[Orion Hale De Castro]
"Sir Gelo, may pupuntahan kaming party mamaya! Sama ka?" tanong ni Reese kay Sir Gelo.
Ako ang nasa counter kaya ako ang nagbigay kay Sir Gelo ng pera na kinita ng Take a Sip ngayong araw. Ang laki ng ngiti niya nang malaman na naka-quota na naman kami.
Isang linggo na ang lumipas at ngayon ang birthday ni Farrah kaya inimbitahan ko si Reese. Pumayag kaagad siya dahil nasa bahay naman nila si Tita Cha para bantayan ang anak niya.
"Hindi ako pwede. Alam n'yo na, may ibang business pa akong inaasikaso," nakangiting tanggi ni Sir Gelo kay Reese. "Nga pala, first time mong sumama sa mga party, ah. Palagi kang busy sa anak mo saka palagi mong dinadahilan na wala kang pera para sa mga party na 'yan."
Napakamot si Reese sa ulo niya. "Nasa bahay naman po kasi si Tita Cha saka...hindi naman siguro masama na pumunta ako sa mga party kahit minsan lang, Sir. Hindi naman ako gagastos do'n kaya okay lang! May mga lafang din kaya mas maganda!"
"Gano'n ba." Tumawa si Sir Gelo at saka tiningnan si Hunter na busy ngayon sa cellphone niya. Tapos na kasi siya maghugas ng mga gamit. "Hunter, mukhang may girlfriend ka na, ah. Kanina ka pa busy diyan sa cellphone mo."
Hindi sumagot si Hunter, mukhang hindi niya narinig si Sir Gelo.
"Hoy, Hunter!" Siniko siya ni Reese kaya muntik niya nang malaglag ang hawak na cellphone.
"Ano ba?"
"Tinatanong ka ni Sir Gelo! Cellphone pa!" pang-aasar ni Reese.
Palihim naman akong napairap nang maalala na halos hindi niya na kami kausapin ni Reese dahil kapag walang costumer ay hawak niya ang cellphone niya.
Alam kong si Farrah ang ka-text niya dahil sinilip ko kanina. Day-off kasi ngayon ni Farrah dahil nga naghahanda siya para sa pool party niya mamaya sa isang resort. Hindi naman nakangiti si Hunter habang ka-text niya si Farrah pero naiirita pa rin ako.
"A-Ano 'yon, Sir?" tanong ni Hunter kaya natawa na lang si Sir Gelo.
"Tinatanong kita kung may girlfriend ka na. Kanina ka pa kasi busy diyan sa cellphone mo."
"W-Wala, Sir." Binulsa ni Hunter ang phone niya sabay tingin sa akin. "May nag-text lang sa 'kin. May tinatanong."
"Weh? Kanina ka pa busy diyan, eh. Si Farrah 'yan, 'no? 'Yong may birthday na pupuntahan natin mamaya?" usisa ni Reese.
"Ang daldal mo." Umirap si Hunter.
Tumawa si Sir Gelo at tinapik ang balikat ni Hunter. "Tama lang 'yan. Para naman magkaroon ka ng inspirasyon at hindi 'yong palagi kang nakasimangot at mainitin ang ulo. Masarap magkaroon ng lovelife, try mo rin minsan."
Pinahaba ko ang nguso ko at umiwas na lang ng tingin. Lumayo ako nang kaunti sa kanila dahil nag-aasaran lang sila roon. Sinandig ko ang mga braso ko sa maliit na pinto at saktong nakita ko ang pagdaan ni Calvin. Nakasuot na siya ng itim na bag sa likod at hindi na rin siya nakasuot ng uniform nila.
"Calvin!" tawag ko. Napatingin siya sa 'kin at awtomatikong ngumiti.
"Bakit?" tanong niya nang makalapit. Tiningnan niya kaagad ang noo ko. "Tinanggal na pala 'yong tahi sa noo mo. Mabuti naman at magaling na."
Hinawakan ko ang noo ko at tumawa. "Ang bilis nga gumaling, eh."
"Hoy, Calvin! Nanliligaw ka na naman!" pang-aasar ng katrabaho ni Calvin na napadaan lang habang may tulak-tulak na push cart.
"G*go, inggit ka lang!" tumatawang sabi ni Calvin.
Dahil sa sigawan nilang dalawa ay napatingin sa amin si Sir Gelo at maging si Hunter. Nabura ang ngiti niya nang makita si Calvin pero umiwas na lang ako ng tingin.
"May gagawin ka ba pag-uwi mo?" tanong ko kay Calvin.
"Wala naman. Bakit? Aayain mo akong mag-date?" Tinaas-baba niya ang mga kilay, inaasar ako.
"Hindi date pero gusto kitang isama sa pool party ng kaibigan ko."
Ayokong maging alone, 'no! Magkasama mamaya si Hunter at Farrah kaya dapat may kasama rin ako!
Lumiwanag ang mukha niya sabay ngiti nang malawak. "Talaga? Isasama mo 'ko? Sure! Wala naman akong gagawin sa bahay, eh! Diretso na ba tayo ro'n?"
"Magbibihis muna tayo, malamang!" natatawang sabi ko.
"Oo nga, 'no? Sige, susunduin kita sa bahay n'yo."
"H-Huh?" Nabura ang ngiti ko sa sinabi niya. "H-Huwag na!"
Ayokong malaman niya kung saan ako nakatira. Baka dalawin niya ako ro'n nang madalas, nakakahiya kay Farrah.
"Orion, aalis na ako. Kayo nang bahala dito sa store," paalam ni Sir Gelo.
"Ingat po kayo, Sir Gelo!" Kumaway pa ako bago siya umalis.
"Ako ang susundo kay Orion sa bahay nila."
Napalingon ako sa likod ko nang magsalita si Hunter. Seryoso ang mukha niya habang nakatingin kay Calvin.
"Bakit? Kasama ka rin ba sa party?" tanong ni Calvin.
"Oo—"
"At si Farrah ang ka-date niya," putol ko sa sasabihin ni Hunter. "Susunduin niya si Farrah, 'yong may birthday."
"'Yon naman pala, eh. Ako na ang susundo kay Orion." Ngumiti si Calvin kay Hunter pero hindi iyon sinuklian ng huli.
"Susunduin ko si Farrah kaya isasabay na kita," sabi sa akin ni Hunter.
"Hindi ko pa alam kung saan ang party," angil ni Calvin. "Mas mabuting sabay kami ni Orion na pumunta ro'n."
"Sa Alyana Club gaganapin ang party ni Farrah. Okay ka na?" halatang inis na sagot ni Hunter.
"Hoy, Hunter." Siniko ko siya at pinandilatan ng mata pero inirapan niya lang ako. Binalingan ko si Calvin na ngayon ay madilim na rin ang mukha. "Calvin, magkita na lang tayo sa resort. Alam mo naman kung saan 'yon, 'di ba?"
Tumango na lang siya at hindi na nagsalita pa pero hindi nakaligtas sa paningin ko ang paggalaw ng panga niya.
"Una na 'ko," paalam niya sabay tingin kay Hunter.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Nagtatagisan sila ng matatalim na tingin. Kulang na lang ay magkaroon kidlat effect sa pagitan nilang dalawa.
Ano ba ang nangyayari sa dalawang 'to? Parang mga timang. Para silang magsusuntukan na ewan. Subukan lang nila at bibigyan ko sila ng tig-isang sapak. Mga lalakeng 'to parang mga tanga. Kung feeler lang ako, baka isipin kong pinag-aagawan nila ang atensyon ko. Pero siempre charot lang.