[Orion Hale De Castro]
Pumunta lang ako ng banyo para magbihis tapos ito ang maabutan ko?!
Wala nang tao tapos nakita ko pa si Grace na sinasaktan si Hunter. Saka ko lang napagtanto na may kakaibang nangyayari nang makita ko ang maiitim na mga mata ni Grace. Pati boses niya ay nag-iba. Hindi ko alam kung anong nangyayari pero isa lang ang alam ko: isang demonyo ang kaharap ko.
Pinaikot ko ulit ang dalawang cue stick na hawak ko. Inimagine ko na lang na Arnis stick 'yon. Sinulyapan ko si Hunter nang tumayo siya mula sa pagkakahandusay sa sahig. May sugat siya sa braso.
Ibinalik ko ang tingin ko kay Grace.
"Layuan mo si Hunter. Bago mo siya masaktan, ako muna ang makakalaban mo," mariing banta ko sa kaniya pero tumawa lang siya.
Nakakakilabot ang boses niya. Parang boses ng malaking tao.
"Hindi ako sumusunod sa isang mahinang nilalang na katulad mo," sagot niya. "At ang lalakeng sinusubukan mong iligtas ay pagmamay-ari na namin bago pa siya isilang sa mundo n'yo!"
Umawang ang bibig ko nang mapagtanto ko na ang kaharap ko ay ang isa sa tatlong demonyong tinutukoy ni Tita Cha. Sila ang kukuha sa kaluluwa ni Hunter bago sumapit ang kaarawan at kamatayan niya.
Napailing ako. "Hindi. Hindi ako papayag." Tumingin ako kay Hunter at nataranta kaagad ako nang wala na siya sa pwesto niya kanina.
"Tigil!"
Napalingon ako sa likod ko nang sumigaw ang dalawang lalakeng pulis. Nakatutok ang baril nila kay Grace. Lumitaw din ang dalawa pang pulis sa kabilang gilid pero nangibabaw ang nakakatakot na pagtawa ni Grace.
Nang ibalik ko ang tingin ko sa kaniya ay napaatras ako. Lumabas ang apat na usok na kulay itim mula sa bibig niya at diretsong tumama sa apat na pulis.
Akala ko ay matutumba sila pero hindi nangyari 'yon. Nangisay sila at nabitawan ang hawak na baril.
"Anong ginawa mo sa kanila?!" tanong ko kay Grace pero nginisihan niya lang ako at tumingin sa likod ko.
Napasunod ang tingin ko sa tinitingnan niya at nanlaki ang mga mata ko nang makitang palapit na sa akin ang apat na pulis. Purong itim na ang mga mata nila katulad ni Grace.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa mga cue stick.
"Ayoko kayong saktan," sambit ko habang umaatras palayo sa mga pulis. Mukhang wala na sila sa sarili nila, parang wala silang naririnig.
Napamura ako nang sugurin ako ng isang pulis. Wala akong nagawa kundi humakbang pakaliwa at hatakin ang braso niya para pilipitin sabay ikot para sikuhin ang mukha niya. Sumigaw siya sa sakit.
Napalingon ako sa gilid ko nang maramdaman na susugod din sa akin ang isang pulis. Winasiwas ko ang isang cue stick sa mukha niya. Kasabay niyon ay yumuko ako at pinatid ang mga paa nila, dahilan para sabay silang bumagsak sa sahig.
Nakarinig ako ng yabag sa likod ko. Paglingon ko ay pasugod na sa akin ang dalawa pang pulis pero humandusay sila sa sahig nang hampasin sila ni Hunter ng cue stick sa likod.
Hinihingal na napatingin sa akin si Hunter pero lumagpas ang tingin niya sa likod ko. Paglingon ko ay nasa harap ko na ang dalawang pulis na napatumba ko kanina. Mas lalo pa yatang naging itim ang mga mata nila. Para silang zombie na hindi namamatay!
Naramdaman ko ang pagdikit ng likod ni Hunter sa likod ko. Napalingon kami sa isa't isa kaya nakita kong bumangon pala ulit 'yong dalawa pang pulis sa harap niya.
"Tigdalawa tayo," bulong niya.
Bago pa ako makasagot ay sinugod niya na ang dalawang pulis sa harap niya gamit ang hawak na cue stick. Hindi pa siya nakuntento at pinutol niya iyon gamit ang isa niyang hita. Nang maging dalawa ang cue stick ay pinaikot niya ang mga iyon sa kamay at ekspertong winasiwas sa mga kalaban.
Nawala ang atensyon ko kay Hunter nang tumama ang isang sipa sa likod ko. Napasigaw ako at napaluhod sa sahig. Pag-angat ko ng tingin ay palapit na sa akin ang dalawang pulis.
Kaagad akong tumayo at itinaas ang mga hawak kong cue stick at winasiwas sa dalawang kalaban. Nabitawan ko ang isa nang hulihin ng isang pulis ang pupulsuhan ko at tadyakan ako.
Napahandusay ako sa sahig at nabitawan ang isa pang cue stick. Gumapang ako para pulutin iyon pero tinapakan ng isa pang pulis ang kamay ko na halos ikadurog ng mga buto ko roon. Halos maputol ang ugat sa leeg ko nang napasigaw ako nang malakas.
"Orion!" Narinig ko ang malakas na sigaw ni Hunter.
Nag-angat ako ng tingin at nakita ko siyang sinasakal ng isang pulis gamit ang braso nito. Hindi niya magawang lumaban dahil binubugbog siya ng isa pang pulis.
Nangibabaw ang mala-demonyong halakhak ni Grace sa likod ko.
"Walang kwentang nilalang," sarkastikong sambit niya. "Ang sumpa ay hindi mapuputol ng isang katulad mo."
"A-Ah! Tama na!" Pinagsusuntok ko ang paa ng pulis nang diinan niya ang pagtapak sa kanang kamay ko.
"Pakawalan n'yo na siya!" sigaw ni Hunter. "Ako ang kailangan mo, 'di ba?! Huwag mo nang idamay si Orion!"
"Siya ang kusang nakialam kaya't ipapakita ko kung sinong kinalaban niya!"
Tumulo ang luha ko habang tiniitiis ang pagdiin ng sapatos ng pulis sa kamay ko. Hindi ko na magawang suntukin ang paa niya gamit ang kabilang kamay ko dahil hinang-hina na ako.
"H-Huwag—Ah!" Napasigaw ulit ako nang tadyakan ako ng isa pang pulis.
Namilipit ako sa sakit pero mas nag-alala ako kay Hunter dahil naglalakad na ngayon palapit sa kaniya si Grace. Hindi siya makapalag sa dalawang pulis na may hawak sa kaniya.
"Akin na ang iyong kaluluwa," sambit ni Grace nang tumigil siya sa tapat ni Hunter.
"H-Hunter!" malakas na sigaw ko.
Dios ko, tulungan n'yo po kami. Huwag n'yong hayaan na masaktan si Hunter ng demonyong kalaban namin.
Sa sobrang takot ko para kay Hunter ay napadasal ako—na hindi ko naman madalas na ginagawa.
Nakarinig ako ng kalabog sa likod ko kaya napalingon ako roon. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Calvin. Hinampas niya ng bote ng beer ang ulo ng isang pulis sa likod ko at mabilis na sinipa sa tiyan ang isa pang pulis na tumatapak sa kamay ko.
Kasabay ng pagbagsak ng dalawang pulis sa tabi ko ay napahandusay ako at napasigaw nang makawala ang kamay ko. Hawak ko ang pupulsuhan ko, dinadama ang pagkadurog ng buto ko sa kamay.
"Orion..." Tinulungan akong makatayo ni Reese habang si Calvin naman ay pinapaulanan ng suntok at sipa ang dalawang pulis.
Kaagad kong tiningnan si Hunter at nakita kong nakaangat na ulit siya sa lupa habang hinihigop ni Grace ang itim na usok mula sa bibig niya.
"Hunter!" sigaw ko. Kasunod ng pagsigaw ko ay nakita ko si Farrah sa likod ni Grace.
Kitang-kita ng dalawang mata ko kung paano niya kalabitin ang hawak na baril. Marahil ay nakuha niya 'yon sa mga nalaglag na baril ng mga pulis kanina.
Umalingawngaw ang napakalakas na putok galing sa hawak na baril ni Farrah. Diretsong tumama ang bala sa balikat ni Grace na ikinahiyaw nito. Bumagsak sa sahig si Grace kasabay ng pagkawala ng malay ng dalawa pang pulis.
Nanginginig na binitawan ni Farrah ang hawak na baril na para bang napaso siya niyon.
Kaagad akong bumitaw kay Reese at patakbong nilapitan si Hunter. Lumuhod ako sa gilid niya at hinawakan ang magkabila niyang pisngi.
"H-Hunter...gising..." Tinapik ko ang pisngi niya pero hindi siya gumagalaw.
Naramdaman ko ang paglapit ni Calvin, Reese at Farrah.
"Anong nangyari sa kaniya?" tanong ni Reese. "At bakit siya pinupuntirya ni Grace? At si Grace, bakit siya nagkagano'n? 'Yong mga pulis...para silang nasaniban. Ano bang nangyayari?"
"Mamaya ka na magtanong," saway ni Calvin sabay baling kay Farrah. "Huwag kang mag-aalala, ginawa mo lang naman 'yon para iligtas si Hunter."
Nag-angat ako ng tingin kay Farrah. Nakaluhod siya sa kabilang gilid ni Hunter, tulala at nanginginig pa. Hinawakan niya ang kamay ni Hunter.
"P-Please... gumising ka na..." mahinang bulong niya habang nakatingin kay Hunter. Nasa boses niya ang matinding pag-aalala.
"Bakit hindi siya gumising?" tarantang tanong ni Reese.
Tiningnan ko ulit si Hunter at hindi pa rin dumidilat ang mga mata niya. Sinalakay ng matinding kaba ang dibdib ko at hindi ko maiwasang hindi mag-isip ng kung ano-ano.
Umupo ako sa sahig at ipinatong ang ulo ni Hunter sa may hita ko.
"Hunter..." Tinapik ko nang ilang ulit ang pisngi niya at nakahinga ako nang maluwag nang kumunot ang noo niya at dahan-dahang dumilat ang mga mata.
Nagtama ang paningin naming dalawa at napangiti ako.
"Gising na siya!" bulalas ni Reese.
"Thank, God!" Napapikit sa tuwa si Farrah habang hindi pa rin binibitawan ang kamay ni Hunter. "Anong nararamdaman mo? May masakit ba?"
Kaagad bumangon si Hunter at tinitigan ako nang mabuti, punong-puno ng pag-aalala ang mga mata.
"Nasaktan ka ba?" Bumaba ang tingin niya sa kanang kamay kong dumudugo na ngayon dahil sa ginawa ng isang pulis kanina. "T*ngina..."
"O-Okay lang ako," sagot ko sabay tingin kay Farrah na ngayon ay tahimik na pinapanood kami. "S-Si Farrah. Iniligtas ka niya."
Napalingon si Hunter kay Farrah. "Salamat. Kailangan na nating umalis dito." Tumayo na siya kasabay ng pagtayo ni Farrah at Reese.
Akmang tutulungan ako ni Hunter na makatayo pero naunahan siya ni Calvin.
"Kailangan kang idala sa ospital," sabi ni Calvin sabat tingin sa braso ni Hunter na may mahabang sugat. "At ikaw din."
"Okay lang ako," seryosong sagot ni Hunter habang nakatingin sa kamay ni Calvin na nakahawak sa bewang ko.
"Ay! Nabuhay!"
Nang dahil sa sigaw ni Reese, napatingin kami kay Grace na ngayon ay dahan-dahang bumabangon sa kabila ng sugat niya sa balikat at kamay.
Hindi katulad kanina ay may itim na usok na pumapalibot sa katawan ngayon ni Grace na dinagdagan pa ng lalong pangingitim ng mga mata niya.
Napaatras kaming lima nang humakbang siya palapit sa amin. Humakbang kami paikot hanggang sa magkapalit kami ng pwesto. Kaming lima na ang nakatayo sa gilid ng pool.
Napatingin ako sa sahig nang matapakan ko ang baril na ginamit ni Farrah kanina.
"Huwag!" mariing pigil ko sa mga braso ni Hunter at Calvin nang akmang susugurin nila si Grace. "Malakas siya. Sasaktan lang niya kayo. Lalo ka na, Hunter. Hindi ka niya titigilan."
"Ang sabi ng iba, hindi lalakas ang isang demonyo kung walang katawan na kinakapitan," sambit ni Farrah kaya napatingin ako sa kaniya. "Kung wala ang katawan ni Grace, hindi tayo masasaktan ng demonyong 'yan."
"Anong gagawin natin? Papatayin natin si Grace? Gano'n?!" tanong ni Reese.
"Kung 'yon lang ang paraan para maprotektahan si Hunter..." sambit ko at dahan-dahang nagbaba ng tingin sa baril sa may paanan ko. "Wala akong pagpipilian."