Chapter 26-Impossible

1642 Words
[Hunter James Acosta] Tinawag niya ako sa pangalan ko. Tinawag niya akong anak. Ngayon ko lang ulit narinig 'yon. Ang tagal kong...hinintay na makabalik siya. "M-Ma..." Lumabo ang paningin ko dahil sa mga luha. Naglakad ako papunta sa kaniya at hindi pa man ako nakalalapit ay tinaas niya na ang mga braso para salubungin ang yakap ko. Pakiramdam ko ay bumalik ako mula sa pagkabata nang isubsob ko ang mukha ko sa leeg niya. Ang mga kamay niya ay pumulupot sa bewang ko. Sobrang higpit ng yakap niya at hindi na nagpaawat sa pagbuhos ang mga luha ko. Lahat ng sama ng loob ko mula noon at hanggang ngayon, lahat ng bigat sa dibdib ko ay gumaan ngayong yakap ko siya. Alam kong hindi siya nawala sa tabi ko pero pakiramdam ko ay ngayon ko lang siya nakita at nakasama. Sobrang tagal kong kinimkim sa dibdib ko ang pakiramdam na walang nanay kahit nandyan naman siya. Matagal kong hinanap ang pagmamahal at pag-aalaga mula sa kaniya, dahil mula nang magkasakit siya, ako ang gumawa n'on para sa kaniya. Kahit lumaki na ako, at kahit marunong na akong buhayin ang sarili ko...hinahanap-hanap ko pa rin ang pag-aalaga niya, dahil ang totoo ay isa pa rin akong anak na kailangan ng isang ina. Ang gaan sa pakiramdam ngayong yakap ko siya. Gusto kong isumbong sa kaniya lahat ng sama ng loob ko pero paano ko gagawin 'yon? Pagkatapos ko siyang itrato nang masama, hindi ko na alam kung paano hihingi ng tawad sa kaniya. "Pagod na pagod ka na ba, anak?" tanong niya habang hinahagod ang likod ko. Ramdam niya yata sa pagyugyog ng balikat ko na umiiyak ako. "G-Gusto ko nang magpahinga, Ma," sagot ko. "P-Pero hindi ko magawa kasi alam kong may mga nagmamahal sa akin. Pasensya na kung hindi ko kaagad nakita 'yon." "Shh...alam mong mahal kita. Mahal ka namin ni Tess, at nagpapasalamat ako na hindi mo ako pinabayaan sa kabila ng galit mo sa akin." Kumalas siya mula sa pagkakayakap sa akin at hinawakan ang magkabilang pisngi ko. Kitang-kita ko ang pamamasa ng mga mata niya. "Patawarin mo ako kung naging pabigat ako—" "M-Ma, hindi..." Yumuko ako dahil nahihiya akong tumitig sa mga mata niya pagkatapos ng mga ginawa kong pagtrato nang masama sa kaniya. "Hindi ka pabigat. Oo, nagalit ako sa 'yo, nabigatan ako sa responsibilidad na ipinatong mo sa balikat ko pero alam kong mali 'yon. Iyong pag-aaral ko, pwede ko pang ituloy 'yon kung gugustuhin ko. Pero ikaw, Ma..." Nag-angat ako ng tingin, nahihiya. "Hindi ka mapapalitan. Kapag nawala ka, mawawalan ng direksyon ang buhay ko. "Hindi ba sinabi mo na ang mga bituin ang nagbibigay ng direksyon noon sa mga tao? Para sa akin, ikaw 'yong mga bituin na 'yon, Ma. Dahil sa 'yo, hindi ko nagawang sumuko sa buhay ko kasi alam kong nandyan ka pa. P-Patawarin mo 'ko, Ma...sa mga pagkukulang ko bilang anak. M-Matatanggap ko kung magagalit ka sa akin. Nararapat lang 'yon—" "Anak, makinig ka," nakangiting putol niya sa sinasabi ko. Hinawi niya ang buhok ko at pinagmasdan bawat parte ng mukha ko. "Hindi ako nagalit sa 'yo dahil wala kang kasalanan. Ako nga dapat ang humingi ng tawad kasi napabayaan kita. Wala ako tuwing kailangan mo ng isang ina. Mahal na mahal kita, anak. Huwag mo nang sisihin ang sarili mo." Ako naman ang yumakap sa kaniya, hinayaan kong isubsob niya ang kaniyang mukha sa dibdib ko. "Ang tangkad-tangkad mo," natatawang sabi niya nang maghiwalay kami. Pinunasan niya rin ang mga luha sa pisngi ko gamit ang kamay niya, titig na titig pa sa mukha ko. "Ma, ano ba..." Umiwas ako ng tingin at napakamot sa ulo. "Huwag mo nga akong titigan." Natawa siya. "Ang gwapo-gwapo ng anak ko. May girlfriend ka na ba at hindi mo sinasabi sa akin?" "Ma!" reklamo ko na ikinatawa niya lang. "Teka, naalala ko si Orion. Bakit hindi mo siya papuntahin dito bukas? Gusto ko siyang makausap. Miss na miss ko na rin ang batang 'yon, bukod sa maganda na ay mabait pa. Papuntahin mo siya, ha? Sabihin mo magluluto ako." Natigilan ako sandali nang banggitin niya si Orion. Naalala ko na naman tuloy na magkaaway kami kanina. Hindi lang 'yon basta away lang; hindi kami magkasundo. Hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. "M-Mirriam?" Sabay kaming napatingin kay Ate Tess nang bumangon siya mula sa pagkakahiga, nanlalaki ang mga mata habang nakatingin kay Mama. "Tess..." Niyakap ni Mama si Ate Tess kahit hindi pa ito nakakapagsalita at bakas pa rin sa mukha ang gulat. "M-Magaling ka na?" tanong niya nang maghiwalay sila. "P-Paano nangyari—" "Hindi na mahalaga 'yon. Hindi ka ba masaya na magaling na ako?" nakangiting tanong ni Mama. "D-Dios ko po...salamat." Nagyakap ulit ang dalawa at pinanood ko lang sila habang nakangiti. "Mabuti naman at magaling ka na. Salamat sa Dios at hindi ka niya pinabayaan." Nang maghiwalay ang dalawa ay inaya rin nila ako na sumali. Kahit nahihiya ay nakisali na rin ako sa pagyayakapan nilang dalawa. Ngayon lang yata ako nakaramdam ng sobrang saya habang yakap ko silang dalawa. Saka ko na muna haharapin ang mga problema ko, basta ang mahalaga ang yakap ko ang mga taong totoong nagmamahal sa akin. Kinabukasan ay nagpaalam ako kay Sir Gelo dahil hindi muna ako pumasok sa Take a Sip. Sinamahan ko si Mama na magpa-check up sa doktor at hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko. Wala na siyang sakit. Magaling na siya. Dapat ay masaya ako dahil wala nang sakit si Mama, pero pakiramdam ko ay may mali. Imposible na gumaling siya kung hindi ko naman siya pinapagamot. "Ayos ka lang ba, anak?" tanong ni Mama habang tinutulungan ko siyang magbalat ng patatas. Nagluluto kasi kami ngayon ng hapunan. Hindi na namin inabala si Ate Tess dahil gusto ko rin na magpahinga siya kahit ngayong araw lang. "Ayos lang ako, Ma," sagot ko. "Pero...wala ka na bang nararamdaman talaga?" Natawa siya at binitawan ang hawak na kutsilyo at patatas bago ako tiningnan. "Anak, doktor na ang nagsabi na wala na akong sakit. Huwag ka nang mag-alala." "Parang imposible lang po kasi." "Huwag ka nang mag-isip nang kung ano-ano, anak." Hinawakan niya ang balikat ko. "Ang importante okay na ako." Napabuntong-hininga na lang ako. "Ay, nga pala. Tinawagan ko na si Orion kanina. Pupunta siya rito kasi inimbitahan ko siya." Muntik ko nang mahiwa ang daliri ko sa narinig. "A-Ano ho?" Pinagpatuloy niya ang pagbalat ng patatas. "Ang sabi ko pupunta si Orion dito mamaya. Tuwang-tuwa nga siya nang malaman na magaling na ako. Sabi niya pagkatapos ng trabaho ay diretso siya rito." "Ma naman, pinakialaman mo cellphone ko?" nakasimangot na sabi ko. Tumawa siya. "Pasensya na, anak. Excited lang akong makita ulit ang future daughter-in-law ko." Nabitawan ko ang patatas dahil sa sinabi niya. Kunot-noong tiningnan ko siya. "Anong daughter-in-law? Wala akong gusto ro'n, Ma." "Wala ba talaga?" Binigyan niya ako ng nanunuksong tingin. "Baka akala mo nakalimutan ko na 'yong inamin mo sa akin nakaraan. Gusto mo si Orion, 'di ba?" Tsk. Oo nga pala. Napakamot na lang ako sa ulo ko at umiwas ng tingin. Hindi pa nga niya alam na ibang babae ang nililigawan ko. Sasabihin ko pa ba? Mukhang hindi ko na itutuloy ang panliligaw ko kay Farrah. Ayokong lokohin siya at ang sarili ko. Bahala na kung magalit si Orion sa akin. "Ano, nililigawan mo na ba si Orion, anak?" Hanggang sa paghahain ng pagkain ay si Orion pa rin ang topic ni Mama. "May nililigawan ako pero hindi siya," sagot ko habang naglalagay ng plato sa mesa. "Ano kamo?" Napatigil siya sa pagbaba ng mangkok na may laman na Kalderetang Baka at tumingin sa akin, kunot ang noo. Kinamot ko ang kilay ko. "Si... Farrah ho ang nililigawan ko, 'yong kaibigan ni Orion." Mas lumalim ang kunot sa noo niya. "Akala ko si Orion ang gusto mo? Bakit iba ang nililigawan mo?" Bumuga ako ng hangin, hindi alam kung sasabihin ko ba sa kaniya ang tungkol sa sumpa. "Anak, may itinatago ka ba sa akin?" seryosong tanong niya. Bumuntong-hininga ako. Hindi ko na lang siguro itatago total alam niya naman na ang tungkol sa sumpa ng lahi ni Papa. Baka nga magulat pa siya dahil naniniwala na ako roon. "Ma...totoo ang sumpa sa lahi ni Papa, at ako na ang susunod na mamamatay." Tuluyan niya nang naibaba ang mangkok sa mesa. Parang nanghina siya at napaupo na lang sa upuan. Dinaluhan ko kaagad siya. "A-Akala ko...nilampasan ka ng sumpa. Nakalimutan ko na hindi ka pa pala bente anyos," naluluhang sambit niya. "Wala akong nagawa para kay Sander noon, namatay siya sa harap ko habang ipinagbubuntis kita. Hindi ko alam kung anong solusyon sa sumpa at hanggang ngayon...wala rin akong magagawa para sa 'yo, anak." Lumunok ako ng laway bago nagsalita. "M-May paraan para mabuhay ako, Ma." Tumingala siya sa akin, puno ng pag-asa ang mga mata. "Ano 'yon? Sabihin mo sa akin." "Liligawan ko po si Farrah. Siya ang babaeng dapat kong pakasalan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi si Orion ang nililigawan ko ngayon, Ma." Umiwas ako ng tingin at nagpakawala ng malalim na hininga. "Sa totoo lang, hindi ko na alam kung itutuloy ko pa ang panliligaw ko." "Dahil gusto mo si Orion," sabad niya kaya napatingin ulit ako sa kaniya. "Pero base sa mga mata mo, hindi mo lang siya nagugustuhan, anak. Natatakot ako na baka mas piliin mo ang mahalin siya kaysa mabuhay." Hindi ako nakasagot dahil kitang-kita ko ang matinding takot sa mga mata ni Mama pero kakikitaan iyon ng pag-intindi. Naiintindihan niya ang pinagdaraanan ko ngayon. Naiintindihan niya na mahal ko si Orion kaya nahihirapan akong piliin ang sarili kong kapakanan. "Good evening!" Sabay kaming napatingin sa pinto ng kusina nang sumilip ang nakangiting mukha ni... "Orion..." bulong ko. Gano'n na lang ang pagtalon ng puso ko nang makita ko siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD