Amara's POV
Magandang umaga, panibagong araw na naman para maging masaya. Binuksan ko ang aking aking bintana at sinalubong ang napakatamis na sinag ng araw sa aking katawan.
"Masaya ata ang gising mo, Amara ha? Nagkaroon ka ba ng napakagandang panaginip kagabi?"
"Masaya lang po ako tiya. Syempre tiya Amie, okay na finally ang labtest result ni mama. Isipin mo pagaling na talaga siya." Saad ko sa kaniyang nakangiti habang nagsusuklay sa aking napakatuwid at napakahabang buhok.
"Sa bagay, tama ka. Talagang nakakatuwa ang resulta at baka sa susunod na taon ay tuluyan ng mawala ang cancer ng mama mo, Amara."
"Opo tiya, sana magtuloy tuloy na talaga. Salamat tiya Amie ha, lagi kang nandiyan para tulungan akong magbantay kay mama lalo na kapag nandoon ako sa flower shop sa Crisostomo o 'di kaya'y nandoon ako sa taniman ng mga bulaklak sa Baguio."
"Amara naman, para ka namang iba sa akin. Oo naman syempre! Para na kaya kitang sariling anak! Tsaka tiwala lang, gagaling na rin ang mama mo!" saad niyang pagpapalakas sa akin. Ngiti na lang ang tanging naiganti ko dahil sa labis na kabutihang natatanggap namin mula sa kaniya.
Si tiya Amie ang naging yaya ko simula noong ako'y isang taong gulang pa lang. At ngayong dalaga na ako, nariyan pa rin siya sa tabi ko, sa tabi namin ni mama. Ni ayaw na nga niyang kunin ang sweldo niya dahil sa wala naman daw siyang panggagamitan nito. Wala siyang asawa at anak kaya buong buhay ay nasa amin na ang attention niya. 'Yon din ang dahilan kung bakit tiya na ang tawag ko sa kaniya.
"O siya, nakahanda na ang umagahan sa baba ha. Umayos ka na riyan at sumabay ka na sa amin ng mama mo kumain."
"Opo." Sagot ko sa kaniya at bumaba na siya ng hagdan.
Teka, 'yon lang ba talaga ang dahilan kung bakit ako masaya ngayon? O dahil sa alam kong nasa ligtas ng kalagayan si Chris?
"No! Hindi ako masaya dahil sa kaniya! Na dahil sa ligtas na siya! Doon pa ba talaga ako sasaya sa manlolokong 'yon? BABAERO!" singhal ko at inayos ko na ang aking sarili.
Oo, naaawa ako sa kaniya noong nasa ospital siya pero ngayong nasa maayos na siyang kalagayan, naiinis na naman ako dahil sa napakababaero niyang taglay. Lalo pa ngayon na sariwa pa sa isip ko kung paano siya nakipagharutan doon sa kasal nila ma'am Rain! Grrr!
Pagkatapos kong maligo at magbihis ay bumaba na ako at nagpasyang kumain na lang ng umagahan dahil baka mamaya ay madamay pa ang pagka-badtrip ko sa buong araw. Buong araw pa naman ako ngayon sa flower shop namin sa Crisostomo.
"Nag-away na naman ba kayo ni Greg anak? Bakit bigla kang sumigaw kanina sa itaas?" saad ni mama na nasa lamesa, hinintay pala nila ako para sabay kaming lahat na mag-umagahan.
"W-wala ma. U-unting misunderstanding lang." Pagsisinungaling ko.
"Boyfriend mo ba talaga si Greg iha?" tanong naman sa akin ni tiya Amie.
"Opo tiya, bakit po?" patawa kong sambit sa kaniya.
"Wala, parang hindi ko lang ramdam na kasintahan mo siya. Ni hindi ka nga niya kayang dalawin dito sa bahay. Ang kaya niya lang gawin ay ang tumawag lang sa ’yo sa telepono para makausap ka o 'di kaya'y magpadala na lang ng bulaklak at ng paborito mong suha." Bigla ng nawala ang mga ngiti sa labi ko -- dahil napalitan na ng kaba!
"B-busy lang po kasi talaga si Greg tiya. Bakbakan daw po ang meetings nila sa opisina eh. Lalo raw po ngayon na mas lumalakas na ang -- kalaban nila."
"Sabagay. Oh heto ang plato at kumain ka na." Usal ni tiya Amei kaya kahit papaano ay humupa na ang kaba ko, ng biglang --
"Anak."
"O, bakit ma? Wow ang sarap ng tocino namiss ko 'to ah!"
"Anak bakit ayaw mong magtrabaho sa kompanya ng papa mo? Graduate ka naman ng business administration. Pwedeng pwede ka naman magtrabaho doon kung tutuusin, para magamit mo rin ang pinag-aralan mo."
"Ma, ilang beses na natin 'tong pinag-usapan ’di ba? Tulad ng sinabi ko dati sayo ay ayoko ng trabahong nakaupo lang. Ang gusto ko ay 'yong nakakapaglibot libot ako, ’yong may inaayos ako. Ayoko ng gano’ng klaseng trabaho ma na halos nakaupo ako sa buong araw at puro papel ang nasa harap ko. What a boring job ever."
"Oo nga naman Lucia. Hayaan mo na lang ang anak mo total doon siya masaya. At hindi lang 'yon dahil doon din siya magaling! Congratulations pala Amara dahil kabilaan ang events organizing mo ngayon, mapa-burial man o special occasions."
"Salamat po tiya." Ngiting saad ko sa kaniya at uminom ng aking masarap na kape.
"Nga pala anak, kilala mo ba si Chris Isaac Monreal?" halos ata nasunog na ang buong dila ko sa pangalang narinig ko sa kaniya.
’’Nako Amara ano ba nangyayari sayo!’’ sambit ni tiya Amei at inabutan ako ng tubig.
"H-ha? S-sino? ’Di -- h-hindi ko kilala -- ma. B-bakit sana?"
"Ang daddy mo kasi ay nag-update kanina sa akin. Nasa meeting daw sila sa Monreal Corporation ngayon."
"G-gano’n po ba."
"Nasa ospital daw pala ang batang ’yon. Saang ospital naman kaya?"
"H-hindi ko alam ma. H-hindi ko naman k-kakilala ang isang 'yon."
Mas bigla akong naalimpungatan noong nalaman kong nag-uusap na naman sila mama at papa.
"Teka ma, nag-uusap na ulit kayo ni papa?"
"Nangangamoy balikan na naman ba?" pangangasar naman ni tiya Amei sa kaniya.
"Kumain na lang tayo at baka lumalamig na ang pagkain."
Nakakaramdam akong saya ngayon dahil kahit papaano ay may koneksiyon na muli si mama at papa. Matagal na silang hiwalay sa hindi ko alam na eksaktong kadahilanan.
"Anak." Saad niya habang patuloy pa rin sa pagkain.
"Yes, ma?"
"Masaya ka ba kay Greg?"
"M-ma? S-syempre masaya ako -- sa kaniya. Ito si mama kaaga-aga, napapahot-seat ako eh!"
"Wala naitanong ko lang naman."
"Mama, dalawang taon na kami ni Greg. Mahal ko siya at mahal niya ako, ma."
"G-gusto mo ba talaga sa isang businessman anak?"
"Hmm. Hindi ko alam ma eh, basta na-developed na lang ako sa kaniya dahil lagi siyang nakabuntot at may mga pasurpresa lagi sa ’kin."
"Dahil lang doon?"
"Oo ma, saan pala?"
"I mean, wala bang spark anak?"
"Mama, alam mo yang spark na 'yan. Hindi 'yan totoo. Ano 'yon, welding?"
"At dahil sa sinabi mong ’yan, hindi na ako naniniwalang mahal mo talaga si Greg."
"Mama naman?"
"Anak, baka nasa point ka lang, na nasanay ka ng nandiyan siya sa paligid mo. Na siya lang ang umaaligid sayo."
"Mama, mahal ako ni Greg. Ramdam ko ’yon the way na ingatan niya ako, na bilhan niya ako ng mga gamit na gustong-gusto ko. Mahal niya ako, ma."
"O sige, sabihin na nating mahal ka nga talaga niya. Pero ikaw, gaano ba kalalim ang pagmamahal mo sa kaniya? Pareho ba sa kaya niyang ibigay sayo o infatuation lang 'yang nararamdaman mo sa kaniya?"
Halos wala na akong naiipong hangin sa paghinga, dahil sa palitang salita namin ni mama ngayong umaga. Napansin ko rin na may tumatawag sa phone kong nakasilent kaya sinagot ko na kaagad. Sobra na rin kasi akong napre-pressure sa pinaparamdam ngayon ni mama!
"O Lyka? Okay pupunta na ko diyan sa Crisostomo."
’’Bakit daw iha?’’
"Hinihintay -- na ako ni Lyka sa flower shop. Ma, una na ako. Aalis na ako -- ma, tiya."
Ngiti na lang ang kaya kong naibigay sa kanila dahil sa labis na tensyon at dali-dali nang lumabas ng bahay.