4

1403 Words
EVA "Hoy! Eva, ano na?! Anong petsa na? Wala ka na bang balak magbayad ng upa mo? Lumayas na lang kayo dito nang mapakinabangan ko naman itong unit ko!" sigaw ni manang Pukingkay sa kanya isang umaga. Halos mabingi si Eva sa lakas ng boses nito. Ang buong compound ay biglang natahimik at mayamaya’y may mga nagsusulputang ulo sa mga bintana ng bawat unit. May ilan pa ngang mga batang tumigil sa paglalaro at nakatitig sa kanila. “Manang, pasensya na po talaga. Kaso hindi ko pa po nasingil iyong iba kong pinautang. Pero makakabayad po ako... pangako,” halos pabulong na sabi ni Eva habang pilit pinapakalma ang sarili. “Pangako? Puro ka na lang pangako, Eva! Hindi ako nabubuhay sa pangako! Hindi ko puwedeng ipambili ng bigas ‘yang pangakong ‘yan! Kung wala ka talagang pambayad, aba, lumayas ka na lang dito at ibigay ko na sa iba ang unit na ito! Nang mapakinabangan ko naman!” sigaw muli ni manang Pukingkay sabay kamot sa bewang. Wala nang nagawa si Eva kun'di tumango. Nadarama niya ang init ng hiya na gumapang mula ulo hanggang dibdib. Sa gilid ng kanto ay may tatlong babaeng nagbubulungan. Sina Elsa, Bebang at Tisay. Mga parehong nakapambahay lang at halatang nanonood ng nagaganap. “Hay naku, ayan na naman si manang Pukingkay at si Eva,” sabi ni Elsa sabay irap. “Eh kung katulad niya ako, eh ‘di sana hindi siya pinapagalitan! Isang gabi lang, bayad na agad ang renta!” sabat ni Bebang sabay kindat kay Tisay. “Sayang ganda pa naman ni Eva. Ayaw kasing gamitin ang ganda niya. Mabuti na lang tayo ginamit natin kaya paldo palagi," nakangising dagdag pa ng Tisay. Pinilit ni Eva na huwag tumingin. Ayaw niyang patulan. Hindi dahil mahina siya kun'di dahil ayaw niyang marinig ni Maya ang kahit anong gulo. “Manang, isang linggo lang po, ha? Makakabayad na ako. Pangako po.” Umirap si manang Pukingkay. “Isang linggo! Kapag lumampas ka riyan, kahit si Santa Claus pa ang magmakaawa palalayasin ko talaga kayo! Maliwanag, ha?!” “Maliwanag po, manang,” sagot niya na halos wala ng boses. Pag-alis ng matanda, dahan-dahan siyang pumasok sa loob. Pagsara pa lang ng pinto ay tumulo na agad ang mga luha niya. Bumagsak siya sa gilid ng kama habanc hawak ang noo na tila ba dinudurog ng mundo ang dibdib niya. “Bakit ba ganito?” mahina niyang bulong. “Kailan matatapos ‘tong paghihirap ko?” Tahimik lang si Maya sa gilid na nakatingin sa kanya. “Mommy… wala po ba talaga tayong pera?” inosente pero mabigat ang tanong ng anak niya. Agad niyang pinunasan ang luha at pilit ngumiti. “Mayroon naman, anak. Kakaunti lang. Pero si Mommy, makakahanap ng paraan para dumami ang pera natin. Pangako ‘yan.” Pagkatapos patahanin si Maya, umupo siya ulit at kinuha ang lumang cellphone. Nagbukas siya ng social media account. Isa lang ang pumasok sa isip niya. Si Claudia. Matagal na niyang kaibigan pero bihira na nilang magkausap. "Bahala na," bulong niya. Pinindot niya ang tawag. “Eva! Girl! Diyos ko, ikaw ba ‘to? Akala ko nakalimutan mo na ako!” sigaw agad ni Claudia sa kabilang linya habang nakangiti ng malawak. “Hindi naman. Pasensya na ha, matagal lang akong nawala. May problema lang kasi ako ngayon, Claud,” sagot niya na halos basag ang boses. “Problema? Aba, huwag mong sabihing si landlord na naman ‘yan!” Napangiti si Eva kahit papaano. “Oo, siya nga. Wala pa rin akong pambayad ng renta. Ni gamit ni Maya, wala pa akong nabibili para sa pasukan.” Natahimik sandali si Claudia bago sumagot. “Girl, sakto ‘tong tawag mo. Naghahanap ng waitress dito sa amin. Alam mo ba kung nasaan ako ngayon? Sa Isla Mariposa. Waitress ako dito. At mababait ang mga tao dito! Mabait ang boss namin!" wika ni Claudia. Napahinto si Eva. Nanlaki ang mata niya habang nakatingin sa screen ng cellphone. “Isla… Mariposa?” ulit niya dahil parang pamilyar sa kanya ang lugar pero hindi niya agad matandaan kung bakit. “Oo! Dito ako nagtatrabaho ngayon. May restaurant dito na naghahanap ng staff. Libre ang tirahan at pagkain, girl! Malinis ang lugar at mabait ang boss. Kung gusto mong kumita at makatipid, ito na ‘yon.” Nakatahimik lang si Eva. Sa isip niya, umiikot ang salitang Isla Mariposa. 'Bakit parang… pamilyar?' Parang narinig na niya ito noon. Pero saan nga ba? At kailan? “Claudia, saan banda ‘yang Isla Mariposa?” “Dito sa Palawan, girl! Sa may bandang Santa Claridad. Pero madali lang sumakay ng bangka papunta rito. Promise, para kang nasa langit dito. Ang dagat, bundok, mga foreigner at ang daming trabaho!” Napangiti si Eva. “Santa Claridad…” bulong niya. Hindi niya alam kung bakit pero may kung anong kuryente siyang naramdaman sa dibdib. Parang may isang bahagi ng isip niya ang gustong alalahanin pero ayaw lumabas. “O, bakit natahimik ka?” tanong ni Claudia. “Wala. Parang… pamilyar lang sa akin ‘yong lugar. Pero hindi ko maalala kung bakit,” sagot niya. “Ay, baka nakarating ka na rito dati. Anyway, kung gusto mong mag-apply, ako na bahala magpasok ng pangalan mo. Mabilis lang ang proseso. Online interview muna tapos ‘pag pasado ka. Diretso na sa biyahe.” Ngumiti si Eva kahit na may halong kaba. “Claud, totoo bang libre talaga ang tirahan?” “Oo! Kaya nga perfect ‘to para sa inyo ni Maya. May maliit na dorm para sa mga babaeng may anak. Alam mo naman ako, girl, hindi ako magrerekomenda kung hindi maayos. Ang gusto lang ni boss, masipag at tapat ka.” Napasinghot si Eva habang pilit pinipigil ang pag-iyak. “Claudia, parang… ito na yata ‘yong matagal ko ng hinihintay. Parang sagot na ‘to sa mga dasal ko," naluluhang sabi ni Eva. “’Ito na nga ang sinasabi ko!” tawa ni Claudia. “Magpadala ka lang ng picture mo, resume kahit simpleng sulat lang at ako na bahala. I’ll message you the schedule tomorrow. Okay?” “Oo, Claud. Maraming salamat ha. Hindi ko alam kung paano ko babayaran ‘tong kabaitan mo.” “Bayaran mo ako ng chismis mo kapag nagkita tayo rito. Sige na, girl, ayusin mo sarili mo. I’m proud of you! Kinakaya mo ang lahat kahit mag-isa ka lang!" Pagkatapos ng tawag, matagal lang nakatitig si Eva sa cellphone. Parang unti-unting nabuhayan ang puso niya ng pag-asa. “Isla Mariposa…” mahinang sambit niya. “Ang ganda ng pangalan.” Mayamaya, lumapit si Maya sa kanya habang hawak ang maliit na manika. “Mommy, bakit ka po nakangiti?” “May balita si mommy, anak.” “Ano po ‘yon?” Malawak na ngumiti si Eva. “May trabaho na si mommy. Pupunta tayo sa isang isla. Ang pangalan… Isla Mariposa.” Biglang lumiwanag ang mukha ni Maya. “Isla? Ibig sabihin, may dagat? Pwede akong maligo araw-araw?” Tumawa si Eva at niyakap ang anak. “Oo, anak. Doon maririnig natin gabi-gabi ang alon. Doon tayo magsisimula ulit.” "Yehey!" masayang sabi ng kanyang anak. Sa sandaling iyon, kahit papaano ay nakaramdam si Eva ng ginhawa. Parang may liwanag na unti-unting bumubukas sa dulo ng madilim na lagusan ng buhay niya. Kinagabihan, habang mahimbing na natutulog si Maya ay naupo si Eva sa maliit na mesa at nagsimulang maglista. Mga dapat bayaran. Mga dapat ibenta. Mga dadalhin kung sakaling matanggap sa trabaho. Habang naglilista, bigla siyang napahinto. May kakaibang paghaplos ng hangin na dumaan sa kanyang balat. Sa loob ng isip niya, parang may imahe ng dagat ang nakikita niya. At sa gitna noon, may isang ngiti ng isang lalaking matagal na niyang hindi naiisip. Hindi niya alam kung bakit bigla niyang naalala ang pangalang iyon. Lennox. Kumunot ang noo niya. “Bakit ko biglang naisip si Lennox?” bulong niya sa sarili. Natawa siya ng marahan. “Ang weird ko rin. Matagal ko ng kinalimutan ang lalaking ‘yon. Bakit ngayon ko pa siya naisip?” Itinabi niya ang notebook at tumingin sa bintana. Sa labas, tahimik ang gabi. May mga kuliglig at sa malayo. Parang may alon na humahampas. Hindi niya alam, pero ang islang binabalak niyang puntahan.... Ang Isla Mariposa... Ang lugar kung saan naroon pa rin ang lalaking minsan niyang minahal ng buong puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD