Chapter 21-Can't Like Her

1912 Words
[Hunter James Acosta] Napatingin ako kay Orion na hatak-hatak ngayon si Calvin papunta sa area kung saan naroon ang buffet table. Kaya pala nawala kasi nakita si Calvin. Naningkit pa ang mga mata ko dahil nakita ko kung paano sundan ng tingin ng mga lalake sa swimming pool si Orion. Natawa ako nang sarkastiko at ibinaling na lang ang atensyon kay Farrah. Pinapakilala niya ako sa iba pa niyang katrabaho. Ngayon ko lang nalaman na marami siyang kaibigan. Hindi na nakapagtataka 'yon dahil sobrang bait niya. Kaya siguro gumastos ang mga kaibigan niya para sa party niya dahil sa mahusay siyang makisama sa mga tao—bagay na hindi ako magaling. Isang tipid na ngiti lang ang sinasagot ko sa mga kaibigan niyang nagpapakilala sa akin. "Hoy, totoo? Nililigawan mo na si Farrah?" bulong ni Reese. Tinulak ko pa siya palayo sa akin dahil basang-basa siya tapos dumidikit siya sa akin. Bumuntong-hininga ako. "Oo. Kahapon lang nagsimula. Mula bukas, dadalawin ko na siya palagi sa apartment." Matagal kong pinag-isipan 'yon. Kinondisyon ko talaga ang sarili ko para hindi ako magmukhang napipilitan. Okay na okay si Farrah. Sa isang linggong pag-uusap namin, unti-unti kong nakilala ang pagkatao niya. Tama si Orion; Halos perpekto na si Farrah. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong gumising sa umaga na puro salita ng Dios ang bumubungad sa mga text niya sa akin. Pakiramdam ko, ang sarap niyang magmahal. "So, ano? Gusto mo siya? Sabagay, maganda siya tapos mukhang mabait pa," sabi ni Reese. Gusto? Gusto ko ba siya? Pero kapag naririnig ko ang salitang 'yon, si Orion kaagad ang nasa isip ko. Oo, si Orion. T*ngina, kahit anong gawin ko, siya pa rin ang gusto ko. Ewan ko ba, hindi ko maintindihan ang sarili ko. "Ah, Farrah. Pwede na ba kaming kumain?" untag ni Reese. Gusto ko siyang batukan kasi nag-uusap pa si Farrah at 'yong manager niya na si Sir Yuan. Bumalik na kasi sa mga pwesto nila 'yong mga katrabaho ni Farrah at kami na lang ang natira. "Of course." Tumawa si Sir Yuan. "Pwede na kayong kumain. Hahanapin ko lang girlfriend ko." "Pasensya na, Sir! Galing kasi kami sa trabaho kaya pagod at gutom!" tumatawang sabi ni Reese. "It's okay. You must be tired." Umalis na si Sir Yuan at nag-ikot sa pool area para hanapin ang girlfriend niyang hindi ko naman kilala. "Tumahimik ka na nga," bulong ko kay Reese. "Nauna ka ngang mag-swimming tapos sasabihin mong pagod ka?" "Sinubukan ko lang naman! First time ko kayang maligo sa swimming pool!" Natahimik ako nang umangkla sa braso ko si Farrah at hinatak ako papunta sa buffet table. "Kain na tayo," nakangiting sambit niya. "'Yong regalo ko—" "Hindi ba sabi ko huwag ka nang mag-abala? Hindi ko naman kailangan ng gano'n, eh." Nakangiti pa rin siya habang sinasabi 'yon. Sa totoo lang ay sinabihan niya kami ni Orion na huwag nang bumili ng regalo para sa kaniya dahil presensya lang namin ay okay na. Pero ayoko naman na pumunta ng party niya pero wala man lang akong maibigay kaya bumili pa rin ako ng regalo ko para sa kaniya. "Pa'no 'yan? Nakabili na ako?" Ngumit ako sa kaniya. "Hindi naman ako makapapayag na wala akong regalo sa babaeng nililigawan ko." Yuck, Hunter. Anong pinagsasasabi mo? Gusto kong batukan ang sarili ko dahil nandidiri ako sa mga sinabi ko. Naramdaman ko na kailangan ko 'yon sabihin sa kaniya para hindi siya magalit. Gano'n naman ang mga babae, 'di ba? Nananahimik sila kapag kinikilig. "Okay." Nakita ko ang pamumula ng pisngi niya. "Mamaya mo na ibigay. Kain muna tayo." Pagdating namin sa buffet table ay wala na roon sila Orion at Calvin. Lumikot ang mga mata ko at napatingin sa area kung saan naroon ang apat na billiard table. Kaunti lang ang naglalaro doon kaya nakita ko kaagad si Orion kasama si Calvin. Hawak ni Orion ang isang cue stick habang sa kabilang kamay naman ay isang plato na may lamang pagkain ang hawak niya. Tumawa siya nang makitang sumablay ang pagsargo ni Calvin. "Marunong pala magbilyar si Orion?" tanong ni Farrah nang makaupo kami sa isang couch. Malakas ang tugtog sa banda namin kaya kinailangan pang ilapit ni Farrah ang bibig niya sa tenga ko. "Oo! Naikwento nga sa akin ni Orion. Madami pala siyang talent!" Si Reese ang sumagot sa tanong sa akin ni Farrah kahit puno ang bibig niya ng pagkain. Gusto ko siyang pagalitan dahil parang ngayon lang siya nakakain, kung makasubo wagas. "Bagay si Orion at Calvin, 'no?" natatawang bulong sa akin ni Farrah, kanila Orion nakatingin. Bigla akong napaubo sa sinabi niya. Napamali ang pagkakalunok ko ng kanin, p*ta. "Oo nga. Bagay talaga sila!" segunda ni Reese. Isa pa 'to, eh. Lumakas ang pag-ubo ko kaya inabutan ako ng juice ni Farrah. "Okay ka lang? tanong ni Farrah habang hinahagod ang likod ko. Sunod-sunod kong nilagok ang orange juice na binigay ni Farrah at saka tumango. "N-Nasamid lang," sabi ko sabay lagay ng baso sa mesa na nasa harap namin. "Farrah! Meet my girlfriend!" Biglang lumapit si Sir Yuan kasama ang isang babaeng nakasuot ng puting two-piece. Nanlaki pa ang mga mata ko nang makitang si Grace 'yon. Yakap niya ang isang puting towel at mukhang galing siya sa paglangoy sa swimming pool. "Oh, hi!" Tumayo si Farrah at nakipagkamay kay Grace. "I'm Farrah. Nice meeting you." "Grace," tipid na pagpapakilala niya. "Kaya pala pinapasok kami ni Calvin kanina kasi jowa ka ni Sir Yuan?!" gulat na tanong ni Reese. Ngumiti lang si Grace kay Reese sabay tingin sa akin. Napataas ang kilay ko nang irapan niya ako. Wow. Bago 'yon, ah. Madalas, kapag nagtatama ang paningin namin dalawa ay nginingitian niya ako. Hindi bale, wala naman akong pakialam sa kaniya. Nagkwentuhan pa si Sir Yuan at Farrah hanggang sa matapos kaming kumain. Pagkatapos ay pinapunta si Farrah sa gitna para sabay-sabay na kantahan ng happy birthday habang hawak ni Sir Yuan ang isang cake. Nakita ko kung gaano karami ang kaibigan ni Farrah at halatang wala ni isa sa kanila ang nagkukunwari lang. Hindi ko tuloy maiwasan ang mapatanong sa sarili ko: Bakit hindi ko siya magustuhan katulad ng pagkagusto ko kay Orion? Siguro nga tama ang sinasabi ng iba na hindi kayang ipaliwanag ng isang tao ang nararamdaman niya kapag puro ito at kusa. Kusa kong nagustuhan si Orion kahit marami akong ayaw sa ugali niya. Nang matapos ang pag-blow ni Farrah ng kandila sa birthday cake niya ay hinubad niya na ang suot na pulang long-sleeved blouse para mag-swimming kasama si Reese. Doon ko napansin na nakasuot pala siya ng bikini. "Wait lang! Tawagin ko muna si Orion!" Tumakbo si Farrah papunta sa bilyaran kung saan naroon si Orion at Calvin. Kanina, no'ng mag-blow ng candle si Farrah ay nakikanta silang dalawa ni Calvin pero bumalik din sila kaagad sa bilyaran. Mukhang naaliw na sila roon tapos may hawak na silang bote ng beer ngayon. Hanep. Napakuha tuloy ako ng beer. Pinanood ko kung paano hatakin ni Farrah si Orion at Calvin papunta sa swimming pool. Nakatayo lang ako sa gilid kung saan naroon ang DJ na walang pagod sa pagpapatugtog ng mga upbeat music. Humalukipkip ako at pinanood si Orion na hubarin ang suot niyang kulay puting off-shoulder. Naiwan ang kulay blue niyang bikini at ang maong short niya. Lumantad ang magandang hubog ng bewang at balakang niya. Kahit medyo malayo ako sa kinaroroonan niya ay kitang-kita ko pa rin kung gaano kakinis ang balat niya. Sunod-sunod kong nilagok ang laman ng bote ng beer habang hindi inaalis ang tingin kay Orion. Napasigaw siya nang isama siya ni Calvin sa pagtalon sa pool. Sumunod sa kanila si Farrah. "P're, chicks!" Napatingin ako sa gilid ko nang makita ang dalawang lalake na nakatingin sa direksyon ni Orion. Alam kong si Orion ang tinutukoy nila dahil narinig ko ang sinabi ng isang lalake na 'yong nakasuot ng kulay blue na bikini ang tinutukoy niya. "Daming nakapila," bulong ko sa sarili ko sabay iling. Kahit malakas ang music ay dinig na dinig ko pa rin ang malakas na pagtawa ni Orion. Sinabuyan niya kasi ng tubig sa mukha si Calvin. Inubos ko ang laman ng hawak kong bote ng beer bago ako pumunta sa smoking area. May mahabang bench doon kaya roon ako umupo habang sinisindihan ko ang isang sigarilyo na galing sa bulsa ng suot kong short. Binuga ko ang usok na galing sa bibig ko. Mabilis kong naubos ang isang stick kaya tumayo na rin kaagad ako para bumalik sa pool area pero nakasalubong ko si Sir Yuan. "Hey," bati niya at ngumiti naman ako. Bastos naman kung aalis ako kaya tumayo lang ako roon at namulsa habang pinapanood ko siyang sindihan ang isang stick ng sigarilyo. "Manliligaw ka ni Farrah, 'di ba?" tanong niya matapos bumuga ng usok. "Oo, Sir," sagot ko na ikinatawa niya. "Huwag mo na akong tawaging na 'Sir'. Yuan na lang." "Sige, Yuan." Madali naman akong kausap. "Alam mo bang balak ko rin 'yon ligawan si Farrah? Kaso umeksena ka, eh." Napakurap ako nang tatlong beses, inaarok ang sinabi niya. Ano raw? "Saka hindi rin pwede kasi biglang nag-demand si Grace na maging kami na raw. Fling lang naman kami, eh. Ayoko sana pero pumayag na rin ako kasi maganda naman siya." T*ngina. Babaero pala 'to? Buti na lang pala at umeksena ako na liligawan ko si Farrah. Sasaktan lang niya si Farrah kung sakali. Hindi deserve ng mga babae ang katulad ng mokong na 'to. "Matanong kita." Inubos niya muna ang isang stick ng sigarilyo at tinapon ang filter niyon sa pavement. "Balak mo bang seryosohin 'yon si Farrah? Kasi kung hindi, isa ka sa mga dakila, p're." "Lasing ka lang." Napailing ako. "Alam mo, gwapo ka, eh." Ayaw niya talagang tumigil. "Ang mga lalakeng katulad natin, hindi dapat nanatili sa isa. Maraming babae riyan, tumikim ka hangga't gusto mo. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa isang seryosong relasyon kasi lugi ka." Napabuga na lang ako ng hangin at hindi na lang pinakinggan ang mga sinasabi niya. Akala ko pa naman ay matino siya. May pa-party pa siyang nalalaman para kay Farrah kasi type niya pala. "Tingnan mo 'yon." Dinunggo niya ang braso ko at may tinuro sa may bilyaran na malapit lang sa pwesto namin. "Siya 'yong kaibigan ni Farrah, 'di ba? Sh*t, ang ganda at ang sexy." Tiningnan ko kung sinong tinutukoy niya at naramdaman ko ang pagpitik ng ugat sa noo ko nang makitang si Orion ang itinuturo niya. Umahon pala si Orion sa pool at binalikan sa bilyaran 'yong bag niya. Exposed ang katawan niya kaya maraming napapatingin sa kaniya—kasama na 'tong demonyo sa tabi ko. "Ganyan ang mga type kong babae. 'Yong unang tingin mo pa lang, alam mo nang masarap ikama." Tumawa si Yuan. Nangati bigla ang kamao ko at gusto kong paliparin 'yon sa mukha niya. Kanina, hindi lang ako umiimik pero pagdating kay Orion, parang gusto kong pumatay. Nakaalis na si Orion pero sinundan pa rin siya ng tingin ni Yuan. "Sundan ko kaya?" tumatawang tanong ni Yuan. "Tapos landiin ko. Tingnan ko kung bibigay. Mukha namang madali siyang maloko—" Natahimik siya nang dumapo sa mukha niya ang kamao ko. Napahandusay siya sa pavement habang sapo ang dumudugong ilong. Tumaas ang sulok ng labi ko. Walang nakakita sa ginawa ko dahil busy ang lahat, mabuti 'yon. "Isang pambabastos mo pa kay Orion, didikit ang likod ng ulo mo sa batok mo," matigas na sambit ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD