"Why did you cut your hair?" matamang tanong ni Brent noong humiwalay siya sa pagkakayakap sa akin. Maigi niyang tinitingnan ang buhok kong hanggang leeg na lang ang haba, bob cut kung tawagin. Pinagupit ko ito noon kay Nanay Risa, mga isang linggo pa lang ako sa kanila. Naalala ko pang iniyakan ko ito dati dahil nanghihinayang ako. Nagkibit-balikat ako. "Sabi-sabi kasi ng iba, kapag nagpagupit ka ng buhok after a break up, madali ka lang makakalimot. Simbolo raw ito na kaya mo nang mag-let go at magsimula ng panibago." Tumitig sa akin si Brent. "Break up?" Dahan-dahan akong tumango, hindi rin sigurado sa sarili. "Nag-break ba tayo?" tanong niya ulit, sa pagkakataong iyon ay seryoso na siya, parang galit at kunot ang noo. "Inisip ko lang na ganoon na nga. Kasi nagkahiwalay tayo..."

