse racing na pinanonood ng papa niya. Tapos maya-maya ay biglang pumasok si Gray, pawisan. Agad siyang natigilan dahil alam niyang ang kasunod na agad nito ay si Amsel. At hindi nga siya nagkamali. Tumigil si Amsel sa may pintuan at binati ang mama’t papa niya, agad niyang itinago ang mukha niya. Wala pa siyang hilamos at ligo! “Dito ka na kumain,” sabi ng papa niya. “Sige po,” sagot ni Amsel, nararamdaman niyang nakatingin ito sa kanya kaya tumayo siya at tumakbo sa taas. “Naku, tumakbo na,” narinig niyang sabi ng mama niya kaya napatigil siya sa taas ng hagdan. “Dumating kasi itong si Amsel e.” Narinig niyang tumawa si Gray tapos ay nagsalita ang papa niya. “Kayo ba ni Dorothea ay magkasintahan na?” tanong nito. Nanlaki ang mata niya. Alam niyang si Amsel ang tinatanong nito, hindi niya na narinig na sumagot si Amsel dahil tumakbo na siya sa kwarto niya. Nakakahiya! Bakit kailangan itanong ng papa niya iyon? Baka mamaya ay ma-pressure si Amsel at layuan siya bigla. Nag-ayos siya ng sarili, nagpalit din siya ng damit. Pagkababa niya ay tumakbo agad siya sa banyo habang tinatakpan ang mukha, nahagip niya pa si Amsel na nakaupo sa sofa at nakatingin sa kanya. Nag-toothbrush siya at hilamos, pagkatapos ay saka lang siya nagpakita. Pero nahihiya pa rin siya dahil medyo maga pa ang mukha niya dahil kagigising niya lang. “Kain na tayo,” sabi ng mama niya. “Magsandok ka na ng kanin, anak.” Kumuha siya ng malaking plato at nagtungo sa rice cooker, sakto na nakaharap iyon sa may salas. Nagkatinginan sila ni Amsel, mabagal na ngumiti ito at napayuko siya agad habang pinipigilan na mapangiti. “Ma, si ate, nakangiti na habang nagsasandok ng kanin,” pang-aasar ni Gray habang sinisilip ang mukha niya. Galit na pinalo niya ng sandok ang ulo nito kaya napadaing ito at lumayo sa kanya habang tumatawa, pati ang mama niya ay nakikitawa. Nahihiyang sinulyapan niya si Amsel na nakaupo pa rin sa sofa at walang reaksyon, ngunit nakita niya na namumula ang tenga nito. “S-saan ito, ma?” tanong niya pagkatapos magsandok ng kanin. “Sa salas, hindi tayo kasyang lima sa lamesa rito.” Huminga muna siya ng malalim at lumapit sa salas habang dala ang kanin, sinundan ng tingin ni Amsel ang kanin na pinatong niya tapos nag-angat ito ng tingin sa kanya. Sinulyapan nito ang mama niya at kapatid niya kung nakatingin, at nang makitang hindi nakatingin ay maingat na hinawakan siya nito sa dulo ng kanyang mga daliri habang nakaangat ang tingin sa kanya. Pinamulahan ng pisngi si Dorothea. Bubuka na sana ang bibig ni Amsel para magsalita pero biglang pumasok ang papa niya, inilayo niya agad ang kamay niya at tinalikuran si Amsel. Kung sinundan man siya nito ng tingin, hindi niya iyon alam. “Gusto niyo ba ng softdrinks?” tanong ng papa niya. “Sige, pa! Softdrinks!” agap ng kapatid niya mula sa banyo. “Sige, bibili ako—” Agad na tumayo si Amsel. “Ako na po ang bibili.” “O sige, isang bote ang bilhin mo,” sabi ng papa niya at inabot ang pera kay Amsel. Sinundan niya ito ng tingin, gusto niyang sumama pero nahihiya siyang sabihin! Lumabas na ng pinto si Amsel, at habang nagsusuot ito ng tsinelas ay bigla itong lumingon sa kanya at tinanguan siya na para bang niyayaya siya. Nagdadalawang isip na lumapit siya, lumingon muna siya sa magulang niya na abala sa mga ginagawa nito bago siya nagmamadaling lumabas. Hanggang sa makarating sila sa tindahan ay hindi siya kinausap nito, pero sabay silang naglalakad. Sinulyapan niya ito saglit, nakatingin lang ito sa daan at nang tatawid sila ay hinawakan siya nito sa likod at pagkatapos ay binitiwan ulit siya. “May gusto ka ba kainin dito?” tanong nito sa kanya habang hinihintay nilang bumalik ‘yung tindera. “Ha?” tanong niya tapos ay umiling. “Wala naman, kakain na rin naman ng tanghalian.” Pagkatapos no’n ay hindi na ulit ito nagsalita, nang pabalik na sila sa bahay ay hindi na niya napigilan na magsalita. “Hindi ka na ba nagyoyosi?” tanong niya. Bumaling ito sa kanya. “Bakit mo natanong?” “Wala lang,” aniya at nag-iwas ng tingin. “K-kasi nong ano, kahapon, napansin ko na hindi lasang yosi.” Kumunot ang noo nito. “Hindi lasang yosi ang alin?” “‘Yung ano,” sambit niya. “‘Yung bibig mo.” Hindi agad ito nakakibo tapos maya-maya ay bigla itong natawa. Nag-init ng husto ang buong mukha niya, napamura siya sa isip niya at binilisan ang paglalakad pero nakasabay pa rin sa kanya ito. “W-wala, joke lang ‘yon,” sabi niya. “‘Wag mo na sagutin.” Hindi na ito sumagot at narinig niya lang na mahina ulit itong tumawa. Napaigtad siya nang idikit nito ang malamig na bote ng softdrinks sa pisngi niya bago siya nito nilagpasan at pumasok sa gate nila. Napahawak siya sa pisngi niya at pigil ang ngiti na pumasok na rin sa loob. “Ako na riyan, tita.” Napaangat ng tingin si Dorothea sa may kusina nang marinig niya ang sinabi ni Amsel. Katatapos lang nila kumain, paghuhugas ng mga pinagkainan nila ang tinutukoy ni Amsel. “Sigurado ka? Ang galing mo magpalakas a,” kantyaw ng mama niya kaya nahihiyang tumawa lamang si Amsel. Binilisan niyang punasan ang lamesa nang makaalis ang mama niya sa kusina, lumapit siya sa may lababo at pinatong doon ang basahan. Pinanood niya si Amsel na sinasabunan ang mga plato. “Gusto mo ako na ang magbanlaw?” tanong niya. “‘Wag na,” sagot nito. “Panoorin mo na lang ako.” Ngumiti siya at binaling ang tingin sa mga plato. “Parang sanay na sanay ka sa gawaing bahay a?” “Lagi kasi akong inuutusan ni ate.” “Bakit? Lagi ba talaga wala ang magulang ninyo?” Tumango ito. “Simula bata ako, paalis-alis na sila.” “Gano’n? Edi hindi kayo close masyado?” “Tama lang.” Bumaling ito sa kanya saglit. “Si ate ang close talaga sa kanila.” Kinuha niya ang baso na nabanlawan na nito at nilagay sa lagayan. “Istrikto ba sila sa iyo?” “Minsan,” sagot nito at kinuha niya naman ang kutsara na nabanlawan na nito tapos ay nilagay niya ulit sa lagayan. “Pero ang ganda ng bahay ninyo a,” puna niya. “‘Yung kwarto mo rin malaki, pero walang kadesign-design.” Natawa ito. “Puro pinaglumaan lang ni ate ang mga nandoon.” Hindi siya sumagot. Halata naman, siguro ay lalaki kasi ito kaya walang interes sa pag-aayos ng kwarto. Pinagmasdan niya ito mula ulo hanggang paa, medyo natatalsikan ng tubig ang damit nito. Hindi siya sigurado dahil nahihiya siyang sukatin pero parang hanggang balikat lang siya nito, tapos ay ang hahaba ng mga daliri sa kamay, at napapansin niya na hindi ito mahilig maglagay ng pabango. Naalala niya na kapag napapatabi siya kay Kaleb dati ay amoy na amoy ang pabango nito, pero si Amsel ay amoy fresh lagi. Amoy balat, amoy sabon, amoy shampoo. Hindi niya akalain na may tao na normal nang mabango. “Wala ka bang pabango?” tanong niya. Kumunot ang noo nito. “Bakit? Bibigyan mo ako?” “Gusto mo?” Gulat na tanong niya. “Pero baka hindi mo magustuhan.” “‘Yung amoy cotton candy?” tanong nito kaya nanlaki ang mata niya. Gano’n nga ang amoy ng pabango niya. “Paano mo nalaman ang amoy ng pabango ko?” tanong niya. “Naaamoy ko lang kapag naliligo ka ng pabango sa school.” Nahihiya siyang tumawa. Halos maligo kasi siya ng pabango dati dahil gusto niyang maamoy siya ni Kaleb, pero si Amsel pala ang nakakapansin no’n. “Kaya kapag naaamoy ko ‘yon, alam ko agad na nandyan ka na,” sabi pa nito at pinagpagan ang basang kamay. Tapos na itong maghugas ng plato. Kinagat niya ang kanyang ibabang labi habang naghuhugas din ng kamay. “Bibigyan kita kung gusto mo.” “Gusto ko,” saad nito at nagulat siya nang hawakan nito ang palapulsuhan niya tapos ay pinunas ang palad niya sa suot na damit nito, na akala mo’y pinapahawak ang tiyan sa kanya. Pero pinupunasan lang nito ang basa niyang kamay. Isa sa pinaka-napansin niya kay Amsel, hindi talaga ito maarte. May nakapagsabi na kaya rito kung gaano ito kalalaking-lalaki? Tama nga ang sinasabi nina Elnora, ang lakas ng dating ni Amsel. “K-kukunin ko na ‘yung pabango, wait lang,” sabi niya at mabilis na tinalikuran ito. Hindi niya na kasi mapigilan ang sarili, pakiramdam niya’y halatang-halata nang kinikilig siya. Kinuha niya ‘yung pabango niya na marami pang laman, pagkababa niya ay nakatayo pa rin si Amsel malapit sa kusina habang nakatuon ang tingin sa TV. Lumingon agad ito sa kanya at binigay niya agad ang pabango, bumaling ang tingin nito roon at nakita niya kung paano tumaas ang gilid ng labi nito. Napaiwas agad siya ng tingin, aakyat na sana siya dahil gusto niyang tumili sa kwarto niya pero tinawag siya nito. Agad siyang lumingon. “Bakit?” “Gusto mong sumabay sa’kin pumasok sa lunes?” Mabagal na tumango siya habang nag-iinit ang pisngi. Pwede na nga pala itong pumasok sa lunes, tapos na ang suspension nito. “Sige,” sabi nito at tumango rin. “Susunduin kita rito.” Kumabog ng malakas ang dibdib ni Dorothea. Ngayon ay may dahilan na siya para pumasok ng maaga!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD