[Hunter James Acosta]
T*nginang tadhana.
Hindi pa nangyayari ang tadhana pero ito na ang komokontrol sa buhay ko.
"Kailangan mong pakasalan si Farrah."
Hindi ko magawang makatangin kay Orion nang magsalita siya sa tabi ko.
Nasa labas kami ng presinto at hinihintay si Farrah dahil nasa loob pa siya at kausap 'yong siraulong manager niya. Nakauwi na si Calvin at Reese kasama si Tita Cha.
"Pa'no kapag ayoko?" sagot ko habang nakatingala sa mga bituin sa kalangitan.
"Hunter..." Bakas ang inis sa boses niya pero hindi ko siya tiningnan. "Seryosohin mo naman 'to, oh. Hindi ka pa ba nadala sa nangyari kanina?"
Nagtiim ang bagang ko. "Sabihin mo nga sa 'kin: Paano ko pakakasalan ang isang babaeng hindi ko girlfriend?"
"Pero gusto mo siya, 'di ba? Nililigawan mo siya. Pwede ko siyang kausapin-"
"Orion." Marahas akong bumuntong-hininga. "Huwag mo akong utusan na para bang ang daling magpakasal. Ni wala akong ipon para sa kasal na 'yan at wala pa 'yan sa isip ko kaya pwede ba? At bata pa ako."
"Pero tatlong linggo na lang, Hunter. Tatlong linggo na lang at birthday mo na. Anong gusto mong gawin ko? Ang pabayaan kang mamatay?"
Hindi ako nakasagot. Alam ko naman na gusto niyang mabuhay ako pero hindi madali ang inuutos niya. Kahit para 'yon sa kapakanan ko, parang hindi ko kayang gawin. Ayaw ng isip ko at ayaw din ng puso ko.
"Pwede namang civil wedding, 'di ba? Ang importante, magpakasal kayo. Narinig mo naman 'yong sinabi ni Tita Cha, ang kasal ang magbubuklod sa inyong dalawa ni Farrah."
"Hindi. Ayoko." Umiling ako at tinalikuran ko na siya pero hinatak niya ang braso ko.
Dahil sa inis ko ay marahas kong inalis ang braso ko mula sa pagkakahawak niya. Napalakas iyon kaya nawalan siya ng balanse at napaupo sa pavement.
Nabura lahat ng inis na nararamdaman ko nang makitang nasaktan siya sa ginawa ko. Hinawakan ko ang braso niya at tinulungan siyang makatayo. Nang tingnan ko ang mukha niya ay basa na iyon ng mga luha.
"A-Ayokong mamatay ka, eh," umiiyak na sabi niya habang nakayuko. "Handa nga akong maging mamatay-tao kanina para lang protektahan ka. Hindi mo ba nakikitang mahalaga ka sa 'kin? Ayokong dumating 'yong araw na mawala ka tapos wala akong nagawa para sa 'yo. A-Ayoko nang mamatayan ulit."
Natahimik ako. Inaalala ko ang ginawa niya kanina. Nakipaglaban siya para sa 'kin. Handa siyang patayin si Grace para lang protektahan ako.
Bakit, Orion? Bakit nararamdaman kong mahal mo 'ko kaya mo ginagawa 'to?
Kahit wala siyang sinasabi, umaasa ang puso ko na may lugar ako sa puso niya dahil sa mga ginagawa niya para sa akin. Iyon siguro ang dahilan kung bakit malakas ang paninindigan ko na hindi pakakasalan si Farrah.
"Pasensya na, Orion. Mas gugustuhin kong mamatay kaysa pakasalan ang babaeng...hindi ko naman gusto," mahinang sabi ko pero siniguro kong maririnig niya.
Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin sa akin, bakas ang pagkalito sa mga mata.
"Hindi mo gusto si Farrah?"
Napayuko ako kasabay ng pagtagis ng bagang ko.
"Sinubukan ko. Sinubukan ko siyang magustuhan pero wala, eh. Hindi ko siya kayang magustuhan lalong-lalo na ang pakasalan." Mabagal akong umiling, dinadama ang p*******t ng dibdib ko. "Bakit kailangan kong gawin ang isang bagay na hindi ko gusto para lang mabuhay ako?"
"Kaya nga kakalabanin natin ang sumpa, Hunter. Hindi mo naman kailangang mamatay, eh. Pero bago 'yon, kailangan mong isakripisyo ang—"
"Ang ano? Ang kalayaan kong magmahal ng taong gusto ko?" Tumawa ako nang sarkastiko. "Akala mo madali 'yon?"
Hindi siya nakasagot.
"Hindi biro to, Orion. Naiintindihan mo? Sariling desisyon ko na 'to at ayokong pilitin mo ako sa isang bagay na hinding-hindi ko gagawin."
"Para naman sa 'yo, 'to—"
"Wala akong pakialam!" Tumaas ang boses ko. "Hindi ko pakakasalan si Farrah. Tapos ang usapan!" Tinalikuran ko na siya pero nagsalita siya kaya napatigil ako.
"Wala na bang halaga sa 'yo ang nanay mo? Si Ate Tess? Kaming mga kaibigan mo? Paano kapag nawala ka? Paano kami? Palibhasa hindi mo maririnig ang magiging iyak namin kapag namatay ka. Ganyan ka ba ka-selfish? Wala kang pakialam sa mga taong nagmamahal at nagpapahalaga sa 'yo?"
Kumuyom ang mga kamao ko. Abot-langit ang pagpipigil ko sa sarili ko na huwag aminin sa kaniya na siya ang dahilan kung bakit ayokong magpakasal kay Farrah.
Hindi niya ako maiintindihan hangga't hindi ko sinasabi sa kaniya na gusto ko siya pero hindi ko rin naman pwedeng sabihin. Bakit pa? May magagawa ba 'yon sa sitwasyon ko?
Iniwan ko siya roon nang hindi nagpapaalam. Ayoko munang makita siya. Ayoko munang marinig ang mga pamimilit niya sa akin. Nakakapagod.
Pag-uwi ko ng bahay ay patay na ang ilaw sa loob pero naabutan ko si Mama sa bintana na nasa sala. Nakatanaw siya sa labas, sa mismong langit. Tingin ko ay kanina pa siya naroon.
"Ma, bakit gising ka pa? Nasaan si Ate Tess?"
Hindi katulad dati, hindi niya ako pinansin. Itinaas niya ang isang kamay at tinuro isa-isa ang mga bituin sa langit.
"Ang ganda ng mga bituin..." nakangiting bulong niya. "Sana makarating ako roon."
Sumandig ako sa gilid habang pinagmamasdan siya. Para siyang bata.
"Paano ka makakarating sa mga bituin? Nandito ka sa lupa," pambabara ko.
"Pupunta ako ng langit!" nakangusong sagot niya. "Kapag nandon na ako, pupuntahan ko lahat ng mga bituin!"
"Hindi mo mapupuntahan 'yon."
"At bakit?" Bakas ang inis sa boses at mukha niya nang lingunin niya ako.
"Kasi hindi naman totoo ang langit."
Noong bata pa ako, naniniwala ako na may langit, na may Dios. Pero nang lumaki ako, hindi ko naiwasan na mapatanong. Totoo kaya ang mga nakasulat sa Bibliya? Totoo ba ang Dios? Bakit hindi siya nagpapakita? Bakit hinahayaan niya ang mga anak niya na mahirapan?
Kahit anong gawin kong pagtatanong, wala akong mahanap na sagot. Naisip ko na lang na baka hindi sila totoo. Nagdarasal ang mga tao para sa wala.
Ito ba ang parusa ko? Dahil ba hindi ako naniniwala na may Dios at may langit, pinaparusahan niya ako? Deserve ko naman siguro 'to. Deserve ko na kunin ng mga demonyo ang kaluluwa ko kasi hindi ko man lang kinilala ang Dios. Pakiramdam ko napakasama kong tao.
"Totoo ang langit," kontra ni Mama sa sinabi ko kanina. "Nasa tao 'yon kung nagtitiwala sila sa mga salita ng Dios."
"Wow." Tumawa ako nang sarkastiko. "Ang dami mo nang alam. Matulog ka na nga."
Pero hindi siya kumilos at tumingala ulit sa mga bituin sa langit.
"Tingnan mo 'yon." Tinuro niya ang isang malaking bituin. "Alam mo ba, noong unang panahon, ginagamit ng mga travelers ang Polaris para makapunta sa destinasyon nila nang walang ginagamit na compass? Hindi mo alam, 'no? Wala ka kasing hilig sa mga bituin."
"Bakit naman ako mahihilig sa mga bituin? Nakakain ba 'yan? Makakatulong ba 'yan para mapagamot ka?"
"Kaya ka nitong dalhin sa tamang direksyon. Akala mo lang ay wala silang silbi, katulad ng ibang bituin na maliliit at hindi makinang, pero isa sila sa nagpapaganda ng langit tuwing gabi."
Kumunot ang noo ko. "Bakit ka ba ganyan magsalita?"
"Parang inaantok na ako." Humikab siya at pumikit pa nang paulit-ulit.
Bumuga ako ng hangin at naglakad palapit sa kaniya para hawakan ang braso.
"Matulog ka na. Halika na." Hinatak ko na siya papasok ng kwarto at naabutan ko roon si Ate Tess na nakahiga sa sofa sa gilid.
May nakalagay na kumot sa katawan niya kaya tiningnan ko si Mama.
"Ikaw ang naglagay ng kumot niya?"
Ngumiti siya sa akin. "Oo. Nilalamig siya kanina at naawa ako. Alam mo, nararamdaman ko na pagod na pagod siya sa kakaalaga sa akin pero mas pinipili niyang asikasuhin pa rin ako. Ang laki ng utang na loob ko sa kaniya."
Hindi ko nagawang makasagot at tinitigan ko lang ang mukha niya. Nakatingin na siya ngayon kay Ate Tess habang hindi nabubura ang ngiti sa mga labi niya.
Naramdaman kong may kakaiba sa kaniya. Hindi siya ganito dati magsalita.
Pinanood ko siyang naglakad papunta kay Ate Tess. Nakangiti niyang hinaplos ang buhok nito sabay lingon sa akin.
"Magpahinga ka na. Paniguradong napagod ka roon sa party."
Hindi ulit ako sumagot at tumititig lang sa kaniya. Bakit parang may nag-iba sa kaniya pero wala naman akong nararamdaman na panganib?
"Ma..." tawag ko.
"Bakit?"
Gusto kong tanungin siya kung bakit ganyan siya magsalita ngayon pero umiling na lang ako. Para kasing...bumalik siya sa dati, noong wala pa siyang sakit.
"Magpahinga ka na. Magpapahinga na rin ako." Iyon na lang ang nasabi ko at tinalikuran ko na siya para lumabas na ng kwarto.
"Goodnight, Hunter...anak..."
Napako ang mga paa ko sa sahig at hindi nakakilos sa narinig ko. Lumaki ang mga mata ko at mabilis na lumingon kay Mama. Nakangiti siya sa akin, namumula ang mga mata dahil sa pabagsak na mga luha.