Chapter 1
"Uho, uho! Anak, kumain ka na mahuhuli ka na sa klase" Ang narinig niyang wika ng kanyang Mama. Napansin kasi nitong nakatunganga lang siya sa hapag at di man lang ginagalaw ang pagkaing nakahanda.
Noodles na sasahugan ng dahon ng malunggay at NFA rice, minsan pa nga nilagang saging o kamote. Iyon ang kadalasang sasalubong na pagkain sa kanyang harapan tuwing kainan. Piyesta nang maituturing kung may sardinas na nakahain. Ngunit solve na siya roon. Hindi siya kailanman nagrereklamo sa kung anuman ang meron sila.
Ang mama lang niya ang naghahanap buhay para sa kanila. Kahit hirap at may iniindang sakit pilit na iginagapang nito ang kanyang pag-aaral.
Grade five na siya sa taong iyon. Alam ng mama niya kung gaano kaimportante sa kanya ang pag-aaral. Mataas ang pangarap niya sa buhay. Walang-wala sila. Kung makapagtapos man siya ng elementarya ay may apat na taon pa ang bubuunin sa hayskul. Alam niyang sa elementarya pa lang nahihirapan na sila sa pinansyal na aspeto. Ano pa kaya sa hayskul at lalong-lalo na sa kolehiyo?
Ngunit sa tulad niyang determinadong makaahon sa kahirapan. Walang makakahadlang sa kanyang abutin iyon. Walang imposible para sa kanya. Tanging mga pangarap lang niya at lakas ng loob ang kanyang kinakapitan.
"Ma, hihinto na lang kaya muna ako sa pag-aaral. Saka na lang muna ako papasok ulit kung tuluyan ka ng gumaling sa sakit mo!"
Masakit para kay John ang sabihin iyon. Dahil tanging pag-aaral niya ang siyang nagsilbing ilaw para sana ma-abot ang isang maliwanag na kinabukasan. Ni ayaw nga niyang lumiban kahit isang araw lang sa klase ano pa kaya ang huminto ng isang buong taon.
Nakakapanghinayang ngunit kinakailangan na muna niyang magsakripisyo. Oo nga't napakahalaga para sa kanya ang pag-aaral ngunit wala ng mas mahalaga pa sa buhay ng kanyang ina na siyang nag-iisang inspirasyon niya sa buhay.
"Hindi ka hihinto 'Nak, uhho-uhho. Lahat kinakaya ko para sa iyo. Alam kong napakahalaga sa iyo ang pag-aaral at ako, bilang ina mo, nakahanda akong sumuporta sa iyo sa abot ng aking makakaya. Ang mga pangarap mo ay pangarap ko rin kaya sabay natin iyong aabutin, anak" Determinadong pahayag ng kanyang ina.
Bigla niya itong nilapitan at niyakap. Kapwa luhaan ang mag-ina. Tama ang mama niya. Lahat ng pinapangarap niya ay pangarap rin ng kanyang ina. Kung nagsusumikap ang mama niya para sa pagtaguyod sa kanilang dalawa, kailangan din niyang doblehin ang pagsusumikap sa kanyang pag-aaral. Buo ang loob niya. Walang makakahadlang sa kanya maging ang kahirapan man.
Pinahid ng mama niya ang mga luhang pumatak sa kanyang pisngi gamit ang palad nito. "Huwag mo ng isipin pa ang paghinto-hinto na iyan. Sige na kumain ka na"
"Opo ma" Tumango siya at bumalik na sa mesa.
"Pasensiya ka anak ha, kung iyan lang nakakayanan ko" Ang mama niya, ang pagkaing nakahanda sa mesa ang tinutukoy nito.
"Solved na ho ako dito ma, diba nga ang sabi sa TV, makulay ang buhay sa sinabawang gulay, na malunggay!"
"...na may noodles!" Dagdag naman ng ina niya.
Tawanan.
Sa paaralan, batid ni John ang kaibahan ng estado ng buhay niya sa buhay ng mga kaklase niya. May maayos na mga kagamitang pang-eskwela ang mga ito. May mga maayos na uniporme at sapatos . Samantalang sya, iisa lang ang unipormeng polo niya na hindi mo na malalaman kung ang kulay ba nito ay puti o cream.
Ang pantalon naman niya'y maayos pa naman kung titignan ngunit kung susuriing mabuti, sira na ang siper nito na kinabitan lang ng aspile para hindi masilip ang nasa loob ng nasa pagitan ng kanyang hita.
Ang sapatos naman niya ay halos bumubuka na sa kalumaan. Ang baon niyang limang piso ay sapat lang para makabili ng isang pirasong bananacue at ang pantulak? Iinom na lamang siya ng tubig sa water fountain ng kanilang paaralan.
Ngunit sa kabila ng lahat. Pursigido pa rin siya na mag-aral. Aaminin niya, nakaramdam din siya ng inggit sa mga kaklase niya, bata lang din siya, naeengganyo sa mga materyal na mga bagay na naipagkait sa kanya. Ngunit kailanman, hindi niya nagawang magtampo sa Ina niya. Alam niya ang kanilang kalagayan. Alam niya na sapat lang sa kanilang pagkain ang kinikita ng kanyang mama. Bunos na nga lang at nagawa pa siya nitong pag-aralin at iyon ang ipinagpapasalamat niya.
Sa ngayon, wala siyang ibang maipagmalaki sa mga kaklase niya kundi ang angkin niyang talino. Ang pangarap niyang maiahon niya sa kahirapan ang buhay nilang mag-ina ang siyang pinaghuhugutan niya ng lakas.
"Nak, pumunta ka na muna kina Tiyang Lorna mo, dalhin mo iyang sulat sa ibabaw ng mesa at ibigay mo sa kanya"
Utos sa kanya ng mama niya nang umuwi siya galing paaralan. Naratnan niyang nakahiga ito sa papag. Nakadantay ang isa nitong braso sa noo. Malalim ang pagbunot nito ng hininga. At kahit walang sinasabi sa kanya ang kanyang ina batid niyang nahihirapan na ito sa iniindang sakit.
"A-ayos lang po ba kayo, Ma?"
Kinuha niya ang isang kamay nito at idinampi sa kanyang noo.
"Uho! Uho, A-ayos lang ako Anak. Huwag mo akong aalahanin"
"Sigurado po ba kayo?" Nag-aalala niyang tinuran. Alam niyang hindi ito okey pero iyon ang gusto niyang paniwalaan. Malakas ang mama niya. Alam niyang gagaling din ito.
Pagkatapos niyang magapalit ng damit pambahay ay dederetso na siya sa tindahan ng Tiyang Lorna niya na pinsan ng kanyang ina. Ang tiyahin niyang iyon ang siyang may pinakamalaking tindahan sa kanilang lugar. Alam na niya kung ano ang nilalaman ng sulat na pinabibigay ng kanyang ina. Sana pagbibigyan pa rin sila ng tiyahing makautang kahit na may isang kilometro na ang haba ng kanilang listahan na hindi pa nababayaran.
Nakita niya ang tiyahin niyang abala sa pag-aasikaso sa mga namimili. Nahihiya siyang lumapit. Mangungutang kasi siya.
Kahit pa kamag-anak nila ito ngunit pakiramdam niya hindi naman sila nito tinuturing na isang kapamilya. May ugali kasi itong mapagmataas. Kung may iba lang sana silang kakilala na pwedeng mauutangan ay siguradong hinding-hindi na siya magkukumahog na lumapit pa rito.
Pero wala talaga. Kaya kahit sing talim ng kutsilyo ang mga salitang pinupukol nito sa kanila, wala na silang ibang magawa kundi ang kapalan ang kanilang mukha para magkalaman ang kanilang sikmura.
Umalis na ang mga kustomer. Hudyat na iyon na lumapit siya. Nahihiya man ngunit kailangan niyang kapalan ang mukha para may maiuwi siyang pang-hapunan nila ng mama niya.
"T-tiyang may sulat pong pinabibigay si Mama sa inyo" Nag-aalangan niyang wika sa noo'y abalang babae na nagsasaayos ng mga paninda.
Ngunit hindi siya nito sinagot. Mistulang wala itong narinig. Nagpatuloy lamang ito sa ginagawa
"Tiyang!" Sambit niya ulit.
Ngunit hindi pa man niya matapos banggitin ang mga sasabihin ay binara na agad siya ng masungit niyan tiyahin.
"Utang ng utang. Puro kayo utang. Bayad din naman kayo pag may time. 'Kala nyo sa tindahan ko, charity store? Malulugi ako sa inyo" Sigaw sa kanya ng may katabaan tiyahin. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatitig sa kanya.
"Babayaran din naman po namin Tiyang kung mababayaran na si Mama sa panlalabada niya" Ang pakiusap niya sa babae.
Tinitigan niya ito ng deretso. Sana madaan niya ito sa kanyang titig na nagsusumamo. Hindi siya dapat mahiya. Kailangan may pantawid gutom sila ngayong gabi. Kailangan ng mama niya na may makain para hindi ito tuluyang igupo ng panghihina.
"Babayaran? Kailan pa? Hoy John, sabihin mo sa mama mo na sing haba na ng trapik sa EDSA ang listahan ng utang ninyo sa akin kaya hindi ko na kayo mapagbibigyan. Malulugi na ako, sana naman nagkaintindihan tayo!"
"Tiyang, kahit ngayon na lang po. Hinang-hinang po si Mama. Natatakot po ako na baka lalala ang kalagayan niya kung malilipasan siya ng gutom ngayon. Maawa po kayo Tiyang!" Pagsusumamo niya.
Halos lumuhod na siya sa harapan nito para lang maambunan ng kahit konting awa. Ngunit sadyang matigas ang puso ng kanyang tiyahin. Sa halip na kaawan, pinagtabuyan siya nito na parang ulol na aso. Kaliwa't kanang pang-aalipusta ang natanggap niya. Pang-iinsulto at pagyurak sa pagkatao nilang mag-iina.
Sa murang edad niya naisip niyang ganito ba talaga ang tingin ng mga may kaya sa kagaya nilang salat? Bakit ganoon? Bakit kung ituring sila ay parang isang hayop ng mismong kapamilya pa man din nila?
Ayos lang naman sa kanya kahit wala siyang makain sa gabing iyon. Kakayanin niya ang gutom. Itutulog na lamang niya ito para hindi na niya mararamdaman ang pagkalam ng kanyang sikmura. Ngunit paano ang mama niya? Hahayaan na lang ba niyang lalong manghina ito sa gutom? Hindi yata niya kakayanin iyon.
Napaupo siya sa gilid ng tindahan. Sapo niya ang kanyang mukha habang lumuluha. Wala siyang ibang iniisip sa mga oras na iyon kundi ang kanyang inang naghihintay sa pagdating niya dala ang pagkaing pagsaluhan nila. Ngunit hindi na siya pinagbigyan ng kanyang tiyahin kahit anong pakiusap na gawin niya. Kung may trabaho lang sanang angkop sa edad niya ay papatusin na niya makatulong lang sa mga pangangailangan nilang mag-ina.
Ngunit onse anyos lang siya. Ano bang magagawa niya?. Dahil doon, napukaw na naman ang kinikimkim niyang galit sa dibdib sa ama. Kung hindi lang sana sila nito iniwan noong pinagbubuntis pa lamang siya ng kanyang mama marahil hindi nila nararanasan ang ganitong hirap ngayon.
Alam niyang masama ang magtanim ng galit pero sa tuwing makikita niya ang kalagayan ng mama niya, na sinosolong igapang nito ang kanilang kabuhayan at ang kanyang pag-aaral ay hindi niya maiwasang kasuklaman ito.
Ayon sa kanyang ina, mayaman ang pamilya ng ama niyang nasa Maynila. Namasukan siya bilang kasambahay sa pamilya nito. Batid niyang may gusto sa kanya ang kanyang ama hanggang sa nanligaw na nga ang huli na agad din naman nitong sinagot na bukod sa mestisuhin at matangkad, mabait din naman daw ito sa kanya nang una.
Dahil sa kapusukan ng kanilang kabataan, may nangyari sa kanila isang gabi at nagbunga rin naman agad iyon. Nang malaman ng pamilya ng ama niya ang nangyari. Kaagad na dinala ng mga magulang nito sa Amerika upang doon raw ituloy ang pag-aaral nito .
Simula noon hindi na muling bumalik pa ang kanyang ama hanggang sa isinilang siya ng kanyang ina. Matiyaga pa ring naghintay ang mama niya ngunit wala na siyang narinig na balita mula rito kaya nagpasya na lamang itong umuwi sa kanilang probinsiya sa Mindanao bitbit ang sama ng loob sa ama niya dahil hindi ito naging tapat sa mga pangakong binitawan sa kanya. Mag-isa siya nitong tinaguyod mula noong sanggol pa lamang siya hanggang sa ngayon na dinapuan ng sakit na TB.
Mula sa kinauupan sa tabi ng tindahan ng tiyahin niya ay naisipan niyang umuwi na lamang. Naalala kasi niyang may isang takal pa ng bigas ang naiwan noong binili nila isang araw. Lulugawin na lamang niya iyon para magkasya sa kanilang dalawa. Bukas na lang siya maghahanap ng diskarte kung paano makabili ng bigas tutal Sabado naman at walang pasok.
Pinagpagan na muna niya ang kanyang puwitan dahil sa mga alikabok na dumikit dito. Nang masiguradong wala ng duming dumikit, humakbang na siya palayo sa lugar na iyon. Hindi pa man siya nakakalayo, narinig niya ang isang boses na tumtawag sa kanya. Nang kanyang lingunin, nakita niya ang kanyang Tsong Lando na nasa loob ng tindahan. Nakangiti ito sa kanya at pinapababalik siya nito roon.
"Bakit po, Tsong?" Ang tanong nito sa kanya.
"Nasaan na iyong sulat ng mama mo, akin na" wika naman nito.
Kunot-noo naman niyang iabot iyon sa Tiyuhin niyang asawa ng dambuhala niyang tiyahing si Lorna.
Binasa nito ang sulat at maya-maya lang iniabot nito sa kanya ang isang malaking plastic bag na naglalaman ng bigas na sa tingin niya may limang kilo rin iyon dahil sa bigat nito. Nagpalinga-linga na muna siya sa paligid. Parang nagdadalawang isip ba na tanggapin iyon. Baka kasi makita siya ng kanyang tiyahin at pagsasalitaan na naman siya nang hindi maganda.
"Hindi ba magagalit si Tiyang nito, Tsong?"
"Akong bahala. Nasa kusina iyon ngayon, abala sa pagluluto, paniguradong hindi niya tayo mahuhuli"
"Naku, salamat po nito. Akala ko basta na lamang kami matutulog ni mama ngayong gabi na lugaw lang ang laman ng tiyan" Ang masayang tinuran ni John habang sinisilip ang laman ng plastic bag.
Abot-tenga naman ang ngiti niya nang makitang bukod sa bigas, may limang pirasong noodles, tatlong lata ng sardinas at isang pack ng gatas na may kasama pang asukal ang binigay sa kanyang mabait na tiyuhin.
"Naku tsong, sobra na ho ito. Ayos na kami dito sa bigas. Lalo lamang hahaba ang listahan namin sa inyo, e!"
"Wag mo aalahanin ang utang, hindi pa naman ako naniningil. Ang isipin mo ang mama mo, alam kong hirap na siya sa kalagayan niya. Saka n'yo na lang bayaran yan kung nakaluwag-luwag na kayo"
"Salamat po talaga ng marami, Tsong. Hulog po kayo ng langit!" Ang maluha-luha niyang wika sa lalaki.
Mabuti na lamang at salungat ang pag-uugali nito sa kagaspangangan ng ugali ng tiyahin niya. Kung ang tiyahin niya ay isang tigre, ang tiyuhin naman niya ay isang maamong tupa.
Lalakad na sana siya nang pinigilan siyang muli ng tiyuhing si Lando. Tinanong siya nito na kung ayos lang ba sa kanya na kukunin siya nito bilang helper sa bagong ipapatayo nitong sari-sari store sa palengke. Summer vacation naman ang pagbubukas noon kaya paniguradong hindi maapektuhan ang kanyang pag-aaral. At kung pasukan na, tuwing Sabado at Linggo lang ang pasok niya sa tindahan.
"Ayos na ayos po, Tsong. Payag po ako" Ang tanging nasambit niya sa sobrang tuwa.
Ito na iyong sagot sa mga dasal niya, ang maka-ekstra ng trabaho na pwede sa edad niya. Tinangka kasi niya dati ang magtrabaho sa bukid ngunit hindi pa kinaya ng murang katawan niya ang mga gawain doon. Nagkasakit siya. Nakagalitan pa tuloy siya ng mama niya kaya hindi na niya inulit iyon.
At ito ngayong alok ng tiyuhin niya, paniguradong papayagan siya nito at matutuwa pa iyon. Wala naman kasi siyang ibang gawin sa tindahan kundi ang tumulong sa pagbabantay. Kung may ipag-uutos man, sigurado namang hindi iyon ganoon kabigat.
Nagpaalam ulit siya sa kanyang mabait na tiyuhin. Inabutan naman siya nito ng barya para pang-traysikel, ayaw niya sana iyong tanggapin dahil nahihiya na siya sa sobra-sobrang ibinigay nito ngunit nagpumilit pa rin ang lalaki.
Gumagabi na kaya kailangan na niyang makauwi agad dahil naghihintay na sa kanya ang mama niya, ang sabi ng Tsong Lando niya sabay lagay sa palad niya ng pera. Mahigpit ang pagkakahawak nito, na sinabayan pa ng banayad na pagpisil. Napatitig siya sa kanyang tiyuhin. Kumindat naman ito sa kanya.
Inaamin niyang sa edad niyang iyon nakakaramdam na siya ng paghanga sa mga kaedad niyang babae o kahit iyong mga nakakatanda sa kanya. Ngunit ang hindi niya maiintindihan sa sarili ay kung bakit na-attract din siya nang minsan sa mga kapareho niya ng kasarian.
Inaamin niya, may itsura ang Tsong Lando niya, sinong mag-aakalang nasa trenta y singko na pala ito. Sa tindig at porma siguradong mapapalingon ka talaga. Hindi man siya iyong sobrang gwapo ngunit taglay naman niya ang kakaibang alindog na kinababaliwan ng tiyahin niya. Actually hindi sila bagay.
Sabi ng isang guro niya, natural lang daw sa ganyang edad, mapa-lalaki man o babae na makapansin sa kung ano ang pangit sa maganda o sa gwapo dahil nasa puberty stage daw sila ngunit iyong sa kanya, parang may mali. Bakit may kakaibang hagod sa kanya ang kabuuan ng Tsong Lando niya? Nagsisimula na siyang magtanong sa sarili.
Bakla ba ako?
Ewan niya basta lagi niyang isinisilsil sa kanyang utak na siya ay isang lalaki.
Madilim na nga nang makarating si John sa kanilang bahay. Hindi na muna niya ginising ang mama niya na noo'y nakatulog na sa paghihintay sa kanya. Saka na lamang niya ito gigisingin kung kakain na.
Kaagad siyang nagsaing. Habang naghihintay na maloto iyon. Kinuha na muna niya ang kanilang mga damit sa sampayan sa labas at tinupi ang mga iyon. Matapos niyang tupiin ang mga damit. Sinipat niya ang kanyang ina na noo'y himbing pa ring natutulog. Napangiti siya. Napakapalad niyang magkaroon ng isang ina na napakabait at napakasipag na walang ibang ginawa kundi ang busugin siya ng pagmamahal.
At sa kabila ng kanilang pagdarahop, inuuna pa rin nito ang kanyang kapakanan. Hindi niya lubos maisip kung ano ang magiging buhay niya kung sakali mang bawiin na ng Diyos ang buhay na pinahiram nito sa mama niya.
"Huwag na muna Diyos ko, gusto kong magtagumpay sa buhay na nasa tabi ko ang mama ko" Biglang sambit niya.
At bigla na lamang tumulo ang mga luha niyang hindi namamalayan. Mahal na mahal niya ang mama niya. Alam niya kung gaano ang pagsasakripisyo nito maigapang lang siya nito sa hirap. Pangarap niya na balang araw ay mabigyan ito ng kaginhawaan na hindi nito nararanasan ngayon. Balak niya itong itira sa isang magandang bahay na pag-aari nila mismo ang lupang kinatitirikan nito nang walang ibang puwedeng magpapaalis sa kanila.
Di tulad sa ngayon, binibigyan na lamang sila ng isang buwang palugit ng gobyerno para lisanin ang tinitirhan nila dahil gagamitin na nito ang lupang kinatitirikan nila. Suliranin na naman nila ang malilipatan.
Medyo lumamig na ang paligid. Tumayo siya upang kumuha ng kumot para sa mama niya. Pakanta-kanta pa siya habang ginagawa iyon.
Iingatan ka
Aalagaan ka
Sa puso ko ikaw ang pag-asa
Sa 'tin mundo
May gagabay sa iyo
Ang alay ko'y itong pagmamahal ko
May nagmamahal, aakay sa iyo
Aking inay ikaw ang nagbigay
ng Buhay ko
Buhay na kay ganda
Pangarap ko na makamtan ko na
Dinampian niya ng halik sa noo ang mama niya matapos niya itong kumutan. Mukhang hindi siya nito naramdaman dahil siguro sa himbing ng tulog nito.
" Tulog ka lang muna diyan, Ma, gigisingin na lang kita mamaya kung kakain na" Ang sabi pa niya habang sinimulan ng igisa ang sardinas na inutang niya.
Matapos niyang maihanda ang pagkain sa mesa ay nilapitan na niya ang kanyang ina upang gisingan ito. Excited na rin siyang sabihin ang magandang balita na hatid niya, ang tungkol sa alok ng Tsong Lando na kukunin siya nitong tauhan sa bago nitong ipapatayong tindahan sa may palengke. Dagdag na kita na rin kasi iyon sa kanilang mag-ina. Hindi na rin poproblemahin pa ng mama niya ang pambaon niya sa eskwela.
"Ma, gising na po. Kakain na po tayo"
Nakailang sambit din siya ngunit hind man lang natinag ang mama niya. Ginising niya muli ito na sinabayan ng pagyugyog ngunit wala pa rin. Mukhang wala na itong pakiramdam. Kinabahan na siya. Hinawakan niya ito sa kamay at laking gulat niyang anlamig na nito. Napansin niyang hindi na rin ito humihinga kaya mabilis niyang idinampi ang tainga niya sa dibdib nito. Ngunit hindi na niya naramdamam ang pagpintig ng puso nito. Doon na binalot ng takot ang buo niyang katawan. Kaagad siyang lumabas at nagsisigaw ng saklolo. Pinigil na muna niya ang umiyak. Hindi pa patay ang mama niya at nakatulog lang ito. Iyon ang gusto niyang paniwalaan.
"John, anong nangyari?" Tanong ng kapitbahay nilang si Mang Kardo.
"Si Ma-mama p-po. Hi-hindi na gu-guma-galaw. Hi-hindi na rin po hu-humihinga!" Pautal-utal niyang sagot. Nanginginig ang buo niyang katawan. Pinagpawisan siya nang malapot.
Kaagad din pumasok sa loob ng kanilang bahay si Mang Kardo upang matignan ang mama niya. Hindi na siya sumunod. Nanatili siyang nakatayo sa labas kasama ang mga nag-uusyosong mga kapitbahay. Mukhang hindi niya kaya ang pumasok sa loob nang hindi pa nalalaman kung ano ang tunay na kalagayan ng mama niya.
Maya-maya lang, lumabas na si Mang Kardo. Laglag ang balikat nitong lumapit sa kanya. Hinawakan siya nito sa kanyang magkabilang balikat. Hindi kaagad nakapagsalita ang may edad ng lalaki. Tinitigan naman siya ni John. Mga mata niya'y nagtatanong.
"Wa-wala na si Hilda. Patay na ang mama mo John!"
Umiiling-iling siya. Hindi siya naniniwalang patay na ang mama niya. Gusto niyang paniwalain ang sariling buhay pa ito, gayung siya mismo, alam ng hindi na ito humihinga kanina pa.
Bumalik siya sa loob. Hinawi niya ang kumot na nakabalot sa malamig ng bangkay ng mama niya. Totoo nga, wala na ang nag-iisang pamilya niya at siyang kinakapitan niya, na siyang inspirasyon niya. Patay na ang pinakamamahal at butihin niyang ina.
"Mammmaaaaa, mammmaaa kooooo!" Sigaw ni John at tuluyan ng bumulwak ang masaganang luha na kanina pa niya pinipigilan.