[Hunter James Acosta]
"F*ck you! Ano bang problema mo?!" asik niya.
Ni hindi niya magawang makatayo dahil marahil sa kalasingan na dinagdagan pa ng pagsuntok ko sa kaniya.
"G*go ka. Iyon ang problema ko." Tiningnan ko ang kamao kong may bahid ng dugo niya. "Ang sakit ng kamao ko, ang tigas kasi ng mukha mong hinayupak ka." Napailing ako at naglakad na paalis doon na parang bang walang nangyari. "Pasalamat ka at 'di ko binasag 'yong bote ng beer sa ulo mo," bulong ko.
Bumalik ako sa pool area at hinanap si Orion. Si Farrah, Reese at Calvin na lang ang nakita ko sa pool.
"Nasaan na 'yong babaeng 'yon?" bulong ko sa sarili ko.
Natigilan ako nang may maramdaman ako sa likod ko. Kaagad akong lumingon at hinawakan ang pupulsuhan ni Grace, dahilan para hindi tuluyang humampas ang hawak niyang bote ng beer sa ulo ko.
"Grace!" Tinulak ko siya palayo sa akin kaya nasubsob siya sa isang billiard table. "Anong problema mo?!"
"Bakit mo sinaktan si Yuan?!" sigaw niya.
Tumigil saglit ang malakas na tugtog kaya narinig ng mga tao ang pagsigaw ni Grace at napatingin sila sa direksyon namin.
"G*go ang boyfriend mo!" asik ko. "At hindi dahilan na sinuntok ko siya para basagin mo sa ulo ko 'yan!" Tinuro ko ang hawak niyang bote. "Ano bang nangyayari sa 'yo?!"
Hindi siya sumagot pero sinugod niya ulit ako at akmang ihahampas ulit sa akin ang bote pero umilag ako, dahilan para masubsob siya sa sahig at mabasag sa kamay niya ang hawak na bote.
Napasigaw ang mga babaeng nakakita sa nangyari sa kaniya. Dumugo kasi ang kamay niya na natusok ng mga bubog ng boteng nabasag. Napaiyak siya sa sakit. Dinaluhan ko siya para tingnan ang sugat niya pero dinampot niya ang isang matalim na bubog at winasiwas sa mukha ko.
Naiharang ko ang braso ko at napasigaw ako nang maramdaman ang pagguhit ng sakit doon. Nagkaroon iyon ng mahabang sugat. Pag-angat ko ng tingin ay sinipa ko kaagad ang tiyan ni Grace nang akmang sasaksakin niya ulit ako ng hawak niyang bubog.
Sinubukan siyang awatin ng dalawang lalake pero nanlaki ang mga mata ko nang tumilapon ang mga 'yon at nahulog sa swimming pool. Napuno ng sigawan ang paligid. Nagsitakbuhan ang marami, habang ang iba ay nagmadaling umahon sa swimming pool.
Tumayo ako at tiningnan si Grace na ngayon ay dahan-dahang naglalakad palapit sa akin. Malakas ang kutob ko na hindi na siya si Grace. Hindi kayang gawin ni Grace ang ganitong bagay.
"Grace..." tawag ko sa kaniya.
"Hindi ako si Grace," sagot niya sa malalim na boses, parang demonyo.
Natigilan ako nang makita ang unti-unting pag-itim ng mga mata niya—katulad ng lalakeng nakasuot ng cloak na sumakal sa akin doon sa parking area ng Trivia. Gumapang ang kilabot sa batok ko nang makita ang pag-angat ng sulok ng labi niya sabay taas ng dumudugong kamay, hawak ang matalim na bubog at handa na akong saktan.
"Anong nangyayari sa 'yo, Grace?" tanong ko habang dahan-dahang umaatras palayo sa kaniya. Hangga't maaari, hindi ko siya lalabanan.
"Hindi ako si Grace!" asik niya. "Ako! Ako ang unang demonyong hihigop sa iyong kaluluwa!"
Nanindig ang mga balahibo ko sa katawan. At alam kong hindi lang 'yon dala ng nakakakilabot niyang boses, kundi sa mga salitang binitawan niya.
Kung gano'n ay totoo ang sinabi ni Tita Cha na may tatlong demonyong magpapakita sa akin bago sumapit ang kaarawan ko. Ang tatlong demonyong 'yon ang uubos sa kaluluwa ko para pagdating ng kamatayan ko ay mabilis nila akong matatangay patungong impyerno.
"Ako si Abel, at ako ang unang demonyong humigop ng kaluluwa ng lolo at ama mo!"
Tumawa siya nang napakalakas at bago pa ako makapagsalita ay naramdaman ko ang pag-angat ko sa sahig at ang biglang paninikip ng dibdib ko. Sa isang iglap ay nasa harap ko na si Grace.
"Halika't ihandog mo sa akin ang unang parte ng iyong kaluluwa, ikatlong salinlahi ng Acosta!" sambit niya habang nakatayo sa harap ko at nakatingala sa akin.
Hindi ako makapagsalita. Habol ko ang hininga ko. Pakiramdam ko ay mauubusan na ako ng hininga. Sinubukan kong ikawag ang mga paa ko pero walang nangyari.
"Hunter!"
Hirap man pero pinilit kong lumingon sa direksyon ni Farrah nang sumigaw siya. Pilit siyang hinahatak ni Calvin at Reese palayo.
"Huwag mong sasaktan si Hunter!" malakas na sigaw ni Farrah.
"Manahimik ka!" May malakas na pwersang lumabas mula sa katawan ni Grace at dumiretso iyon kanila Farrah.
"F-Farrah!" hirap na sigaw ko nang makitang tumilapon silang tatlo at nawalan ng malay. Kumuyom ang mga kamao ko pero wala akong magawa. Nakaangat pa rin ako at hindi ko maigalaw ang katawan ko.
"Hindi ka maililigtas ng pagdikit mo sa babaeng 'yon, Acosta! Ang sumpa ay sumpa! Walang makakaputol niyon kahit pa ang Dios n'yo! Kaya ialay mo sa akin ang unang parte ng iyong kaluluwa!"
Hindi ko alam pero nang tingnan ko ang maiitim niyang mga mata ay kusang bumuka ang bibig ko. Nangisay ako at unti-unti kong nakita ang paglabas ng itim na usok mula sa bibig ko. Dahan-dahang pumasok ang usok na 'yon sa nakabukang bibig ni Grace at habang tumatagal ay nararamdaman ko ang unti-unting panghihina ng katawan ko.
Habang nangyayari 'yon, unti-unti kong nakita ang isang senaryo kung saan nakahiga sa isang kama ang isang lalake habang nakapatong sa kaniya ang isang babae. May iitim na usok ang nagkokonekta sa mga bibig nila: katulad ng nangyayari sa akin ngayon. Sa sumunod na senaryo ay gano'n din ang nangyari at ang pinagkaiba lang ay nasa banyo ang lalake habang sakal-sakal siya ng isang lalake.
Doon ko napagtanto na lolo ko pala ang lalake sa unang senaryo at tatay ko ang nasa ikalawa. Ang mga nangyari sa kanila ay nangyayari na sa akin ngayon. At wala akong magawa.
Naramdaman ko ang pagpatak ng isang butil ng luha sa gilid ng mata ko kaya napapikit ako.
"Ngayon ay nakita mo kung paano ko kinuha ang unang parte ng kaluluwa ng mga kalahi mo, Acosta. At gano'n din ang gagawin ko at ng mga kapatid ko sa 'yo! Ang iyong kaluluwa ay mapupunta sa amin upang ialay sa dagat-dagatang apoy at mga asupre!"
"Hindi mangyayari 'yan!"
Idinilat ko ang mga mata ko nang marinig ko ang pamilyar na boses.
Sa isang iglap ay nabitawan ako ni Grace. Diretso akong napahandusay sa sahig kasabay ng pagkadapa ni Grace sa tabi ko. Pag-angat ko ng tingin ay nakita ko si Orion. Hawak niya sa kanang kamay ang isang cue stick. Iyon siguro ang ginamit niyang paghampas sa likod ni Grace.
Napansin ko na nakasuot na siya ngayon ng pantalon at gray na hanging blouse. Nakalugay pa rin ang basa niyang buhok.
"Ako ang labanan mo," hamon ni Orion habang nakatingin nang matalim kay Grace na ngayon ay dahan-dahan nang bumabangon mula sa pagkakadapa.
"Isang hangal na anak ng Dios," nang-uuyam na tugon ni Grace sabay tawa. "Kaya mo ba akong labanan?"
Tumaas ang sulok ng labi ni Orion at hinampas nang malakas ang cue stick sa gilid ng billiard table. Naputol iyon at nahati sa dalawa. Pinulot niya ang kaputol kaya dalawa na ang hawak niya at nagmistulang Arnis stick. Pinaikot niya ang dalawang stick sa mga palad at nginisihan si Grace.
"Subukan natin."