6

1490 Words
EVA Kinabukasan, maaga pa lang ay gising na si Eva. Inayos niya ang uniporme niyang bagong laba. Simpleng puting blouse at itim na skirt na hanggang tuhod. Nilagyan niya ng pulbo ang mukha at ng konting lipstick sa labi. Sa salamin ay napangiti siya ng tipid. “Hindi na masama,” sabi niya sa sarili. “Mukha pa rin naman akong tao kahit ilang taon nang walang tulog sa stress. At isa pa, maganda naman talaga ako. Hindi nga halatang may anak na ako," sabi niya sa sarili at saka mahinang natawa. Sa gilid ng kama ay abala si Maya sa pag-aayos ng kanyang maliit na bag. “Mommy, excited na po ako sa school,” nakangiting sabi ng anak niya. “School? Akala wala pa tayong pera sa enrollment?” biro ni Eva sabay kiliti sa anak. Tumawa si Maya. “Sabi po ni tita Claudia, may lugar daw dito kung saan puwedeng mag-aral ang mga anak ng nagtatrabaho. Libre daw po.” Ngumiti si Eva. “Ah oo, ‘yong center na sinabi niya. Sige, pupuntahan natin ‘yon bago ako pumasok sa work, ha? Magpakabuti ka lang doon, okay? Mag-work lang si mommy para may pera tayo." Habang naglalakad sila papunta sa tinutukoy na lugar ni Claudia, naamoy ni Eva ang sariwang amoy ng dagat. Sa gilid ng daan, may mga bata ring naglalaro at ilang babae sa uniporme tulad niya na papasok na rin sa trabaho. Sa dulo ng daan, natanaw niya ang maliit pero maayos na gusali. Kulay puti, may bakuran at mga laruan sa labas. May karatulang nakasabit doon. “Mariposa Learning Corner — Para sa mga Anak ng mga Manggagawa.” Habang binabasa niya iyon, hindi niya mapigilang mapangiti. "Ang ganda ng idea ng may-ari. Hindi ko na kailangang iwan ang anak ko sa kung saan-saan, ligtas sila rito," sabi niya sa sarili. Pagpasok nila sa loob ay sinalubong sila ng isang babae. “Good morning! Bagong lang po kayo?” “Opo,” sagot ni Eva. “Ako po si Eva Castillo. Nagtatrabaho po ako sa La Mariposa Grill. Ito po ang anak kong si Maya.” Ngumiti ang babae. “Welcome, miss Eva. Perfect timing kasi bukas pa lang magsisimula ang bagong batch ng mga bata. Puwede na po siyang sumali ngayon.” Lumapit si Maya at mahigpit na kumapit sa braso ng ina. “Mommy, iiwan mo po ba ako rito?” Hinaplos ni Eva ang buhok ng anak. “Oo, anak. Pero huwag kang matakot ha? Ang bait ng mga teacher dito. At saka marami kang magiging kaibigan dito. Work lang muna si mommy." “Okay po,” tugon ng bata. Kinakabahan pero pilit ngumiti. Iniwan muna niya si Maya roon at muling tinanaw mula sa pinto. Nakita niyang tinuturuan na ito ng guro kung paano gumuhit sa papel. Napangiti siya ng tipid. “Kaya mo ‘yan, anak.” Pagsapit ng alas nuebe, dumating na siya sa La Mariposa Grill. Habang papasok siya, amoy agad niya ang halimuyak ng nilulutong seafood. Buttered shrimp, grilled squid, sinigang na tanigue at kung anu-ano pa. “Eva!” tawag ni Claudia mula sa kusina. “Nandiyan ka na pala! Halika, ipakikilala kita sa mga katrabaho mo.” Sumunod siya at nakita ang iba pang waitress na abala sa pag-aayos ng mesa. Lahat ay nakangiti. Medyo nabawasan ang kaba ni Eva. “Diyan ka muna sa section na ‘yan,” sabi ni Claudia. “Kilala mo ‘yong cook natin? Si Rupert. Siya ‘yong madaldal pero mabait.” Napataas ang kilay ni Eva. “Si Rupert? ‘Yong sinasabi mong babaero?” Tumawa si Claudia. “Oo, pero huwag kang mag-alala, harmless ‘yan. Sanay lang makipag-flirt pero mabait na tao. Basta huwag mong patulan.” Ngumiti si Eva. “Wala siyang mapapala sa akin.” Makalipas ang ilang minuto, pumasok siya sa kusina para magdala ng order. Doon niya unang nakita si Rupert. Matangkad, maputi, may tattoo sa braso at may ngiting parang sanay na sanay mambola ng babae. Nakasando lang at apron. Pawisan pero may aura na mapang-akit. “Uy, sino ‘tong bago?” tanong agad ni Rupert sabay lapit. “Ako si Rupert. Cook dito. Ikaw?" “Eva,” maikli niyang sagot. “Eva…” ulit ni Rupert sabay ngisi ng nakaloloko. “Bagay sa iyo. Ganda ng pangalan mo." Napairap si Eva. “Aba, ang bilis mo mangharot. Kakakilala lang natin, binobola mo na ako. Ibang klase ka rin." Tumawa si Rupert. “Hindi pambobola ‘yon. Compliment lang iyon. Alam mo, bihira na ang katulad mong natural ang ganda dito sa isla.” “Natural din ang dila mo sa kalandian,” sagot ni Eva habang nakataas ang kilay. “Kung may niluluto kang tinatapos, baka umabot pa ako ng hapon dito dahil sa kadaldalan mo.” Tawang-tawa si Rupert. “Wow, palaban! Gusto ko ‘yan. Sige na, Eva ilabas mo na ‘yan bago mainip ‘yong mga gutom sa labas.” Napailing na lang siya sabay hingang malalim. 'Ang kulit ng lalaking ‘to. Oo guwapo siya pero ang landi. Sarap sipain sa bayàg eh.' Lumipas ang araw ng mabilis. Unang araw pa lang ni Eva pero parang sanay na siya. Maayos siyang kumilos, mabilis magbitbit ng tray at palangiti sa mga customer. Marami ang natuwa sa kanya lalo na mga lalaking turista na halatang tuwang-tuwa sa bawat lapit niya. “Girl, galing mo kanina!” sabi ni Claudia matapos ang shift. “Ang dami mong tip!” Napangiti si Eva. “Talaga? Sinadya ko talagang galingan. Para may pangdagdag sa baon ni Maya.” “Teka, hindi ka ba nilapitan ni Rupert buong araw?” tanong ni Claudia ng nakangisi. “Nilapitan. Nilalandi. Pero tinawanan ko lang,” sagot ni Eva sabay tawa. “Ang kulit no’n. Akala mo kung sino. Pero sige na lang at least mabait siya. Masarap pa magluto. Alam mo na, kailangan kong pakisamahan. Dahil kung hindi baka maligwak agad ako dito. Pagsapit ng uwian, nagpaalam na siya sa mga katrabaho at dumiretso sa learning center para sunduin si Maya. Pagdating niya, sinalubong agad siya ng anak na masiglang tumatakbo. “Mommy! Ang dami kong bagong kaibigan! Tapos tinuruan kami ng teacher kung paano magsulat ng mga number!” tuwang-tuwang kwento ng bata. Ngumiti si Eva. “Talaga? Ang bilis mo naman matuto. Proud ako sa iyo, anak.” Habang naglalakad sila pauwi, napansin ni Eva kung gaano kaganda ang isla. Ang langit ay kulay kahel at ang mga alon ay kumikislap sa ilalim ng liwanag. Sa 'di kalayuan, tanaw ang mga ilaw mula sa mga resort at bar. “Mommy, gusto kong tumira dito palagi,” sabi ni Maya habang hawak ang kamay niya. Ngumiti si Eva. “Sana nga, anak. Sana dito na talaga tayo nakatira. Sana 'di na tayo umalis pa sa lugar na ito." Pag-uwi nila, kumain sila ng simpleng hapunan. Pero para kay Eva, sapat na iyon. Busog siya hindi lang sa pagkain, kun'di sa pag-asang unti-unti ng umaayos ang buhay nila. Pagkatapos kumain, nilinisan niya ang katawan ni Maya at maagang natulog. Si Eva naman ay naglabas ng upuan at umupo sa labas ng bahay. Tahimik ang paligid at tanging tunog ng alon at hampas ng hangin sa mga dahon ng niyog ang maririnig. Ilang minuto lang, narinig niyang may dumating na motorsiklo sa 'di kalayuan. Sumilip siya. Sa kabilang kalsada, may lalaking naka-itim na t-shirt na bumaba at diretsong naglakad papunta sa direksyon ng La Mariposa Grill. Hindi niya makita nang malinaw ang mukha nito. Pero matangkad, matipuno at pamilyar ang tindig. Parang nakita na niya dati. Nilingon ng lalaki sandali ang daan at saka nagpatuloy sa paglalakad. Sa sandaling iyon, may isa pang dumating na lalaki. Si Rupert. Narinig niyang tinawag ito. “Lennox! Tangina, pare! Buti dumating ka!” sigaw ni Rupert habang nakatayo sa tapat ng restaurant. Parang biglang tumigil ang mundo ni Eva. Lennox. Mabilis ang pintig ng puso niya. Hindi siya makagalaw. Hindi siya makahinga. Parang ayaw niyang maniwalang narinig niya ang pangalang iyon. Unti-unti siyang tumayo at lumapit ng bahagya sa bakod para silipin. Mula sa liwanag ng poste, nakita niya ang lalaking matagal na niyang iniwasan sa alaala. Ang lalaking minsan niyang minahal ng buo. Si Lennox Douglas. Nakatayo ito sa tapat ng La Mariposa Grill, kausap si Rupert. Pawisan at mukhang galing sa trabaho. Mula sa malayo, kitang-kita ni Eva ang ngiti nito. Parehong ngiti na dati niyang kinahuhumalingan. Parang walang nagbago. Matikas pa rin. At mas lalong gumuwapo. Nanlamig ang mga kamay ni Eva. Hindi niya alam kung matutuwa siya o matatakot. Hindi siya handa. Hindi niya akalaing dito, sa isla kung saan siya umasa ng bagong simula ay muling babalik ang lalaking minsan niyang minahal at sinumpa. Habang nakatingin siya sa malayo, marahang bumuka ang labi niya. “Lennox…” Matapos ang maraming taon, muli niyang naramdaman ang kabog ng pusong dati na niyang pilit pinatahimik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD