Papunta sila sa bahay ng magulang ni Yvone. Nagtext kasi ang mama niya na nasa bahay na ang papa nito.
Habang nasa biyahe, tahimik lang si Yvone sa passenger seat, nakatingin sa bintana. Halos wala siyang imik. Ramdam ni Lucian ang bigat ng loob nito, pero pinili muna niyang huwag magsalita.
Pagdating nila sa bahay nila Yvone, agad silang sinalubong ni Aling Edlyn. Sa terrace ng bahay, naroon si Tatay Datuin, nakaupo sa wheelchair, habang ang kanyang ulo ay bahagyang tabingi at ang kanang bahagi ng bibig ay tila nakalundo—senyales ng stroke. Ang dating masayahin at malakas na lalaki ay tila isang kaluluwang unti-unting nauupos.
Lumapit si Yvone, may kirot sa dibdib. “Tay…”
Pilit na gumalaw ang kamay ng kanyang ama, parang gusto siyang abutin. Napaluhod si Yvone sa harapan nito at marahang hinaplos ang kamay ng ama. “Nandito na po ako, tay… okay na po kayo…”
“Hindi siya makapagsalita,” mahinang sabi ni Aling Edlyn mula sa likuran. “Pero gusto niya. Ramdam ko. Umiiyak siya ‘pag sinusubukan niya magsalita.”
Napatayo si Lucian at marahang lumapit. “Ako na po ang bahala sa lahat ng kailangan ni Tatay. Magpapadala ako ng therapist, ng nurse. Ipapatingin natin siya sa pinakamagaling na neurologist. Ako na po ang sasagot.”
Napatingin si Aling Edlyn, tila may lungkot at pasasalamat sa kanyang mga mata. “Maraming salamat, iho. Makakatulong nang malaki sa amin ‘yan.”
“Maiwan ko na muna kayo. Maghahanda lang ako ng meryenda,” dagdag ni Aling Edlyn saka pumasok sa loob.
Naiwan sina Yvone at Lucian. Tahimik.
Umupo si Lucian sa gilid ng bench, habang si Yvone ay nanatiling nakaluhod sa tabi ng kanyang ama.
“Hindi ko kayang makita siyang ganito,” bulong ni Yvone, halos pabulong. “Gusto niyang magsalita pero... wala akong magawa.”
“Pero andito ka,” sagot ni Lucian. “Minsan, hindi mo kailangan magsalita para maramdaman kang mahalaga. I’m sure nararamdaman niya ‘yon.”
Tahimik.
Lumingon si Yvone sa kanya. “Lucian… bakit mo ginagawa ‘to?”
Napatingin din si Lucian sa kanya. “Ginagawa ko ‘to dahil asawa kita.”
“Sa papel lang tayo kasal,” mariing sagot ni Yvone.
“Pero hindi ibig sabihin nun wala akong karapatang alagaan ka… o alagaan ang pamilya mo,” malumanay ngunit matatag ang boses ni Lucian.
Hindi sumagot si Yvone. Sa halip, napatingin siya muli sa kanyang ama.
“Tay… lalaban po tayo, ha?” sabi niya habang pinipigil ang luha.
Naramdaman niyang pinisil siya ng kanyang ama—mahina, ngunit sapat para maramdaman niya ang sagot.
Ngumiti si Yvone sa gitna ng luha. Napatingin siya kay Lucian, na tahimik lang na nakamasid sa kanilang dalawa.
“Sabi mo, asawa mo ‘ko…” bulong niya. “Kung ganon… salamat, Lucian. Salamat sa lahat.”
Ngumiti rin si Lucian. “Walang anuman, Yvone. At kahit hindi mo ako piliin ngayon… I’ll still be here. Kahit hindi bilang asawa… bilang taong handang kumampi sa’yo.”
Pagkalabas ni Lucian sa bahay, saglit itong sumagot ng tawag sa kanyang cellphone. Naiwan naman si Yvone sa sala, hawak pa rin ang kamay ng kanyang ama habang tahimik itong nakaupo sa wheelchair.
Maya-maya, lumapit si Aling Edlyn, hawak ang isang baso ng tubig, at naupo sa tabi ni Yvone. May bahagyang pag-aalangan sa boses niya nang magsalita.
“Anak… totoo ba ‘tong narinig ko? Na kasal na kayo ni Lucian?”
Napatingin si Yvone sa kanyang ina, bahagyang namutla. Dahan-dahan siyang tumango.
“Ngayon ko lang din po nalaman, Ma…” mahinang sagot ni Yvone. “Hindi ko po alam na sa araw ng kasal namin, si Lucian pala ang groom. Hindi ko po alam hanggang sa mismong araw na ‘yon.”
“Eh… paano si Apollo?” muling tanong ni Aling Edlyn, halatang litong-lito.
Humugot ng malalim na buntong-hininga si Yvone. “Sabi po ni Atty. Rivas, puwede naman po kaming magpa-annul o mag-divorce kung ayaw namin sa isa’t isa. Walang problema ro’n.”
Tahimik si Aling Edlyn. Tinitigan lang niya ang anak na tila may gustong itanong pa ngunit pinipigilan.
“Pero ikaw, anak... anong gusto mo?” malumanay niyang tanong.
Napayuko si Yvone. Ilang sandali siyang hindi nakapagsalita.
“Hindi ko na po alam, Ma…” aniyang halos bulong. “Minsan naiisip ko si Apollo. Pero hindi na po tulad ng dati ang nararamdaman ko. Wala na pong pagmamahal. Parang awa na lang… awa na pinagsisisihan ko, kasi sa totoo lang, parang niloko ko na rin ang sarili ko. At ikaw, at si Papa.”
Umiling si Yvone, bakas sa mukha ang bigat ng emosyon.
“Hindi ko po kayang magsinungaling, lalo na ngayong alam ko na ang lahat. Pero kahit pa… kahit pa puwede ko siyang talikuran, hindi ko rin alam kung kaya ko. Kasi may parte sa akin na hindi makaalis sa nakaraan.”
Hinawakan ni Aling Edlyn ang kamay ng anak at marahang pinisil iyon.
“Yvone… anak kita. Alam ko kung kailan ka naguguluhan. Pero alam ko rin, matapang ka. At alam ko rin, hindi ka susuko basta-basta. Pero isang bagay lang ang gusto kong sabihin—kung may pipiliin kang landas, siguraduhin mong wala kang pagsisisihan sa huli. Hindi para sa amin, kundi para sa sarili mo.”
Napaluha si Yvone sa mga sinabi ng kanyang ina.
“Salamat po, Ma… Sana po maintindihan ninyo ako kung anuman ang piliin ko.”
Tumango si Aling Edlyn. “Kahit anong mangyari, anak pa rin kita. Haharapin natin ‘to nang magkasama.”
POV ni Yvone
Napayuko ako habang tinitingnan ang kamay kong nanginginig. Hindi ko alam kung pagod ba o dahil sa bigat ng konsensya.
Nagsinungaling ako.
Nagsinungaling ako kay Mama kanina. Sabi ko, hindi ko na alam ang nararamdaman ko. Na parang awa na lang ang nararamdaman ko para kay Apollo. Pero ang totoo? Mahal ko pa rin siya. Mahal na mahal ko pa rin si Apollo.
Kung hindi lang ako natuksong gumawa ng isang bagay na hindi ko maintindihan kung bakit ko ginawa… kung hindi lang ako naging mahina noon—
siguro, nasa piling ko pa rin siya. Walang Lucian. Walang lihim. Walang sakit.
Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Apollo kung sakaling bumalik siya. Pero isa lang ang malinaw sa akin ngayon:
Kailangan ko siyang kausapin. Kailangan ko siyang humingi ng tawad.
Hindi ko kayang itago ang totoo habang ako’y nakatira sa mansyong ito kasama si Lucian. Hindi ako makatulog ng maayos. Hindi ako makakain ng buo. Hindi ako makatawa ng totoo.
Parang lahat ng ginagawa ko, may tinatago akong sugat sa loob. At habang tumatagal, lalong sumasakit.
Kung talagang wala nang saysay ang kasal namin ni Lucian,
kayang-kaya ko siyang i-divorce.
Hindi ko kailangan ng papeles para ipilit sa sarili ko ang isang relasyon na hindi ko naman ginusto sa simula.
Hindi ko alam kung may halaga pa ko kay Apollo... pero gusto kong linisin ang pangalan ko sa kan'yang harapan. Hindi ko siya kayang habulin. Pero gusto ko lang siyang matahimik. Gusto kong malaman niya ang totoo. Na ako 'yong nagkulang,
hindi siya.
At kung sakaling hindi na niya ako kayang tingnan,
tatanggapin ko. Dahil iyon ang kabayaran sa pagkakamali ko.
Pagpasok ni Lucian sa loob ng bahay, agad na napansin niya si Yvone na nakaupo sa may sala. Tahimik ito, tila may bumabagabag sa isipan. Namumugto ang mga mata, at may bakas ng luha sa pisngi nito. Dahan-dahan siyang lumapit.
“Yvone…” mahinang tawag ni Lucian habang umupo sa tabi nito. “What happened?”
Umiling lang si Yvone. “Wala,” sagot niya. Pero kahit pilitin niyang itago, halata sa boses niya ang bigat ng damdamin.
“Wala? Yvone, umiiyak ka. Don’t lie to me,” mariing wika ni Lucian. “Tell me what’s wrong.”
Hindi na nakapagsalita si Yvone. Sa halip ay tumayo siya at mabilis na lumabas ng bahay. Tumayo rin si Lucian at agad siyang sinundan. Sa harapan ng bahay, sa ilalim ng kalmadong langit at malamig na simoy ng hangin, huminto si Yvone.
“Now tell me, ano ang bumabagabag sa’yo?” tanong ni Lucian. Diretso ang titig niya sa mukha ni Yvone, habang ang tinig niya ay banayad pero seryoso.
Humugot ng malalim na hininga si Yvone bago nagsalita. “It’s about our wedding.”
Napatingin si Lucian. “Okay… go on.”
“I’ve been thinking about it,” patuloy ni Yvone, mahina ang boses. “About everything. Yung nangyari… yung biglang kasal… si Apollo… and you.”
“Yvone,” sabat ni Lucian, kalmado ang boses. “I’m not forcing you. Kahit kasal tayo, mananatili yung sinabi ko sa simula. I won’t touch you unless you want me to. I’ll respect your boundaries.”
Napakagat sa labi si Yvone habang pinipigilang umiyak muli. “Lucian…”
“At kung gusto mong makipag-divorce,” dagdag pa ni Lucian, “I won’t stop you. Isipin mong mabuti ‘yon. Kung si Apollo pa rin talaga ang pipiliin mo… then I’ll let you go.”
Napatingin si Yvone sa mga mata ni Lucian—at doon niya nakita ang lungkot na pilit itinatago ng lalaki. Kahit hindi ito umiiyak, ramdam niya ang bigat sa likod ng bawat salita nito.
Parang may tumarak na kutsilyo sa dibdib ni Yvone. Masakit. Pero hindi niya maintindihan kung bakit.
Bakit parang masakit marinig na willing siyang pakawalan ni Lucian?
“Bakit… bakit parang ang sakit?” mahinang sambit niya, halos bulong.
Nagulat si Lucian. “What do you mean?”
Hindi na sumagot si Yvone. Lumapit siya kay Lucian, bahagyang inilingkis ang braso sa sarili—parang niyayakap ang sarili laban sa lamig, o baka laban sa gulo ng damdamin sa dibdib niya.
“Lucian,” wika niya, mahina pero klaro, “What if I don’t know what I want anymore?”
Tumahimik si Lucian.
Dahan-dahan siyang lumapit sa kanya. “Then I’ll wait… hanggang malaman mo kung ano talaga ang laman ng puso mo.”
Tahimik silang tumayo sa harapan ng bahay—dalawang taong parehong sugatan, parehong may gustong sabihin, pero parehong pinipili ang katahimikan… para hindi masaktan ang isa’t isa.
Sa loob ng bahay, habang tahimik na nagkakape ang tatlo sa may sala, ramdam ni Aling Edlyn ang tila malamig na hangin sa pagitan nina Lucian at Yvone. Tahimik si Yvone habang nakatingin sa tasa ng kape, at si Lucian naman ay abala sa pagsagwan ng kutsarita sa loob ng baso, hindi rin makatingin kay Yvone.
Hindi na nakatiis si Aling Edlyn. “Ano ba 'to, may alitan ba kayo ng asawa mo, hija?”
Bahagyang napatigil si Yvone sa pag-inom ng kape at mabilis na sumulyap kay Lucian, pero hindi siya nagsalita. Si Lucian na ang sumalo ng tanong.
“Hindi naman po, Tita,” sagot ni Lucian na may mahinang ngiti. “Nagtatampo lang po si Yvone sa akin.”
Biglang napatingin si Aling Edlyn kay Yvone at lihim itong ngumiti, para bang nang-aasar.
“Oh siya, ganon pala eh. Aba, Lucian, alam mo naman tayong mga babae… kahit maliit na bagay, kapag pinagsabay-sabay, lumalaki 'yan.”
“Ma…” sabad ni Yvone, bahagyang namumula ang pisngi. “Huwag niyo nga po akong tingnan ng ganyan.”
“Aba, bakit naman, eh halata sa'yo! Tingnan mo nga ‘yang mukha mo, para kang hindi nakatulog dahil kay Lucian,” natatawang biro ni Aling Edlyn.
Hindi na nakasagot si Yvone at napatungo na lang. Si Lucian naman ay bahagyang napangiti. Pagkatapos ay nilapit niya ang tasa ng kape sa mesa at tumingin kay Yvone.
“Kung may pagkukulang ako, sorry,” seryosong sabi ni Lucian. “Hindi ko sinasadya. Ayoko lang na galit ka sa’kin.”
Napatingin si Yvone, hindi inaasahang magsosorry ito. Hindi man niya agad masabi kung anong nararamdaman niya, pero may kung anong gumaan sa dibdib niya.
“Basta…” bulong ni Yvone, “Huwag mo lang akong bibiglain sa mga bagay-bagay.”
Tumango si Lucian. “I’ll wait. Para sa'yo, maghihintay ako.”
Napansin ni Aling Edlyn ang pagtitigan ng dalawa at ngumiti ng malalim. “Ay naku! Mukhang may mapipitas nang love story sa bahay ko ah!”
“Ma!” sambit ni Yvone.
Nagkatinginan ang dalawa at sabay na natawa.
Sa gitna ng tahimik na sala, unti-unting nabasag ang yelong namamagitan sa kanila—at nagsimula ang kaunting lambing at ngiti, na maaaring maging simula ng isang mas malalim na relasyon.