Mayumi PoV
Kasalukuyan nilang binabagtas ngayon ang daan ng Santa Mesa. Pabalik na sila ng San Sebastian kung saan iyon ang tunay nilang bayan.
Nauuna sa daan ang apat na Guwardiya Sibil, katamtaman lamang ang mga ito kung magpatakbo ng kabayo. Sinusundan ito ng kaniyang Ama na lulan din ng kabayo. Nahuhuli lamang sila dahil karitela ang kanilang sinasakyan. Kasalukuyang nag-uusap ang apat na Guwardiya, nagkukuwentuhan ang mga ito kung sinu-sino ang mga tulisan ang kanilang nakita sa mismong bayan ng Santa Mesa.
"Guevara, nakikilala mo ba ang tulisang iyon?" tanong ng isang Guwardiya.
"Sino ang tinutukoy mo?"
"Iyong lalaki kaninang tumaga sa kasama natin. Iyong gusgusin at may makapal na bigote," pagpapaliwanag pa ng Guwardiya kay Guevara.
"'Iyon ba? Oo, natatandaan ko ang kaniyang mukha. Hindi akong maaaring magkamali sapagkat sila rin ang mga tulisang sumalakay sa bayan ng San Sebastian isang taon na ang nakararaan," sagot naman ni Guevara.
"Hindi ba kasama nila ang sinasabing paniki?"
"Sino ang tinutukoy mo?" nagtatakang tanong pa ni Guevara sa lalaki.
"Ang misteryosong lalaking biglang naglalaho sa umaga," tugon naman ng lalaking kasamahan ni Guevara.
Napahinto na lamang bigla si Guevara at seryoso nitong tiningnan ang kausap na lalaki.
"Iyon ba? Hindi ko natitiyak."
"Mga hangal! usal ni Heneral Cuenco sa mga Guwardiyang nagkukuwentuhan.
Bigla na lamang napalingon sina Guevara sa likuran at noo'y nakita nila kung paano umusok ang ilong ng kaniyang Ama.
"Nasisiraan na ba kayo ng ulo? Magmatyag kayo sa paligid na ating nadaraanan. Napakaraming mga bandidos dito sa Santa Mesa. Tapos pag-uusap ang ginagawa ninyo? Mga hangal!" inis na wika pa ng kaniyang Ama.
"Patawarin n'yo po kami Heneral. Hindi na ho mauulit," pagmamakaawa ng mga ito sa kaniyang Ama at nagpatuloy na muli sila sa pagpapatakbo ng kani-kanilang kabayo.
-------------------------------------------------------------------
Nagmatyagmatyag na rin sila sa paligid na kanilang nadaraanan. Takot na kasi silang baka muli silang masigawan ni Heneral Cuenco at ayaw na nila iyon maulit pa.
Sa hindi kalayuan isang lalaki ang kumukubli sa puno. Palihim itong tumitingin-tingin sa kanila. May hawak itong isang mahabang gulok at parang naghihintay lamang ng pagkakataong sumalakay.
Napahinto naman si Guevara at napababa siya sa kaniyang kabayo. Mga ilang saglit pa ay dahan-dahan na siyang lumapit kay Heneral Cuenco upang kausapin ito.
"Bakit ka tumigil?" nagtatakang tanong ni Heneral Cuenco kay Guevara.
"Naiihi na ho ako Heneral. Mauna na po kayo't susunod na lamang ako," pagpapaliwanag pa ni Guevara. Bigla na lamang napahawak ito sa ari nito na tila ihing-ihi na talaga.
"Sige, sumunod ka na lamang pagkatapos mo."
"Opo Heneral," tugon naman ni Guevara sabay takbo sa kakahuyan sa gilid ng daan.
Nagpatuloy na si Heneral Cuenco kasama pa ang ibang Guwardiya sa pagpapatakbo. Si Mayumi naman ay pasilip-silip lamang sa binta ng karitela upang lumanghap ng sariwang hangin sa paligid. Mabagal lamang ang pagtakbo ng karitela kaya naaaninag pa niya ang Guwardiya na si Guevara na kasalukuyang umiihi sa tabi ng isang mataas na punong kahoy.
Sinusulyap-sulyapan niya ang malalagong punong kahoy sa paligid hanggang sa maglaho na sa paningin niya ang lalaki. Malayo-layo na rin sila ngunit hindi pa rin si Guevara ang Guwardiya-Sibil.
"Bakit tila ang tagal umihi ng iyong kasamahan?" tanong ni Mayumi kay Diego ang lalaking nagmamaneho ng karitelang kanilang sinasakyan.
"Matagal po talaga umihi iyon señorita. O tila nama'y nagtatabako pa iyon," nakangiting tugon ni Diego.
"Ganoon ba?"
"Huwag n'yo na ho s'yang isipin. Ang mabuti pa po'y magpatuloy na tayo sa paglalakbay," wika pa ni Diego kay Mayumi.
Noo'y nagpatuloy na sila sa paglalakbay at nalimutan na nila si Guevara na hindi nila alam kung umiihi pa rin ito sa kakahuyan.
"Aba'y malayo na pala sila. Hindi bale, maaabutan ko pa rin ang mga 'yon," wika ni Guevara habang nakasandig sa isang puno at kasalukuyang humihithit ng tabako.
Akmang ihahakbang na sana niya ang kaniyang mga paa patungo sa kaniyang kabayo nang makarinig siya ng mga yabag, papalapit ito kung saan siya ngayon nakatayo. Dinig na dinig niya ang pagtunog ng mga tuyong dahon dahil natatapakan ang mga ito. Napabunot na lamang siya sa kaniyang rebolber upang depensahan ang sarili dahil naiisip niya na baka isa itong mabangis na hayop.
Inikot-ikot niya ang kaniyang paningin sa kaniyang likuran ngunit wala siyang nakitang mabangis na hayop.
"Akala ko naman may baboy ramo tiyak may mauulam na sana." Nakangiting wika pa niya at akmang pabalik na sana siya sa kaniyang kabayo nang biglang may isang lalaki ang lumitaw sa kaniyang harapan.
May hawak itong rebolber na dahan-dahang itinutok sa kaniyang mukha. Isa pang lalaki ang lumitaw sa kaniyang likuran nang hindi niya namamalayan ang paglapit nito. May hawak ito na isang malaking bato na agad inihampas sa kaniyang ulo dahilan upang dumilim ang kaniyang paningin at mawalan siya ng malay.
Hinila siya ng mga ito at dinala siya sa tabi ng isang ilog sa mismong kakahuyan.
"Tiyak masisiyahan sila sa isdang ito," wika ng lalaki sa kaharap nitong isa pang lalaki.
"Masisiyahan talaga ang buong hukbo sa pagkakahuli natin sa Guwardiyang iyan," sambit naman ng lalaking balbasarado.
"Matagal pa ba sila?" tanong ng lalaking may mahabang buhok sa lalaking balbasarado sabay na kasalukuyan nitong kausap sabay tingin-tingin sa paligid.
"Nariyan na pala sila oh!" Itinuro ng lalaking balbasarado ang limang lalaking kasalukuyang papalapit sa mga ito na pawang armado rin ng gulok at rebolber.
Noo'y ipinasandig na nila si Guevara sa isang malaking bato. Tinalian nila ng bagin ang mga kamay nito pati na rin ang mga paa. Gumuguhit na ang dugo sa mukha ni Guevara dulot ng pagkakapukpok ng bato sa uli nito.
Nakalapit na ng tuluyan ang limang lalaki sa dalawang lalaki at maya-maya pa ay pinagmasdan na rin ng mga ito si Guevara na kasalukuyan pa ring walang malay.
"Tamang-tama ang pagkakadakip n'yo sa Guwardiyang iyan. Ngayon, may makapagtuturo na kung nasaan si Kapitan," wika ng isang lalaki at dali-dali itong lumapit sa ilog sabay salok ng tubig sa isang kaputol ng kawayan.
"Anong gagawin mo ka-kiko?" nagtatakang tanong ng lalaking balbasarado.
"Kikilitiin ko lamang siya," tugon naman ni kiko ang lalaking sumalok ng tubig sabay lapit kay Guevara.
Agad nitong binuhusan ng tubig si Guevara dahilan upang magkamalay ito at makita sila.
"Kayo?" nagtatakang tanong ni Guevara na tila namumukaan nito ang mga lalaking kaharap.
"Kami nga. Tila yatang gulat na gulat ka? Inaakala n'yo ba na magpapaalipin pa kami sa bansang España?" Sambit pa nito sabay turo kay Guevara. "Hindi ba't isa ka ring indio? Bakit hindi ka sumapi sa amin? Bakit hindi mo rin ipaglaban ang sarili nating Inang bayan? Hinog na hinog na ang himagsikan. Bakit hindi ka sa amin sumama at iaalay rin ang iyong buhay sa para sa ating bayan?"
"Si-sino kayo para pagsabihan ako ng gan'yan?" nakangiting tanong ni Guevara na parang nang-iinsulto. "Tama nga si Heneral lahat kayo'y nasisiraan na ng ulo!"
"Bulag!" galet na sigaw ng lalaking balbasarado sabay suntok nito sa sikmura ni Guevara.
Napaluhod na lamang siya at napasuka ng dugo.
"Wala kang silbi sapagkat niyayakap mo ang bandila ng mga kastila!" sambit pa ng lalaking balbasarado. Hinawakan nito ang mga buhok ni Guevara na tila napapasabunot.
"Ngayon, sabihin mo sa amin kung nasaan si kapitan. Nasaan siya ngayon!?"
"A-at ba-bakit ko sasabihin ang bagay na iyan?" napapangiting tanong ni Guevara.
"Ka-kiko ang hatol?" tanong ng lalaking balbasarado sabah tingin kay kiko.
"Sige, gawin n'yo na ang nararapat." Tugon naman ni kiko sabay tingin sa mahinang agos ng tubig ng ilog.
Kumuha na ng malaking bato ang lalaking balbasarado at muli itong lumapit kay Guevara.
"A-anong gagawin mo?" nagtatakang usisa ni Guevara sa lalaking balbasarado.
Hindi umimik ang lalaking balbasarado at umupo lamang ito sa harapan niya. Pinagmasdan nito ang mga kuko niya sa paa na parang may binabalak. Maya-maya pa ay bigla na lamang nitong dinaganan ng bato ang kaniyang mga kuko dahilan upang magkadurog-durog ang mga ito.
"Arayyyyy!" napasigaw na lamang siya sa sobrang sakit na kaniyang naramdaman.
"Nasaan si kapitan? Ano ang kalagayan niya ngayon?" nagtatakang tanong pa nito sa kaniya.
"Paslangin n'yo man ako hindi ko pa rin ipagtatapat kung nasa'n ang hangal n'yong kapitan," nakangiting tugon pa niya.
Dinaganan muli ng lalaking balbasarado ang kaniyang mga daliri sa paa dahilan upang magkadurog-durog na ang mga ito ng tuluyan. Mga ilang sandali pa ay agad na lumapit pa ang isang lalaking may hawak ng gulok at hinawakan nito ang kaniyang ulo at bigla siya nitong ginilitan ng leeg.
"Bakit mo pinatay!?" tanong ng lalaking balbasarado sa lalaking may hawak ng gulok na gumilit sa leeg ni Guevara.
"Wala tayong makukuhang pahayag sa kaniya. Isa siyang Guwardiya-Sibil kaya't nararapat lang sa kaniya iyan."
"Hindi mo dapat ginawa iyan!" Napatayo na lamang ang lalaking balbasarado at galet nitong tiningnan ang lalaking may hawak ng gulok.
"Tumigil na kayo! Kailangan na nating lumisan dito bago pa magsipagbalikan ang mga Guwardiya-Sibil," wika ni Kiko na agad tumingin sa dalawang lalaking nagtatalo.
"Patawad po ka-kiko," sabay na tinig ng dalawang lalaki.
"Paano po ang Guwardiyang ito?" tanong ng lalaking balbasarado habang tinuturo si Guevara na nakahandusay sa lupa at wala ng buhay. Kalat-kalat ang mga dugo nito sa lupa dahilan upang dapuan ng mga langaw.
"Itapon n'yo sa ilog. Tiyak kakainin ng mga buwaya ang kaniyang bangkay hanggang sa siya ay magkapira-piraso." Tugon ni kiko at tuluyan nang naglakad.
"Masusunod po." Binuhat na ng dalawang lalaki ang bangkay na si Guevara at agad ng mga ito itinapon sa ilog.
Palutang-lutang na lamang si Guevara at sumasabay sa mahinang agos ng tubig.
"Kaawa-awang Guwardiya. Namatay sa mali niyang paniniwala. Isang traydor na Indio," nagmamadaling wika ng dalawang lalaki bago ang mga itong tuluyang naglaho sa lugar.