[Orion Hale De Castro] Pangatlong araw na ng burol ni Tita Mirriam at hanggang ngayon ay hindi pa rin makausap nang maayos si Hunter. Hindi na namin nagawang pumasok sa trabaho kaya hindi na rin ako nagkaroon ng pagkakataon na kausapin si Reese tungkol kay Tita Cha. Hanggang ngayon ay puno pa rin ng mga katanungan ang isip ko kung bakit niya nagawang magsinungaling sa amin tungkol sa sumpa. Gusto kong alamin ang totoo pero hindi ko pa magawa dahil mas gusto kong unahin muna si Hunter. Tinanaw ko si Hunter habang nakatayo siya sa harap ng kabaong ni Tita Mirriam, nasa tabi niya si Farrah na halos dito na matulog para lang damayan si Hunter. "Orion..." Napalingon ako sa gilid ko nang tumabi sa akin si Calvin. Kahit hindi sila close ni Hunter ay pumunta pa rin siya rito para makiramay.

