Juan PoV
Kasalukuyan pa rin silang nasa likod ng kuwartel. Patuloy pa rin siyang pinagmamasdan ng lalaki habang hiyang-hiya siya dahil hindi siya marunong gumamit ng itak. Lumapit din siya sa isang puno ng saging upang subukan din ang ginawa nito kani-kanina lamang.
"Paano kaya ito ah? Ang bigat-bigat naman kasi itong gulok na ito," aniya habang pinagmamasdan ang itak na hawak-hawak.
Huminga muna siya ng malalim para makakuha ng lakas ng loob. Inisip na lamang niya na si Brixter ang saging na iyon dahil ito ang madalas nanununtok sa kaniya sa school na pinapasukan niya. Nahihinuha pa niya ang maangas na mukha ni Brixter sa saging na iyon kaya hindi na siya nagdalawang isip na tagain ito ng ubod lakas. Ngunit hindi man lang naghiwalay sa dalawang parte ang saging. Bumaon lang ang itak niyang hawak sa puno at hindi na niya ito mahila paalis.
"Bakit ang tigas?" usisa niya.
"Hindi kasi ganiyan." Wika naman ng lalaki na agad tumayo at lumapit sa kaniya.
"Gamitin mo ang lakas ng braso mo sa paghila. Mahalaga talagang malakas ang buo mong pangangatawan," ani pa nito sa kaniya. Hinawakan din nito ang itak at hinila paalis sa puno.
Tinaga pa nito muli ang puno ng saging dahilan upang maghiwalay na ito sa dalawang parte
"Sa pakikipaglaban, mahalagang gamitin din ang utak hindi lang ang puro lakas. Sapagkat ang magiging kalaban mo'y isang matalinong tulisan. Hindi lamang puro lakas ang kaniyang pinaiiral pati na rin ang talino niyang taglay," wika pa nito sa kaniya.
"Si-sino po siya?" nagtatakang tanong niya sa lalaking nakatitig din sa kaniya.
Napatigil na lamang ito sa pagsasalita. Napatingin ito sa taas at pinagmasdan ang makakapal na ulap.
"Isang taon na rin ang nakararaan ng lumusob ang mga tulisan sa bayang ito. Maraming bata ang nawala dahil kinuha sila ng mga ng mga tulisan. Dinala sila sa kabundukan upang sanayin at maging ganap na tulisan din. Tinuruan silang humawak ng mga armas. Maraming nasawi sa naganap na paglusob sa bayang ito. Maraming buhay ang nawala kabilang ang mga prayle at mga Guwardiya. Ngunit. Ngunit may isang pangalan ang namayagpag..."
"Ano po ang pangalan na 'yon?" nagtatakang tanong niya habang pinagmamasdan ang lalaking nagkukuwento.
"Ang paniki ng bayan," sagot naman ng lalaki.
"Huh? Ano po'ng sinasabi n'yong paniki ng bayan?" usisa pa niya.
"Tama nga ang iyong nadinig. Si Leonardo. Siya ang sinasabi kong paniki ng bayan," tugon naman ng lalaki.
"Ba-bakit po siya tinawag na paniki ng bayan?"
"Dahil kakaiba ang katauhan niya. Hindi talaga siya mamamayan ng San Sebastian. Nagulantang lamang ang lahat nang bigla siyang lumitaw sa bayang ito. Kaya siya tinawag na paniki sapagkat nawawala siya sa umaga at tuwing gabi lamang siya nagpapakita. May ilan na nagsasabi na naglalaho raw siya sa umaga at biglang nabubuhay sa gabi. Ngunit hindi ako naniniwala ro'n. May nakapagsabi pa na kaya raw siya ganoon ay dahil may ginagamit siya na isang bagay na kaya siya nitong ipunta sa hinaharap," sagot pa nito.
"Napakamisteryoso n'ya po pala? Pe-pero ano po ang sinasabi n'yong kakaibang bagay na kaya siya nitong ipunta sa hinaharap?" nagtatakang usisa pa niya sa lalaki. Napahakbang na lamang ito papalapit sa kaniya.
"Hindi ko alam. May sasabihin ako sa iyo." Wika pa nito sa kaniya sabay hawak nito sa kaniyang balikat.
Pinagmasan niya ang mukha ng lalaki. Kitang-kita niya sa mabilog na mga mata nito ang pagkaseryoso na para bang may gusto itong sabihin sa kaniya. Kitang-kita rin niyang pinagpapawisan pa ang matangos nitong ilong.
"Mapanganib ang lalaking aking nabanggit. Marami siyang napaslang na mga Guwardiya-Sibil kaya siya kinatatakutan ng lahat. Kapag nagkita na kayo. Mag-iingat ka," ani pa nito at tinapik-tapik ang kaniyang balikat.
Napalunok na lamang siya sa kaniyang laway dahil sa mga sinabi ng lalaki sa kaniya.
"Ngunit huwag kang masyadong mag-alala. Narito ako't hindi kita pababayaan," ani pa nito sa kaniya at biglang gumuhit ang ngiti mukha ng lalaki.
"Ano po ba ang mukha ng sinasabi n'yong paniki?" nagtatakang tanong pa niya sa lalaki.
"Maitim na maitim ang kaniyang buhok. Masingkit naman ang kaniyang mga mata. May malaki siyang tagâ ng itak sa mukha. Ngunit hindi ko na rin siya nakita pa matapos ang pagsalakay. Bagamat may balita na nadakip daw siya matapos ang pagpasok niya sa kumbento. Ang sabi ng iba'y ibinilanggo raw siya sa malayong lugar. Ang iba nama'y sinasabing patay na siya," ani pa nito.
"Huwag mo na siyang isipin. Tara na't humayo na tayo sa loob ng kuwartle baka maabutan tayo ng maangas na Heneral rito." Nagmamadaling wika ng lalaki sa kaniya at tuluyan na nga silang pumasok sa loob ng kuwartel.