[Orion Hale De Castro]
"OMG! Mama!" Sinugod ko ng yakap si Tita Mirriam pagpasok ko pa lang ng kusina. "Magaling ka na? Seryoso?!"
"H-Hindi.. ako.. makahinga," nahihirapan na sabi niya kaya kumalas kaagad ako at tiningnan siya mula ulo hanggang paa.
"Grabe, hindi po ako makapaniwala. Magaling na talaga kayo." Halos maluha ako habang nagsasalita.
Ang saya-saya ko kanina nang tumawag siya sa akin para papuntahin ako rito. Kaya kahit pagod at galing trabaho ay dito ako dumiretso.
"Tara, kumain ka. Nagluto ako ng Kalderetang Baka." Hinatak niya ako paupo sa upuan na kaharap ni Hunter.
Napatingin ako sa kaniya at nagtama ang paningin naming dalawa. Bumuka ang bibig ko para batiin siya pero umiwas kaagad siya ng tingin. Lumaylay ang balikat ko.
Galit pa rin ba siya?
"Hunter, anak..." tawag ni Tita Mirriam nang umupo siya sa gitna. "Nandito na si Orion. Hindi mo babatiin?"
"Magandang gabi," tila walang ganang bati ni Hunter, hindi nakatingin sa akin. Nagsimula na siyang kumuha ng kanin sa plato pero tinapik ni Tita Mirriam ang kamay niya.
"Magdasal muna tayo," nakangiting sabi ni Tita Mirriam.
Pinagdikit ko ang dalawa kong palad at pumikit. Si Tita ang nag-lead ng prayer at habang nagsasalita siya ay binuksan ko ang mga mata ko para tingnan si Hunter. Nagkagulatan pa kaming dalawa nang magtama ang mga mata namin. Magkadikit din ang mga palad niya pero hindi siya nakapikit.
"Magdasal ka," sabi ko nang walang boses na lumalabas.
Inirapan niya lang ako bago pumikit. Nang matapos ay nag-umpisa na kaming kumain.
"Grabe! Ang sarap po pala ng luto n'yo, Mama! Da best!" Kahit puno ang bibig ko ng pagkain ay wala akong tigil sa pagpuri ng luto ni Tita.
Hindi ko sinasabi 'yon para bolahin siya dahil totoong masarap ang luto niya. Naalala ko tuloy si Mama dahil masarap din siya magluto.
"Hindi bale, pwede ka naman pumunta rito palagi at ipagluluto kita ng mga specialty ko," nakangiting sabi ni Tita.
Walang imik si Hunter habang panay lang ang subo ng pagkain. Hanggang sa natapos kaming kumain ay hindi pa rin siya nakisali sa kwentuhan namin ni Tita.
"Ako na po ang maghuhugas," presinta ko nang makitang nasa harap na ng lababo si Tita. "Magpahinga na po kayo."
"Sigurado ka?"
"Opo. Promise!" Tinaas ko pa ang isa kong kamay. "Magpahinga na po kayo dahil mukhang antok na antok na kayo. Bukas po dadalaw ulit ako rito."
"Oh, sige. Salamat, anak."
"Goodnight po!" Hinalikan ko siya pisngi at niyakap nang mahigpit.
Nang makaalis siya sa kusina ay nakita ko naman ang pagpasok ni Hunter.
"Matutulog na ako, Hunter, anak," paalam ni Tita kay Hunter. "Ikaw na ang bahala kay Orion. Ihatid mo siya sa apartment niya."
"Sige ho." Nagyakap ang dalawa.
Nang maiwan kaming dalawa ni Hunter ay sumandig siya sa gilid ng pinto, humalukipkip at pinagmasdan ako. Hindi ko siya pinansin at nagsimula na akong maghugas ng mga plato sa lababo.
"Anong oras ka uuwi?" tanong niya.
Umirap ako kahit hindi niya nakita. "Pinapauwi mo na ba ako?"
"Akala mo ba hindi ko alam na kaya ka pumunta rito ay para pilitin na naman akong pakasalan si Farrah? Kung iyon lang ang dahilan, makakauwi ka na."
Muntik ko nang ibato ang hawak kong plato sa kaniya. Ilang ulit akong bumuntong-hininga bago ko siya hinarap.
"Alam mo, hindi naman lahat ng kilos ko ay tungkol sa 'yo. Pumunta ako rito para kay Mama at hindi dahil sa 'yo."
"Talaga?" Humakbang siya palapit sa akin hanggang sa isang metro na lang ang distansya naming dalawa. "Sigurado ka?"
"Ano bang problema mo? Inaaway mo ba ako dahil sa pamimilit ko sa 'yo na pakasalan si Farrah? Bakit? Para naman sa 'yo 'yon, ah."
"Hindi ko na kailangan ng tulong mo kaya huwag mo na akong pakialaman pa," matigas na sambit niya.
"So, ano? Hahayaan mo na lang si Farrah? Iiwan mo siya sa ere? Alam mo ba na nag-text siya sa akin kanina? Ang sabi niya, hindi ka na raw nagparamdam sa kaniya mula pa kagabi. Iniisip na no'ng tao na ayaw mo sa kaniya—"
"Ayaw ko naman talaga sa kaniya. Ikaw lang 'tong nagpumilit!"
"Noong una, oo pinilit kita. Pero sino ang nagdesisyon na ligawan siya? Hindi ba ikaw? Bakit ba hindi mo subukan na gustuhin siya? Ganyan ba talaga katigas ang ulo mo? Kapag sinabi mong hindi mo gusto, hindi mo talaga gusto? O baka naman kasi may iba kang gusto kaya—"
"Ano naman kung may iba akong gusto?!" putol niya sa sinabi ko. Napatigil ako.
May iba siyang gusto? Sino?
Naramdaman ko na naman ang pamilyar na kirot sa puso ko pero hindi ko na lang pinansin 'yon.
"S-Sino?" tanong ko.
Suminghal siya at dinilaan ang pang-ibabang labi. "Importante pa ba kung sino?"
"Kung sinuman 'yang babaeng gusto mo, paniguradong hindi ka niya magugustuhan dahil diyan sa asal mo! Wala kang ibang iniisip kundi ang sarili mo kaya imposibleng magustuhan ka rin niya."
Umismid siya pero umiwas ng tingin at tumingin lang sa sahig. "Halata naman na hindi niya ako gusto, eh. Pinagtutulakan niya nga ako sa iba. Swerte niya nga kasi nagustuhan ko siya kahit abnormal siya. Ewan ko ba sa sarili ko."
Kumunot ang noo ko. Ano bang pinagsasabi niya? Para siyang baliw.
"Huling beses ko nang sasabihin 'to sa 'yo, Orion." Nag-angat siya ulit ng tingin sa akin. "Hindi mo na ako kukulitin tungkol kay Farrah."
"Gagawin ko kung anong gusto ko!" asik ko. "Kahit ilang ulit mo pa akong pagsabihan, hindi kita susukuan kasi maha—" Natigilan ako nang muntikan nang madulas ang dila ko. "M-Mahal ang bigas! 'Yon ang ibig kong sabihin!"
"Makulit ka talaga, eh 'no?" Bakas na ang pagkairita sa boses niya. "Kung hindi ka lang talaga babae—"
"Ano?" hamon ko. "Sasaktan mo 'ko? Ano ka, bakla at papatulan mo 'ko?"
Nanlaki ang mga mata niya at dinuro pa ako. "H-Hoy! Hindi ako bakla, ah! Hindi mo pa nga kilala buong pagkatao ko, eh!"
"Oo kasi may sarili kang mundo!"
"Ikaw na nga ang mundo ko, eh!"
"A-Ano?!"
Umawang ang bibig ko nang marinig ang sinabi niya. Nagkamali ba ako ng narinig? Nadulas ba siya? Ano 'yon? Anong ibig sabihin n'on?
"T*ngina..." dinig kong bulong niya habang ginugulo ang sariling buhok. Hindi siya makatingin sa mga mata ko katulad kanina. "Tangina kasi, eh..."
"P-Pakiulit nga ng sinabi mo..." nauutal na sabi ko. "A-Ako? Ako 'yong mundo mo? Sandali, mali ba pagkarinig ko? Pero malinaw pa naman pandinig ko, ah. Wala namang diperensya ang tenga ko. Baka guni-guni ko lang—"
"Gusto kita..."
Halos malaglag ang panga ko sa sinabi niya. Nahigit ko ang hininga ko at hindi ko na alam ang gagawin ko kung hihinga pa ba ako o hindi na. Halos lumabas ang puso ko mula sa ribcage!
Paulit-ulit na bumuntong-hininga si Hunter, hindi siya makatingin sa akin. Napameywang siya sa harap ko, kagat ang pang-ibabang labi at namumula pa ang tenga.
"H-Hoy, echosero ka! Huwag ka ngang—"
"Gusto ko nga kita. Mukha ba akong nagbibiro?! Ikaw ang gusto ko at hindi si Farrah. Ngayong alam mo na, sana maintindihan mo kung bakit ayokong sundin ka sa gusto mo. Kapal ng mukha mong ipagtulakan ako sa kaniya eh ikaw nga gusto ko."
"H-Ha?"
"Hay! Dios ko!" Napakamot siya sa ulo, halatang frustrated na. "Gusto mo bang ulit-ulitin ko? Awkward na nga pinapa-awkward mo pa."
"S-Sorry naman! Ikaw kasi eh, nag-aaway tayo kanina sabay sasabihin mo na gusto mo 'ko? Samantalang noon, palagi mong sinasabi na hindi mo 'ko type. Ikaw din naman pala ang kakain sa mga sinabi mo. Echoserong 'to!"
Bumuntong-hininga siya. Wala sa mukha niya na tensyonado siya pero iba ang sinasabi ng tenga niya. Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang matawa dahil halatang nahihiya siya pero hindi niya lang pinapakita.
Humakbang siya ulit palapit sa akin hanggang sa tumama na ang likod ko sa sink. Lumaki ang mga mata ko nang ilapit niya ang mukha niya sa akin.
"A-Anong ginagawa mo?" utal na tanong ko. Biglang uminit ang paligid! My gosh! Para akong aatakihin sa puso sa bilis ng t***k nito!
"Bakit namumula pisngi mo? Hindi naman ganyan 'yan kanina noong hindi pa ako umaamin. Kinikilig ka?" mapang-asar na tanong niya.
Tinagilid ko ang ulo ko at tumingin sa gilid para iwasan ang tingin niya. Tumatama na ang mabango niyang hininga sa mukha ko.
Dios ko po, layuan mo ako, Hunter...baka halikan kita riyan.
Paulit-ulit akong lumunok bago sumagot. "S-Sinong namumula? B-Baka ikaw."
"Gusto mo rin ba ako?" Imbes na patulan ang sinabi ko ay iyon ang lumabas mula sa bibig niya. "Kasi kung oo...handa kong isakripisyo ang lahat para sa 'yo. Gusto mo ba 'ko? Kasi ako...parang mahal na kita."
Tumingin ako sa kaniya nang sabihin niya 'yon, nanlalaki ang mga mata. Nagtama ang mga ilong namin pero hindi siya lumayo. Isa-isa kong tiningnan ang bawat parte ng mukha niya at gano'n din siya sa akin. Shocks! Hindi na ako makapag-isip nang matino ngayon!
Tahimik ang paligid pero rinig na rinig ko ang malakas na pagkabog ng dibdib ko. Mas bumilis pa yata 'yon nang dahan-dahan niyang inilapit ang kaniyang mukha sa akin. Napakapit ako nang mahigpit sa gilid ng sink.