[Hunter James Acosta]
Ang daling sabihin, mahirap gawin.
Sana gano'n kadaling lokohin ang sarili ko. Sana gano'n kadaling gustuhin ang isang tao. Pero hindi, eh. Hindi ko kontrolado ang emosyon ko.
Hinawakan ko ang likod ng bewang ni Orion nang muntik na siyang matumba. Pamilyar sa akin ang nangyari sa kaniya. Nangyari na ito noong makita niya ang future ko.
Hinabol niya ang sariling hininga at napatingin sa akin. Bakas sa mga mata niya ang tuwa.
"H-Hunter...nagbago na ang kapalaran mo. Hindi ka na mamamatay."
Kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin?"
"Maaaring hindi mo pa gusto ngayon si Farrah pero darating ang araw na magugustuhan mo siya at magpapakasal kayo. Siya talaga ang magliligtas sa 'yo, Hunter!"
Pakiramdam ko ay may pumitik na ugat sa noo ko. Binitawan ko ang bewang niya at kumuyom ang mga kamao ko.
"Magsisinungaling ka talaga sa akin para lang ligawan ko si Farrah?! Hibang ka na!"
"Hindi! Maniwala ka sa 'kin! Nakita ko ang future mo, kayo ni Farrah! Ikakasal kayo! Ngayong alam ko na ang solusyon sa sumpa, nagbago ang takbo ng kapalaran mo. Kailangan n'yong mapalapit ni Farrah sa isa't isa bago ka pa mag-birthday!"
"Tangina, tumigil ka na nga!" asik ko. "Wala akong pakialam sa future na 'yan! Ako ang gagawa sa future ko at alam ko sa sarili ko na hindi ko magugustuhan ang babaeng 'yan!"
"Bakit ba hindi mo siya magustuhan? Hindi ba sabi mo ay ayaw mo ng babaeng maingay katulad ko? Si Farrah! Hindi siya maingay! Mahinhin siya tapos responsable pa!"
Doon ako parang sinapok ng katotohanan. Bakit nga ba hindi ko kayang magustuhan si Farrah? Hindi siya katulad ni Orion at mga katulad niya ang tipo ko. Mukha naman siyang mabait pero...bakit parang ayaw?
"Gusto kitang tulungan, Hunter! Pero bago 'yon, tulungan mo muna ang sarili mo! Magtulungan tayo dahil gusto kong mabuhay ka! Sana naman maintindihan mo 'yon!"
"Paano kita maiintindihan kung pinagtutulakan mo ako sa babaeng hindi ko naman gusto?!" buong lakas na sigaw ko sa kaniya. "Tumigil ka na at huwag mo na akong kulitin!"
"Pero mamamatay ka!"
"Wala akong pakialam! Mamatay na kung mamatay!"
Kitang-kita ko ang pagbakas ng galit sa mukha niya. "Naririnig mo ba 'yang sinasabi mo?! Akala ko ba ay naiintindihan mo ang mga sinabi ko kanina?!"
"Ayoko nang intindihin! Ayoko na!" Tumayo na ako at naglakad palabas ng pinto. Tinawag niya pa ako pero hindi ko na siya nilingon pa.
Nang tuluyan akong makalabas ay pinagdiskitahan ko ang isang puno ng mangga sa tabi. Pinagsisipa at pinagsusuntok ko iyon, walang pakialam kahit magdugo na ang kamao ko.
Bakit kailangang ang lahi ko pa ang nagkaroon ng sumpa?! Bakit ako pa?! Bakit pinapangunahan ng hinaharap ang mga desisyon ng buhay ko sa kasalukuyan? Tangina, bakit ako pa?!
Nakauwi naman ako nang maayos matapos ang gabing 'yon. Naabutan ko si Ate Tess na natutulog sa tabi ni Mama sa loob ng kwarto. Hindi niya na ako nahintay at dito na lang nagpalipas ng gabi.
Umupo ako sa tabi ng kama at tinitigan si Mama. Mahimbig ang tulog niya habang yakap-yakap ang isang unan. Kapag ganitong tulog siya ay nakikita ko ang dati kong nanay—'yong nanay kong hindi isip-bata, 'yong nanay kong inaalagaan ako. Pero ngayon...baliktad na.
"B-Bakit pakiramdam ko...hindi na kita kayang iwan? Kapag namatay ako... anong magiging reaksyon mo? Iiyak ka ba? Maaalala mo na ba na anak mo ako at hindi asawa?" bulong ko.
Nakalimutan ko na kung paano alagaan ng isang nanay. Nakalimutan ko na kung anong pakiramdam na mahalin ng isang katulad niya. Nagkaroon na ako ng trabaho, kumikita na ng sariling pera—pero hinahanap ko pa rin ang dati kong nanay. Umaasa pa rin akong...babalik siya sa dati...na gagaling siya.
"A-Ayoko nang iwan ka..." Hindi ko inasahan ang pagtulo ng mga luha ko. Kumislot siya at dahan-dahang dumilat ang mga mata. Nang magtama ang paningin namin ay ngumiti kaagad siya.
Nahawa ako sa ngiti ni Mama. Ito siguro ang sinasabi ni Orion sa akin: na kailangan kong tumingin sa magagandang bagay sa paligid ko. Ang mga ngiti ni Mama, para bang sinasabi na makakaya ko lahat...na pagsubok lang 'to.
Noong gabing 'yon, nakakita ako ng isang dahilan kung bakit gusto kong ipagpatuloy ang buhay ko.
***
Akala ko ay panandalian lang ang pag-aaway namin ni Orion. Pero tangina, kinabukasan ay hindi na ako pinansin! Kung layuan ako ay para akong may sakit na nakakahawa!
"Magkaaway ulit kayo?" tanong ni Reese. Palipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa ni Orion.
Hindi siya pinansin ni Orion at pinagpatuloy lang nito ang pagbibilang ng pera. Siya kasi ang kahera ngayon.
"Ewan ko riyan. Parang bata," masungit na sabi ko at pinagpatuloy ang paghuhugas ng mga gamit.
"Para kayong timang dalawa. Kagabi lang magkasama pa kayong pumunta kay Tita Cha. Ano, Hunter? Hindi mo gagawin 'yong sinabi ni Tita Cha? At ikaw, Orion? Akala ko ba tutulungan mo 'tong si Hunter?"
"Mahirap tulungan ang isang taong ayaw naman tulungan ang sarili niya," pagpaparinig ni Orion.
Natawa ako nang sarkastiko. "Mahirap din 'yong pilitin kang gawin ang isang bagay na ayaw mo," pagpaparinig ko rin.
"Para sa 'yo 'yon, besugo ka!"
Tumingin ako sa kaniya kaya nakita kong nakaharap na siya sa 'kin. Napaismid ako nang binigyan niya ako ng matatalim na tingin.
"Eh sa ayaw ko, may magagawa ka?"
"Eh di huwag! Mamatay ka na lang nang dilat ang mga mata!" asik niya at tumalikod ulit.
Napakurap ako sa sinabi niya. Magsasalita sana ako pero sinenyasan ako ni Reese na manahimik na lang. Baka kasi makita kami ng manager.
Marahas akong napabuntong-hininga. Hindi dapat kami nag-aaway habang nagtatrabaho. Baka masisante kami nang wala sa oras. Kaya naman kahit pikon na pikon ako sa mga pagpaparirinig niya ay hindi na lang ako pumatol.
Naging gano'n ang routine namin sa paglipas ng mga araw at linggo. Nakuha niya na ang sahod niya noong nakaraang araw kaya alam kong nakabili na siya ng mga gamit niya kolorete sa mukha.
Panay ang pagpaparinig niya tuwing kami lang ang magkasama sa iisang lugar. At dahil wala si Reese para umawat ay may mga pagkakataon na napipikon ako at nasasagot ko siya.
"Para ka talagang bata. Pati trabaho dinadamay mo. Hoy, hindi ka na teenager," pikon na sabi ko sa kaniya. Dahil kasi sa pagdadabog niya kanina ay muntik niya nang masira ang blade ng blender.
"May sinabi ba akong bata pa ako?!" asik niya.
"Hindi ba pagiging bata 'yang ginagawa mo? Hindi na ako natutuwa sa 'yo."
"Mas lalo na ako! Dapat talaga hindi na lang kita tinulungan!"
"Nando'n ka pa rin?! Tangina, manahimik ka na lang! Baka makalimutan kong babae ka!"
"May babae bang ganito?" Pinalipad niya ang kamao niya sa may dibdib ko kaya muntik na akong matumba at napaubo sa ginawa niya.
Lakas ng suntok niya! Nahulog yata ang puso ko!
"Ano?!" hamon niya. "Wala ka pala, eh."
Hindi na ako nakasagot dahil binitbit niya na ang bag niya at padabog na lumabas ng food kiosk namin.