/Prologue/
Isang bata ang pangiti-ngiting naglalakad sa maalinsangang kalsada. Nakasuot siya ng puting bestida. Bagay na bagay sa kanya ang suot niyang brown na hat dahil sa maalon niyang buhok. Wala siyang sapin sa paa ngunit walang bahid ng alikabok ang kanyang talampakan.
Dinadaan-daanan lamang siya ng mga tao. Katunayan, hindi nila alam na nabubunggo na pala nila ang bata. Pero okay lang. Wala namang nakakakita sa kanya. Ini-enjoy muna niya ang paggala habang naghahanap ng panibagong customer. Kakatapos lamang niyang ihatid ang isang taong nagngangalang Sigmund sa Bookstore Deities, ang kanilang tahanan at opisina sa pag-uutos ng kanyang ate na si Ppela kahapon.
At ngayon, naparito siya katulad ng dating gawi. Habang siya'y nagliligalig, hindi niya maiwasan ang makinig sa usapan ng mga tao. Nakakatuwa kasi sila minsan. Minsan parang tanga, pero kadalasan nakakainis. Katulad na lamang nitong mga nasa harap niya. Feel na feel ng isang babae ang pagkanta habang sinasabayan niya ang tugtog na nagmumula sa kanyang cellphone.
Aishiteru Banzai
Kokode Yokatta
Watashi tachi no ima ga koko ni aru~
Kumunot ang noo ng isang lalaking nakasalubong niya. "Patayin mo nga iyan! J-pop na naman! Mga weird," reklamo nito.
"Wala kang pake! Eh sa ito ang gusto ko, eh! Pinapakialaman ba kita dyan sa American pop mo? Mga illuminati nga ang iba sa kanila, eh. Don't me! " sigaw pabalik ng babae.
Natawa ang bata nang malakas. "Bakit ba pinag-aawayan iyan ng mga tao? Kahit kelan talaga, napakababaw nila. Akala ko ba, may freedom of expression daw sila? Ang labo talaga."
May kung ano siyang naramdaman sa kanyang puso. Parang may nagwawala. Ganito ang nararamdaman niya, sa tuwing mayroong taong karapat-dapat turuan ng matinding leksyon. Sino kaya ang susunod?
Sinundan niya ang pinagmumulan ng kanyang nararamdaman. Habang siyang papalapit ay mas lalong lumalakas ang kabog sa kanyang dibdib. Dinala siya ng kanyang puso sa pinakasikat at pinakaprestihyosong university sa lugar na ito.
Nagpatuloy siya sa paggala sa loob ng unibersidad. Dito. Nandito sa tapat ng opisina ng student council ang kanyang hinahanap.
Isang babae at lalake ang kanyang naabutan. Ang babae ay nakasuot ng white blouse na inisert sa loob ng kanyang checkered green na palda, at high-heeled black shoes- iyan unipormeng pambabae ng kanilang unibersidad. Salubong ang kanyang manipis na kilay. Samantalang ang lalake naman ay nakasuot ng white polo na pinarisan ng itim na slocks at black shoes. Kalalabas lamang nila mula sa opisina ng student council.
"Bullshit!" gigil na gigil na pagmumura ng babae habang nagpapadyak. Dahil dito, tumunog ang kanyang takong.
"Suzy, kalma lang."
"Paano ako kakalma, Hans! Neon? Neon theme for acquaintance, really? Wow. Just wow," sarkastikong sabi ng babaeng nagngagalang Suzy.
"Tsk. Ano nalang ang sasabihin ng mga students? Magmumukha tayong tanga. Kung hindi lang talaga ako officer, ibo-boycott ko talaga 'tong lecheng acquaintance natin. Ha.Ha. Ang saya. I'm sure that this will be the most baduy acquaintance party ever."
Nanatiling tahimik si Hans. Wala naman siyang sasabihin. Kahit sabihin niyang kumalma si Suzy ay hindi pa rin ito kakalma. Hangga't may ipinaglalaban ito, hindi titigil ang pagputok ng kanyang butsi.
Nagpatuloy si Suzy sa paglabas ng kanyang mga hinaing, habang ang batang si Pymi naman ay chill na chill na nakikinig sa usapan ng dalawa. "Ni hindi man lang siya nanghingi ng suggestions ng iba. Gusto niya, siya lang ang nasusunod! Edi siya na!" sabi pa niya sabay irap.
Bumukas ang pinto ng council office. Iniluwa nito ang isang lalaking five footer lang ang tangkad ngunit kung makatingala habang naglalakad, akala mo kung sinong matangkad at malaking tao.
"Hi , gov. uhm. Final na ba talaga yung neon? Baka naman kasi—" Nagsasalita pa si Hans ngunit kaagad siyang pinutol ng kanilang governor.
"NO. Neon ang gusto ko. Neon is the best and that is final. Bakit, may angal ka?"
"Wa-wala naman. Hindi sa ganun, King."
"Ikaw, Suzy. Anong iniirap irap mo diyan? Wala ka nang magagawa pa. Kaya kung ako sa'yo, sumunod ka nalang."
Napangisi si Pymi. "King Castanares, ikaw na ang susunod," bulong niya.
-*-*-*-