EVA
Hindi nakatulog si Eva buong gabi. Kahit anong pikit niya at kahit ilang ulit niyang pihitin ang unan ay hindi tumitigil ang utak niya sa pag-iisip. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang mukha ni Lennox.
Iyong ngiti, ‘yong tindig at iyong paraan ng paghawak nito sa buhok niya noon sa Maynila.
“Putangina naman…” bulong niya, napahawak sa noo. “Bakit pa kasi siya nandito? Jusmiyo!"
Paglingon niya, mahimbing na natutulog si Maya habang yakap ang manika nito. Huminga siya ng malalim. Hindi niya pwedeng hayaang masira ang katahimikan nila ng anak niya.
Pero paano? Kung araw-araw ay may posibilidad na makita niyang muli ang lalaking minsan niyang sinumpa.
Habang nakahiga, tumingin siya sa kisame. Unti-unti.... doon lang niya na-realize.
'Isla Mariposa. Putangina. Ito pala ‘yong sinasabi ni Lennox noon!'
Naaalala pa niya kung paano laging sinasabi ni Lennox sa kanya dati.
'Balang araw, dadalhin kita sa isla namin. Tahimik doon. Malayo sa gulo.'
Hindi lang niya inintindi noon. Akala niya biro lang.
Ngayon, ito siya.
Nandito mismo sa islang iyon. Sa lugar kung saan nakatira si Lennox Douglas.
“Jusmiyo… anong klaseng sumpa ‘to?” bulong niya sabay takip ng unan sa mukha.
Kinabukasan, halatang puyat si Eva. May eyebags na at halos wala sa sarili habang nag-aayos ng mesa sa La Mariposa Grill. Paulit-ulit siyang nagkakamali. Maling order, maling table natatapon ang tubig.
“Hoy, girl, ayos ka lang ba?” tanong ni Claudia sabay lapit habang nag-aabot ng tray.
Napangiti lang si Eva ng pilit.
“Okay lang ako. Siguro pagod lang.”
“Pagod? Eh parang lutang ka kanina pa. Kung problema sa pera ‘yan, tulungan na kita ulit.”
Umiling si Eva. “Hindi ‘yon… ibang pagod ‘to. Iyong tipong… pagod sa nakaraan.”
Napataas ang kilay ni Claudia.
“Anong ibig mong sabihin?”
Huminga ng malalim si Eva na parang nag-iipon ng lakas.
“Claudia… naalala mo ‘yong lalaking sinasabi kong unang minahal ko dati? Iyong dahilan kung bakit ako nagkaroon ng anak?”
Tumango si Claudia.
“Oo naman. Pero wala ka namang picture na pinakita sa akin no'n at hindi mo naman sinabi ang name. Basta, binanggit mong… barumbado pero matindi magmahal?”
Napapikit si Eva. “Oo. Siya ‘yon.”
“Eh ano’ng mayroon sa kanya?”
“Dito siya nakatira, Claud. Dito sa putanginang isla na ‘to.”
Napalaki ang mata ni Claudia.
“Ha?! As in dito? Sigurado ka?”
“Sigurado. Narinig ko kagabi. Tinawag siya ni Rupert. ‘Lennox,’ sabi niya. Nanginig ako sa pangalan. Tapos nakita ko pa ‘yong mukha. Siya talaga.”
Napamulagat si Claudia at halos mapamura rin.
“Tangina, girl! Iyong Lennox na bartender sa El Faro bar?!"
“Oo. Siya ang ama ni Maya.”
Natahimik si Claudia habang nanlalaki ang mata.
"Hala ka! Kinababaliwan ng mga babae iyon dito! May mga nakalandian siya pero wala siyang sineryoso. Ewan kasi hindi rin naman ako chismosa. At saka ayoko kasi sa masyadong guwapo dahil alam kong marami akong magiging kaagaw," saad ni Claudia.
Mariing napapikit si Eva sabay hingang malalim. Hinawakan siya sa balikat ni Claudia.
“Girl…” mahinahon na sabi ni Claudia. "Anong plano mo ngayon?”
“Umalis. Hindi ko kakayanin ‘to. Ayokong makita siya. Ayokong malaman niyang nandito ako. Ayokong maalala lahat.”
Napanganga si Claudia sabay hampas kay Eva.
“Hoy, gaga ka huwag kang ganyan!” bulalas ni Claudia na agad siyang hinawakan sa braso.
“Eva, isipin mo si Maya. Dito kayo nakatira nang maayos. Libre bahay, may trabaho ka at may school ang anak mo. Saan ka pa makakahanap ng ganito? Mababait ang mga amo sa probinsya. Sa Maynila bihira ang mabait! Bihira ang libre doon!”
Napangiwi si Eva.
“Hindi mo kasi alam, Claudia. Hindi mo alam kung gaano ako nasaktan noon. Iniwan niya ako. Hindi man lang siya nagpaalam. Pinaasa lang ako!”
Napakurap si Claudia pero hindi niya binitiwan ang kamay ng kaibigan.
“Baka oras na para harapin mo na. Baka kaya dinala ka ulit dito ng tadhana, para matapos na ‘yong iniwan mong sakit. Isa pa…”
Napatingin si Eva sa kaibigan. “Isa pa ano?”
“Deserve niyang malaman, Eva. Deserve ni Lennox na malaman na may anak siya. Hindi mo puwedeng itago habang buhay ‘yon. Isipin mo rin ang anak mo. For sure hinahanap niya ang tatay niya."
Parang may sumabog sa dibdib ni Eva.
“Tangina, Claudia… ayokong guluhin si Maya. Maayos na siya. Ayokong masira ‘to Ang katahimikan ng buhay naming dalawa."
Ngumiti si Claudia ng tipid. “Alam mo naman. Baka ‘yan pa ang paraan para lalo kayong mabuo. Hindi mo rin alam kung anong klase ng tao si Lennox ngayon. Baka nagbago na.”
Hindi niya alam kung iiyak siya o tatawa.
“Si Lennox? Magbago? Ha! Ewan ko.”
“Subukan mo muna. Kung tatakasan mo ‘to, uulit lang lahat. Hindi mo talaga matatakasan ‘yong taong parte ng buhay mo na. Pinagtagpo kayo ulit ng tadhana. At sa pagkakaalam ko, may lola si Lennox dito na inaalagaan. 'Di ba ang kwento mo noon kaya ayaw niyang manatili sa tabi mo dahil sa pamilya niya? Baka dahil iyon sa lola niya. Na ayaw niyang maiwan dito mag-isa."
Napayuko si Eva. Wala na siyang nasabi.
Kahit papaano, alam niyang tama si Claudia.
Maghapon siyang tahimik sa trabaho. Pinilit niyang ayusin ang sarili pero halatang distracted pa rin siya. Si Rupert naman ay puro biro at kalokohan.
“Eva! Miss Eva!” tawag ni Rupert mula sa kusina.
“Kape tayo mamaya ha? Libre ko! Para makilala mo pa ‘yong ibang staff sa El Faro Bar.”
Umiling si Eva. “Pass muna, Rupert. Pagod ako.”
“Aba, sayang! Sayang ang ganda mo, sayang ang oras na hindi mo ako kasama!” natatawang sabi ni Rupert.
“Sayang ka rin. Pero buhay ka pa,” balik ni Eva sabay tawa.
Humagalpak ng tawa si Rupert.
"Grabe ka naman! Parang gusto mo na akong mamatay agad!"
Umirap lang si Eva.
“Ganyan ka talaga, no? Palaban? Masungit? sabi ni Rupert habang nag-aabot ng tray. “Pero gusto ko ‘yan. May angas. Hindi boring.”
“Eh 'di wow,” sagot ni Eva sabay irap pero halatang natatawa rin.
Pagkatapos ng shift, alas-otso na ng gabi. Nagpaalam na si Eva kay Claudia at sinundo si Maya sa center. Habang naglalakad pauwi, tahimik lang siyang naglalakad. Hindi siya mapalagay. Parang gusto niyang sumigaw pero wala siyang karapatang gawin iyon.
Pagdating sa bahay, agad niyang pinatulog si Maya. Paglabas niya ng kwarto, naupo siya sa upuan sa labas. Tinali niya ang buhok at saka huminga ng malalim.
“Bakit ngayon pa, Lennox…” mahina niyang sabi.
“Bakit ngayon pa ulit tayo pinagtagpo ng tadhana?”
Sumunod na araw, pinilit ni Eva na maging maayos sa trabaho. Pinilit niyang alisin sa isipan niya si Lennox. Kaya naging maayos ang trabaho niya at natapos ang araw na hindi siya nagkakamali
Habang sa kabilang banda ng isla, sa El Faro Bar ay abala si Rupert at Lennox sa pag-inom ng beer pagkatapos ng trabaho.
“Putangina, pare, pagod na naman. Ang dami na namang foreigner kanina,” sabi ni Rupert sabay higop ng beer.
“Eh kasalanan mo rin kasi. Ang daldal mo sa mga customer. Puro ka papogi,” sagot ni Lennox, nakasandal sa upuan habang hawak ang bote.
Ngumisi si Rupert. “Eh tangina naman, masama bang gumamit ng charm? Hindi mo kasi ginagamit ‘yong guwapong mukha mo. Sayang, pare. Kung ako sa iyo, araw-araw may nadidiligan na turista.”
Napailing si Lennox. “Wala akong panahon sa kababuyan mo, Rupert.”
Nagtawanan lang sila. Mayamaya, tumayo si Rupert at nag-inat.
“Alam mo, pare, may bago kaming waitress sa Mariposa Grill. Tangina, pare, solid. Ang ganda. Parang walang anak. Ang seksi! Iyong tipong titig pa lang, lalambot ‘yong tuhod mo!”
Napataas ang kilay ni Lennox. “Bagong waitress?”
“Oo, pare. Si Eva pangalan. Bagay sa kanya, ‘no? Eva. Parang kasalanan ang ganda.”
Kumunot ang noo ni Lennox. “Eva?”
“Oo, bakit?”
“Anong apelyido?”
“Castillo ata, sabi ni Claudia.”
Nanlaki ang mata ni Lennox. Napatingin sa mesa at saka mariing pumikit. Umigting ang kanyang panga.
“Putangina…” mahina niyang sabi. “Hindi naman siguro…”
“Uy, pare, bakit?” tanong ni Rupert pero hindi niya ito sinagot.
Tumayo si Lennox bigla. Iniwan ang bote at naglakad palabas.
Sakto namang palabas din si Eva mula sa La Mariposa Grill. Bitbit ang maliit na bag at nakahinga nang maluwag matapos magpaalam kay Claudia. Hindi niya alam kung bakit parang may kaba siyang nararamdaman habang naglalakad sa daan.
“Eva!” tawag ni Rupert ng nakangiti. “Uy, pauwi ka na? Halika, sabay na tayo! Ito nga pala, kaibigan ko-"
Pero hindi na natapos ni Rupert ang sasabihin.
Natigilan si Eva sa paglalakad. Parang biglang nanigas ang katawan niya. Kasi sa harap niya, nakatayo si Lennox Douglas habang nakatitig sa kanya na parang hindi makapaniwala sa nakikita.
Tanging hampas lang ng alon at tibók ng puso ni Eva ang naririnig niya.
“Eva…” mahinang usal ni Lennox.
.
Hindi siya nakasagot. Hindi niya alam kung iiyak ba siya o sisigaw.
Ang tanging alam niya matapos ang maraming taon ay muli silang nagkaharap ng taong minahal niya ng sobra.
At muli na namang magugulo ang tahimik na mundo ni Eva.