[Orion Hale De Castro]
Nakatulog na si Farrah nang bumalik si Hunter. Ang sabi niya ay naisuko niya na sa mga pulis ang ex-boyfriend ni Farrah.
"Kamusta siya?" tanong niya habang nakatingin kay Farrah.
"Takot na takot siya pero napakalma ko. Ginamot ko na rin ang mga sugat niya. Ayaw niya kasing magpa-ospital dahil kaya niya naman daw."
"Buti naman."
"Makakauwi ka na. Salamat," nakangiting sambit ko.
"Ikaw? Ayos ka na ba rito?"
Hindi ako nakasagot nang maalala ang naisip ko kanina. Ang sabi nga ni Tita Cha ay hindi dapat mag-aksaya ng panahon para gawin ang mga dapat gawin para mailigtas si Hunter.
"Huwag ka muna palang umuwi. Usap muna tayo."
Kumunot ang noo niya habang nakatitig sa mga mata ko, para bang binabasa niya kung anong laman ng isip ko.
"Sige."
Lumabas kami ng kwarto at sa sala kami umupo. Ang tahimik ng paligid, naninibago ako. Madalas kasi ay mag-away kaming dalawa at parang ngayon lang kami hindi nagtalo. Nakakapanibago.
"H-Hunter..."
"Oh..." sagot niya sabay hikab. "Ano ba 'yong sasabihin mo at nang makauwi na 'ko?"
Ngumuso ako. Paano ko ba sasabihin sa kaniya na kailangan niyang ligawan si Farrah? Na sinadya siguro ng Dios na mangyari kay Farrah 'yon para ipahiwatig sa akin na siya ang makakaligtas kay Farrah.
"Hoy, ano ba..." Kinalabit niya ako. "Kung hindi ka magsasalita, aalis na lang ako."
Hinawakan ko ang kamay niya na ikinabigla niya. "Hunter...alam ko na kung sinong makakapagligtas sa 'yo sa sumpa."
Mula sa pagkakatingin niya sa mga kamay namin ay bumalik ang mga mata niya sa mukha ko.
"Sino?"
Napalunok ako bago nagsalita. "Si Farrah."
Napakurap siya at hindi kaagad nakasagot. Bakas ang pagkalito sa masungit niyang mga mata.
"Iyong kaibigan mo?" ulit niya.
"Oo. Religious siyang tao, Hunter. Maililigtas ka niya kapag naging kayo. Ligawan mo siya at—" Natigil ako sa pagsasalita nang alisin niya ang kamay niya mula sa pagkakahawak ko.
"Baliw ka ba? Bakit ko liligawan ang babaeng hindi ko naman gusto?"
Dinilaan ko ang pang-ibaba kong labi. "Makinig ka. Ito ang sinabi ni Tita Cha. Magiging ligtas ka kapag dumikit ka kay Farrah. Maniwala ka sa 'kin."
"Huwag mo 'kong didiktahan, naiintindihan mo? Una sa lahat, malinaw na sa 'yo na wala akong pakialam kahit mamatay ako."
"Hindi totoo 'yan," giit ko.
"Mas marunong ka pa?"
Umiling ako nang matigas. "Hindi totoo 'yan dahil alam kong mahal na mahal mo ang nanay mo. Kahit hindi mo sabihin, nakikita ko sa mga mata mo na mahal mo siya. Oo, galit ka sa mundo kasi nagkaroon ng sakit ang nanay mo pero alam kong ayaw mong iwan ang nanay mo."
"Hindi naman 'yon, eh!" Tumaas ang boses niya. "Pakiramdam ko, walang patutunguhan ang buhay ko. Araw-araw, paulit-ulit na lang ang nangyayari. Trabaho, kakain, uuwi na bahay at matutulog. Hindi ako umuusad. Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral kaya hindi ko magawa ang mga bagay na gusto ko. Nagtityaga ako sa trabahong hindi ko gusto! Tingin mo, hindi nakakasawang maging ako? Hindi ko nga alam kung bakit hindi pa ako namamatay, eh. Total, wala namang kwenta ang buhay ko!"
"Huwag mong sabihin 'yan! Alam mo bang masakit marinig ang mga salitang 'yan para sa isang katulad ko?! Araw-araw, pinipili kong mabuhay kahit hindi ako sanay harapin nang mag-isa ang mundo. Pero heto ako ngayon, pinipiling lumaban."
"Pakiramdam mo ay ulit-ulit na lang ang nangyayari sa buhay mo? Iyon ay dahil puro mga kamalian sa buhay ang nasa isip mo. Choice mong tumingin sa magagandang bagay sa paligid mo, Hunter. Huwag kang puro reklamo dahil 'yong iba nga riyan ay walang trabaho, walang matirahan, walang makain, walang kapera-pera; pero mas pinipili pa rin nilang mabuhay. Hindi palaging masaya ang buhay, Hunter. At choice mo kung pipiliin mong i-appreciate ang maliliit na bagay sa paligid mo."
Hindi siya nakasagot at nanatiling nakatuon sa akin ang mga mata niya. Bumuga siya ng hangin at umiwas ng tingin.
"Mahalin mo ang mga tao sa paligid mo, pahalagahan mo sila. Kasi alam mo...hindi ka sasaya kapag hindi ka nagmahal."
Kinagat niya ang sariling labi at tumango nang ilang ulit.
"Nakukuha ko naman ang punto mo, eh. Pero hindi ko kayang sundin ang gusto mo. Kahit gustuhin ko mang mabuhay ay hindi ko lolokohin ang sarili ko na ligawan ang isang babaeng...hindi ko naman pinapangarap na maging akin."
"Bakit hindi mo subukan? Hunter, kailangan nating mag-take ng risk. Hindi nating alam kung kailan magpapakita sa 'yo ang unang demonyo na sinasabi ni Tita Cha."
Pero ikinadurog ng puso ko ang pag-iling niya. "Alam ko naman kung bakit mo ako pinipilit, eh. Gusto mo akong mabuhay para maalis ang konsensya mo sa pagkamatay ng nanay mo. Pero utang na loob naman, huwag mo akong pilitin sa ayaw ko."
Dinilaan ko ang sarili kong labi at napatitig sa sahig.
Ano 'to? Sahig ba talaga 'to? Kintab.
Ayokong isipin na dahil nagkakagusto na ako sa kaniya kaya mas determinado na akong iligtas siya sa kamatayan. No, hindi pwede, Orion. Bawal. Bawal pa sa bawal.
"Kung pipilitin mo lang akong ligawan 'yang kaibigan mo, huwag na lang tayong mag-usap." Tumayo na siya pero kaagad kong pinigilan ang braso niya.
"P-Please naman, oh! Hindi rin madali para sa akin na pilitin ka pero ito talaga ang solusyon, eh!"
Gumalaw ang panga niya at madilim ang mukha na tumingin sa kamay kong nasa braso niya at tumingin ulit sa akin.
"Bitaw." Marahas niyang inalis iyon mula sa pagkakahawak ko. "Pumayag ako na tulungan mo akong iligtas ang sarili ko sa kamatayan...pero hindi kasama roon ang pakialaman mo kung sino ang gusto kong ligawan. Naiintindihan mo?"
"P-Pero, Hunter..." Sinubukan ko ulit hawakan ang braso niya at napasinghap ako nang biglang dumilim ang paningin ko at nawalan ako ng pandinig.
Unti-unting nagpakita sa akin ang isang senaryo kung saan may nakasuot ng pangkasal si Hunter habang hinihintay sa b****a ng altar ang isang magandang bride—at ang babaeng 'yon ay si Farrah.
Ngayong nahanap ko ang solusyon sa sumpa ni Hunter ay tuluyang nagbago ang kaniyang kapalaran. Mabubuhay siya nang masaya...sa piling ng iba.