Unang beses niyang makatuntong sa kabisera ng bansa. Naglalakihang mga gusali. Maraming mga sasakyan. Mausok. Magulo at maingay. Maraming mga tao na sa tingin niya'y laging nagmamadali at hinahabol ang bawat sandali. Ibang-iba sa lugar na pinanggalingan niya sa Mindanao.
Nakalabas na siya sa pier. Naupo na muna siya sa sa tabi ng bangketa. Ngayon siya nakadama ng takot at kaba taliwas sa nararadaman niya noong paakyat pa lamang siya ng barko.
Hindi niya alam kung saan magtungo. Napakalaki ng Maynila. Wala siyang kakilala at lalong wala siyang kamag-anak. Saan siya titira? Paano na lang kung maubos ang dala niyang pera? Saan siya kukuha ng panggastos niya? Nasapo niya ang ulo nang isipin ang mga bagay na iyon. Ngunit hindi niya maaring sisihin ang sarili. Sariling desisyon niya iyon, walang ibang taong nakaimpluwensiya sa kanya.
Pumara siya ng jeep. Hindi niya alam kung saan ang rota noon basta sumakay na lamang siya kaysa maghapong nakatunganga sa bangketang iyon. Sasabay na lamang siya kung saan bababa ang karamihan ng pasaherong kasabayan niya.
Hanggang sa huminto ang jeep malapit sa isang napakalaking simbahan. Pamilyar sa kanya iyon dahil minsan na rin niyang nakita iyon sa TV.
Tama, iyon ang simbahan ng Quiapo. May ngiting sumilay sa kanyang labi. Hindi kasi niya inakala na doon siya mapapadpad. Pumasok na muna siya sa loob at nagdasal. Marami rin ang tao na kagaya niya ang nasa loob. Pikit mata ang mga ito habang taimtim na nananalangin.
Naramdaman niyang may lalaking tumabi sa kanya. Ngunit hindi niya iyon binigyan ng pansin. Natural lamang iyon dahil nga isa iyong simbahan. Marami talagang pumapasok doon upang magdasal. Tulad niya, lumuhod din ang lalaki. Ngunit sandaling-sandali lang iyon. Agad din iyong umalis.
Lumabas na siya ng simbahan at naisipang maghanap ng makakainan. Naglakad-lakad siya hanggang sa makakita siya ng karenderya.
PAY AS YOU ORDER.
Iyon ang nabasa niya sa isang karatulang nakasabit sa dingding ng karenderyang iyon. Bago umorder, kinapa na muna niya ang pitaka sa kanyang bulsa. Laking gulat niyang wala na ito. Kinapa naman niya sa kabilang bulsa ngunit wala rin. Hinagilap niya sa lahat ng bulsa ng kanyang bag, baka roon niya ito mailagay ngunit kahit baliktarin man niya ang lahat ng bulsa ng kanyang bagpack ay wala na talaga ang pitaka niya. Pinagpawisan siya nang malapot. Ano ang gagawin niya? Andoon pa naman ang lahat ng perang naitabi niya. Tanging barya na lamang ang nasa bulsa niya.
"Ano pogi, o-order ka ba o hindi?" Untag sa kanya ng babae. Kanina pa kasi siya hindi mapakali sa pagkawala ng pitaka niya.
"Nawawala ho ang pitaka ko e!" Ang tanging tugon niya. Garalgal ang kanyang boses. Nakita niya ang pag-ngiwi ng babae.
"Hay naku, hindi kasi nag-iingat. Ayan nadukutan ka!"
Iyon lang ay tumalikod na sa kanya ang babae at inasikaso ang ibang kustomer na kakain.
Laglag ang balikat niya na umalis sa lugar na iyon. Pilit na binabalikan ng kanyang isip kung paano nadukot ang pitaka niya gayung wala naman siyang natatandaang may taong bumangga sa kanya na kadalasang istilo ng mga mandurukot.
"s**t!"
Naibulalas ni John sabay sapo sa kanyang noo nang biglang maalala niya ang lalaking kanina'y tumabi sa kanya ng upo sa loob ng simbahan habang siya'y nagdarasal.
Bumalik siya ng simbahan, alam niyang malabong makita pa niya roon ang mandurukot ngunit nagbabakasakali pa rin siya.
Ngunit tulad ng inaasahan, hindi na niya iyon muling nakita. Sino ba namang bobong kawatan ang magawang tumambay sa lugar na pinagnakawan niya?
Tama nga talaga ang napapanood niyang balita sa TV, talamak ang nakawan dito sa Maynila at masasamang loob kaya dapat maging maingat siya. Wala ng sinasantong lugar ang mga magnanakaw ngayon. Maging ang simbahan man na itinuturing na tahanan ng Diyos.
Naupo siya sa gilid ng simbahan. Bakas sa mukha niya ang kawalang pag-asa lalo na ngayong nagsisimula ng kumalam ang kanyang sikmura. Kagabi pa nang huli siyang kumain. Nitong tanghali naman ay nagkasya na lamang siya sa kapirasong tinapay at tubig ngunit hindi naging sapat iyon para pakalmahin ang nagugutom na niyang tiyan. Sana pala hindi na lamang siya umalis sa kanilang lugar sa Mindanao ngunit ano pang magagawa niya, nandito na siya. Kailangan na niyang makipagsapalaran.
Iginiya niya ang mga mata sa paligid, natanaw niya sa may di kalayuan ang hilera ng mga taong may kapansanan. Ang iba sa kanila ay hawak-hawak ang maliit na lata sa panlilimos. Ang iba namay nagtitinda ng kung ano-ano. Nariyan 'yong sampaguita, kandila, pamaypay at mga diumanoy agimat, gayuma at iba't ibang halamang gamot na nakalagay sa bote. Naisip niyang sa kabila ng kapansanan ng mga taong iyon ay nagawa ng mga ito ang mabuhay ng marangal, ano pa kaya siya na bukod sa bata pa, walang siyang deprensiya at may itsura pa.
Nasa ganoon siyang pagmumuni-muni nang biglang may kumalembat ng kanyang bag na inilagay niya sa kanyang tabi. Isang binatilyong gusgusin na sa tingin niya kasing edad lang niya.
"Hoy magananakaw, ibalik mo sa akin yan!"
Sinadya niyang lakasan ang boses para marinig ng ibang taong naroroon at baka may isa sa mga iyon na magawa siyang tulungan. Ngunit hindi man lang natinag ang mga ito. Parang wala lang sa kanila. Business as usual ika nga ang mga ito. Talagang wala siyang maasahang iba kundi ang kanyang sarili.
Nakipaghabulan siya sa magnanakaw. Dahil sa mabilis din naman siyang tumakbo, naabutan niya iyon at nakipag-agawan siya sa kanyang bag. Determinado siyang mabawi iyon dahil naroon ang kanyang mga gamit. Ayaw na rin niyang manakawan pa ulit.
Matangkad siya at medyo malaki ang katawan kumpara sa binatang magnanakaw na patpatin kung kaya't nakuha niya muli ang kanyang bag. Nagawa pa niya iyong sipain dahil sa galit niya.
Ngunit bago pa man siya nakaalis sa lugar na iyon ay hinarang siya ng dalawang lalaki na medyo malaki sa kanya ng kunti. Kinwelyuhan siya ng isa at ang isa namay nakahawak sa kanyang dalawang braso at hinila iyon patalikod. Napa-"ahhh" siya dahil sa sakit niyon.
"Sino ba kayo, at ano ang kailangan nyo sa akin?" Sigaw niya sa kaharap.
Hindi naman iyon sumagot. Sa halip may sinenyasan ito sa kanyang likuran. Hanggang sa nakita niya ang paglapit ng binatilyo na kanina ay tumangay sa kanyang bag. Katropa pala ang mga iyon. Kinuha muli nito ang kanyang bag.
"Loko ka. Baka hindi mo kami nakikilala!" Bulalas ng lalaking nasa harap niya.
"At bakit kailangang ko kayong kilalanin? Artista ba kayo. Isa lang naman kayong salot sa lipunan!"
"Aba matapang!"
Isang dagok ang natamo niya sa sikmura. Napapikit siya sa sobrang sakit.
"Matapang lang kayo kasi tatlo kayo!"
Banat niya ulit at dahil doon pinagtulungan siyang gulpihin ng tatlong lalaki. Sinubukan niyang lumaban ngunit hindi niya kinaya ang mga iyon.
Puro sipa at suntok ang natamo ni John sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Putok ang kanyang labi. Hanggang sa hindi na niya kinaya iyon at bumagsak siya lupa. Nagmamadali namang kumaripas ng takbo ang tatlo nang makitang humandusay na siya. Inakala siguro ng mga ito na nawalan siya ng malay.
Dahan dahan siyang tumayo. Paika-ika siyang naglakad pabalik ng simbahan. Sapo niya ang duguan niyang labi. May mga taong nakakita sa kanya sa ganoong kalagayan ngunit ni isa man sa mga ito ay hindi siya tinulungan.
"Ganito ba kawalang puso ang mga tao rito?" Sigaw ng kanyang utak.
Hindi na rin siya nag-aksaya pa ng panahon para humingi ng tulong sa mga iyon dahil alam niyang mabibigo lang siya.
Unti-unti ng nanlalabo ang kanyang paningin dahil sa sobrang sakit ng kanyang katawan dagdagan pa ng pagod sa katatakbo kanina at gutom at pagka-uhaw. Ngunit kinakailangan niyang makabalik sa gilid ng simbahan kung saan siya huling naupo kanina. Iniwan niya kasi roon ang isang plastic envelope na naglalaman ng kanyang mga dokumento. Mabuti na lamang pala at nagawa niyang kunin iyon sa loob ng kanyang bag, kung hindi napasama na itong matangay ng mga magnanakaw.
Pagdating niya roon ay nakita niyang naroon lang ang plastic envelop na nakapatong sa sementong upuan. Kinuha niya iyon at inipit sa kanyang kilikili. Hindi na siya pwede pang magtagal doon at baka balikan pa siya ng mga masasamaang loob.
Hirap na niyang ihakbang ang mga paa dahil sa sumasakit na talaga ang buong katawan niya gawa nang pagkakagulpi sa kanya. Dagdagan pa ng gutom at pagkauhaw.
Naghanap siya ng tindahan na pwedeng mahingan ng tubig. Oo, kahit tubig lang, sapat na iyon para sa kanya para makabawi ng kahit kaunting lakas.
Ngunit sadyang unti-unti na siyang hinihigop sa kawalan. Nangangalog na ang kanyang mga tuhod at hindi na niya kayang ihakbang pa iyon. Naramdaman na rin niya ang paghapdi ng kanyang bunbunan. Sinalat niya iyon. Mamasa-masa. Nang kanyang tinignan ang kanyang kamay, nakita niya ang masaganang dugo. At doon na siya tuluyang nawalan ng ulirat.
Nang imulat niya ang kanyang mata ay natagpuan niya ang sarili sa loob ng isang kwarto. Puno ng katanungan ang kanyang isip. Ang huling natatandaan niya ay hinimatay siya at natumba sa gilid ng kalsada. Paano siya napunta sa silid na iyon? Sino ang tumulong sa kanya?
Biglang may binatang pumasok sa loob ng kwarto. Namilog ang mga mata nitong nakatitig sa kanya pagkatapos muli rin naman itong lumabas agad at nagsisisigaw.
"Ate Shawi, Ate Shawie nagising na si Tisoy!" Ang narinig niyang sigaw ng binata at sa timbre ng boses nito mukhang miyembro ito ng pederasyon.
Maya-maya pa'y napabalikwas si John sa kinahigaan nang biglang pumasok iyong binata kanina kasama ang isang maganda ngunit medyo may edad ng babae.
Ngumiti ang dalawa habang nakatitig sa kanya. Hindi siya gumanti ng ngiti. Nakiramdam na muna siya. Naisip niyang ang dalawang iyon marahil ang tumulong sa kanya mula sa pagkahimatay niya kanina ngunit hindi na muna siya dapat magtiwala. Mahirap na. Hanggang sa nagsalita iyong babae.
"Nakita ka namin kanina malapit sa simbahan. Hinimatay ka. May pasa ka sa katawan. Putok ang iyong labi at may kaunting sugat sa bunbunin kaya dinala ka namin ni Fred dito sa bahay upang gamutin!" Malumanay na sabi ng babae.
Hindi naiwasang hagurin ng tingin ni John ang babae. Iba kasi ang boses nito sa panlabas nitong kaanyuan
"Isa akong transgender woman!"
Ang pahayag nito nang mapansin ang hagod ng tingin niya. Pinamulahan si John. Yumuko. Pakiramdam niya nainsulto niya iyong tao. Hindi naman kasi niya inakala na sa kabila ng angkin nitong kagandahan ay isa pala itong dating Adan. Sobrang na-peke lang siya.
"Shawie, tawagin mo lang akong Ate Shawie at ito naman si Fred, pinsan ko!"
Ngumiti sa kanya si Fred. Lumapit sa kanya si Shawie, umupo ito sa gilid ng kama niya. "Ikaw anong pangalan mo?"
"J-John po!" Ang matipid na tugon ng binatilyo.
"John who? John Legend or John as in Johnny Bravo?" Ang pagsingit ni Fred.
May gumuhit na ngiti sa labi ni John. Hindi niya naiwasang matawa sa pagka-bibo ng binata. Mukhang unti-unti na ring napalagay ang loob niya sa mga iyon kahit sa maikling panahon na silay magkakilala. Mali naman siguro ang isiping masasamang tao ang mga iyon dahil sa kung talagang masama nga ang mga ito. Sana hinayaan na lamang siya ng dalawang nakabulagta sa lansangan.
Pinandilatan naman ni Shawie si Fred. Sinabi nitong huwag sumingit sa usapan. Napangiwi naman si Fred at ang sabi pa nito,
"I try lang namang patawanin iyang si Tisoy. Oh, tingnan mo teh, panalo, napangiti ko siya. Mas lalo siyang naging gwapo!" Sabay tili.
"Umayos ka. Hindi ito ang tamang oras para lumandi!" Si Shawie
"Ku, landi raw. Kanina nga lang ay daig mo pa ang kiti-kiti habang pinagmamasdang natutulog iyang si John"
"Ehem, John Crisostomo po ang pangalan ko!" Ang pamutol ni John sa kunwaring pagtatalo ng dalawa na lihim niyang ikinasaya.
Natigil din naman ang dalawa. Naging seryoso na si Shawie sa pagtatanong ng mga bagay-bagay tungkol sa binatilyo. Ikinwento din naman lahat ni John kung saan siya nanggaling at kung bakit siya napadpad sa Maynila.
Napaluha siya nang maikwento ang pagkamatay ng mama niya at ang pagmamalupit ng kanyang tiyahin pati na rin ang pambababoy sa kanya ng tiyuhing si Lando. Nahihiya mang banggitin pa iyon ngunit kanya rin iyong nasabi dahil kaytagal din iyong nakain-in sa kanyang loob. Matagal na rin kasi niyang gustong may mapagsabihan ngunit hindi lang niya alam kung kanino at sa tingin niya sila Shawie at Fred na iyon.
Niyakap siya ni Shawie at doon niya inilabas ang lahat ng hinanakit niya sa mundo. Bagamat bago pa lamang sila nito nagkakilala pero pakiramdam niya nagkapalagayan agad sila ng loob.
Ganoon talaga siguro kapag magkapreho kayo ng kulay ng dugo. Ngunit wala siyang balak na mag-out. Pangangatawanan na niya ang pagiging isang tunay na lalaki kahit pa napapaligiran siya ng mga bakla. Ayaw na niyang maabuso. Hindi naman siguro siya mabubuking ng mga ito. Sa kilos, pananalita at astigin niyang porma ay wala siyang bahid ng kabaklaan dagdagan pa ng angkin niyang kapogian.
Makalipas ang tatlong taon.
Naging maganda ang takbo ng buhay ni John. Naipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa tulong ni Shawie.
Kasalukuyan siyang second-year college sa kursong Accountancy sa isang sikat na unibersidad sa Maynila. Academic scholar siya roon dahil sa matalino siya. Tuwing Sabado at Linggo ay tumutulong siya sa Flowershop business ni Shawie malapit sa simbahan sa Quiapo.
Malaki ang utang na loob ni John kay Shawie at Fred. Kung hindi dahil sa kanila marahil mahahalintulad siya ngayon sa mga taong gala na palaboy-laboy sa lansangan.
Sinabi naman ni Shawie na hindi siya dapat magpasalamat dahil kagustuhan daw niya iyong gawin, ang tulungan siya. Hindi rin naman daw kasi nalalayo ang buhay niya sa istorya ng buhay ng binata.
Bata pa lang kasi si Shawie nang itakwil siya ng kanyang sariling pamilya sa probinsiya dahil sa kanyang pagkatao na hindi naman niya ginusto.
Tulad niya, lumuwas din ito ng Maynila na wala kahit anong dala maliban sa lakas ng loob at determinasyon na umangat sa gitna ng kawalan ng pag-asa. Nakapagtrabaho siya sa isang beauty parlor hanggang sa nakapag-abroad sa Japan sa tulong ng kanyang mga naging kaibigan bilang gay entertainer.
Malaki rin ang pasalamat ni Shawie sa binata dahil napakabait nito at napakasipag. Di makakailang nang dumating si John sa kanila, medyo lumakas ang bintahe ng kanilang flower shop sa mga competitor nila. Malakas kasi ang hatak ng binata sa mga kustomer nila. Magaling din ito sa pangungumbinse at may taglay itong karisma na kinagigiliwan ng mga kustomer lalo na sa mga beki.
"Sir kayo ulit!" Nakangiting bati ni John sa isang lalaking kustomer ng shop. Tandang-tanda pa niya ang lalaking iyon dahil nang nakaraang Linggo lang bumili ito sa kanya ng dalawang bouquet ng white roses. Biniro pa nga niya ito na mukhang tig-dalawa ang inaakyatan nito ng ligaw dahil dalawang bouquet talaga ang binili nito. Tumawa naman ang lalaki.
"White roses ba ulit?"
Ganyan talaga si John, kinakabisado niya ang bawat gusto ng kustomer, paraan niya iyon upang mahatak ito at mapalapit para sa kanila na iyon babalik.
"Oo, at gawin mong tatlo, Boy" Tugon ng lalaki
"John po, tawagin n'yo na lamang po ako sa pangalan ko. Dahil alam kong madalas nang dito ang punta n'yo habang hindi pa kayo sinasagot ng nililigawan nyo"
Tumawa ang lalaki. Napailing sa kanyang kabibohan.
"O sige, John. Ako naman si Benjie. Isa akong Project Engineer sa isang Real Estate diyan sa Palanca"
Inilahad nito ang kanyang palad sa kanya. Ipinahid naman muna ni John ang kanyang kamay sa suot na apron bago nakipagkamay sa lalaki.
"Wow, bigatin pala kayo Sir. Ibig sabihin niyan bigatin din ang magiging girlfriend ninyo"
"Actually, ang mga bulaklak na ito ay para sa isang kaibigang namayapa na. Isang kaibigan na hanggang ngayon, nananatiling buhay sa aking puso at isipan" Medyo lumungkot ang boses ng lalaki.
"Naku, sorry po!" Pagpaumanhin ni John. Mali pala ang sapantaha niyang umaakyat ng ligaw ang binata gayung para pala iyon sa kaibigan nitong yumao.
"It's okey John. Paano alis na ako"
Matapos inabot ang bayad ay umalis na ang lalaki. Hinatid naman niya iyon ng tingin hanggang sa nakita niya itong pumasok sa isang itim na kotse.
In fairness, naguguwapohan siya sa Benjie na iyon. Pero dapat hanggang doon lang ang lahat. Lagi niyang ikinikintal sa kanyang isip na isa siyang lalaki. Dapat mananatili siyang astig sa paningin ng iba. It's a rule. Kahit si Shawie at Fred ay hindi dapat makaalam sa lihim ng kanyang pagkatao.
"May ganon? Kailangan ba talagang ihatid ng tingin. Bakit di na lang gawin. Friend ha, iba na 'yan. I smell somthing porky na!"
Boses iyon ni Fred, nakapameywang pa ito habang tinitingnan ang direksiyon ng kanyang mga mata.
Nagulat naman si John sa biglang pang-aalaska ni Fred sa kanya. Kanina lang ay abala ito sa ginagawang bouquet tapos ngayon bigla na lamang itong sumulpot sa kanyang harapan.
"Ano naman ang naging iba roon? May batas na bang naipasa sa Kongreso na nagbabawal na pagmasdan ang isang lalaking kustomer?" Pambabara niya sa kaibigan.
"Wala naman. Pero may nararamdaman lang akong iba e. Hmm..iyon bang parang, kaloka!"
"Kung anoman iyang iniisip mo, sabihin ko sa'yo tigilan mo iyan?"
"At bakit? Ano bang alam mo sa iniisip ko, aber. Defensive ka lang e!"
"E deliver mo na nga lang 'tong mga bulaklak doon sa kumbinto. Bayad na ang mga iyan!"
Pag-iiba ni John sa usapan, baka kasi kung saan pa mapunta ang kanilang usapan at masukol pa siya. Mukha kasing malakas lang ang pang-amoy ni Fred sa mga kagaya niyang pilit na itinatago ang pagkaberde ng dugo.
Lantaran ang pagiging ganoon ni Fred ngunit lalaki pa rin naman itong mag-ayos sa kabila ng pagiging malambot nitong kumilos at pananalita. Samantalang siya, likas na sa kanya ang kumilos na parang isang tunay na lalaki.
Ngunit wala silang pinagkaiba ng damdamin ng kaibigan. Pareho lamang silang nagkakagusto sa kapwa nila lalaki. Ang kaibahan lang ay iniiwasan ni John ang umibig sa kapareho niya ng kasarian dahil alam niyang walang tunay na nagmamahal sa kagaya nilang nasa gitna. Kung meron man, iyon iyong ginagawa lamang silang parang ATM machine ng mga lalaking nagigipit. O di naman kaya'y parausan ng mga lalaking malibog na walang pambayad sa aarkilahing p****k. Kagaya na lamang ng Tsong Lando niya noon.
Samantalang si Fred, naniniwala pa ring may forever. Umaasa pa rin ito na balang araw makakatagpo rin niya ang kanyang prince charming. Asa pa siya. Sa pag puti ng uwak at sa pag itim ng tagak.
Tinutularan ni John si Shawie, matapos mabigo sa pag-ibig niya noon dahil nalaman niyang pera lamang pala ang habol ng lalaki sa kanya ay hindi na muli itong sumubok pang magmahal muli. Hindi man niya alam ang tunay na kwentong-pag-ibig ng Ate Shawie niya, alam niyang nasaktan ito nang husto at iyon ang iniiwasan niyang mangyari sa kanya.
"Ako pa talaga ang uutusan mo, dear, alam mo namang kabuwanan ko ngayon" Maarteng wika ni Fred sabay himas ng gitna nito.
"Kabuwanan? Kelan pa? Hindi kaya nagpakangkang ka lang kagabi kaya dumudugo iyan?"
"Kangkang? At kelan at kanino mo natutunan iyang salita na yan?
Naloko na pati ba naman pananalita ni John ay binabantayan na ni Fred. Kunsabagay hindi rin naman kasi bagay sa binata ang gumamit ng salitang ganoon.
"Friend ha, baka bukas EWNESS at EKLAVUSH na naman ang salitang maririnig ko sa iyo. Huwag ka ng dumagdag sa listahan ko!"
"Listahan? Anong listahan?" Kumunot ang noo ng binata.
"Listahan ng mga gwapo na sa gwapo rin nagkakagusto. In short, PAMINTA!" Binigyan diin pa talaga ang huling salitang binitiwan.
"Ibig mong palabasin na ganoon ako?"
"Kaloka ka friend, may sinabi ba akong ganoon?"
"E, kung ipapatikim ko sa'yo 'to!"
At iminuwestra nito ang kanyang kamao na siya namang kunwaring ikinabahag ng buntot ni Fred at nagmamadali na itong bumalik sa mesa na kung saan nakatambak ang maraming bulaklak na gagawing bouquet. Ngunit nagawa pa rin nitong magpahabol ng,
"Naku 'wag iyan, friend. Sana iyang nasa baba mo na lng, paniguradong hindi ko iyan tatanggihan!" Sabay humagalpak ng tawa.
Agad din naman nilapitan ni John si Fred at aambaan ng suntok.
"Ahhhhh!" Napapikit ito. Ngunit wala namang kamao ang dumapo rito.
"OA naman neto. Kukunin ko lang iyang mga bulaklak sa likuran mo na idi-deliver ko sa kumbento!" Si John. Pinigilang hindi matawa sa reaksiyon ni Fred.
"Kala ko kasi, gugulpihin mo na ako!"
"Talagang tutuluyan na kita kapag hindi mo ako tatantanan!"
"Oo na!" Parang batang wika ni Fred.
Bitbit ni John ang dalawang basket ng bulaklak na Tullips patungong simbahan. Malapit lang naman ito sa kinaroroonan ng kanilang flowershop kaya lalakarin niya na lang.
Hindi naman maiwasang mapangiti ng binata habang sumasagi sa kanyang isip ang asaran nila ni Fred. Ang sarap lang sa pakiramdam na may kakulitan. Noon pa man kasi , nangangarap siyang magkaroon ng kapatid ngunit hindi iyon nangyari at kay Fred niya iyon natagpuan.
Bagamat kung minsan nasasaid din ang pagtitimpi niya lalo na kung inaasar siya nito tungkol sa p*********i niya, ngunit hindi rin naman niya masisi si Fred. Kung bakit ba kasi namamagnet ang mga paningin niya sa mga gwapong lalaking napapadaan, hayan tuloy. Hanggang kailan niya kaya iyon maitatago? Ewan, hindi niya alam.
Matapos niyang maibigay sa sakristan ang dala niyang mga bulaklak, sandali muna siyang nagdasal upang magpasalamat sa mga biyayang natanggap niya mula sa Maykapal. Hindi niya lubos maisip kung ano ang nagiging buhay niya kung sakali mang hindi niya nakilala sina Shawie at Fred na siyang kumupkup sa kanya at itinuring pang isang pamilya.
Matapos magdasal, naisipan na niyang bumalik sa flowershop at baka hinahanap na siya ni Shawie. Habang binabagtas niya ang daan pauwi, napatutok ang mga mata niya sa isang batang lalaki na nagdi-dribble ng bola sa gilid ng kalsada. Ilang sandali pa'y nabitawan ng bata ang hawak nitong bola at nagpagulong-gulong ito sa gitna ng daan. Hinabol naman iyon ng bata na walang kamuwang-muwang sa kapahamakang nagbabadya sa kanya.
Kinabahan si John sa nakita niyang paghabol ng bata sa bola nitong tumalbog sa gitna ng kalsada. Lalo pa't tanaw niya ang isang kotseng paparating. Naririnig na niya ang sigaw ng mga taong nakakita sa bata na akma ng mabubundol ng kotse.
Bigla na lamang nagkaroon ng sariling pag-iisip ang kanyang mga paa at matulin itong tumakbo palapit sa bata upang mailigtas ito sa pagkakabundol. Wala na siyang iniisip kundi ang masagip ang inosenteng batang iyon. Parang naging slow motion ang lahat sa isang action film sa sinehan. Buong lakas niyang naitulak ang bata at sa isang iglap tumilapon ito sa gilid ng daan ngunit sa kasamaang palad siya iyong nalagay sa alanganin.