Heneral Cuenco
"Nasaan na siya!? nagtatakang tanong ni Heneral Cuenco sa mga Guwardiyang napatigil sa pagtakbo.
Kararating lang nila sa ilog at napahinto muna sila saglit upang pagmasdan ang paligid.
"Patawad, Heneral natanaw pa namin siya kani-kanina lamang...ngu-ngunit bigla na lang ho siyang nawala," pagpapaliwanag ni Santiago. Dali-dali itong lumapit kay Heneral Cuenco.
"Mga hangal! Natakasan kayo ng isang Indio?" inis na wika ni Heneral Cuenco. Nilapitan na rin niya ang mga Guwardiya.
"Isang kahihiyan ito sa bansang España!"
Napayuko na lamang ang mga Guwardiya na sabay-sabay na tinitingnan ni Heneral Cuenco.
Tumingin muli si Heneral Cuenco sa ilog nang bigla niyang makita ang isang babae. Nakaupo ito sa gilid. Sa pampang ng ilog.
"Mayumi...?" Dali-daling tumakbo na si Heneral Cuenco papalapit sa kinauupuan ng babae. Hinawakan niya ang balikat nito at damang-dama niya ang basang katawan ng babae.
Lumingon naman ang babae at kitang-kita ni Heneral Cuenco ang pagguhit ng mga luha nito sa mukha.
"Anak, a-anong ginagawa mo rito? Bakit ka umiiyak?" nagtatakang tanong niya.
Si Mayumi ang babaeng kaniyang nakita. Napatayo na lamang ito at pinagmasdan din siya.
"Itang, bakit kayo nagsinungaling sa akin?"
"Anong ibig mong sabihin anak?" nagtatakang tanong ni Heneral Cuenco.
"Buhay siya itang! Buhay siya!"
Akmang yayakapin na sana ni Heneral Cuenco nang bigla itong pigilan ni Mayumi.
"Hindi ko mawari kung bakit mo nagawang magsinungaling sa akin!" Inihakbang na ni Mayumi ang mga paa nito at mabilis itong tumakbo palayo sa lugar.
Batid na nitong nagsinungaling si Heneral Cuenco dahil mismo sa bibig ng Heneral nagmula na patay na ang kasintahan ni Mayumi isang taon na ang nakararaan.
Napahawak na lamang si Heneral Cuenco sa mukha nito dahil ngayon alam na ng kaniyang anak ang kasinungalingang kaniyang nagawa. Inilihim kasi niya sa kaniyang anak na buhay pa pala ang kasintahan nito.
"Patawarin mo ako anak. Patawarin mo ako...." Muli pa niyang nilingon si Mayumi na kasalukuyang tumatakbo patungo sa kakahuyan.
"Santiago!"
"Heneral?" Agad na lumapit sa kaniya si Santiago.
"Sundan mo si Mayumi at iuwi mo na siya sa Mansyon."
"Masusunod ho." Akmang aalis na si Santiago nang biglang hinawakan niya ang balikat nito.
"Ingatan mo siya baka hindi na ako makaalis dito." Sabay tapik-tapik niya sa balikat ng Guwardiya.
"Opo, Heneral." Naglakad na si Santiago upang sundan nito si Mayumi patungo sa kakahuyan.
Tumingin naman si Heneral Cuenco sa ilog bago nito muling nilingon ang mga Guwardiya.
"Guwardiya!" wika pa niya na kaagad na lumapit sa kaniya ang mga Guwardiya.
"Anong balita sa bayan?"
Isang Guwardiya ang lumapit sa kaniya at ipinakita ang isang liham.
"Sumugod na ho ang mga tulisan sa buong bayan," wika ng Guwardiya.
"Ganoon ba?"
"Heneral, napasok na rin po nila ang kuwartel," singit naman ng isa pang Guwardiya.
"Ang balita ko po'y ito raw ang hudyat ng himagsikan.
"Himagsikan? Isang kahangalan ito! Anong pinaglalaban nila?" tanong pa niya sa mga Guwardiya. Napatingin na lamang si Heneral Cuenco sa ilog. "Kung kinakailangang suyurin ang buong bayan...gagawin natin madakip lamang siya!" Napahakbang na siya patungo sa kaniyang kabayo.
"Humayo na tayo!"
"Saan ho tayo pupunta, Heneral?"
"Pupunta tayo sa kawit upang dumalo sa pagpupulong," ani Heneral. Agad niyang pinatakbo ang kaniyang kabayo.