Hindi mapakali si Dorothea habang nakaupo siya sa higaan ni Amsel. Hindi siya makapaniwala na ang linis ng loob ng kwarto nito, pero halatang hindi rin pinag-isipan ang mga gamit dahil magkakaibang kulay iyon.
‘Yung cabinet ay kulay puti, ‘yung lamesa ay kulay navy blue, ‘yung kobre kama ay kulay pink na mukhang hiniram pa nito sa ate niya.
Parang kung ano na lang ang mabiling gamit ay iyon na lang, tapos ay may TV rin na mukhang nilalaruan nito ng Xbox na nandoon.
‘Yung higaan din ay malaki para sa isang tao. May nakakatabi ba ito rito? May maliit na bedside table sa gilid, nandoon ang phone nito at kulay itim na lighter.
Nag-angat siya ng tingin kay Amsel nang pumasok ito, tinawag kasi ito agad ng ate niya kanina. Pinilit niya pa nga na bumaba dahil baka umakyat pa, nakakahiya ‘yon.
Magkasalubong ang kilay ni Amsel nang lumapit sa kanya tapos ay humiga sa tabi niya, nasa sahig ang dalawang paa.
“Ang kulit ni ate,” sambit nito habang nasa mata ang dalawang palad, nasa ere ang dalawang siko.
Kinagat niya ang kanyang labi. “Ano bang sinasabi niya? Ayaw niya ba na nandito ako?”
“Hindi.” Umiling ito at tumingin sa kanya. “Gusto nga niyang ipakilala kita sa kanila.”
Nanlaki ang mata niya. “B-bakit daw? Akala ba niya ay. .”
“Oo, tinatanong niya kung girlfriend daw kita,” sabi nito at tumagilid ng higa habang nakatingin sa kanya. “Sabi ko ay hindi pa.”
Nag-init ang buong mukha niya at napatitig kay Amsel, tapos ay bigla itong umupo kaya gulat na napalayo siya.
“Dorothea,” sambit nito sa seryosong boses. “Ang dami kong gustong itanong.”
Nag-iwas siya ng tingin. “A-ano ‘yon?”
“Bakit bigla kang nawala?” tanong nito. “Kung saan ka nanggaling, kung sinong kasama mo, kung anong nangyari sayo—”
“Gusto ko lang mapag-isa,” sambit niya. Hindi niya masabi na sa ibang mundo siya nanggaling, hindi ito maniniwala. Tatawanan lang siya nito.
“Dahil ba sa ginawa ni Darien?” tanong nito.
“Hindi,” aniya at tiningnan ito sa gilid ng kanyang mata. “Balita ko ay binugbog mo raw ulit iyon?”
Nagpangalumbaba ito, nasa tuhod ang siko tapos ay sinisilip ang mukha niya dahil nakayuko siya. Walang emosyon ang mukha nito, hindi niya tuloy mabasa kung ano ang nasa isip nito.
“Hindi ko lang matanggap na parang wala lang ang nangyari,” sabi nito habang nakatingin pa rin sa kanya. “Nawala ka, tapos ‘yung tarantado na ‘yon ay pumapasok pa rin.”
Kinagat niya ang kanyang labi. “Suspended ka raw ulit?”
Ngumiti ito. “Dalawang linggo.”
“Dalawang linggo?” Napanganga siya. “Wala ka na yatang matututunan! Bakit gano’n katagal?”
“Nawalan ng malay e,” sagot nito kaya’t napatakip siya sa bibig. Anong ginawang bugbog ang ginawa nito na nawalan ng malay si Darien? “Hindi lang ako tuluyan na natanggal dahil may kakilala sina papa sa school.”
“E, anong sabi ng magulang mo?”
“Nagalit syempre.” Tumawa ito. “Hindi rin ako pinadalhan ng pera ngayong buwan.”
Tumaas ang kilay niya. “Bakit mo kasi ginawa ‘yon? Hindi ka ba nadala no’ng una?”
Nag-iwas ito ng tingin, pero hindi ito gumalaw. “Hindi ko alam.”
Hindi siya sumagot at pinagmasdan lang ito. Ngayon niya lang din napansin na may butas pala ito sa tenga pero walang hikaw na nakalagay, tapos ay may maliit na nunal ito sa leeg. Napansin niya rin na mas payat ito kaysa sa huling beses niya itong nakita, tapos ay parang may mga eyebags din ito. Humaba rin ang buhok nito.
“P-parang pumayat ka,” puna niya.
Tumingin ulit ito sa kanya. “Sabi nga nila.”
“Hindi ka yata nagkakakain,” aniya. “Hindi ka rin yata natutulog.”
Bahagya itong ngumuso. “Wala lang.”
“Humaba rin ang buhok mo,” sabi niya at hindi niya namalayan na gumalaw ang kamay niya para hawakan ang buhok nito sa likod, dati ay hindi iyon tumatama sa batok nito.
Walang sinabi si Amsel pero hinayaan lang siya sa ginagawa niya, pinapanood lang siya. Nang magkatinginan sila ay para siyang napaso na inilayo ang kamay niya.
Sh¡t, aniya sa sarili niya. Parang kumapal yata ang mukha niya, nasanay ba siya sa htrae na nagagawa niya ang gusto niya ro’n?
“Sorry,” sabi niya at tatayo sana pero bigla itong nagsalita kaya hindi natuloy.
“Napanaginipan kita,” sabi nito.
Gulat na nilingon niya ito. “Anong nangyari sa panaginip mo?”
“Hindi ko rin masyadong maintindihan.” Naguguluhan ang boses nito. “Basta ay nagising na lang ako, nandito ako sa bahay pero iba ang mga gamit. Tapos ay Salem ang tawag nila sa’kin.”
“Tapos?”
“Alam ko sa panaginip ko na panaginip lang iyon dahil nandito sina mama sa bahay,” patuloy nito. “Tapos ikaw agad ang pumasok sa isip ko, naisip ko lang na kung nandito sila, baka nandito ka rin.”
“Pinuntahan mo ako?” tanong niya.
Tumango ito. “Pumunta ako sa bahay niyo, sakto naman na sumakay ka ng taxi kaya sumunod ako.”
Nanlaki ang mata niya. “Sinundan mo ako?”
Kumunot ang noo nito, nagtataka sa reaksyon niya pero nagpatuloy ito. “Nagpunta ka sa isang malaking building, pero hindi nila ako pinapasok kaya naghintay ako sa labas. Hinihintay kita.”
“Hinintay mo ako ng matagal?”
Ang pagkakaalala niya ay umabot ng walong oras ang photoshoot na iyon. Noong nandoon si Amsel sa Htrae ay paghihintay lang ang ginawa nito?
Ngumiti ito. “Gustong-gusto lang kitang makita kahit sa panaginip lang, gusto kitang hawakan, o kaya kausapin.”
Kumabog ng malakas ang dibdib niya. “T-tapos anong nangyari?”
“Nakatulog ako sa labas,” natawa ito. “Tapos nagising ako ay gabi na, akala ko ay nakauwi ka na tapos ay narinig ko na sumisigaw ka mula sa loob ng building.”
Natigilan siya. Iyon na ‘yon, ‘yung hinarap na niya si Mr. John.
“Paano ka nakapasok sa loob?” tanong niya.
“Tulog ‘yung guard kaya nakapasok din agad ako,” anito at umiling-iling. “Pero nahirapan lang ako na hanapin ka dahil malaki ‘yung building, doon sa palapag kung saan kita naririnig, inisa-isa ko ‘yung mga kwarto hanggang sa nakita kita.”
Hindi siya nakasagot, humigpit ang pagkakahawak niya sa damit niya. Hindi niya lang iniisip ang pangyayari na iyon, pero sobra ang takot niya noong mga oras na iyon.
“Anong ginawa mo?”
Tumagilid ang ulo nito. “Nakita kita, may dugo ka sa ulo. Nagdilim na lang ‘yung paningin ko bigla, hindi ko alam kung anong nagawa ko ro’n sa lalaki na nanakit sayo.”
Binugbog niya si Mr. John, ang balita niya ay may black eye raw ito at putok ang labi.
“N-nakilala ba kita?” tanong niya.
Hindi agad ito sumagot at maya-maya ay tumango. “Sa dinami-dami ng nandoon na puro Salem ang tawag sa’kin, tinawag mo akong Amsel.”
Hindi siya nakakibo. Hindi niya alam kung anong nararamdaman niya, gusto niyang umiyak. Gusto niyang yakapin si Amsel, pero kinakabahan siya.
Dahil sa dinami-rami rin ng tao roon sa mundong iyon na Theodora ang tawag sa kanya, tinawag din siya nitong Dorothea.
Sayang at ang akala nito ay panaginip lang ang lahat.
Ngumiti siya. “Thank you.”
Kumunot ang noo nito. “Bakit?”
“Kasi niligtas mo ako,” aniya at tumawa. “Pati sa panaginip ay ikaw ang tagapagligtas ko.”
“Pero wala akong nagawa no’ng nawala ka,” sabi nito at halos marinig niya ang kabog ng puso nito. “Akala ko ay hindi na kita makikita ulit.”
Hindi na niya namalayan na tumulo ang luha niya, agad siyang yumuko nang nanlaki ang mata ni Amsel dahil sa gulat.
“Dorothea.” Hinawakan siya nito sa panga at hinarap ang mukha niya rito kaya agad niyang tinakpan ang mukha niya.
“‘W-wag,” agap niya. “M-matu-turn off ka lang lalo.”
Mahina itong tumawa. “Nakita na nga kitang natulog ng nakanganga—”
Napatigil ito dahil galit niya itong hinarap habang tumutulo pa rin ang luha niya. Bago pa siya makayuko ulit ay kinulong na nito ang mukha niya sa dalawang palad nito.
Sh¡t, minsan na nga lang magustuhan ng gwapo ay matu-turn off pa sa’kin agad!Pero teka, gusto ba siya nito?
Nagtiim-bagang siya habang sumisinghot. “Amsel, g-gusto mo ba ako?”
Natigilan ito at nawala ang ngiti. Hindi ito sumagot, nakatingin lang sa kanya. Nakakahiya! Bakit niya itinanong iyon? Paano kung hindi naman pala at assuming lang siya?
Sino ba siya? Hindi naman siya maganda!
“J-joke lang,” pagbawi niya at hinawakan ang kamay nito para alisin sa mukha niya pero ayaw nitong tanggalin.
Nanlaki ang mata niya nang bigla itong lumapit sa kanya at hinalikan siya sa labi. Nanginginig na napapikit siya at naramdaman niya ang pag-iinit ng buong mukha niya.
Napahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay nito nang maramdaman niyang dumaan ang dila nito sa pagitan ng kanyang labi, napanganga siya at alam niyang napatigil siya sa paghinga. Hindi siya marunong humalik!
Ang init ng bibig ni Amsel, at lalo lang siyang pinamulahan ng pisngi. Akala niya ay maglalasang sigarilyo iyon dahil nagyoyosi ito, ngunit matamis ang nalasahan niya.
Mabilis siyang napadilat ng mata nang may kumatok sa may pinto. Buong lakas niyang tinulak si Amsel at agad na tumayo.
“Sh¡t,” narinig niyang sambit ni Amsel at tumayo para buksan ‘yung pinto.
Napahawak siya sa dibdib niya, ngayon lang siya ulit nakahinga ng ayos. Dumapo ang daliri niya sa labi niya habang wala sa sarili na nakatingin kay Amsel na nakikipagtalo sa ate niya, hindi niya iyon nakikita dahil nasa labas iyon ng pinto.
“Kakain lang e!” narinig niya ang sigaw ng ate nito. “Tsaka ipakilala mo na sa’min, bilisan niyo a! Bumaba kayo ro’n.”
Agad siyang napatingin sa kung saan nang humarap ulit sa kanya si Amsel. Halatang hindi ito natutuwa, umupo ulit ito sa higaan habang siya ay nakatayo.
Napaigtad siya nang maingat na hinawakan nito ang dulo ng mga daliri niya. “Gusto mo bang kumain?”
“Uh, ano, nakakahiya e,” natatarantang sabi niya. “T-tsaka tingnan mo ‘yung suot ko, nahihiya ako sa suot ko. Ang iksi masyado kasi pambahay ko ito.”
“Pahihiramin na lang kita ng shorts,” sabi nito at binitiwan ang kamay niya saka tumayo. “Buksan mo ‘yang cabinet ko, pumili ka ng gusto mo. Hihintayin kita sa labas.”
Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makalabas ito. Napapikit siya ng mariin at napatakip ng mukha, tumili siya ng walang boses habang tumatalon.
Kanina pa niya pinipigilan ang nararamdaman niya! Napamura siya ng maraming beses sa isip niya habang kinakagat ang daliri.
Hinalikan siya ni Amsel!
Napangiti siya habang wala sa sarili na nakatingin sa sahig. Tapos ay nataranta nang maalala niya na hinihintay siya nito sa labas ng pinto.
“Oh my gosh,” sambit niya, nag-aalburoto pa rin ang dibdib.
Lumapit siya sa cabinet at binuksan. Natigilan siya nang makitang maayos ang pagkakatupi ng mga iyon, at may isang damit lang na naka-hanger doon, ‘yung Sanji tshirt niya na pinahiram niya rito!
Napatakip ulit siya sa bibig niya, gusto niya na naman tumili. Sinabunutan niya ang sarili niya at huminga ng malalim.
“Ikalma mo ang kalachuchi mo, Dorothea,” sambit niya sa sarili niya at saka pumili ng shorts, nang makapili ay sinuot niya iyon.
Inayos niya muna ang sarili niya at tumikhim bago binuksan ang pinto, nandoon si Amsel at nakasandal sa may hagdan. Lumingon agad ito sa kanya at tiningnan kung anong suot niyang shorts.
Mabagal na ngumiti ito kaya nag-init ang mukha niya. E, tama lang sa kanya ‘yung sikip pero ang haba naman, lumagpas sa tuhod niya.
“Ay, ayan na!” Narinig niyang sigaw mula sa baba.
Kinabahan agad siya at lumapit kay Amsel, sinundan niya itong bumaba ng hagdan at naramdaman niya agad ang tingin sa kanya no’ng dalawa.
Hindi siya nag-angat ng tingin dahil alam niyang madi-disappoint ito kapag nakita na hindi siya maganda, nakita niya rin kasi kanina na kamukha ni Amsel ang ate niya.
Nagulat siya nang inakbayan siya ni Amsel at hinila siya palapit. “Si Dorothea. .”
“Hello, Dorothea!” sabi ng ate ni Amsel kaya nag-angat siya ng tingin ng konti at ngumiti tapos ay yumuko ulit.
“Dorothea, ate ko, si Kirsten,” sabi ni Amsel. “Tsaka si Melissa, kaibigan ni ate.”
Nag-angat ulit siya ng tingin at pasimple na nilagay ang kamay sa mukha. “Hello po, nice to meet you.”
Ngumiti ‘yung dalawa. “Mahiyain ka naman masyado!” puna ni Melissa.
“Upo ka nga rito,” sabi ni Kirsten at hinila siya sa kamay para umupo siya sa sofa.
Napaangat siya ng tingin kay Amsel dahil nahihiya talaga siya, mukhang nakuha naman nito kaya hinigpitan nito ang pagkakahawak sa balikat niya.
“Ang kulit niyo,” sabi ni Amsel. “Nahihiya sa inyo.”
“Kakausapin ka lang namin, ano ka ba,” ani Kirsten. “Paano kung sina mama na ang makaharap mo? Baka tumiklop ka riyan.”
Nag-init ang mukha niya. “H-hindi naman kami—”
“Doon na rin punta no’n,” sabi ni Melissa. “Ngayon lang nag-uwi ng babae rito si Amsel, kaya excited kami.”
Nagtawanan ‘yung dalawa kaya lalo siyang nakaramdam ng hiya. Tapos ay pinag-gitnaan na siya nito sa sofa, inutusan ni Kirsten si Amsel na kumuha ng mga baso sa kusina.
May mga pizza, burger at softdrinks sa mababang lamesa sa harapan nila.
“Kain ka marami a,” ani Melissa. “Nag-order talaga kami ng marami para mabusog tayo.”
Nakangiting pinagmasdan siya ni Kirsten. “Pareho tayo ng katawan noong ganyang edad ako.”
Nanlaki ang mata niya, sa sexy nito ngayon. . mataba ito dati?
“Mataba ka rin dati?” tanong niya.
Tumaas ang kilay nito. “Chubby ka lang, girl, ano ka ba? Tsaka bata ka pa naman.”
“Tsaka napapansin ko na tinatakpan mo ang mukha mo,” puna ni Melissa. “Nahihiya ka ba sa’min?”
Tumango siya. “Baka ma-disappoint lang kayo na ganito ang unang babaeng dinala ni Amsel—”
“Bakit?” Nanlaki ang mata ni Kirsten. “Parang ang baba ng confidence mo, inaasar ka ba ni Amsel lagi?”
Tumango siya ng maraming beses na akala mo’y nakahanap ng kakampi, sakto naman na dumating si Amsel galing sa kusina kaya sabay-sabay silang napalingon.
“Gago ka, inaasar mo lagi ito si Dorothea?” ani Kirsten. Ang sosyal naman ng tunog no’ng pagmumura.
Hindi sumagot si Amsel kasi totoo naman talaga, pero hindi naman siya inaasar nito sa itsura niya. Puro pangbibwisit lang talaga.
“Kapag inasar ka pa niyan, ‘wag mo na ‘yan sasagutin,” sabi pa ni Kirsten sa kanya. “Masama kasi talaga ang ugali niyan e, kahit kami dati lagi niyan pinagti-tripan.”
Nagulat siya nang hinawakan siya ni Amsel sa kamay at hinila patayo, pinaupo siya ro’n sa kabilang sofa sa tabi nito kaya napanganga ‘yung dalawa.
“Hindi pa nga ako gusto nito, sinisiraan niyo agad ako,” sabi ni Amsel kaya gulat na pinagmasdan niya ito.
Akala ni Amsel ay wala siyang gusto rito? Gaano ba kataas ang tingin nito sa kanya na siya pa ang hindi magkakagusto?