Part 6 - Where To?

2724 Words
  “FOR EVERY graduation, there is a reunion to happen. Hindi natin alam kung kailan iyon. Maybe ten or fifteen years from now. Sana, by then, kapag nagkita-kita uli tayo, contentment at happiness ang makikita sa mukha natin ano pa man ang naging kapalaran natin.”       Hinding-hindi makakalimutan ni Fatima Mae kung sino ang nagsabi ng mga salitang iyon. Si Alejo. At nakakasiguro na rin siya ngayon na si Alejo ang katabi niya sa eroplano. Halos hindi siya makapaniwala. Ang mismong lalaking nagbitaw ng mga salitang iyon pa yata ang mismong lulunok ng mga iyon.       Hindi niya alam kung ano ang damdaming mabilis na lumukob sa kanya nang mga sandaling iyon. Awa, pagkagulat, at pagtataka. Parang magkakahalo na iyon sa kanyang emosyon.       Hindi siya makapaniwala at hindi rin niya gusto ang nakikita. Ang lalaking kaharap niya ngayon ay malayong-malayo ang hitsura sa espesyal na lalaking idinambana niya sa kanyang puso.       Bukod sa maraming emosyong pumupuno ngayon sa kanyang dibdib ay nakadama rin siya ng galit. Sino o ano ang dahilan at naging ganoon ang hitsura ni Alejo ngayon? She strongly felt against it. Alejo didn’t deserve this. Bakit parang pulos pait at kirot ang nababasa niya sa mga mata nito? The contentment and happiness he said years ago could not be seen in his own face.       “Ting! Ikaw nga!” Napuno ng tuwa ang boses ni Alejo. Namalayan na lang niyang yakap na siya ng lalaki.       Natigilan si Fatima Mae. Hindi maitatanggi ang init ng yakap ni Alejo. Dama niya roon ang kasabikan para sa hindi sinasadyang pagkikita. Kahit gusto rin sana niyang lasapin ang yakap, mas naka-focus siya sa malaking katanungan sa isip dahil sa nakakaawang hitsura ni Alejo.       “You’re beautiful!” puri ni Alejo at hinaplos pa ang kanyang mukha.       Nakuhang ngumiti ni Fatima Mae. “Sobra ka naman,” nahihiyang sabi niya.       “No, I’m telling the truth.” Maluwang ang ngiti nito kaya parang nabawasan ang kirot na nakikita niya sa mga mata ng lalaki. “Parang mas mukha ka pang matured noong high school tayo. What happened to your eyeglasses?”       Napangiti si Fatima Mae. “Nasa bag ko. My eyes had been corrected. Hindi na kasintaas ng grado gaya noong dati. I’m wearing contact lenses right now, pero nagsasalamin pa rin ako `pag ipinapahinga ko ang mga mata ko sa contact lens.”       “Good for you. Malaki ang nagawa ng hindi mo pagsusuot ng eyeglasses.”       Nagkibit-balikat siya. “Para namang gusto mong sabihin sa aking ang pangit-pangit ko noon.”       “Of course not. Kahit naman kanino mo itanong, talagang nakakatanda ang pagsusuot ng salamin. And look at your eyes now, light brown pa ang contact lens mo. Bagay sa iyo.”       Umingos si Fatima Mae. “Tumigil ka na nga, Alejo. After all these time na hindi tayo nagkita, pambobola pa ang sasabihin mo sa akin.”       “You’re rich. Ano ang ginagawa mo rito sa economy class ng eroplano?” tanong ni Alejo na hindi niya alam kung nagtataka lang talaga o nanunukso. Kahit hindi nawawala ang sigla sa boses nito ay mas malakas ang kutob niyang may nakapailalim na kalungkutan doon.       “Let’s say cost-cutting sa kompanya. This is an official business trip. Wala namang problema sa akin.”       “Kumusta ka na, Ting?” tanong uli ni Alejo.       “I’m fine. Ikaw, kumusta na?”       “I’m...” Saglit itong tumahimik. “I’m not fine.”       Kumunot ang noo ni Fatima Mae. Na-realize na tama ang kanyang kutob. Ilang sandali siyang nag-isip kung dapat pa bang itanong ang tungkol doon o mag-iba na lang ng paksa.       “Kamamatay lang ng asawa ko,” prangka pero malungkot na sabi ni Alejo.       “I’m sorry.”       Nagulat si Fatima Mae. Una, ni hindi sumagi sa kanyang isip na posibleng nag-asawa na si Alejo. Pangalawa, lalong imposibleng isiping nabiyudo agad ito. Pero sa hitsura at tono ng lalaki, walang dudang totoo ang sinasabi nito.       “Huwag na lang nating pag-usapan. Baka maiyak na naman ako,” nagbibiro pero kapos sa siglang sabi ni Alejo pagkatapos.       Napatango si Fatima Mae. Sandali silang parehong natahimik, parang nangangapa kung anong usapan ang bubuksan.       “What am I supposed to say?”       Sabay silang nagsalita at sabay ring natahimik, saka nagkatinginan, pagkatapos ay parehong napangiti. Nagmuwestra si Alejo na mauna siyang magsalita.       “Ano nga ba ang dapat kong sabihin?” sabi niya at saglit na nag-isip. “All right, I must admit na iniisip pa lang kita kanina.”       “Really?”       “Oo. Akala ko, nag-i-imagine lang ako na may tumatawag sa akin ng ‘Ting.’ `Tapos, naalala ko `yong high school, saka `yong sinabi mo sa akin noong graduation blowout. You were talking about contentment and happiness. And reunion.”       Kumunot ang noo ni Alejo, parang iniisip kung may sinabi nga itong ganoon. “I remember that. Sana lang pala, hindi ko na iyon sinabi. O kaya, sana hindi muna tayo nagkita.”       “Bakit?” nakakunot-noong tanong ni Fatima Mae.       “Look at me. Mukha ba akong kontento at masaya ngayon?”       Mula nang maging alerto ang buong sistema ni Fatima Mae na si Alejo Sampana ang katabi niya ay alam na alam na niya iyon. Pero pinagmasdan pa rin niya ang lalaki. “Ang laki ng ipinagbago mo, Alejo. Mukhang pasan mo ang mundo.”       Nagkibit-balikat si Alejo. “Hindi ganoon kadaling mawalan ng asawa,” anitong nasa tinig ang sakit.       “Puwede ko bang itanong uli kung ano ang nangyari?”       Bahagya lang itong tumango. “She had cancer. Mabilis na sumira iyon sa katawan niya kaya bago pa ako naging handa emotionally, nawala na siya. Mahigit isang buwan pa lang siyang nang mamatay.”       Nakagat niya ang ibabang labi. “Pero makaka-recover ka rin, I’m sure.”       Mapaklang ngumiti ang lalaki. “Hindi ko alam kung kailan iyon mangyayari. I want to move on, pero siguro, magluluksa muna ako nang sandali. Masakit pa rin, eh.”       Kulang na lang ay mapangiwi si Fatima Mae. Simpleng-simple ang mga salitang binitiwan ni Alejo pero dama niya ang lahat ng kirot doon. Hindi niya masiguro kung dahil iyon sa pakikiramay sa nararamdaman nito o dahil nagseselos siya sa isang taong patay na pero patuloy pa ring minamahal.       Napakislot siya. Siya, magseselos? Pero bakit? Crush lang niya si Alejo. Bakit naman bigla na lang siyang magiging ganoon kaapektado sa damdamin nito?       “Saan ka ba naka-base ngayon?”       Ipinagpasalamat ni Fatima Mae nang lihim ang tanong na iyon. Kahit paano, makakapagbukas iyon ng ibang usapan sa pagitan nila. “Sa Manila. May misyon lang ako sa LA kaya ako nagbiyahe. How about you?”       “Pinauuwi ako ni Mama. May problema sa business niya. Kung hindi nga lang doon, hindi ako uuwi. Akala ko, sa Amerika na ako mamamalagi. Actually, iyon ang nasa isip ko. Sa Amerika ipinanganak at lumaki si Connie, my wife. Nagkasundo kami na sa States mag-settle. Noong mawala siya, ayaw ko pa ring umalis. Iyon nga lang, hindi ko rin matiis si Mama. Kailangan niya ako ngayon.”       Akala ni Fatima Mae ay ibang paksa na ang kanilang pag-uusapan. Mahihimigan pa rin sa tinig ni Alejo ang pangungulila sa namayapang asawa.       And she felt another pain in her heart.       “You said about a mission. Huwag mong sabihing naging secret agent ka ng NBI?” tanong ni Alejo sa halatang pinasiglang boses. “Hindi ba, ang pangako mo sa amin noong nag-speech ka, magiging kabungguang-siko mo ang mga fashion model?”       Napangiti si Fatima Mae. “Natatandaan mo pa pala iyon. Pero para namang hindi mo ako kilala. Ano pa nga ba ang magiging future ko kundi ang sundan ang mga yapak ng papa ko? I’m one of his insurance investigators. Kung nakakalimutan mo na, ang kompanya ni Papa ay umiikot sa kung ano-anong klase ng insurances. Sa motor insurance niya ako ini-assign.”       “You, insurance investigator? Sounds interesting,” komento ni Alejo.       “You mean boring. Pero wala akong magagawa. Hindi ibibigay sa akin ni Papa ang chairmanship sa kompanya unless dadaanan ko ang lahat ng stages na sa paniniwala niya ay dapat kong daanan. Dapat daw ay maintindihan ko ang bawat galaw ng tao sa iba’t ibang department para kapag nasa itaas na ako, naiintindihan ko ang bawat galaw ng mga taong nasasakupan ko.       “Maniniwala ka bang dumaan din ako sa pagiging ahente at underwriter? Huwag ka, noon ko lang naintindihan kung bakit hindi ako isinasama ni Papa sa mga business function niya before. Noong unang pasok ko sa kompanya, iilan lang ang may alam na anak ako ng may-ari. Nagsimula ako na katulad din ng karaniwang empleyado. Of course, the HR manager knew who I really am. Pero dahil sa mahigpit na utos ni Papa, walang nag-leak ng impormasyon na anak ako ng may-ari ng kompanya.”       “Ganoon?” Parang hindi makapaniwala si Alejo.       “Yes. At noong mapunta ako sa department na may pinakaistrikto at pinakaimposibleng superior, gusto ko nang sumuko. Gusto ko na lang mag-apply sa ibang kompanya.”       “Really?”       “Yes. I didn’t receive any special treatment. Pakiramdam ko nga, ipinasok ako sa military training. Kung saan pinakamahirap na grupo, doon ako ipinapa-assign ni Papa. At mayroon talagang mga empleyado na kung umasta ay daig pa ang amo. Lahat ng hirap sa pakikisama, naranasan ko. Muntik na nga akong sumuko kung hindi ko lang palaging iniisip na ito ang training ground ko bago ako isasabak ni Papa sa mas mataas na puwesto.       “It was incredible, but for the first two years, ang mga katrabaho ko sa araw-araw ay walang ideya na anak ako ni Mariano Tiongco. Maliban na lang siyempre sa nasa top management na wala namang direct link sa kagaya kong rank and file pa noon. My father revealed my true identity to everybody after my fourth promotion.”       “Ibang klase ang papa mo.”       “Yes. Pero alam mo bang hanga rin ako sa ginawa niya even at my expense? I came to discover some anomalies. Saka natutuhan ko rin ang mga style ng mga ahente. Pati nga `yong mga sabwatan ng insurance investigators sa mga insurer kapag may claims. Alam mo na, may mga kaso na sinasadya lang para makakuha ng claims.       “Nang sabihin ko iyon kay Papa, tinawanan lang niya ako. Confident daw kasi siya na mas magiging epektibo sa akin ang learning from experience kaysa theories and lectures. Iyon nga lang, talagang matigas siya na hindi muna ibigay sa akin ang top position. Hindi pa raw panahon.”       “Kailan kaya ang tamang panahon?” tanong ni Alejo.       “I don’t know. Pero sa tingin ko matagal pa. Kapag binabanggit ko sa kanya ang tungkol doon ay iniiba agad niya ang usapan. Siguro ay hindi pa siya handang bitiwan ang pamamahala sa kompanya. Kung tutuusin, hindi pa naman panahon para mag-retire si Papa. He’s still strong and kicking. Pero minsan ay naiisip ko rin na baka mamaya, tanggihan ko ang chairmanship kung ipapasa na niya iyon sa akin ngayon.”       “Kaya masaya ka na sa pagiging insurance investigator?”       Maluwang na maluwang ang naging ngiti ni Fatima Mae. “Oo naman.” “PUNYETA, Fatima Mae! Dalawang linggo ka sa Amerika. Dalawang linggong dolyares ang ginasta mo, ganyan lang ang iuuwi mo sa aking balita?” bulyaw ng kanyang ama.       “Pero, Papa, nandiyan ang kompletong file. Pati ang death certificate at DNA result. Patay na nga si Adolfo Capinpin.”       “Kahit na nasa impiyerno pa ang Capinpin na iyan, ang dapat na pinagtuunan mo ng pansin ay kung saan niya dinala ang pera!”       Napapikit si Fatima Mae. Inaasahan na niya ang ganoong eksena. Pero kahit napaghandaan na niya ay napapakislot pa rin siya sa malulutong na mura at bulyaw na binibitiwan ng ama.       “I looked at all the angles, Papa,” mahinahong paliwanag niya. “Habang hinihintay ko ang resulta ng DNA test sa specimen ng Adolfo Capinpin na ipina-exhume namin, kumontak din ako ng ibang tao para baka sakali ay hindi ang Adolfo Capinpin na hinahanap natin ang namatay na. Ipina-background check ko rin ang mga kamag-anak ng Adolfo Capinpin na namatay. They were all clear. Mga blue-collar jobs ang trabaho nila sa Amerika. Ang isang pamangkin niya na nurse ay hindi rin naman mayaman, kung saan-saan may utang.”       “Ang mga bank accounts?”       “Negative. Ang totoo, sa ibang bangko nga ay blacklisted ang iba sa kanila dahil hindi makabayad ng mga loans. Papa, malamang na nilustay lang ni Adolfo ang pera na na-claim niya sa kompanya natin. I did my best. Pati FBI ay hiningan ko ng tulong. Ang theory nila, no’ng gabing bago pinatay si Adolfo sa flat niya ay ilang araw siyang nagbabad sa casino. Mas madalas na natatalo siya pero parang hindi raw nawawalan ng puhunan. And he gambled big-time.       “No’ng umuwi siya ay malamang na natiktikan ng mga magnanakaw. There was forced entry in his flat. Malinaw na pagnanakaw ang motibo. At malamang, nakuha ng kung sinumang magnanakaw ang kung magkano man ang natitirang pera na tinangay ni Adolfo mula sa kompanya.”       “Bullshit!” Binayo ng kanyang ama ang chrome desk. “He embezzled four million from my company. Bukod pa roon ang reklamo ng mga kliyente na siya ang utak ng kung ano-anong claims nitong nagdaang taon. Kalahati ng claim ay sa kanya dahil malinis ang trabaho nila. Hahayaan na lang ba nating mawalang parang bula ang perang iyon, Fatima Mae? I’m talking about millions here. Not less than ten million.”       Alam na iyon ni Fatima Mae. Bago siya tumulak papunta sa Amerika ay naiintindihan na niya ang sitwasyon. Ang totoo, noon lang din niya naunawaan kung gaano kalaki ang kayamanan ng kanyang ama. Nanakawan ito ng kung ilang milyon pero maayos pa rin ang takbo ng kompanya.       Auditor ng kompanya si Adolfo Capinpin. Sideline ni Adolfo ang pag-aahente ng insurance. He had a lavish lifestyle. Walang nagtataka noong una dahil magaling naman itong ahente. Malaki ang komisyon, sapat para matustusan ang magarbong pamumuhay at pagsusugal.       Pero nagkakutob ang papa niya nang minsang makita kung paano maglaro sa casino si Adolfo: napakalaki ng perang itinataya. Mas malaki pa kaysa sa perang kayang itaya ng kanyang papa gayong ang kanyang ama ang di-hamak na mas maraming pera.       Nakatunog si Adolfo. Pinaplano pa lang ang gagawing background check dito ay bigla na lang itong hindi pumasok sa opisina. Noon nalaman ng kanyang papa ang maraming anomalyang kinasasangkutan ni Adolfo. Katakot-takot ang mga ghost claims ng mga insurance na si Adolfo ang ahente at kasabwat din nito ang mga insurance investigator para maging mabilis ang claims. Pinaghati-hatian ng mga magkakasabwat ang pera. Ang mga kasabwat ni Adolfo ang naipakulong na ng kanyang ama.       Isang impormasyon ang nakalap nila na nasa Amerika na si Adolfo. Mabilis na kumontak ng tao ang kanyang papa. Nakipag-coordinate din ang mga abogado nito sa government agencies para mahuli si Adolfo. Pero nabalitaan na lang nilang pinatay ito sa Amerika.       Hindi naniwala ang kanyang papa, nagduda na baka scripted lang ang impormasyong iyon para itigil na nila ang paghabol sa perang tinangay ni Adolfo. Dalawang tao ang inutusan ng kanyang ama na pumunta sa America para masigurado kung totoo ang balita. Nang malaman niya iyon ay siya na ang nagprisintang magpunta sa Amerika. Ang katwiran niya ay hindi lang ang kompanya ang mismong nawalan. Higit sa lahat ay siya mismo, bilang kaisa-isang tagapagmana.       Ginawa ni Fatima Mae ang lahat, pero hindi na niya natunton kung saan napunta ang pera. Saan nga ba niya hahabulin ang perang iyon kung ang resulta ng imbestigasyon ay nagtuturo na dalawa lang ang posibleng kinapuntahan: naipatalo sa sugal o nanakaw.       “Get out, Fatima Mae,” mahina pero mariing utos ng kanyang ama.       “Papa...”       “I said, get out. Get out of my sight!”       Para siyang nabingi sa narinig. Maliban sa mabilis na pagsulyap sa ama ay wala na siyang nagawa kundi lumabas ng library. Hindi na niya matandaan kung paano niya narating ang sariling silid.       Sa kaibuturan ng kanyang puso, parang muling nanariwa ang matagal nang sugat na kailan pa lang sana naghihilom.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD