Mila’s pov
Mabilis lang na lumipas ang isang linggo namin sa bahay, ngayon ay huling araw na namin at nagkaayaang sumama sa pamamalengke nila mama. Noong una ay nakasunod lang kami sa mga ito, pero maya maya ay inutusan kami ni mama na bilhin na ang ibang nasa listahan para mabilis na kaming matapos. Marunong naman ako sa kalakaran ng palengke.
Sa tindahan ng mga karne at isda ang una naming pinuntahan, nakasunod lamang sa akin si Atlas habang tila batang panay ang linga sa paligid. Panay rin ang takip nito sa ilong dahil sa pinaghalong amoy ng dugo mula sa fresh na karne at malansang isda.
“Okay ka lang?” Tanong ko nang mapansing parang hindi na ito kumportable. Ito ang unang beses nito sa palengke at masyado akong naging atribida na sa tindahan pa ng mga isda’t karne ang pinili kong puntahan namin.
“Yes, let's buy everything on that list and leave right away.” Dahil nakatakip ang ilong nito ay mabilis ito kung magsalita.
“Sorry, gusto ko lang sanang makita mo ang iba’t ibang section ng palengke. Ito ang kinalakihan ko, pero mukhang napasobra ako.”
“It’s fine. I don't mind, ginusto ko namang sumama sa ’yo.”
Hindi na ako sumagot pa at hinanap na lamang ang mga nasa listahan na bibilhin namin doon.
“Magkano po ang kilo ng bangus?” Tanong ko sa tindera ng bangus.
“350 isang kilo,” agad na sagot naman nito.
Ang mahal naman.
“Wala ng tawad? 250 nalang,” wika ko.
“Aba ineng, ang laki naman ng tawad mo, hindi naman kalakihan ang tubo namin d‘yan. 320,” pagrereklamo ng tindera.
“280,” pakikipagtawaran ko pa.
“300. Last price,” saad ng tindera. Nag-isip ako kung kukunin o hihirit pa ng isang tawad, kung hindi papayag ay sa iba nalang kami bibili.
“Hey, stop bargaining and buy those bangus, ako na ang magbabayad.”
Natigilan ako nang maalala ang kasama ko, mukhang irritable na ito dahil mas tumatagal kami dahil sa paghingi ko ng tawad sa mga binibili namin.
“Ano ka ba? Hindi ka mabubuhay dito sa probinsya kung hindi ka marunong tumawad,” bulong ko.
Hindi ito sumagot. Mukhang nainis na talaga, wala akong nagawa kundi pumayag nalang sa presyo na huling sinabi ng tindera. Nagpatuloy pa kami sa pagbili ng iba pang nasa listahan. Nang matapos ay mga gulay at prutas naman ang isusunod namin, kaso habang papunta kami doon ay hinihingal akong habulin si Atlas. Ang lalaki ng hakbang nito na para bang hinahabol ng kabayo.
Nang hindi ko na matagalan ay pinigilan ko ang isang kamay nito. Bumagal naman ito sa paglalakad at tiningnan ako. Nagulat pa ito nang makitang naghahabol ako ng hininga.
“Bagalan mo konti, maaga pa naman at hindi tayo gahol sa oras.”
Tuluyan itong huminto ‘saka ako hinarap, nagtataka namang tumigil din ako sa paglalakad.
“Fine. But will you stop your bargaining tactic?” Mayroon pa ring mababakas na inis sa boses nito.
“What do you mean? Parte ‘yon ng kalakaran dito sa palengke kapag namimili ka.”
“I know, but it's pitiful. Gaya ng sabi ng ale kanina, hindi kalakihan ang tubo nila pero binabarat mo.”
“Naniwala ka naman do’n. Tripe ang patong ng mga ‘yon sa paninda nila, huwag kang palilinlang.”
“How sure are you? How did you know? Nasubukan mo na bang bumili sa mismong supplier nila para masabi ‘yan?”
“Hindi pa, pero iyon ang sabi-sabi sa ami—”
“Just hearsays then? Let's put a situation into it, last time we talked about farmers and their income. Hindi ba dumadaing ka na unfair yung exchange ng buyer at seller sa palay, lalo kapag pangit ang ani ay binabarat pa ng buyer ang mga ito. Anong kaibahan mo sa buyer na nira-rant mo last time sa akin?”
Natahimik ako. Hindi dahil sa guilty o mali ang nakasanayan ko, pero may point nga rin naman ito. Hindi porket iyon ang sabi-sabi sa amin ay yun na ang totoo at dapat naming paniwalaan, contradictory din sa turo ng mga magulang ko na huwag bastang maniniwala sa mga hearsays lang.
“Fine. You won, shall we? Hindi na ako tatawad sa kahit anong bibilhin natin.”
Tumango ito. Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang marating ang tindahan ng gulayan, gusto kong magsisi na nangako akong hindi na tatawad. Totoong may barat na buyer pero mayroon ding mga sakim na seller. Tinataga kami sa presyo ng mga gulay, samantalang alam ko ang presyuhan ng mga gulay dahil may times na nagtitinda rin kami. Dahil hindi ako makapag-reklamo ay binili ko nalang ang mga nakalista kahit na sobrang taas ng presyo.
Hindi tuloy ako masaya nang matapos kami. Para akong na-scam at nagpa-scam naman ako willingly, I should've made my point clear instead na pumayag agad sa gusto ni Atlas. Pwede naman sigurong madaan sa kasunduan yon, but it's too late, nakabili na ako sa makasariling presyo.
“Are you okay?” Tanong ni Atlas sa akin, napansin yata ang pananahimik ko.
Nilingon ko si Atlas, pawis na pawis ito kanina pero ngayon ay humupa na. Nasa loob na kasi kami ng sasakyan at pauwi na. Sina mama at papa ay sa kabilang tricycle dahil hindi kami kasya sa isa, medyo marami rami kasi ang pinamili namin.
“Yes, why?” Balik-tanong ko.
“Sobrang tahimik mo simula nang mamili tayo ng gulay, parang hindi ka masaya.”
Totoo namang hindi ako natuwa sa pamimili namin.
“To be honest ay hindi talaga ako masaya, tinaga tayo sa presyo ng mga nagtitinda ng gulay. Kabisado ko ang presyuhan ng gulay kaya alam ko, triple talaga ang patong nila.”
“Bakit hindi ka nagsabi? Dapat ay tumawad ka,” anito.
Tumaas ang isa kong kilay. “Eh 'di ba nangako akong hindi na tatawad dahil nainis ka kanina.”
“Madadaan naman sa usapan 'yon.”
“Kaso hindi kasi nahiya na rin akong bawiin yung nasabi ko na, hayaan nalang natin. May point ka rin naman kanina, siguro depende talaga sa market at konsensya ng tao.”
“I'm sorry, I should've known. Naawa lang kasi ako sa tindera ng isda kanina, she's old and still working. Tapos iyong kakarampot na kita nila ay mababawasan pa dahil sa katatawad mo.”
Wala yata akong konsensya, kasi kaninang tumatawad ako ay g na g lang ako. Gusto ko lang makamura at hindi na naisip ang estado ng nagtitinda.
“It's okay, at least may nalaman at natutunan tayo sa isa't isa. Maybe next time let's be more mindful and communicate all the time.”
Sumang ayon naman ito sa sinabi ko. Ngayon ay pareho na kaming nakaramdam ng pagod, tahimik na lang hanggang makarating sa bahay. Natatawa pa ako nang makita si Atlas na inaamoy ang sarili, para itong bahong baho at ang unang ginawa ay naligo. Mukhang hindi para dito ang buhay sa probinsya, that's why I should be the one to adjust. Ako ang dapat magparaya at mag-adjust sa klase ng lifestyle nito, mas madali iyon para sa akin. Yes, my decision on agreeing with the relocation is right. Pangungumbinsi ko pa sa aking sarili.