Chapter 24-To Marry

1569 Words
[Orion Hale De Castro] Mula sa gilid ng mga mata ko ay kitang-kita ko ang sabay-sabay na paglingon ng mga kasama ko sa 'kin, hindi makapaniwala sa sinabi ko. "T-Teka!" Hinawakan ni Calvin ang pupulsuhan ko nang akmang pupulutin ko ang baril. "Handa kang makulong para lang protektahan si Hunter? Hibang ka ba?!" Natigilan ako at napatingin kay Hunter. Handa nga ba akong makulong para sa kaniya? Bakit? Bakit ko ginagawa 'to? Dahil pa ba 'to sa utang na loob ko kay Hunter noong mga bata pa kami? "Huwag mong gawin 'yan," mariing pigil ni Hunter habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko. Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay ito ang misyon ko sa buhay: Ang protektahan si Hunter sa mga gustong manakit sa kaniya, kahit sa puntong alam kong makukulong ako. Kaya sa kabila ng pakiusap na nakikita ko sa mga mata ni Hunter, dahan-dahan kong pinulot ang baril sa sahig gamit ang kaliwa kong kamay. "Orion!" sabay-sabay na sigaw nila nang humakbang ako papunta kay Grace. Hindi ko sila nilingon at dire-diretsong naglakad kay Grace habang nakatutok sa kaniya ang nguso ng baril na hawak ko. "Hangal na nilalang," nakangising sambit ni Grace nang tumigil ako sa harap niya. Buong tapang kong itinutok sa mismong ulo niya ang baril na hawak ko, hindi natatakot sa maaaring mangyari. Wala akong maiiwan. Wala akong pamilya. Pero si Hunter? Mayroon. Maraming nagmamahal sa kaniya. At isa na ako roon. Oo, mahal ko na si Hunter. Ngayon ko lang napagtanto nang malagay sa bingit ng kamatayan ang buhay niya. Habang iniisip ko na pwede siyang mawala, parang mamamatay ako. Mahal ko si Hunter. Mahal na mahal ko siya at kaya kong isugal ang kalayaan ko para sa kaniya. Hindi lang kalayaan...kundi maging ang buhay ko. "Kaya mo bang iputok 'yan?" nakangising tanong ni Grace sa sobrang lalim na boses. "Nararamdaman kong hindi mo kaya—" Natigil siya sa pagsasalita nang humakbang pa ako nang isang beses at mariing idinikit sa dibdib niya ang nguso ng baril na hawak ko. "Isang kalabit ko lang nito, bubulagta ka sa sahig," seryosong sambit ko. "Subukan mo 'ko." Nabura ang pagkabigla sa mukha niya at muling ngumisi. "Matapang. Nararamdaman ko na ngayon ang pagnanais mong patayin ako para sa lalakeng 'yon. Ngunit alam mo ba na pinapakialaman mo ang tadhana sa ginagawa mo? Batid kong hindi ito ang unang beses na nangialam ka." Natigilan ako sa sinabi niya. "Batid ko ang kakayahan mong makakita ng hinaharap," dagdag niya na ikinagulat ko. "Ikaw na isang ordinaryong tao ay binigyan ng kakayahan na makakita ng hinaharap. Dahil sa pangingialam mo, nag-iiba ang daloy ng tadhana ng mga tao sa paligid mo." "Alam ko ang ginagawa ko at pinagbabayaran ko ang kapalit ng pangingialam ko!" mariing sagot ko. "Maari kang mamatay kapag pinagpatuloy mo pangingialam sa tadhana ng Acosta na 'yon. Baka nakakalimutan mo na isang sumpa na galing sa amin ang nakadikit sa pagkatao niya. Hindi ito katulad ng mga nauna mong pinakialaman. Maaari mo itong ikamatay." Nagdikit ang mga labi at diniinan lalo ang nguso ng baril sa dibdib niya. "Kahit anong sabihin mo, hinding-hindi ko pababayaan si Hunter. Poprotektahan ko siya laban sa inyo! Kahit ilang beses ka pang sumanib sa ibang katawan, hindi ako mangingiming patayin ka nang paulit-ulit!" "Napakatapang mo." Tumawa siya nang sarkastiko. "Subukan nating gamitin 'yang tapang mo sa sarili mo mismo." Nanlaki ang mga mata ko nang biglang nanigas ang kaliwang kamay ko na siyang humahawak sa baril. Sa isang iglap, parang nagkaroon iyon ng sariling isip. Napahakbang ako paatras nang unti-unting itinutok ng sarili kong kamay ang baril sa mismong dibdib ko. "Anong ginagawa mo?!" rinig ko sigaw ni Hunter mula sa likod ko. "Bakit nawala ang iyong tapang kanina?" sarkastikong tanong ni Grace. "Natatakot ka ba na kalabitin ang gatilyo ng baril na 'yan? Nakikinita kong kakalat ang balita na may isang babaeng hangal ang binaril ang kaniyang sarili." Humalakhak siya nang malakas at umabot sa puntong nangibabaw iyon sa buong paligid. "Orion! Bitawan mo 'yan! Anong ginagawa mo?!" malakas na sigaw ni Farrah. Pigil ko ang hininga ko habang pilit na inaalis sa dibdib ko ang nguso ng baril. Pero kahit anong lakas ang ilabas ko ay hindi ko magawang kontrolin ang sarili kong kamay. "Handa ka na bang mamatay?" nakangising tanong ni Grace. "H-Hindi man ako makapangyarihan katulad mo, nagpapasalamat ako dahil mamamatay ako bilang anak ng Dios...hindi bilang isang kampon ng kadiliman na naninirahan sa impyerno!" "Manahimik ka!" Napasinghap ako nang sakalin niya ako. Nabitawan ko ang baril na hawak ko. Narinig ko ang malakas na sigaw nila Farrah nang makita ang ginawa sa akin ni Grace. Damang-dama ko ang matinding galit ng demonyong nakasanib kay Grace. Ramdam ko iyon sa higpit ng pagkakasakal niya sa leeg ko. Wala akong magawa kundi ang piliting alisin ang kamay niya sa leeg ko. Hindi na ako makahinga. "Huwag mong ipagmalaki sa akin ang pagiging anak ng Dios mo! Dahil walang magagawa ang Dios mo kapag pinaslang kita ngayon mismo!" galit na sigaw niya sa mismong mukha ko. Napapikit na lang ako nang mas higpitan niya ang pagkakasakal sa leeg ko. Namuo ang mga luha sa gilid ng mga mata ko. D-Dios ko, huwag n'yo po kaming pabayaan. Naramdaman ko ang pagdaloy ng luha sa may sentido ko. Ilang saglit pa ay umalingawngaw ang isang putok ng baril kasabay ng pagtili nila Farrah. Bumagsak ako sa sahig at nang idilat ko ang mga mata ko ay bumungad sa akin ang duguang katawan ni Grace na nakahandusay sa harap ko. May tama ng bala ang dibdib niya. Pagtingin ko sa gilid ay nakita ko ang dalawang pulis na nakatutok ang baril sa direksyon ni Grace. Sila ang nagpaputok ng baril. Tumulo ang mga luha ko habang nakatingin kay Grace. Kahit hindi ko siya lapitan, alam kong patay na siya. Bakit? Bakit kailangang madamay ni Grace? *** Nakatulala lang ako habang nasa presinto kami nila Hunter. Hiningian kami ng statement ng mga pulis tungkol sa nangyaring kaguluhan sa club. Wala akong maisagot kaya si Hunter ang sumasagot para sa akin. Nagamot na rin ang mga sugat namin, maging ang mga pulis na nakalaban namin kanina ay ginamot na rin. "Seryoso ba kayo sa sinasabi n'yo? Demonyo? Sanib?" natatawang tanong ng isang pulis. "Sa tingin mo ay nakikipagbiruan kami sa inyo, Kuya?" inis na sabad ni Reese. Nakabalot na siya ng tuwalya ngayon katulad ni Calvin at Farrah. "Nakita mismo ng dalawa n'yong kasamahan ang itsura ni Grace bago siya barilin!" "Reese..." awat ni Farrah. "Kalma ka lang." "Paano ako kakalma? Pinagtatawanan nila tayo!" Tumikhim ang isang pulis na nakaupo sa harap ng desk kung saan kami nakatipon. "Pasensya na kayo. Ito kasi ang unang beses na may nangyaring kababalaghan sa lugar na 'to." "Pero totoo po ang sinasabi namin," sabad ni Calvin. "Kahit tanungin n'yo pa 'yong apat na pulis. Nawala sila sa sarili nila dahil kinontrol sila ni Grace—ay este no'ng demonyong gustong pumatay kay Hunter." Napatingin ang pulis kay Hunter. "Gusto kang patayin?" Hindi kaagad nakasagot si Hunter at tumingin muna siya sa akin. Kaagad siyang umiling. "Hindi ko alam kung bakit ako ang pinuntirya niya." Hindi na lang ako umimik. Tama lang na hindi sinabi ni Hunter ang totoo dahil wala namang maniniwala na may sumpa siya kaya siya pinupuntirya ng demonyo. Marami pang naging katanungan ang mga pulis bago kami pinayagang umalis doon. Paglabas namin ay nakita ko ang mama ni Grace na umiiyak habang kausap ang isang pulis. Nakaalalay sa kaniya si Sir Yuan na ngayon ay nakatulala lang. Nilapitan siya ni Farrah at kinausap muna. "Tumatawag si Mama. Sandali lang." Nagpaalam si Calvin bago siya lumabas ng presint. Maingay kasi dito sa loob. "Ayos ka na ba?" tanong ni Hunter at tumango lang ako bilang sagot. May nakapulupot na benda sa kanang kamay ko habang siya naman ay may benda rin sa braso at sa may pisngi. "Reese!" Napatingin ako sa babaeng dumating. "Tita Cha!" Sinugod ni Reese ng yakap si Tita Cha. "Nasaan si Aki?" tukoy niya sa anak niyang babae. "Iniwan ko muna sa kapitbahay natin. Ano, kamusta ka?" nag-aalalang tanong ni Tita Cha. "Okay lang ako, Tita," sagot ni Reese sabay tingin kay Hunter. "Tita Cha..." tawag ko at napatingin naman siya sa akin. "Naalala n'yo po ba kami ni Hunter?" Gumuhit ang rekognisyon sa mga mata niya nang tumingin siya kay Hunter. "Tita Cha, ginawa po namin ang sinabi n'yo," pagpapatuloy ko. "Inilapit ko si Hunter sa isang babaeng malakas ang pananampalataya sa Dios. Pero bakit nangyari 'to sa amin? Bakit nalapitan pa rin siya ng demonyo? Ang sabi n'yo po, hindi siya basta-basta malalapitan ng demonyo kapag—" "Hindi n'yo sinunod ang sinabi ko," seryoso putol niya sa sinasabi ko. "Nang sabihin ko sa inyo na kailangang dumikit ng lalakeng may sumpa sa isang babaeng malakas ang pananampalataya, ang ibig kong sabihin ay kailangan niya itong pakasalan. Ang kasal ang nagbubuklod sa dalawang tao. Kung anong meron sa isa ay naibabahagi niya sa isa pa—maging ang kaniyang matinding pananampalataya sa Dios." Natigilan ako dahan-dahang napatingin kay Hunter. Nagtama ang paningin naming dalawa at alam kong iisa lang ang tumatakbo sa isip namin. Ibinalik ko ang tingin ko kay Tita Cha. "A-Ang ibig n'yong sabihin ay kailangang pakasalan ni Hunter si...Farrah?" Hindi siya nagsalita pero nasa mga mata niya ang sagot sa tanong ko. Unti-unti, naramdaman ko ang pagpiga ng puso ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD