[Orion Hale De Castro]
Nang tuluyang makaalis si Calvin ay binigyan ko ng nagtatakang tingin si Hunter. Nakayuko na siya sa ibabang drawer para kunin ang mga gamit niya. Natigil lang siya nang maramdaman ang tingin ko. Tumingala siya sa akin at umayos ng tayo.
"Bakit?"
Hindi ako sumagot at tiningnan ko lang ang mukha niya.
"Bakit ganyan ka makatingin? Galit ka ba dahil pinagbawalan ko si Calvin na sunduin ka?"
"Bakit nga ba ayaw mo?" Tinaasan ko siya ng kilay.
"Ayokong malaman ng lalakeng 'yon kung saan kayo nakatira ni Farrah. Mahirap na."
"Sus. Ayaw mo lang na makita niya si Farrah, eh."
"Anong connect?" Inalis niya na ang suot na visor at hairnet bago iyon nilagay sa loob ng bag niya.
"Umamin ka nga. Kayo na ba ni Farrah?"
Isinukbit niya ang bag sa balikat niya bago tumingin sa akin. "Hindi."
"Talaga? Bakit lagi kayong magkausap?" Hindi ko alam kung bakit ko pa tinanong 'yon.
"Akala ko ba 'yon ang gusto mo? Ang magkalapit kami ni Farrah. Bakit ganyan ka makatanong?"
Dinilaan ko ang pang-ibaba kong labi. "C-Curious lang."
"Baka nagseselos lang." Tumaas ang sulok ng labi niya, nang-aasar.
"N-Neknek mo!" Nataranta kaagad ako sa sinabi niya. Masyado na ba akong halata? "B-Bakit naman ako magseselos?"
"Ayusin mo kasi mga tanong mo." Tumawa siya bago tiningnan si Reese na ngayon ay naglalagay ng liptint sa labi habang hawak ang isang maliit na salamin. "Hoy, Reese. Tama na 'yan. Pangit ka na. Iuwi mo na lang 'yan."
Tumigil si Reese sa ginagawa at tiningnan nang masama si Hunter. "Joke ba 'yan? Nagjo-joke ka na ngayon, Hunter?"
"Liptint ba 'yan? Nagli-liptint ka na ngayon, Reese?"
"Anong masama? Sampalin kita ng stretch marks ko, eh."
Hindi ko na narinig ang asaran ng dalawa dahil napatitig na lang ako kay Hunter. Oo nga. Dati ay hindi siya nakikipag-asaran nang ganyan. Nagbago siya magmula nang nag-uusap na sila ni Farrah.
Dapat masaya ako pero alam ko sa sarili ko na hindi.
Napabuntong-hininga na lang ako.
***
Si Hunter nga ang sumundo sa amin sa apartment. Nakasuot lang siya ng puting polo na bukas ang tatlong botones habang short naman na itim ang pang-ibaba. Simple lang ang ayos niya pero ang lakas ng appeal niya.
Nagsuot ako ng two-piece na kulay blue at pinatungan ko ng puting off-shoulder kaya kita ang string ng bikini ko na nakatali sa batok ko. Sa pang-ibaba naman ay ripped maong short ang sinuot ko. Messy bun naman ang style ng buhok ko.
"Happy birthday, Farrah!" bati ng isang maskuladong lalake na nakasuot ng itim na dress shirt at may hawak pang isang bote ng beer. "Kanina pa kami naghihintay sa 'yo!"
Kuminang ang mga mata ko nang makita ang mga taong nagsasayawan sa gilid ng pool. May DJ sa gitna habang nagpapatugtog ng upbeat music. May disco light din sa apat na sulok ng pool area at may mga couch din sa palibot. Sa kabilang gilid ay naroon ang mahabang buffet table na may masasarap na pagkain.
Bilang isang dakilang party girl, heaven ang pakiramdam kapag nasa ganito akong lugar. Nami-miss ko tuloy 'yong mga panahon na wala akong ibang iniisip kundi ang mag-party kasama ang mga kaibigan ko noong first year college ako. Pero alam ko naman na hindi na 'yon pwedeng maibalik pa dahil kailangan ko nang maging mature lalo na ngayong mag-isa na lang ako sa buhay.
"Wow! Ang ganda! Thank you, Sir Yuan! Magkano ginastos n'yo rito?" Halos malaglag ang panga ni Farrah habang inililibot ang paningin sa paligid.
Hindi rin ako makapaniwala na gumastos ang manager niya nang ganito kabongga dahil lang sa birthday niya.
Nagsilapitan kay Farrah ang mga katrabaho niya para bumati at bumeso sa kaniya. Ang siste, tumabi muna kami ni Hunter. Nahalata kaagad ni Farrah na lumayo kami kaya kaya hinatak niya kaming dalawa para ipakilala sa manager at mga katrabaho niya.
"Boyfriend mo?" kinikilig na tanong ng isang katrabaho ni Farrah, tinuturo niya si Hunter. "Pogi."
Tumawa si Farrah at kaagad na umiling. "Nanliligaw pa lang."
What?!
Napatingin ako kay Hunter at binigyan siya ng nagtatanong na tingin.
Nanliligaw na pala siya kay Farrah tapos wala man lang siyang sinasabi?!
Mabuti na lang at may mga lalakeng lumapit sa akin para magpakilala rin. Halatang interesado sila sa akin pero wala ako sa mood para makipag-usap sa kanila kaya nagpaalam ako na lalabas muna para tawagan si Calvin.
Hindi pa man ako nakakalabas pero may humarang na sa akin.
"Kanina pa kita hinihintay!"
Nahampas ko ang braso ni Calvin sa gulat.
"Gagi, paano ka nakapasok?!"
Tumawa siya at may tinuro sa likod ko. Napasunod ang tingin ko at tumaas ang kilay ko nang makita si Grace. Naka-two piece na siya at basa na ang katawan. Halatang lumangoy na siya sa pool. Infairness, maganda ang hubog ng katawan niya at malaki pa ang boobs. Sana all.
"Nakita ko si Grace sa labas kanina. May invitation siya kaya sinabay niya kami ni Reese sa pagpasok." Pinasadahan niya ng tingin ang buong katawan ko. "Nice. Sexy."
Hinampas ko siya sa braso pero tumawa lang siya. "Nasaan si Reese?"
"Ayon, oh. "Tinuro niya si Reese na ngayon ay kausap na si Farrah at Hunter. Basa ang buong katawan niya at nakasuot siya ng itim na one-piece.
"Invited ka rin pala."
Lumingon ako kay Grace na ngayon ay nakahalukipkip na sa harap namin ni Calvin.
"Oo. Kaibigan ko ang may birthday." Matino naman ang tanong niya kaya sinagot ko nang maayos.
"Ah, boyfriend ko naman ang manager."
Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Tumingin ako sa direksyon nila Farrah kung saan naroon pa rin ang manager niya na si Sir Yuan.
Ibinalik ko ang tingin ko kay Grace. "Si Sir Yuan? 'Yong maskuladong lalake—"
"Oo. Boyfriend ko siya. Kakasagot ko lang sa kaniya last week," puno ng pagmamalaking sagot niya.
"Ah, okay." Wala akong masabi. Akala ko kasi ay si Hunter ang gusto niya.
"Dapat magpasalamat ka dahil wala ka nang kaagaw kay Hunter," pahabol ni Grace. "Kung ako sa 'yo, titigilan ko na siya."
"Ano? Bakit? Pinag-aagawan n'yo ba 'yon si Hunter?" singit ni Calvin pero hindi namin siya sinagot ni Grace.
Binasa ko ang labi ko at pinaningkitan ng mata si Grace.
"Sa tingin mo ba ay nakikipag-agawan ako sa 'yo kay Hunter? Kung gusto mo siya, bakit ka nakipag-boyfriend sa iba?"
Hindi siya sumagot at nakipagtitigan lang sa mga mata ko. Kitang-kita ko kung paano kumuyom ang mga kamao niya pero walang lumabas na salita sa bibig niya.
Hindi ko trip na makipag-usap sa katulad niya kaya tumalikod na ako at hinatak si Calvin.
"May sumpa si Hunter, 'di ba?"
Natigilan ako at marahas na napalingon ulit kay Grace. Ngumisi siya nang makita ang reaksyon ko.
"Nang malaman ko 'yon, nawala ang pagkagusto ko sa kaniya," dagdag ni Grace.
"Sinong nagsabi sa 'yo tungkol diyan?!" paasik na tanong ko. Ramdam ko ang pagkuyom ng kamao ko.
Tumawa lang siya, sinadyang hindi sagutin ang tanong ko. "Okay lang. Gwapo lang naman si Hunter pero hindi siya mayaman katulad ni Yuan. Wala akong mapapala sa kaniya—" Natigil siya sa pagsasalita nang hawakan ko nang mahigpit ang leeg niya.
"Isa pang pang-iinsulto kay Hunter at didikit 'yang nguso mo sa dibdib mo!" mariing banta ko sa kaniya, 'yong tipong siya lang ang makakarinig.
"Oy, huwag kayong mag-away!" Hinawakan ni Calvin ang pupulsuhan ko para alisin ang pagkakasakal ko sa leeg ni Grace.
Binitawan ko rin siya kaagad nang makitang hindi na siya makahinga. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid para tingnan kung may mga nakatingin sa amin pero busy ang lahat sa pagbati kay Farrah.
Nang ibalik ko ang tingin ko kay Grace ay bakas sa mukha niya ang takot sa akin. Hawak niya pa ang leeg niya kung saan ko siya sinakal.
Humakbang ako palapit sa kaniya at umatras naman siya. Tumingin ako sa likod niya at napangisi nang makitang swimming pool iyon.
Humakbang pa ako nang isang beses kaya umatras ulit siya. Napatili siya nang mawalan siya ng balanse at tuluyang nahulog sa pool.
Tumalikod kaagad ako at tiningnan si Calvin na ngayon ay nakatulala sa mukha ko.
"Tara. Inom tayo." Hinatak ko ang braso niya sabay hawi ng bangs na nakaharang sa isa kong mata.