EVA
Kinabukasan, maaga pa lang ay maingay na sa compound. Naririnig ni Eva ang mga kapitbahay na nag-uusap sa labas pero wala na siyang pakialam. Buong gabi siyang hindi nakatulog kakaisip kung paano niya babayaran si manang Pukingkay. Hindi siya makakalis ng Maynila kung hindi niya muna aayusin iyon.
Kinuha niya ang cellphone at muling tinawagan si Claudia.
“Girl,” agad na sabi ni Claudia pagkarinig ng boses niya.
"Nabasa ko na ‘yong message mo kagabi. Sabi ko na nga ba may sasabihin ka pa," sabi nito sa kabilang kinya.
Napabuntong-hininga si Eva.
“Claud, nahihiya talaga ako, pero may itatanong sana ako. Alam kong kapal ng mukha ko, pero… puwede mo ba akong pautangin kahit limang libo? Para mabayaran ko lang ‘tong renta bago kami umalis ni Maya. Ayokong umalis ng may utang.”
Sandaling natahimik si Claudia bago sumagot.
“Aba, ‘yan lang pala, girl. Sige, ipadala ko ngayon. Huwag mo na isipin kung kailan mo babayaran. Alam ko naman na hindi mo ako tatakbuhan. Isa pa, kailangan mo ‘yan para makapagsimula ng maayos.”
Biglang kumabog ang dibdib ni Eva sa tuwa.
“Claudia, grabe ka na talaga. Hindi mo alam kung gaano kalaking tulong ‘to sa amin ni Maya. Pangako, pagdating ko riyan, pagkasahod ko babayaran talaga kita agad.”
Narinig niyang tumawa ang kaibigan sa kabilang linya.
“Sus! Huwag mo ng isipin pa yan!;Wala ‘yon. Basta makarating ka lang dito. Isa pa, excited na akong makita kayong mag-ina. Sige, papadala ko na ha. Check mo mamaya.”
Pagkababa ng tawag ay napahawak si Eva sa dibdib.
“Salamat talaga, Lord…” mahina niyang sabi habang nakatingala sa kisame.
Pagsapit ng hapon, dumating ang notification sa cellphone niya. May pumasok nang pera. Agad siyang nagbihis. Isinama niyabsi Maya at pumunta kay manang Pukingkay para bayaran ang upa.
“Manang,” mahinahon niyang sabi.
"Ito na po ‘yong bayad ko sa isang buwan.”
Napataas ang kilay ni manang Pukingkay habang kinukuha ang pera.
“Oh? Saan ka naman kumuha ng pambayad? Akala ko ba wala ka nang pera?”
“May nagpautang po sa akin, manang. Kaibigan ko. Gusto ko lang po talagang makaalis ng maayos dito. Magtatrabaho na po ako," saad ni Eva.
Tumango-tango si manang Pukingkay at saka ngumisi ng bahagya.
“Aba, buti naman. Akala ko aabot pa tayo sa barangay. Oh siya, okay na ‘yan. Basta kung aalis ka na, isara mo na lang mabuti ‘yang unit ha? Sayang din ‘tong lugar mo. Maganda pa naman ‘tong kinalalagyan.”
Ngumiti si Eva at tumango.
“Opo. Maraming salamat, manang.”
Paglabas nila ni Maya, parang gumaan ang pakiramdam niya. Isang malaking tinik ang nabunot sa dibdib niya. Wala na siyang iniintinding utang at may bago na silang pupuntahan kung saan may trabaho siya.
Kinabukasan, alas-siyete ng umaga ay nasa terminal na sila ng bus papuntang Santa Claridad. Bitbit ni Eva ang isang lumang backpack at maliit na maleta habang si Maya naman ay may hawak na paboritong manika.
“Mommy, ang layo po ba ng isla?” tanong ni Maya habang nakadungaw sa bintana.
“Medyo malayo, anak pero maganda raw doon. May dagat, maraming puno at sariwa ang hangin. Magugustuhan mo ‘yon,” sagot ni Eva sabay haplos sa buhok ng anak.
Halos limang oras ang biyahe bago sila makarating sa pantalan ng Santa Claridad. Pagbaba nila, sinalubong sila ng mainit na hangin mula sa dagat. Kumintab sa ilalim ng araw ang mala-kristal na tubig-dagat. Ang amoy ng alat at ang tunog ng alon ay agad nagbigay ng kakaibang ginhawa kay Eva.
“Wow, Mommy! Ang ganda dito!” sigaw ni Maya na tuwang-tuwa habang tinuturo ang mga bangka sa dalampasigan.
Ngumiti si Eva. “Oo nga, anak. Parang ibang mundo. Sariwang hangin at wala masyadong ingay. Hindi kagaya sa inuupahan natin na ang daming chismosa at ang iingay ng mga bunganga."
Habang hinihintay nila ang bangka patungong Isla Mariposa, nilibot ni Eva ang paningin sa paligid. Ibang-iba ang lugar na iyon sa inuupahan nila.
Ilang sandali pa, sumakay na sila sa bangkang patungo sa Isla Mariposa. Habang papalayo sila sa pantalan, pinagmamasdan ni Eva ang paligid. Sa bawat hampas ng alon ay unti-unting lumalapit sa paningin niya ang luntiang isla. Malawak, tahimik at tila isang paraiso na nabubuhay sa kalawakan ng dagat.
Pagdating nila, sinalubong sila ng halakhakan ng mga tao roon at ng malamig na simoy ng hangin. May mga tindahan ng souvenir, may mga resort sa gilid at mga dayuhang naglilibot na naka-sumbrero at may dalang camera. Parang ibang mundo talaga.
Sa gilid ng daungan, nakatayo si Claudia habang kumakaway.
“Eva! Dito!”
Agad siyang napangiti. Matagal silang hindi nagkita, pero parang walang nagbago sa kaibigan niya. Masayahin, madaldal at maingay pa rin.
“Girl! Ang tagal mo ha! Akala ko hindi ka na darating!” sabi ni Claudia sabay yakap sa kanya.
“Ito na ba si Maya? Ang ganda ng anak mo, parang artista! Pak na pak ang ganda!"
Ngumiti si Maya kahit nahihiya pero halatang natutuwa.
“Hello po, tita Claudia.”
“Naku, ang sweet mo naman! Sige, halika na kayo, ihahatid ko kayo sa tutuluyan n’yo.”
Naglakad sila sa makitid na daan papunta sa maliit na village na para sa mga empleyado ng mga resort at restaurant. Sa likod ng mga niyog, may hanay ng mga bahay na gawa sa kahoy at pawid. Malinis at maaliwalas.
“Oh ito na ‘yong tutuluyan mo. Maliit lang pero sakto sa inyo ni Maya. May kama, maliit na kalan at CR sa loob. Libre ‘yan, courtesy ng kompanya,” sabi ni Claudia.
Napatitig si Eva sa munting bahay. Hindi man malaki, pero maayos, presko at higit sa lahat libre. Parang gusto niyang maiyak sa tuwa.
“Salamat talaga, Claudia. Hindi mo alam kung gaano kalaking tulong ‘to sa amin. Sobrang saya ko, girl," naiiyak sa tuwang sabi ni Eva.
“Walang anuman, girl. Basta sipag lang ha? At saka huwag kang kabahan mamaya, ipapakilala kita kay boss sa Mariposa Grill.”
Pagsapit ng hapon, dinala ni Claudia si Eva sa La Mariposa Grill. Ang malaking open-air restaurant na nasa tabing-dagat. Amoy seafood sa paligid at sa gitna ng lugar ay maririnig ang ingay ng mga tauhang abala sa paghahanda.
“Boss! Eto na po ‘yong sinasabi ko, si Eva Castillo,” sabi ni Claudia nang makita nila ang manager.
Issang matangkad na babaeng may mahinhing boses.
Ngumiti ang manager.
“Ah, ikaw pala ‘yong nirekomenda ni Claudia. Mabait ‘yan, kaya sigurado akong okay ka rin. Welcome to La Mariposa Grill, Eva.”
“Maraming salamat po, ma’am. Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko. At sisipagan ko po sa trabaho,” magalang niyang sagot.
“Good. Start ka agad bukas ng umaga. Bibigyan kita ng uniform. Si Claudia muna magtuturo sa iyo ng mga basic.”
“Salamat po.”
Habang naglalakad palabas ng restaurant, hindi maiwasang humanga ni Eva. Maganda ang lugar. Malawak ang dining area, nakaharap sa dagat at tuwing dumarampi ang hangin, sumasayaw ang mga kurtinang puti. Para siyang nasa ibang mundo. Tahimik pero buhay na buhay.
“Girl, kita mo ‘yan?” sabi ni Claudia habang naglalakad sila pauwi.
“Sikat ‘tong restaurant na ‘to. Dito kumakain ang mga turista, pati mga lokal. Minsan nga, may mga anak mayaman pa. Lalo na ‘yong mga taga kabilang isla. Isa roon ‘yong El Faro Bar, maganda rin ‘yon.”
Napahinto si Eva.
“El Faro Bar? Parang narinig ko na ‘yan dati…”
“Baka may kakilala ka doon,” sagot ni Claudia sabay tawa.
“Ang dami kasing tao sa El Faro. Mga guwapo pa. Pero ingat ka, girl. Maraming babaeng nababaliw sa mga bartender doon.”
Ngumiti si Eva, pero sa loob-loob niya ay parang may gumuhit na kakaibang kaba. Hindi niya alam kung bakit. Pero may kung anong parte ng puso niyang kumabog.
Pag-uwi nila ni Maya, sinimulan nilang ayusin ang kanilang gamit. Ang anak niya ay tuwang-tuwang naglilibot sa paligid.
“Mommy! Ang ganda ng bahay natin! Ang bango pa!” tuwang-tuwang sigaw ni Maya habang tumatakbo sa loob.
“Oo nga, anak. Parang panaginip ‘to, ‘no?”
Ngumiti si Eva habang pinagmamasdan ang anak niyang masayang naglalaro.
Habang pinupunasan niya ang lamesa, napahinto siya sandali at tumingin sa bintana. Sa labas, unti-unti nang lumulubog ang araw at ang langit ay namumula. Ang mga alon ay marahang humahampas sa pampang. Tahimik. Mapayapa.
“Salamat, Lord,” bulong niya. “Binigyan Mo ulit ako ng pagkakataon.”
Pagsapit ng gabi, natulog na si Maya habang yakap ang manika nito. Si Eva naman ay lumabas sandali para magpahangin. Umupo siya sa maliit na upuang kahoy sa labas ng bahay nila at minasdan ang malawak na dagat sa dilim. Ang buwan ay bilog at ang alon ay marahang kumikislap sa ilalim ng liwanag nito.
Tahimik ang paligid, maliban sa tunog ng kuliglig at hampas ng tubig sa buhangin. Habang nakatingin siya sa malayo, bigla niyang napansin ang isang pigura sa may dulo ng dalampasigan.
Isang lalaki, matangkad at nakatayo sa tabi ng bangka na parang may inaayos.
Kununot ang noo ni Eva. Hindi niya makita nang malinaw, pero pamilyar ang tindig. Pamilyar ang paraan ng pagkakahawak sa ulo habang nakatingin sa dagat.
Bigla siyang napaawang ang labi.
“Lennox…” mahina niyang sambit at halos pabulong.
Na para bang kusa lang lumabas sa bibig niya ang pangalan. Agad siyang natahimik, nagtataka kung bakit niya nasabi ‘yon.
“Bakit ko nasabi ‘yon? Pakialam ko ba sa bwakanang na iyon?” bulong niya sa sarili pero nanatili pa rin siyang nakatitig sa pigura sa di kalayuan.
Hindi niya alam pero ang pintig ng puso niya ay biglang bumilis.