[Hunter James Acosta]
Nagtagis ang mga bagang ko at minadali kong isara ang kiosk ng Take a Sip para habulin si Orion.
Hindi pwede sa 'kin 'yon! Hindi pwedeng basta-basta niya na lang ako susuntukin kung kailan niya gusto!
Nang makalabas ako ng exit ng Trivia ay hinanap kaagad siya ng mga mata ko. Nakita ko siya sa may gutter, nakaupo at halatang umiiyak dahil nakatakip ang mga kamay sa mukha.
Kaagad akong lumapit at sinipa nang mahina ang likod niya.
"Hoy, tumayo ka nga riyan. Mag-usap tayo. Hindi pwede sa 'kin 'yang ginagawa mo, ah."
"Umalis ka na nga! Bwesit ako sa 'yo!" inis na sagot niya, hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak. "Ang dali para sa 'yo na sabihing isip-bata ako! Ginagawa ko na nga ang lahat para maging independent ako pero tatawagin mo lang akong gano'n?! Nagkamali lang naman ako kanina at hindi ako nagdadabog tapos sasabihan mo ako ng isip-bata?! Ogag ka pala, eh!"
Napakurap ako sa sinabi niya. Hindi ko alam na gano'n siya ka-sensitive. At hindi ko rin maintindihan ang sarili ko dahil ngayong nakikita ko na naman siyang umiiyak ay parang gusto ko na naman siyang patahanin.
"T-Tumayo ka na riyan, pwede ba? Para kang pulubi riyan."
"Pabayaan mo na ako!" angil niya, hindi pa rin inaalis ang mga kamay sa mukha. "Umalis ka na!"
Ginulo ko ang buhok ko dahil sa inis. "Bahala ka na nga!" Nilayasan ko na siya at dire-diretsong naglakad paalis.
Bahala siya sa buhay niya! Mag-inarte siya roon!
Pero napatigil din ako sa paglalakad nang maalalang marami nga palang loko sa tabi-tabi. Ang daming gustong manligaw sa babaeng 'yon, baka sumama na lang 'yon kung kani-kanino.
"Hayst!" Ginulo ko ang buhok ko dahil sa matinding inis sa sarili. "Bakit ba hindi ko matiis ang babaeng 'yon?!"
Namalayan ko na lang na naglalakad na ako pabalik sa pwesto ni Orion kanina pero napatigil din ako nang makita siyang...kasama si Calvin.
Nakaupo sa tabi niya si Calvin at hinahagod ang likod niya. May sinasabi siya kay Orion na hanggang ngayon ay umiiyak pa rin. Nagkuyom ang mga kamao ko at lalapitan sana sila pero tumigil ulit ako.
Bakit ko sila lalapitan? Ano bang pakialam ko sa kanilang dalawa?
Humakbang ako paatras at dahan-dahang pumihit patalikod. Napatulala ako nang limang segundo bago marahas na bumuntong-hininga.
Umiling ako at naglakad na ulit paalis. Wala akong pakialam sa kaniya. Bahala siya.
Nagpatuloy ang pag-iiwasan naming dalawa ni Orion. Isang buwan na lang ay paparating na ang kaarawan ko pero wala pa rin akong ginagawa para maiwasan ang kamatayan ko.
Aaminin kong nakakaramdam ako ng takot dahil kaunting panahon na lang ang natitira bago ako mamatay. Pero anong gagawin ko? Liligawan ko si Farrah? Si Farrah na hindi ko naman kilala?
Ang isipin na 'yon ay nadagdagan pa nang makaramdam ako ng inis tuwing tumatambay sa food kiosk namin si Calvin. Palagi niyang kinakausap si Orion kaya naiirita ako, puta!
Buti na lang at nagkaroon ako ng day-off. May isang araw na hindi ko makikita at makakasama si Orion. Pero hindi ko alam kung may problema na ba ako sa mata dahil nang magpunta ako ng palengke para bumili ng stock naming pagkain ay may kakaibang nangyari sa akin.
"Ate, magkano kilo ng talong?" tanong ko sa tindera ng mga gulay.
"60 isang kilo," sagot niya.
"Mahal. Singkwenta na lang."
"Oh, sige! Pogi ka naman!"
Natawa ako sa sinabi niya at kumuha na ng pera sa wallet ko. Inabot niya sa akin ang isang supot ng mga talong. Nang iaabot ko na sa kaniya ang bayad ay napatingin ako sa mukha niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang mukha ni Orion.
"Nyay!" Naibato ko sa mukha niya ang singkwenta dahil sa gulat.
"Ano ka ba! Bakit ka nambabato?! May galit ka ba?!" inis na tanong niya. Kumurap ako at nakita kong hindi na niya kamukha si Orion.
"S-Sorry po." Kakamot-kamot na umalis ako roon. "Tanga mo, Hunter! Ano bang nangyayari sa 'yo?!"
Nabangga ko ang isang matandang babae na may hawak na bayong. Nabitawan niya iyon at nawalan siya ng balanse pero naagapan ko kaagad siya sa braso.
"Pasensya na, lola!" Pinulot ko ang bayong niya at inabot ko sa kaniya. "Pasensya na po. Nasaktan po kayo?" Nang tingnan ko ang mukha niya ay nanlaki ulit ang mga mata ko. "T-T*ngina!" Napaatras ako palayo.
"Aba'y bastos kang bata ka, ah! Ikaw na nga ang nakabunggo sa akin tapos mumurahin mo 'ko?! T*ngina mo rin!"
Hindi ko na siya sinagot at kumaripas na ako ng takbo.
Bakit ko ba nakikita ang mukha ng babaeng 'yon?! T*ngina, hindi na maganda 'to!
Tumigil ako sa pagtakbo nang mapagod ako. Habang naghahabol ng hininga ay napatingin ako sa paligid.
"P*tangina! G*go!" Napamura ako nang malakas nang makita ang mukha ng mga babaeng tindera ng isda sa paligid. Puro mukha ni Orion ang nakikita ko!
Kinusot ko ang mga mata ko at nakahinga ako nang maluwag nang bumalik sa normal ang mga mukha nila.
Dahil ayoko nang makita ang pagmumukha ni Orion ay umuwi na ako sa bahay namin. Para akong lantang gulay na umupo sa sala matapos ilagay sa kusina ang mga binili ko.
"Sander! Mahal ko!" Patalon-talon na lumabas si Mama mula sa kwarto niya bitbit ang paborito niyang manika. Tumabi siya sa akin at niyakap ang leeg ko. "Bakit ang tagal mong umuwi?"
Pinunasan ko ang mga butil ng pawis sa noo ko bago sumagot. "May nangyari kasi sa 'kin."
Wala namang masama kung ikikwento ko sa kaniya ang nangyari sa akin.
"Bakit? Anong nangyari?" parang batang tanong niya.
Bumuntong-hininga ako. "Nakikita ko ang mukha niya kahit saan. Tapos hindi rin siya maalis sa isip ko. Nagsimula lang naman 'to nang hindi na kami magpansinan. Parang... hindi na ako sanay na hindi niya na akong kinukulit o kinakausap."
Napakurap siya nang ilang ulit at nagsimulang mamula ang mga mata. "May gusto ka kay Orion? Niloloko mo 'ko?"
"Ma, hindi ako si Papa. Anak n'yo 'ko, okay?" pagbuntong-hininga na sagot ko.
"Pero may gusto ka nga kay Orion? 'Yong katrabaho mong maganda?"
Kinamot ko ang batok ko. "Gusto kaagad? Isang buwan pa lang kaming magkakilala."
"Hindi imposible 'yon, 'no!" angal niya. "Kung unti-unti mong nakilala ang isang tao at nagustuhan mo ang pagkatao niya, hindi imposible 'yon!"
Napatulala ako sa sinabi niya. Gusto ko si Orion? Posible ba 'yon? Ilang ulit kong sinabi na hindi ko magugustuhan ang katulad niya. Pero mukhang nagbago 'yon nang unti-unti ko siyang makilala.
"Ang pag-ibig, hindi naghihintay ng matagal na panahon para tamaan ka!" tunog-batang sabi niya. Napaka-inosente ng pagkakasabi niya.
"G-Gano'n ba 'yon? Pag-ibig kaagad? Hindi ko pa nga naaamin na gusto ko siya, eh."
Umiling siya at nilaro ang buhok ng hawak niyang manika. "Hindi mo dapat ikaila kung anong totoo mong nararamdaman. Baka mahuli ang lahat at maamin mo ang nararamdaman mo kung kailan tuluyan ka nang nahulog, kung kailan hindi na lang basta pagkagusto ang nararamdaman mo."
Nagulat ako sa mga salitang binitawan niya. Kung makapagsalita siya ay parang wala siyang sakit sa isip. Tunog-bata nga lang.
Natawa ako nang inosente siyang tumingin sa akin. Ginulo ko kasi ang buhok niya.
"Pero huwag kang magkakagusto kay Orion, ha? Sa 'kin ka lang dapat, okay?" nakangiting sabi niya pero isang matipid na ngiti lang ang sinagot ko.
Huli na, Ma...dahil tama ka. May gusto na yata ako kay Orion.